2019
Buksan ang Inyong Puso sa Espiritu Santo
Agosto 2019


Mula sa Unang Panguluhan

Buksan ang Inyong Puso sa Espiritu Santo

Halaw mula sa “Ang Aking Kapayapaan ay Iniiwan Ko sa Inyo,” Liahona, Mayo 2017, 15–18, at “Mapasainyo ang Kanyang Espiritu,” Liahona, Mayo 2018, 86–89.

Open Your Heart to the Holy Ghost

Noong malapit nang iwan ni Jesus ang Kanyang mga disipulo, sinabi Niya sa kanila kung paano Niya ibibigay sa kanila ang Kanyang kapayapaan:

“Ang Mangaaliw, … ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi.

“Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. … Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.”(Juan 14:26–27)

Ang mga ipinadarama ng Espiritu Santo ay higit na mahalaga kaysa anumang nakikita o naririnig natin. Kung minsan ang mga ito ay tila banayad na pag-aalab sa puso. Para sa akin, karaniwang ito ay damdaming banayad.

Kapag kayo ay nabinyagan at nakumpirmang miyembro ng Simbahan, sinasabi sa basbas ninyo na “tanggapin ang Espiritu Santo.” Sa sandaling iyan, mapapasainyo ang Espiritu Santo. Ngunit kailangan pa rin ninyong piliing tanggapin Siya sa inyong puso at isipan.

Dalangin ko na buksan ninyo ang inyong puso sa Espiriru Santo. Dalangin ko na magalak kayo dahil lagi ninyo Siyang makakasama.

Ipinipinta ang Nilalaman ng Kanyang Puso

Tinutulungan tayo ng Espiritu Santo na makaalala. Kapag gustong maalala ni Pangulong Eyring ang isang bagay, isinusulat niya ito sa kanyang journal. Kung minsan ay nagpipinta rin siya ng larawan na nagpapakita ng kanyang nadama.

  • Una, gumagawa muna siya ng sketch gamit ang lapis. Pagkatapos ay kinukulayan niya ng watercolor. Hinahayaan niya itong matuyo at nagdaragdag ng isa pang patong ng water color.

  • Gustung-gusto ni Pangulong Eyring na magpinta ng mga larawan ng bangka at kanyang pamilya. Makikita sa larawang ito si Sister Eyring na nakasakay sa maliit na bangka noong siya ay walong taong gulang.

  • Noong nagmisyon sa France ang isa sa kanyang mga apo, nagpinta si Pangulong Eyring ng mga missionary na naglalakad sa mga kalye sa Paris.

  • Ang ipinintang larawang ito ng kanyang asawa, si Kathleen, at dalawa sa kanilang anim na anak ay nagpapaalala sa kanya ng pagmamahal niya sa kanyang pamilya.