“Disyembre 25–31. Apocalipsis 15–22: ‘Ang Magtatagumpay ay Magmamana ng mga Bagay na Ito,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2021)
“Disyembre 25–31. Apocalipsis 15–22,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Disyembre 25–31
Apocalipsis 15–22
“Ang Magtatagumpay ay Magmamana ng mga Bagay na Ito”
Habang naghahanda kang magturo, gamitin ang iyong karanasan sa personal na pag-aaral o pag-aaral ng inyong pamilya ng Apocalipsis 15–22. Ano ang nakaagaw ng iyong pansin? Anong mga impresyon ang natanggap mo? Tandaan na ang mga aktibidad na iminumungkahi sa outline na ito ay maiaangkop sa mga bata sa anumang edad.
Mag-anyayang Magbahagi
Hilingin sa mga bata na ibahagi kung bakit nila gustong makapiling na muli ang Ama sa Langit. Sa buong lesson, tulungan silang hanapin ang mga bagay na magagawa nila para makapaghandang bumalik sa Kanya.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Maaari kong purihin ang Diyos sa pamamagitan ng pagkanta.
Ang mga Banal na inilarawan ni Juan sa Apocalipsis 15:2–4 ay umawit ng mga papuri sa Diyos para sa Kanyang kabutihan. Anong mga awit ng papuri ang makatutulong sa mga bata para ipahayag ang kanilang pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Habang binabasa mo nang malakas ang mga bahagi ng Apocalipsis 15:2–4, hilingin sa mga bata na gumawa ng mga aksiyon o galaw na tulad ng pagkukunwaring tumutugtog ng alpa (harp) o namumuno sa isang koro. Ano ang nararamdaman natin kapag umaawit tayo tungkol kay Jesus?
-
Hilingin sa mga bata na ibahagi ang ilan sa kanilang mga paboritong awitin tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Sama-samang kantahin ang ilan sa mga awitin, at tulungan ang mga bata na maunawaan kung ano ang itinuturo sa atin ng mga awitin tungkol sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas.
Maaari akong maghanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpili ng tama.
Paano mo maipapaunawa sa mga bata na ang Ikalawang Pagparito ay magiging masayang kaganapan para sa atin kung sinusunod natin ang mga utos ni Jesus?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Itanong sa mga bata kung nakadalo na sila sa isang kasal. Ano ang nangyari doon? Bakit masaya ang mga tao sa isang kasalan? Idispley ang larawan ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at basahin ang Apocalipsis 19:7. Ipaliwanag na ang “kasal ng Kordero” ay kumakatawan sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Bakit tayo magagalak kapag muling pumarito ang Tagapagligtas? Tulungan ang mga bata na ikumpara ang kagalakan sa isang kasalan sa kagalakan dahil sa pagbabalik ng Tagapagligtas.
-
Ibahagi sa mga bata kung bakit mo inaasam ang Ikalawang Pagparito ni Jesus. Maaari din ninyong kantahin nang sama-sama ang isang awitin tungkol sa Ikalawang Pagparito, tulad ng “Sa Kanyang Pagbabalik” (Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47).
-
Hilingin sa mga bata na ibahagi kung ano ang ginagawa nila para maghanda sa pagsisimba sa araw ng Linggo. Bakit natin ginagawa ang mga bagay na ito bago tayo pumunta sa Simbahan? Bakit tayo dapat maghanda para sa Ikalawang Pagparito ni Cristo? Sa pahina ng aktibidad ngayong linggo, ipadrowing sa mga bata ang magagawa nila upang makapaghanda para sa Ikalawang Pagparito.
Apocalipsis 21:1, 3–4, 22–27; 22:1–2
Nais ng Ama sa Langit na makapiling ko Siya sa kahariang selestiyal.
Sa huling dalawang kabanata ng Apocalipsis, gumamit si Juan ng magagandang pananalita para ilarawan ang kaluwalhatiang selestiyal na matatamasa ng matatapat.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na idrowing sa pisara ang punong inilarawan sa Apocalipsis 22:2. Ipaliwanag na ang punong ito ang punungkahoy ng buhay, at ang bunga nito ay kumakatawan sa pag-ibig ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 11:21–22). Bigyan ang mga bata ng mga piraso ng papel na hugis prutas, at hilingin sa kanila na idrowing sa papel ang isang bagay na nagpapadama sa kanila ng pagmamahal ng Ama sa Langit. Ipaliwanag na ang mga nagmamahal at sumusunod sa Ama sa Langit ay makakapiling Niya sa kahariang selestiyal.
-
Magbahagi sa mga bata ng ilang imahe o detalye na ginamit ni Juan upang ilarawan ang kaluwalhatiang selestiyal (tingnan sa Apocalipsis 21:1, 3–4, 22–27; 22:1–2), at hilingin sa mga bata na idrowing ang mga ito.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin na nagtuturo kung paano tayo makapaghahanda para makabalik sa Kanyang piling, tulad ng “Susundin Ko ang Plano ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 86–87). Hilingin sa mga bata na tukuyin kung ano ang magagawa nila upang muling makapiling ang Ama sa Langit.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Maaari akong maghanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpili ng tama.
Paano mo maipapaunawa sa mga batang tinuturuan mo na ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo ay magiging masayang kaganapan para sa mabubuti?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang Apocalipsis 19:7–8, at ipaunawa sa mga bata ang simbolismo sa mga talatang ito—ang kasal ay ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, ang Kordero ay ang Tagapagligtas, at ang Kanyang asawa ay ang Simbahan (o tayong lahat). Anong mga bagay ang maaari nating gawin para mapaghandaan ang muling pagparito ng Tagapagligtas?
-
Rebyuhin at isaulo ninyo ng mga bata ang Saligan ng Pananampalataya 1:10. Ipaliwanag na ang saligang ito ng pananampalataya ay naglalarawan ng kapana-panabik at maluwalhating mga kaganapan na mangyayari sa muling pagparito ni Jesus. Idispley ang larawan ng Ikalawang Pagparito ni Jesus na nasa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at anyayahan ang mga bata na idrowing kung ano sa palagay nila ang magaganap sa Ikalawang Pagparito ni Jesus.
Hahatulan ako ng Diyos.
Lahat tayo ay tatayo balang-araw sa harapan ng Diyos upang hatulan. Matutulungan mo ang mga bata na maunawaan na ang Kanyang paghatol ay makatarungan, patas, at may awa.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat sa pisara ang Ano ang mangyayari sa Araw ng Paghuhukom? Hilingin sa mga bata na hanapin ang mga sagot sa tanong sa Apocalipsis 20:12–13 at sa “Paghuhukom, ang Huling” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Ano ang ginawa ng Tagapagligtas upang ang Araw ng Paghuhukom ay maging isang masayang araw? (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3–4). Ano ang magagawa natin para maging masayang araw ito para sa atin?
-
Magdala sa klase ng isang notebook na kumakatawan sa “aklat ng buhay” (Apocalipsis 20:12), kung saan ay isinulat mo ang ilan sa mga katangiang tulad ng kay Cristo at ang mabubuting gawa ng mga bata sa iyong klase. Basahin sa mga bata ang mga bagay na isinulat mo, at anyayahan silang magsalita tungkol sa mga katangiang katulad ng kay Cristo na nakita nila sa isa’t isa. Ibahagi ang iyong patotoo na tinutulungan tayo ni Jesucristo na maging lalong katulad Niya at naglalaan Siya ng paraan para makapagsisi tayo at madaig ang kasalanan.
Apocalipsis 21:1, 3–4, 22–27; 22:1–2, 17
Nais ng Ama sa Langit na makapiling ko Siya sa kahariang selestiyal.
Habang binabasa mo ang paglalarawan ni Juan sa kaluwalhatiang selestiyal sa Apocalipsis 21–22, ano ang nakaagaw ng iyong pansin? Ano ang nahihikayat kang ibahagi sa mga batang tinuturuan mo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na hanapin sa sumusunod na mga talata ang ilang salita o katagang ginamit ni Juan para ilarawan ang kaluwalhatiang selestiyal: Apocalipsis 21:1, 3–4, 22–27; 22:1–2. Papiliin sila ng isang detalye sa mga talatang ito na gusto nilang idrowing. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi sa klase ang tungkol sa mga drowing nila. Hikayatin silang ipakita ang kanilang mga drowing sa kanilang pamilya sa bahay.
-
Sama-samang basahin ang Apocalipsis 22:17, at ipaliwanag na ang babaeng ikakasal na nagsabi ng “Halika” ay ang Simbahan. Bilang mga miyembro ng Simbahan, sino ang gusto nating anyayahan na “pumarito”? (tingnan sa Moroni 10:30–33). Saan kaya maaaring “nauuhaw” ang mga nasa paligid natin? Ano ang ilang mabubuting paraan para maanyayahan ang mga tao na “pumarito”?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Tulungan ang mga bata na maghandang basahin ang Aklat ni Mormon sa susunod na taon sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na magpabahagi sa isang kapamilya o kaibigan ng isang paboritong talata o kuwento mula sa Aklat ni Mormon.