Bagong Tipan 2023
Mga Tagubilin para sa Oras ng Pag-awit at Pagtatanghal ng mga Bata sa Sacrament Meeting


“Mga Tagubilin para sa Oras ng Pag-awit at Pagtatanghal ng mga Bata sa Sacrament Meeting,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2023)

“Mga Tagubilin para sa Oras ng Pag-awit at Pagtatanghal ng mga Bata sa Sacrament Meeting,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

mga batang Primary na kumakanta habang gumagawa ng mga galaw ng kamay

Mga Tagubilin para sa Oras ng Pag-awit at Pagtatanghal ng mga Bata sa Sacrament Meeting

Mahal na mga Primary Presidency at Music Leader,

Ang mga awitin sa Primary ay mabisang kasangkapan upang matulungan ang mga bata na matutuhan ang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit at ang mga pangunahing katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Habang kumakanta ang mga bata tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo, patototohanan ng Espiritu Santo ang katotohanan ng mga ito. Ang mga salita at musika ay mananatili sa puso’t isipan ng mga bata sa buong buhay nila.

Hangarin ang tulong ng Espiritu habang naghahanda kayong ituro ang ebanghelyo sa pamamagitan ng musika. Magpatotoo tungkol sa mga katotohanang kinakanta ninyo. Tulungan ang mga bata na makita kung paano nauugnay ang musika sa kanilang natututuhan at nararanasan sa tahanan at sa mga klase sa Primary. Ang mga bata at ang kanilang pamilya ay pagpapalain ng inyong matatapat na pagsisikap na tulungan ang mga bata na kantahin ang mga sagradong musika.

Mahal namin kayo at ipinaaabot namin ang aming pasasalamat para sa tapat na paglilingkod na ibinibigay ninyo upang palakasin at protektahan ang pinakamamahal nating mga anak.

Ang Primary General Presidency

Mga Tagubilin para sa Oras ng Pag-awit

5 minuto (Primary presidency): Pambungad na panalangin, mga banal na kasulatan o saligan ng pananampalataya, at isang mensahe

20 minuto (music leader): Oras ng pag-awit

Pumipili ang Primary presidency at music leader ng mga awitin para sa bawat buwan upang pagtibayin ang mga alituntunin ng ebanghelyo na natututuhan ng mga bata sa kanilang mga klase at tahanan. Kasama sa gabay na ito ang isang listahan ng mga awiting nagpapatibay sa mga alituntuning ito. Ang mga awiting ito ay iminumungkahi rin sa mga outline sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary at sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya .

Habang itinuturo ninyo ang mga awitin sa mga bata, anyayahan silang ibahagi ang natutuhan na nila tungkol sa mga kuwento at alituntunin ng doktrina sa itinuturo ninyong mga awitin. Maaari ninyong rebyuhin ang mga outline sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary na pinag-aaralan ng mga bata sa kanilang mga klase. Tutulungan kayo nitong malaman ang mga kuwento at alituntuning natututuhan nila para mapag-isipan ninyo kung paano susuportahan ang kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng musika.

Sa oras ng pag-awit, maaari din ninyong rebyuhin ang mga awiting natutuhan na ng mga bata at ang mga awiting nasisiyahan silang kantahin. Habang nagrerebyu kayo, anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga naiisip at nadarama tungkol sa mga katotohanang nabanggit sa mga awitin.

Ang Aklat ng mga Awit Pambata ang pangunahing resource para sa musika sa Primary. Ang mga himno mula sa himnaryo at mga awitin mula sa Kaibigan o Liahona ay angkop din. Paminsan-minsan, maaaring kumanta ang mga bata ng mga makabayan o pang-pista-opisyal na mga awitin na angkop sa araw ng Linggo at sa edad ng mga bata. Ang paggamit ng iba pang musika sa Primary ay kailangang aprubahan ng bishopric (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 12.3.4, SimbahanniJesucristo.org).

Overview ng Primary

Bawat linggo, kabilang sa Primary ang:

Oras ng pag-awit:25 minuto

Paglipat:5 minuto

Mga klase:20 minuto

Maaaring hatiin ng mga lider ng mas malalaking grupo ng Primary ang mga bata sa dalawang grupo at ilagay ang isang grupo sa mga klase ng Primary samantalang ang isa pang grupo ay nasa oras ng pag-awit. Pagkatapos ay magpapalitan ng lugar ang dalawang grupo. Sa gayong mga pagkakataon, maaaring kailanganing baguhin ng mga lider ng Primary ang mga oras na makikita sa itaas para umakma sa kanilang sitwasyon.

mga bata sa Primary na nagtataas ng mga larawan ni Jesus

Iminumungkahing Musika para sa Oras ng Pag-awit

Enero

Pebrero

Marso

Abril

Mayo

Hunyo

Hulyo

Agosto

Setyembre

Oktubre

Nobyembre

Disyembre

Paggamit ng Musika upang Maituro ang Doktrina

Ang oras ng pag-awit ay nilayon upang maipadama sa mga bata ang impluwensya ng Espiritu Santo habang natututuhan nila ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Ang mga sumusunod na ideya ay maaaring makatulong.

Punan ang patlang. Isulat ang isang taludtod ng awitin sa pisara na hindi kasama ang ilang mahahalagang salita. Pagkatapos ay hilingin sa mga bata na kantahin ang awitin, na pinakikinggan ang mga salitang pupuno sa mga patlang. Habang pinupunan nila ang bawat patlang, hilingin sa mga bata na ibahagi kung anong mga alituntunin ng ebanghelyo ang natututuhan nila mula sa nawawalang mga salita.

Gumamit ng mga siping-banggit mula sa mga pinuno ng Simbahan. Anyayahan ang mga bata na makinig sa isang siping-banggit mula sa isang pinuno ng Simbahan na nagtuturo ng alituntunin ng ebanghelyo na katulad ng nasa awitin ng Primary. Hilingin sa kanila na itaas ang kanilang kamay kapag nakarinig sila ng isang bagay na nagpapaunawa sa kanila ng katotohanang kinakanta nila. Hilingin sa kanila na ibahagi ang narinig nila.

Magpatotoo. Magbahagi ng maikling patotoo sa mga bata tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo na matatagpuan sa awitin ng Primary. Ipaunawa sa mga bata na ang pagkanta ay isang paraan na makapagpapatotoo sila at madarama nila ang Espiritu.

Gumamit ng mga larawan. Hilingin sa mga bata na tulungan kang maghanap o lumikha ng mga larawang tugma sa mahahalagang salita o parirala sa awitin. Anyayahan silang ibahagi kung paano nauugnay ang mga larawan sa awitin at kung ano ang itinuturo ng awitin. Halimbawa, kung itinuturo ninyo ang awitin na “Susundin Ko ang Plano ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 86–87), maaari kayong maglagay sa buong silid ng mga larawan na nagpapakita ng mahahalagang salita mula sa awitin (tulad ng handog, langit, ilaw, mundo, at pagsilang). Hilingin sa mga bata na tipunin ang mga larawan at itaas ang mga ito sa tamang pagkakasunud-sunod habang sama-sama ninyong kinakanta ang awitin.

Magbahagi ng isang bagay. Maaari kang gumamit ng isang bagay na nauugnay sa isang awitin. Halimbawa, binanggit ang isang maliit na binhi sa awitin na “Pananalig” (Aklat ng mga Awit Pambata, 50–51). Maaari mong ipakita sa mga bata ang isang binhi para matulungan silang maunawaan na ang maliit na pananampalataya kay Jesucristo ay maaaring lumago sa paglipas ng panahon.

Iugnay ang awitin sa mga personal na karanasan. Tulungan ang mga bata na iugnay ang mga alituntuning itinuturo sa awitin sa mga karanasan nila sa mga alituntuning iyon. Halimbawa, bago awitin ang “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99), maaari mong hilingin sa mga bata na itaas ang kanilang mga kamay kung nakakita na sila ng isang templo. Anyayahan silang isipin habang kumakanta sila kung ano ang nadarama nila kapag nakakakita sila ng templo.

Magtanong. Marami kang maaaring itanong habang kumakanta kayo. Halimbawa, maaari mong itanong sa mga bata kung ano ang natututuhan nila mula sa bawat taludtod sa awitin. Maaari mo ring hilingin sa kanila na mag-isip ng mga tanong na sinasagot ng awitin.

Makinig para sa mga sagot. Hilingin sa mga bata na makinig para sa mga sagot sa mga tanong na tulad ng “sino?” “ano?” “saan?” “kailan?” o “bakit?” Halimbawa, sa awit na “Pagbibinyag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 54–55), maaari silang makinig para malaman kung sino ang nagbinyag kay Jesus at kung saan, kailan, paano, at bakit Siya bininyagan. Maaari din ninyong hilingin sa mga bata na makinig para sa mga pangunahing salita o magbilang sa kanilang mga daliri kung ilang beses nilang inawit ang isang partikular na salita.

mga batang kumakanta sa sacrament meeting

Pagtulong sa mga Bata na Matutuhan at Maalala ang mga Awitin sa Primary at mga Himno

Natututuhan ng mga bata ang isang awitin sa pamamagitan ng pakikinig at pagkanta rito nang paulit-ulit. Palaging kantahin ang mga salita ng isang bagong awitin sa mga bata—huwag lamang basahin o bigkasin ang mga ito sa kanila. Nakakatulong ito para maiugnay ng mga bata ang himig sa mga salita. Matapos ituro ang isang awitin, rebyuhin ito sa pamamagitan ng iba’t ibang masasayang paraan sa buong taon. Nasa ibaba ang ilang ideya upang matulungan ang mga bata na matutuhan at marebyu ang mga awitin.

Gumawa ng mga poster. Magdispley ng mga poster na may mga salita mula sa bawat taludtod o mga larawang kumakatawan sa mga salita. Habang kumakanta ang mga bata, takpan ang ilan sa mga salita o larawan hanggang sa makanta nila ang buong taludtod nang wala ang poster. Maaari mo ring anyayahan ang mga bata na tulungan kang gumawa ng mga poster.

Iparinig ang tono. Para matulungan ang mga bata na matutuhan ang himig ng isang awitin, itaas ang iyong kamay nang pahalang, at habang kinakanta mo ang mga salita, itaas ang kamay mo para ipahiwatig ang mas matataas na tono at ibaba ito para ipahiwatig ang mas mabababang tono.

Alingawngaw. Anyayahan ang mga bata na maging alingawngaw mo sa pamamagitan ng pag-uulit sa kinakanta mo. Kantahin sa mga bata ang isang maikling parirala o isang linya, at pagkatapos ay sabihin na kantahin nila ito sa iyo.

Kumanta sa iba’t ibang paraan. Kantahin ang mga awitin sa iba-ibang paraan, tulad ng pagbulong, paghimig, pagpalakpak sa tiyempo, pag-iiba-iba ng bilis, o pagkanta habang nakaupo o nakatayo.

Kumanta nang grupu-grupo. Bigyan ang bawat klase o indibiduwal ng isang pariralang kakantahin habang nakatayo, at pagkatapos ay hayaan silang magpalitan ng mga parirala hanggang sa magkaroon ng pagkakataon ang bawat klase o indibiduwal na kantahin ang bawat parirala.

Igalaw ang mga kamay. Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng mga simpleng galaw ng mga kamay na tutulong sa kanila na matandaan ang mga salita at mensahe ng isang awitin. Halimbawa, kapag kinanta ninyo ang “Tahimik, Taimtim” (Aklat ng mga Awit Pambata, 11), maaari mong anyayahan ang mga bata na ihalukipkip ang kanilang mga bisig, yumuko, at hipuin ang kanilang puso habang kinakanta nila ang kaugnay na mga linya sa awitin.

Kakanta ang mga batang babae, kakanta ang mga batang lalaki. Magdrowing ng larawan ng isang batang lalaki at ng larawan ng isang batang babae, at idikit o iteyp ang mga larawan sa magkahiwalay na patpat. Habang nirerebyu ang isang awitin, itaas ang isa sa mga larawan para ipahiwatig kung sino ang dapat kumanta ng bahaging iyon ng awitin.

Itugma ang isang larawan sa isang parirala. Isulat ang bawat linya ng isang awitin sa ibang piraso ng papel, at maghanap ng isang larawan na kumakatawan sa bawat linya. Ilagay ang mga larawan sa isang panig ng silid at ang mga papel sa kabilang panig. Kantahin ang awitin, at hilingin sa mga bata na itugma ang mga larawan sa mga salita.

Mga Patnubay sa Pagtatanghal ng mga Bata sa Sacrament Meeting

3:3

Sa ilalim ng patnubay ng bishop, ang pagtatanghal ng mga bata sa sacrament meeting ay karaniwang idinaraos sa ikaapat na kwarter ng taon. Bilang Primary presidency at music leader, planuhing magmiting nang maaga sa pagsisimula ng taon kasama ang counselor sa bishopric na namamahala sa Primary para masimulang talakayin ang mga plano para sa pagtatanghal. Kapag nakumpleto na ninyo ang mga plano, hingin ang kanyang pahintulot para sa mga ito.

Ang pagtatanghal ay dapat magbigay ng pagkakataon sa mga bata na maitanghal kung ano ang mga natutunan nila at ng kanilang mga pamilya mula sa Bagong Tipan sa tahanan at sa Primary, kabilang na ang mga awitin sa Primary na kinanta nila sa buong taon. Mapanalanging isipin kung aling mga alituntunin ng ebanghelyo at mga awitin ang sumusuporta sa natutuhan nila. Sa buong taon, itala ang mga mensahe at personal na karanasan ng mga bata na posibleng gamitin sa pagtatanghal. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga talata sa banal na kasulatan, kuwento, at patotoo nila sa pagtatanghal. Habang ipinaplano ninyo ang pagtatanghal, mag-isip ng mga paraan para makatulong ito sa kongregasyon na magtuon sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas at sa Kanilang mga turo.

Ang mga unit na kakaunti ang mga bata ay maaaring mag-isip ng mga paraan kung paano makakalahok ang mga kapamilya na kasama ng kanilang mga anak. Maaaring tapusin ng isang miyembro ng bishopric ang miting sa maikling mensahe.

Habang inihahanda mo ang pagtatanghal, tandaan ang sumusunod na mga patnubay:

  • Hindi dapat gamitin sa pag-eensayo ang oras para sa klase ng Primary o sa pamilya kung hindi kailangan.

  • Ang mga larawan, costume, at media presentation ay hindi angkop para sa sacrament meeting.

Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 12.2.1.2, SimbahanniJesucristo.org.