“Apendise B: Paghahanda sa mga Bata para sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Apendise B,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023
Apendise B
Paghahanda sa mga Bata para sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos
Sa mga buwan na may limang Linggo, ang mga titser sa Primary ay hinihikayat na palitan ang nakaiskedyul na outline ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin sa ikalimang Linggo ng isa o mahigit pa sa mga aktibidad na ito sa pag-aaral.
Mga Alituntunin at Ordenansa ng Ebanghelyo ni Jesucristo
Itinuturo sa atin ng doktrina ni Cristo kung paano makabalik sa Diyos.
Nang magpakita si Jesucristo sa mga tao sa mga lupain ng Amerika, itinuro Niya sa kanila ang Kanyang doktrina. Sinabi Niya na makakapasok tayo sa kaharian ng Diyos kung tayo ay may pananampalataya, magsisisi, mabibinyagan, tatanggap ng Espiritu Santo, at magtitiis hanggang wakas (tingnan sa 3 Nephi 11:31–40; Doktrina at mga Tipan 20:29). Ang mga aktibidad sa ibaba ay makakatulong sa iyo na ituro sa mga bata na ang mga alituntunin at ordenansang ito ay mas maglalapit sa atin sa Tagapagligtas sa buong buhay natin.
Para malaman ang iba pa tungkol sa doktrina ni Cristo, tingnan ang 2 Nephi 31.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Bigyan ang mga bata ng mga larawang kumakatawan sa pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag, at kumpirmasyon (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, 1, 111, 103, at 105). Basahin o bigkasin ninyo ng mga bata ang ikaapat na saligan ng pananampalataya, at sabihin sa kanila na itaas ang kanilang larawan kapag binanggit ang alituntunin o ordenansang iyon. Ipaunawa sa mga bata kung paano tayo tinutulungan ng bawat isa sa mga alituntunin at ordenansang ito na maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
-
Paano mo maipauunawa sa mga bata na ang pananampalataya, pagsisisi, binyag, at kumpirmasyon ay hindi mga minsanang kaganapan ngunit nakakaimpluwensya sa ating espirituwal na paglago sa buong buhay natin? Halimbawa, maaari mong ipakita sa kanila ang larawan ng isang binhi at isang malaking puno (o idrowing ang mga ito sa pisara). Tulungan silang mag-isip ng mga bagay na tumutulong sa binhi na maging isang malaking puno, tulad ng tubig, lupa, at sikat ng araw. Tulungan silang makita na katulad ito ng mga bagay na ginagawa natin para mas mapalapit sa Diyos sa buong buhay natin—pagpapatatag ng ating pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi araw-araw, pagsasabuhay ng ating mga tipan sa binyag, at pakikinig sa Espiritu Santo.
-
Ikuwento sa mga bata ang tungkol sa paputok mula sa mensahe ni Elder Dale G. Renlund na “Paano Ako Matutulungan ng Pagsisisi na Maging Masaya?” (Kaibigan, Dis. 2017, 12–13, o Liahona, Dis. 2017, 70–71ChurchofJesusChrist.org. Sa iba’t ibang punto sa kuwento, anyayahan ang mga bata na isipin kung ano kaya ang nadama ni Elder Renlund. Bakit tayo nasisiyahan kapag nagsisisi tayo? Ibahagi sa mga bata ang kagalakan at pagmamahal na nadama mo nang hilingin mo sa Ama sa Langit na patawarin ka.
4:36
Binyag
Ipinakita sa akin ni Jesucristo ang halimbawa noong Siya ay bininyagan.
Kahit walang kasalanan si Jesus, bininyagan Siya para magpakita ng perpektong halimbawa ng pagsunod sa Ama sa Langit (tingnan sa 2 Nephi 31:6–10).
Para malaman ang iba pa tungkol sa binyag, tingnan ang Doktrina at mga Tipan 20:37; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Binyag,” topics.ChurchofJesusChrist.org.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng larawan ng binyag ng Tagapagligtas at ng binyag ng ibang tao (o tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 35 at kahit ano sa blg. 103 o blg. 104). Hilingin sa mga bata na ibahagi kung ano ang magkaiba at ano ang magkatulad sa pagitan ng dalawang larawan. Sama-samang basahin ang Mateo 3:13–17 o ang “Kabanata 10: Si Jesus ay Bininyagan” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 26–29ChurchofJesusChrist.org. Hayaang ituro ng mga bata ang mga bagay sa mga larawan na binanggit sa pagbabasa. Sabihin sa mga bata ang iyong pagmamahal sa Tagapagligtas at ang hangarin mong sumunod sa Kanya.
1:52 -
Pakinggan o kantahin ang isang awitin tungkol sa binyag, tulad ng “Pagbibiyag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 54). Ano ang matututuhan natin tungkol sa binyag mula sa awiting ito? Basahin ang 2 Nephi 31:9–10, at anyayahan ang mga bata na pakinggan kung bakit bininyagan si Jesucristo. Anyayahan silang idrowing ang kanilang sarili sa araw ng kanilang binyag.
Maaari akong magpasiyang makipagtipan sa Diyos at magpabinyag.
Ang paghahanda para sa binyag ay higit pa sa paghahanda para sa isang kaganapan. Ito ay paghahandang makipagtipan at pagkatapos ay tuparin ang tipang iyon habambuhay. Pagnilayan kung paano mo maipauunawa sa mga bata ang tipang gagawin nila sa Ama sa Langit kapag sila ay bininyagan, na kinabibilangan ng mga pangakong ginagawa Niya sa kanila at ng mga pangakong ginagawa nila sa Kanya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipaliwanag na ang tipan ay isang pangako sa pagitan ng isang tao at ng Ama sa Langit. Kapag nagsisikap tayong tuparin ang ating mga pangako sa Diyos, nangangako ang Diyos na pagpapalain tayo. Isulat sa pisara ang Mga Pangako Ko sa Diyos at Mga Pangako ng Diyos sa Akin. Sama-samang basahin ang Mosias 18:10, 13 at Doktrina at mga Tipan 20:37, at tulungan ang mga bata na gumawa ng listahan ng mga pangakong makikita nila sa ilalim ng angkop na mga heading (tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Ang Iyong Tipan sa Binyag,” Kaibigan, Peb. 2021, 2–3). Ibahagi kung paano ka napagpala ng Ama sa Langit habang sinisikap mong tuparin ang iyong tipan sa binyag.
-
Ipakita sa mga bata ang mga larawan ng mga bagay na ginawa ni Jesucristo noong narito Siya sa lupa (para sa ilang halimbawa, tingnan ang Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 33–49). Hayaang pag-usapan ng mga bata kung ano ang ginagawa ni Jesus sa bawat larawan. Basahin ang Mosias 18:8–10, 13, at anyayahan ang mga bata na pakinggan ang mga bagay na ipinapangako nilang gawin kapag sila ay bininyagan (tingnan din sa “Ang Tipan sa Binyag,” Kaibigan, Peb. 2019, 7; Liahona, Peb. 2019, K3). Paano maiimpluwensyahan ng mga pangakong ito ang ating mga kilos araw-araw? Anyayahan ang mga bata na idrowing ang kanilang sarili na tumutulong sa isang tao na tulad ng gagawin ni Jesus. O maaari mong gawan ang mga bata ng simpleng badge na maisusuot na may nakasulat na pangalan ng Tagapagligtas.
Kumpirmasyon
Kapag ako ay kinumpirma, nagiging miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ang pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay naghahatid ng maraming pagpapala, kabilang na ang mga pagkakataon para maging mga aktibong kalahok ang mga bata sa gawain ng Diyos.
Para malaman ang iba pa tungkol sa kumpirmasyon at sa kaloob na Espiritu Santo, tingnan ang Gary E. Stevenson, “Paano Kayo Tinutulungan ng Espiritu Santo?,” Liahona, Mayo 2017, 117–20; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Espiritu Santo,” topics.ChurchofJesusChrist.org.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang isang taong nabinyagan at nakumpirma kamakailan na dumalo sa klase at ibahagi kung ano ang pakiramdam ng makumpirma. Ano ang kahulugan ng mabinyagan at maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw para sa taong ito? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na maaari nilang matupad ang kanilang tipan sa binyag bilang mga miyembro ng Simbahan (tulad ng paglilingkod sa iba, pag-anyaya sa iba na alamin pa ang tungkol kay Jesus, pag-aalay ng panalangin sa mga miting, at iba pa). Ibahagi kung paano nakatulong sa iyo ang paggawa ng mga bagay na ito na madama ang kagalakan ng pagiging miyembro ng Simbahan ni Cristo.
-
Magpakita ng isang larawan ng mga tao sa mga Tubig ng Mormon (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 76), at hilingin sa mga bata na ilarawan ang nakikita nila sa larawan. Magkuwento tungkol kay Alma at sa kanyang mga tao na bininyagan doon (tingnan sa Mosias 18:1–17; “Kabanata 15: Nagturo at Nagbinyag si Alma,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 43–44ChurchofJesusChrist.org). Rebyuhin ang Mosias 18:8–9 at anyayahan ang mga bata na gumawa ng mga galaw para maalala nila ang mga bagay na handang gawin ng mga tao bilang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo. Magbahagi ng isang karanasan kung saan nasaksihan mo ang mga miyembro ng Simbahan na naglilingkod sa mga paraang ito.
2:5
Kapag ako ay kinumpirma, tatanggapin ko ang kaloob na Espiritu Santo.
Kapag tayo ay bininyagan at kinumpirma, nangangako ang Ama sa Langit na “sa tuwina ay [mapapasaatin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin]” (Doktrina at mga Tipan 20:77). Ang napakagandang kaloob na ito mula sa Diyos ay tinatawag na kaloob na Espiritu Santo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 33:15, at sabihin sa mga bata na pakinggan ang espesyal na kaloob na ibinibigay sa atin ng Ama sa Langit kapag tayo ay bininyagan at kinumpirma. Para tulungan silang malaman pa kung paano sila tutulungan ng kaloob na Espiritu Santo, sama-samang rebyuhin ang Juan 14:26; Galacia 5:22–23; 2 Nephi 32:5; 3 Nephi 27:20. Maaari mo ring rebyuhin ang artikulong “Ang Espiritu Santo ay …” (Liahona, Hunyo 2019, K12–K13).
-
Bago magklase, hilingin sa mga magulang ng isa o mahigit pang mga bata na ibahagi kung paano sila napagpala dahil nasa kanila ang kaloob na Espiritu Santo. Paano Niya sila tinutulungan? Paano nila pinakikinggan ang Kanyang tinig?
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa Espiritu Santo, tulad ng “Ang Espiritu Santo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 56). Ipaunawa sa mga bata kung ano ang itinuturo sa atin ng awitin kung paano tayo matutulungan ng Espiritu Santo.
Maaaring mangusap sa akin ang Espiritu Santo sa maraming paraan.
Ang mga batang makakakilala sa tinig ng Espiritu ay magiging handang tumanggap ng personal na paghahayag na gagabay sa kanila sa buong buhay nila. Ituro sa kanila na maraming paraan na maaaring mangusap sa atin ang Espiritu Santo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng iba’t ibang paraan na maaari nating makausap ang isang kaibigang nakatira sa malayo, tulad ng pagsulat ng liham, pagpapadala ng email, o pakikipag-usap sa telepono. Ituro sa kanila na maaaring mangusap sa atin ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Gamitin ang mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Paano Nangungusap sa Atin ang Ama sa Langit?” para maipaunawa sa mga bata ang iba’t ibang paraan na maaaring mangusap ang Espiritu Santo sa ating puso’t isipan (Liahona, Mar. 2020, K2–K3).
-
Magbahagi ng isang karanasan kung kailan nakipag-ugnayan sa iyo ang Espiritu Santo, sa pamamagitan ng mga ideya sa iyong isipan o kaya’y sa pamamagitan ng damdamin sa puso mo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:22–23; 8:2–3; tingnan din sa Henry B. Eyring, “Buksan ang Inyong Puso sa Espiritu Santo,” Liahona, Ago. 2019, K2–K3). Magpatotoo sa mga bata na matutulungan sila ng Espiritu Santo sa gayon ding mga paraan.
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga pagkakataon na nadama nila ang Espiritu—halimbawa, habang kumakanta ng isang awitin tungkol sa Tagapagligtas o habang gumagawa ng kabutihan para sa iba. Tulungan silang matukoy ang mga espirituwal na damdaming hatid ng Espiritu Santo. Sa palagay mo, bakit ipinadarama sa atin ng Espiritu Santo ang mga iyon? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na kailangan nating gawin para marinig ang sinasabi sa atin ng Espiritu Santo. Sabihin kung ano ang ginagawa mo para marinig nang mas malinaw ang Espiritu.
Ang Sakramento
Kapag tumatanggap ako ng sakramento, naaalala ko ang sakripisyo ng Tagapagligtas at pinaninibago ko ang aking mga tipan.
Ibinigay sa atin ng Tagapagligtas ang sakramento para maipaalala sa atin ang Kanyang sakripisyo para sa atin at mapanibago natin ang ating mga tipan. Dahil sa lingguhang ordenansang ito, patuloy nating matatamasa ang mga pagpapala ng ating binyag sa buong buhay natin.
Para malaman ang iba pa, tingnan ang Mateo 26:26–30; 3 Nephi 18:1–12; Doktrina at mga Tipan 20:77, 79.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na kulayan ang “Pinasimulan ni Jesus ang Sakramento sa mga Nephita” sa Coloring Book ng mga Kuwento sa Banal na Kasulatan: Aklat ni Mormon (2019), 26. Hilingin sa kanila na ituro kung ano ang iniisip ng mga tao sa larawan. Basahin sa mga bata ang mga bahagi ng 3 Nephi 18:1–12 o ang “Kabatana 45: Nagturo si Jesucristo tungkol sa Sakramento at Panalangin,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 126–27ChurchofJesusChrist.org. Ano ang maaari nating gawin para maalaala si Jesus sa oras ng sakramento?
1:47 -
Hilingin sa mga bata na sabihin sa iyo ang ilang bagay na dapat nilang laging tandaang gawin, tulad ng pagtatali ng kanilang sapatos o paghuhugas ng kanilang kamay bago sila kumain. Bakit mahalagang tandaan ang mga bagay na ito? Basahin ang Moroni 4:3 sa mga bata, at anyayahan silang pakinggan kung ano ang ipinapangako natin na laging aalalahanin kapag tumatanggap tayo ng sakramento. Bakit mahalagang alalahanin si Jesucristo? Ipaunawa sa mga bata kung paano tayo tinutulungan ng tinapay at tubig ng sakramento na alalahanin ang nagawa ni Jesus para sa atin (tingnan sa Moroni 4:3; 5:2).
-
Isulat sa pisara ang “Nangangako ako na .” Basahin ang mga panalangin sa sakramento (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79). Kapag narinig nila ang isang pangakong ginagawa natin sa Diyos, huminto sandali at tulungan silang kumpletuhin ang pangungusap sa pisara na may pangakong narinig nila. Tulungan silang maunawaan na kapag tumatanggap tayo ng sakramento, ginagawa rin natin ang mga pangakong ginawa natin sa binyag.
-
Ano ang ibig sabihin ng taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo? Para masagot ng mga bata ang tanong na ito, magbigay ng halimbawa ng isang bagay na nilalagyan natin ng ating pangalan. Bakit natin inilalagay ang ating pangalan sa mga bagay na ito? Bakit nais ni Jesucristo na taglayin natin ang Kanyang pangalan? Isiping ibahagi ang paliwanag na ito mula kay Pangulong Russell M. Nelson: “Kasama sa pagtataglay natin ng pangalan ng Tagapagligtas ang pagpapahayag at pagsaksi sa iba—sa ating mga salita at gawa—na si Jesus ang Cristo” (“Ang Tamang Pangalan ng Simbahan,” Liahona, Nob. 2018, 88).
Kapangyarihan, Awtoridad, at mga Susi ng Priesthood
Pinagpapala ng Diyos ang Kanyang mga anak sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood.
Lahat ng anak ng Diyos—babae at lalaki, bata at matanda—ay tumatanggap ng kapangyarihan ng Diyos kapag tinutupad nila ang mga tipang ginawa nila sa Kanya. Ginagawa natin ang mga tipang ito kapag tumatanggap tayo ng mga ordenansa ng priesthood tulad ng binyag (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 3.5, ChurchofJesusChrist.org).
Para malaman ang iba pa, tingnan sa Russell M. Nelson, “Mga Espirituwal na Kayamanan,” Liahona, Nob. 2019, 76–79; “Mga Alituntunin ng Priesthood,” kabanata 3 sa Pangkalahatang Hanbuk.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na mapansin ang mga pagpapalang tinatanggap nila dahil sa priesthood. #&160 Isiping isulat sa pisara ang mga pagpapalang ito. Bakit mahalaga sa atin ang mga pagpapalang ito? Magpatotoo na ang mga pagpapalang ito ay dumarating sa atin dahil kay Jesucristo at sa kapangyarihan ng Kanyang priesthood.
3:5 -
Isulat sa pisara ang sumusunod na mga heading: kapangyarihan ng Diyos at kapangyarihan at awtoridad ng Diyos na ibinigay sa mga tao sa lupa. Hilingin sa mga bata na maglagay ng mga larawan sa ilalim ng unang heading na magpapaunawa sa atin kung paano ginagamit ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan para pagpalain tayo, tulad ng paglikha ng mundo, paggabay at pagpatnubay sa atin, pagpapakita sa atin na mahal at kilala Niya tayo, at pakikinig at pagsagot sa ating mga dalangin (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 3, 68, 90, 111). Hilingin sa kanila na maglagay ng mga larawan sa ilalim ng pangalawang heading na magpapaunawa sa atin kung paano ginagamit ng karapat-dapat na kalalakihan sa mundo ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos para pagpalain tayo, tulad ng pagbabasbas sa maysakit, pagbibinyag, pagkumpirma, pangangasiwa ng sakramento, at pagbubuklod ng mga pamilya (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 46, 104, 105, 107,120). Ibahagi kung bakit ka nagpapasalamat para sa priesthood at sa mga pagpapalang hatid nito.
-
Isa sa mga pangunahing paraan na natatanggap natin ang mga pagpapala ng kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay ay sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:20). Para tulungan ang mga bata na matutuhan ang katotohanang ito, maaari mong ilista sa pisara ang sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan: 3 Nephi 11:21–26, 33 (binyag); Moroni 2 (kumpirmasyon); Moroni 4–5 (sakramento). Maaaring pumili ang bawat bata ng isa sa mga siping ito at tukuyin ang ordenansang inilalarawan nito. Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang pagpapalang personal nilang natanggap sa pagtanggap nila ng mga ordenansa ng priesthood.
-
Ipaunawa sa mga bata na tatanggap sila ng kapangyarihan mula sa Diyos kapag sila ay bininyagan at tinutupad nila ang kanilang tipan sa binyag. Itanong sa mga bata kung paano sila matutulungan ng kapangyarihang ito.
Ang gawain ng Diyos ay pinamamahalaan ng mga susi ng priesthood at isinasakatuparan sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood.
Ang karapat-dapat na mga miyembrong lalaki ng Simbahan ay maaaring iorden sa isang katungkulan sa priesthood. Bukod pa rito, kapag itinalaga ang isang tao para sa isang calling o inatasang tumulong sa gawain ng Diyos, magagamit niya ang itinalaga ritong awtoridad ng priesthood. Ang paggamit ng lahat ng awtoridad ng priesthood sa Simbahan ay pinamamahalaan ng mga taong mayhawak ng mga susi ng priesthood, tulad ng stake president, bishop, at mga quorum president. Ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na pamahalaan ang paggamit ng priesthood sa paggawa ng gawain ng Panginoon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ninyo ng mga bata ang Marcos 3:14–15, at ipakita sa kanila ang isang larawan ng kaganapang nakasaad doon (tulad ng nasa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 38). Itanong sa mga bata kung nakakita na sila ng isang taong inorden sa isang katungkulan sa priesthood o itinalaga para sa isang calling (o ikuwento sa kanila ang mga karanasan mo). Paano iyon naging katulad ng ginawa ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol? Tulungan ang mga bata na ilista sa pisara ang mga katungkulan o calling sa priesthood na maibibigay sa mga miyembro ng Simbahan, tulad ng bilang isang guro o lider sa isang organisasyon. Sa tabi ng bawat katungkulan o calling, maaari mong isulat kung ano ang awtorisadong gawin ng isang taong nasa katungkulan o calling na iyon. Sabihin sa mga bata kung paano nakatulong sa paglilingkod mo ang pagtatalaga ng isang tao sa ilalim ng pamamahala ng mga susi ng priesthood.
-
Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang bagay na kailangan mong gamitan ng susi, tulad ng kotse o pinto. Ano ang mangyayari kung wala sa iyo ang susi? Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 65:2, at ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng mga susi ng priesthood sa lupa.
2:52 -
Hilingin sa isang tao sa ward na mayhawak ng mga susi na dumalo sa klase at ibahagi sa mga bata ang kahulugan ng hawakan ang mga susi ng priesthood. Anyayahan siyang ilarawan ang kanyang mga responsibilidad. Anong mga bahagi ng gawain ng Panginoon ang pinamumunuan niya? Paano siya tinutulungan ng Tagapagligtas?
Ang Templo at ang Plano ng Kaligayahan
Ang templo ang bahay ng Panginoon.
Ang mga templo ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Sa mga templo, tayo ay gumagawa ng mga sagradong tipan sa Kanya, pinagkakalooban ng kapangyarihan ng priesthood, tumatanggap ng paghahayag, nagsasagawa ng mga ordenansa para sa ating yumaong mga ninuno, at ibinubuklod sa ating pamilya para sa kawalang-hanggan. Posible ang lahat ng ito dahil kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.
Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na kilalanin ang kasagraduhan ng bahay ng Panginoon at ihanda ang kanilang sarili na maging karapat-dapat na lumahok sa mga ordenansa sa templo? Isiping rebyuhin ang resources na ito: Doktrina at mga Tipan 97:15–17; Russell M. Nelson, “Pangwakas na Mensahe,” Liahona, Nob. 2019, 120–22temples.ChurchofJesusChrist.org.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng isa o mas marami pang mga larawan ng mga templo. Itanong sa mga bata kung bakit espesyal na lugar ang templo. Ituro na sa bawat templo ay nakaukit ito: “Kabanalan sa Panginoon: Ang Bahay ng Panginoon.” Itanong sa mga bata kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng “Kabanalan sa Panginoon.” Bakit tinatawag na bahay ng Panginoon ang templo? Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa templo? Kung nakapunta na ang sinuman sa mga bata sa templo, maaari din nilang ibahagi ang nadama nila noong naroon sila. Kung nakapunta ka na sa templo, ibahagi kung paano mo nadama ang presensya ng Panginoon doon, at sabihin kung bakit sagradong lugar ang templo para sa iyo.
-
Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 97:15–17. Hilingin sa mga bata na alamin kung ano ang inaasahan ng Panginoon sa mga pumapasok sa Kanyang banal na bahay. Bakit kailangan tayong maging karapat-dapat na pumasok sa Kanyang bahay? Bilang bahagi ng pag-uusap na ito, kausapin ang mga bata tungkol sa mga temple recommend, pati na kung paano tumanggap nito. Maaari mong anyayahan ang isang miyembro ng bishopric na ibahagi sa kanila kung ano ang interbyu para sa temple recommend at ang mga bagay na itinatanong doon.
Sa templo, nakikipagtipan tayo sa Diyos.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Inaanyayahan tayo ni Jesucristo na tahakin ang landas ng tipan pabalik sa ating mga Magulang sa Langit at makasama ang mga mahal natin sa buhay” (“Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin,” Liahona, Mayo 2019, 91). Ipaunawa sa mga bata na ang landas ng tipan ay kinabibilangan ng binyag, kumpirmasyon, at endowment at pagbubuklod sa templo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na tulungan kang rebyuhin ang tipang ginagawa natin sa Diyos kapag nabinyagan tayo at na pinaninibago natin iyon kapag tumatanggap tayo ng sakramento (tingnan sa Mosias 18:10; Doktrina at mga Tipan 20:77, 79). Magpakita ng larawan ng templo at ipaliwanag na may iba pang mga pagpapala ang Ama sa Langit na nais Niyang ibigay sa atin sa templo.
-
Magdrowing ng isang pasukan na papunta sa isang landas. Itanong sa mga bata kung bakit sa palagay nila ay makakatulong ang magkaroon ng landas na tatahakin. Sama-samang basahin ang 2 Nephi 31:17–20, kung saan ikinukumpara ni Nephi ang tipan ng binyag sa isang pasukan at inaanyayahan tayong patuloy na tahakin ang landas pagkatapos ng binyag. May iba pang mga tipang gagawin pagkatapos ng binyag, kabilang na ang mga tipang ginagawa sa templo. Ipaliwanag na tinawag ni Pangulong Nelson ang landas na ito na “landas ng tipan.”
Sa templo, maaari tayong mabinyagan at makumpirma para sa mga ninunong pumanaw na.
Ginagawang posible ng ebanghelyo ni Jesucristo na makabalik ang lahat ng anak ng Diyos sa Kanyang piling, kahit mamatay sila nang hindi nalalaman ang ebanghelyo. Sa templo, maaari tayong mabinyagan at makumpirmang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo para sa kanila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Pag-usapan ang isang pagkakataon kung kailan ay may ginawa ang isang tao para sa iyo na hindi mo kayang gawin para sa sarili mo. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasang katulad niyon. Ipaliwanag na kapag pumupunta tayo sa templo, maaari tayong tumanggap ng mga sagradong ordenansa tulad ng binyag para sa iba na pumanaw na. Paano tayo nagiging katulad ni Jesus kapag gumagawa tayo ng gawain para sa mga patay? Ano ang nagawa Niya para sa atin na hindi natin kayang gawin para sa ating sarili?
-
Anyayahan ang isa o mas marami pang mga kabataan na nabinyagan na para sa kanilang mga ninuno na ibahagi ang kanilang karanasan. Itanong sa kanila kung ano ang pakiramdam sa loob ng templo. Hikayatin silang ibahagi kung ano ang nadama nila sa paggawa ng gawaing ito para sa kanilang mga ninuno.
-
Magdrowing ng isang puno sa pisara, pati na ng mga ugat at sanga. Hilingin sa mga bata na isipin kung paano katulad ng puno ang isang pamilya. Sulatan ang mga ugat ng Mga Ninuno, sulatan ang mga sanga ng Mga Inapo, at sulatan ang puno ng Ikaw. Sama-samang basahin ang pahayag na ito mula sa Doktrina at mga Tipan 128:18: “Sapagkat tayo kung wala sila [ang ating mga ninuno] ay hindi magagawang ganap; ni sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap.” Itanong ang tulad ng mga sumusunod: “Bakit natin kailangan ang ating mga ninuno? Bakit natin kailangan ang ating mga inapo? Paano tayo natulungan ng ating mga magulang, lolo’t lola, at iba pang mga ninuno?” Anyayahan ang mga bata na saliksikin sa natitirang bahagi ng Doktrina at mga Tipan 128:18 ang isang katagang naglalarawan kung paano natin matutulungan ang ating mga ninuno.
-
Isiping makipagtulungan sa mga magulang ng bawat bata sa paghahanap ng pangalan ng isang ninuno na dadalhin ng bata sa templo (tingnan sa FamilySearch.org).