“Disyembre 4–10. Apocalipsis 1–5: ‘Sa Kordero ay … Kaluwalhatian, at Kapangyarihan, Magpakailanpaman,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2021)
“Disyembre 4–10. Apocalipsis 1–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Disyembre 4–10
Apocalipsis 1–5
“Sa Kordero ay … Kaluwalhatian, at Kapangyarihan, Magpakailanpaman”
Maaaring mahirapan ang mga bata na unawain ang simbolismo sa Apocalipsis ngunit naglalaman din ito ng mahalagang doktrina na maganda at simple.
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang maaari nilang madama kung nakita nila si Jesucristo sa isang pangitain. Hilingin sa kanila na ibahagi ang anumang nalalaman nila tungkol sa pangitain ni Juan tungkol kay Jesus sa aklat ng Apocalipsis.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Maaari kong paningningin ang liwanag ng Tagapagligtas.
Sa Apocalipsis 1:20, inihambing ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan sa mga kandelero o ilawan. Tulungan ang mga bata na maunawaan na maaari nilang paningningin ang liwanag ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pamumuhay ng Kanyang mga turo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita sa mga bata ng mga larawan ng iba’t ibang pinagmumulan ng liwanag, tulad ng bombilya, kandila, at araw. Habang binabasa mo ang “ang pitong ilawan [kandelero] ay ang pitong iglesya” (Apocalipsis 1:20), hilingin sa mga bata na ituro ang larawan ng liwanag na binanggit sa talatang ito. Tulungan ang mga bata na talakayin kung paano tayo maaaring maging katulad ng liwanag ng isang kandila bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesus—halimbawa, kapag gumagawa tayo ng mabubuting bagay para sa iba.
-
Kantahin ang isang awitin tungkol sa pagiging liwanag sa iba, tulad ng “Isang Sinag ng Araw” (Aklat ng mga Awit Pambata, 38–39). Magbahagi ng mga paraan na nakita mong ipinamumuhay ng mga bata ang ebanghelyo ni Jesucristo at nagiging ilaw sila sa mga nakapaligid sa kanila. Ibahagi kung paano nakatulong sa iyo ang pagiging liwanag sa iba para mas mapalapit ka sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Maaari kong anyayahan si Jesucristo sa aking buhay.
Ang metapora tungkol kay Jesus na nakatayo sa may pintuan at kumakatok ay makakatulong sa mga bata na maunawaan na nais Niyang mapalapit sa kanila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Habang binabasa mo ang Apocalipsis 3:20, ipakita ang larawan ng Tagapagligtas na nasa may pintuan mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Hilingin sa mga bata na magkunwaring kumakatok si Jesus sa pinto ng kanilang tahanan. Sabihin na ibahagi nila kung ano ang gagawin nila.
-
Hilingin sa mga bata na magkuwento sa iyo ng mga pagkakataon na naghintay silang bumisita sa bahay nila ang isang tao na kinasasabikan nilang makita. Ano ang pakiramdam ng maghintay na kumatok sa pinto ang taong iyon? Paano kung hindi natin kailanman pinapasok ang taong iyon? Basahin ang Apocalipsis 3:20, at isa-isang pahawakin ng larawan ni Jesus ang mga bata at magkunwari silang kumakatok sa pinto. Maaaring magkunwari ang iba pang mga miyembro ng klase na binubuksan ang pinto. Ano ang magagawa natin para hayaang makalapit sa atin si Jesus, kahit hindi natin Siya nakikita?
Si Jesucristo lamang ang nag-iisang karapat-dapat na maging aking Tagapagligtas.
Nalaman ni Juan sa kanyang pangitain na si Jesucristo lamang (na kinakatawan ng kordero) ang maaaring maging Tagapagligtas natin at tumupad sa plano ng Ama (na kinakatawan ng nakasarang aklat).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Bago magklase, magbalot ng kopya ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo gamit ang papel o tali. Gamit ang ilang mahahalagang parirala mula sa Apocalipsis 5:1–10, ilarawan ang pangitaing nakita ni Juan. Ipakita sa mga bata ang aklat, at sabihin sa kanila na ang tanging paraan para mabuksan ang aklat ay hanapin ang larawan ni Jesus na itinago mo sa silid. Kapag nakita nila ang larawan, buksan ang aklat at ibahagi sa mga bata ang ilan sa mga larawan sa aklat na kumakatawan sa mga pagpapalang maaaring matamo dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tulad ng templo, binyag, at pamilya). Magpatotoo na ang Tagapagligtas lamang ang nag-iisang may kakayahang gawing posible ang mga bagay na iyon.
-
Ibuod ang pangitaing inilarawan sa Apocalipsis 5:1–10, at anyayahan ang mga bata na isadula kung ano ang nadama ni Juan at ng iba pa sa iba’t ibang bahagi ng pangitain. Halimbawa, maaari silang magkunwaring umiiyak kapag walang makapagbukas ng aklat, o maaari silang magbunyi kapag binuksan ito ng Tagapagligtas.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Kung tapat ako sa ebanghelyo ng Tagapagligtas, tatanggap ako ng malalaking pagpapala sa langit.
Ano ang ibig sabihin sa inyo ng maging “[maligamgam, at] hindi malamig o mainit man”? Mag-isip ng mga paraan para matulungan ang mga bata na maging kabaligtaran ng maligamgam—na maging masigasig sa kanilang katapatan sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang Apocalipsis 3:5, 12, 21, at ipaliwanag ang anumang salita na maaaring hindi alam ng mga bata. Ano ang ibig sabihin ng “magtagumpay”? Hilingin sa mga bata na idrowing ang isa sa mga pagpapalang ipinangako sa mga talatang ito at ibahagi ito sa klase.
-
Sama-samang basahin ang Apocalipsis 3:15–16. Hilingin sa mga bata na magsalita tungkol sa mga bagay na lubos na kapaki-pakinabang o kasiya-siya kapag sila ay mainit (tulad ng sopas) o malamig (tulad ng ice cream). Paano nakahahadlang sa pagtatamo natin ng mga pagpapalang ipinangako sa mga talata 5, 12, at 21 ang pagiging maligamgam sa Tagapagligtas?
-
Sa pisara, isulat ang maligamgam, pati na ang ilang kasing-kahulugan nito, tulad ng hindi taos-puso, walang pakialam, o kaswal. Gamitin ang mga salitang ito para matulungan ang mga bata na maunawaan kung bakit ayaw ng Panginoon na maging maligamgam tayo. Anong mga salita ang maiisip natin na naglalarawan ng nais Niyang kahinatnan natin? Ibahagi kung bakit gusto mong maging lubos na tapat sa Tagapagligtas, at anyayahan ang mga bata na ibahagi rin ang kanilang mga iniisip.
Maaari kong piliing gawing bahagi ng aking buhay si Jesucristo.
Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na buksan ang kanilang puso at buhay sa kapangyarihan at impluwensya ni Jesucristo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Habang binabasa mo ang Apocalipsis 3:20, ipakita ang larawan ng Tagapagligtas na nasa may pintuan mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Para maipakita sa mga bata ang kahulugan ng larawan, anyayahan silang magpares-pares sa pagsagot ng mga tanong na katulad nito: Sa palagay ninyo, bakit kumakatok si Jesus sa pinto? Bakit walang doorknob sa labas ang pinto? Ano ang ibig sabihin ng papasukin si Jesus sa ating buhay?
-
Hilingin sa mga bata na isulat sa pisara ang iba’t ibang paraan para “[pagbuksan ng] pinto” si Jesus. Maaaring kabilang sa ilang halimbawa ang paglilingkod sa iba, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagtupad sa mga tipang ginagawa natin sa binyag, at pagtanggap ng sakramento.
Si Jesucristo lamang ang nag-iisang karapat-dapat na maging aking Tagapagligtas.
Itinuro ng pangitaing inilarawan sa Apocalipsis 5 na si Jesucristo lamang ang karapat-dapat at may kakayahang magsagawa ng Pagbabayad-sala at magligtas sa atin mula sa kasalanan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na magkuwento ng isang pagkakataon na kinailangan nila ang isang tao na gumawa ng isang bagay na hindi nila magagawa para sa kanilang sarili. Ipabasa sa kanila ang Apocalipsis 5:1–10 at ipahanap ang kailangang gawin na iisang tao lamang ang maaaring gumawa (ipaliwanag na ang Kordero ay si Jesucristo at ang aklat ay kumakatawan sa plano ng Diyos). Ano ang ginawa ni Jesus para sa atin na hindi magagawa ng kahit sino pa man?
-
Hilingin sa mga bata na maghanap ng isang himno o awiting pambata na nagpapatotoo kay Jesucristo. Ano ang itinuturo ng mga titik ng awitin tungkol kay Jesucristo? Paano natutulad ang awiting ito sa himno ng papuri na inaawit tungkol kay Jesucristo sa Apocalipsis 5:9–10?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang mga paraan na maaanyayahan nila ang impluwensya ng Tagapagligtas sa kanilang tahanan.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo
Maghikayat ng pagpipitagan. Ang isang mahalagang aspekto ng pagpipitagan ay ang isipin ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Maaari mong ipaalala sa mga bata na maging mapitagan sa pamamagitan ng pagkanta nang mahina o paghimig ng isang awitin o pagdispley ng larawan ni Jesus.