2019
Kabanata 2: Sapat na Kaluwalhatian
Agosto 2019


Kabanata 2

Sapat na Kaluwalhatian

Mga babaeng nanonood habang nagmamartsa paalis ang mga lalaki

Habang ang mga Banal kasama si Brigham Young ay paalis sa Sugar Creek, ang apatnapu’t tatlong taong gulang na si Louisa Pratt ay nanatili sa Nauvoo, naghahandang lisanin ang lunsod kasama ang kanyang apat na anak na babae. Tatlong taon na ang nakararaan, tinawag ng Panginoon ang kanyang asawa na si Addison upang magmisyon sa mga Isla ng Pasipiko. Mula noon, dahil sa hindi maaasahang koreo sa pagitan ng Nauvoo at Tubuai, ang isla sa French Polynesia kung saan naglilingkod si Addison, naging mahirap na makipag-ugnayan sa kanya. Karamihan sa kanyang mga liham ay ilang buwan nang naipadala bago makarating sa kanyang asawa, at ang ilan ay mahigit isang taon nang naipadala.

Nilinaw ng pinakabagong liham ni Addison na hindi ito makakauwi sa tamang oras upang samahan siya sa paglalakbay pakanluran. Inutusan siya ng Labindalawa na manatili sa mga Isla ng Pasipiko hanggang sa pauwiin siya o magpadala ang mga ito ng mga missionary na hahalili sa kanya. Sa isang punto, inasam ni Brigham na magpadala ng mas maraming missionary sa mga kapuluan matapos matanggap ng mga Banal ang endowment, ngunit ipinagpaliban ang planong iyon dahil sa paglisan mula sa Nauvoo.1

Handa si Louisa na maglakbay nang hindi kasama ang kanyang asawa, ngunit kinakabahan siya kapag naiisip niya ang tungkol dito. Ayaw niyang lisanin ang Nauvoo at ang templo at hindi niya gusto ang ideya ng paglalakbay patungo sa Rocky Mountains sakay ng bagon. Nais niya ring makita ang kanyang mga magulang sa Canada na matatanda na—marahil sa huling pagkakataon—bago pumunta sa kanluran.

Kung ipagbibili niya ang kanyang mga baka, makakalikom siya ng sapat na pera upang mabisita ang kanyang mga magulang at mabilhan ang kanyang pamilya ng tiket sa barko patungo sa baybayin ng California, sa gayon ay maiiwasan niya ang paglalakbay sa kalupaan.

Halos buo na ang pasiya ni Louisa na magpunta sa Canada, ngunit tila may hindi tama sa nararamdaman niya. Nagpasiya siyang sumulat kay Brigham Young tungkol sa kanyang mga alalahanin tungkol sa paglalakbay sa kalupaan at sa kagustuhan niyang makita ang kanyang mga magulang.

“Kung sasabihin mong ang paglalakbay gamit ang isang grupo ng baka ang pinakamainam na paraan para sa kaligtasan, sa gayon ay aayon ako rito sa layunin at sa gawa,” isinulat niya, “at naniniwala ako na matitiis ko ito nang walang pagrereklamo tulad ng sinumang babae.”2

Pagkatapos ng maikling panahon, dumating ang isang sugo dala ang tugon ni Brigham. “Halika na. Ang kaligtasan gamit ang isang grupo ng baka ang pinakaligtas na paraan,” sinabi nito sa kanya. “Sasalubungin kami ni Brother Pratt sa ilang kung saan kami tutungo, at siya ay labis na malulungkot kung hindi namin kasama ang kanyang pamilya.”

Pinagnilayan ni Louisa ang payo, inihanda niya ang kanyang puso laban sa mahirap na paglalakbay sa hinaharap, at nagpasiya siyang sundan ang pinakamalaking pangkat ng mga Banal, sa buhay man o sa kamatayan.3

Noong tagsibol na iyon, nagtrabaho nang mabilis ang mga manggagawa upang matapos ang templo bago ang paglalaan nito sa publiko noong ika-1 ng Mayo. Naglatag sila ng sahig na ladrilyo sa paligid ng bautismuhan, ikinabit nila sa puwesto ang kahoy na dekorasyon, at pininturahan nila ang mga pader. Nagpatuloy ang gawain buong araw at madalas hanggang sa kalaliman ng gabi. Dahil kulang ang pera ng Simbahan upang mabayaran ang mga manggagawa, marami sa kanila ang nagsakripisyo ng bahagi ng kanilang mga sahod upang matiyak na ang templo ay handang ilaan sa Panginoon.4

Dalawang araw bago ang paglalaan, natapos ng mga manggagawa ang pagpipintura sa bulwagan sa unang palapag. Kinabukasan, winalis nila ang alikabok at basura palabas ng malaking silid at naghanda sila para sa pulong. Hindi na nakapaglagay ng dekorasyon sa bawat silid ang mga manggagawa, ngunit alam nila na hindi ito magiging hadlang sa pagtanggap ng Panginoon sa templo. Tiwala na natupad nila ang utos ng Diyos, ipininta nila ang mga salitang “Nakita ng Panginoon ang aming sakripisyo” sa itaas ng mga pulpito sa hilera ng silangang dingding ng bulwagan.5

Batid ang utang nila sa mga manggagawa, inanunsiyo ng mga lider ng Simbahan na ang unang sesyon ng paglalaan ay magiging isang mapagkawanggawang kaganapan. Ang mga dumalo ay hinilingang mag-ambag ng isang dolyar upang mabayaran ang mga manggagawang naghihikahos sa buhay.

Noong umaga ng ika-1 ng Mayo, ang labing-apat na taong gulang na si Elvira Stevens ay umalis sa kanyang kampo sa kanluran ng Mississippi at tumawid ng ilog upang dumalo sa paglalaan. Isang ulila na namatayan ng magulang pagkalipat ng kanilang pamilya sa Nauvoo, naninirahan ngayon si Elvira kasama ng kanyang kapatid na may-asawa. Dahil wala ni isa sa kanyang kampo na maaaring sumama sa kanya para sa paglalaan, nagpunta siya nang mag-isa.

Batid na maaaring ilang taon pa bago may maitayong panibagong templo sa Kanluran, pinangasiwaan ng mga apostol noon ang endowment sa ilang kabataang walang asawa, kabilang na si Elvira. Ngayon, pagkaraan ng tatlong buwan, siya ay muling umakyat sa mga baitang tungo sa mga pintuan ng templo, nag-ambag ng kanyang dolyar, at naghanap ng isang upuan sa pulong bulwagan6

Nagsimula ang sesyon sa pag-awit ng koro. Pagkatapos, nag-alay si Orson Hyde ng panalangin ng paglalaan. “Hayaan na mamalagi rito ang Iyong Espiritu,” pagsusumamo niya, “at nawa’y madama ng lahat ang banal na impluwensya sa kanilang mga puso na ang Kanyang kamay ay tumulong sa gawaing ito.”7

Nadama ni Elvira ang kapangyarihan ng langit sa silid. Pagkatapos ng sesyon, bumalik siya sa kanyang kampo, ngunit pagkaraan ng dalawang araw ay bumalik siya para sa susunod na sesyon, umaasa na muling mararamdaman ang gayong kapangyarihan. Nagbigay ng mga sermon sina Orson Hyde at Wilford Woodruff tungkol sa gawain sa templo, sa priesthood, at sa pagkabuhay na mag-uli. Sa pagtatapos ng pulong, pinuri ni Wilford ang mga Banal para sa pagtatapos ng templo kahit na kakailanganin nila itong iwanan.

“Natanggap ng libu-libong Banal ang kanilang endowment dito, at ang kaalamang iyon ay hindi mawawala,” sabi niya. “Ito ay sapat na kaluwalhatian para sa pagtatayo ng templo.”

Pagkatapos ng sesyon, bumalik si Elvira sa kanyang kampo, at tinawid niya ang ilog sa huling pagkakataon.8 Samantala, ginugol ng mga Banal sa Nauvoo ang natitirang araw at gabi sa pag-iimpake at pag-aalis ng mga upuan, mga mesa, at iba pang mga kagamitan hanggang sa ang templo ay wala nang laman at ipinagkatiwala na sa mga kamay ng Panginoon.9

Mas nauuna sa daan, si Brigham at ang Kampo ng Israel ay tumigil sa lugar na tinatawag na Mosquito Creek, di-kalayuan sa Ilog Missouri. Sila ay nagugutom, dalawang buwan nang huli sa iskedyul, at lubos na naghihikahos.10 Subalit iginiit pa rin ni Brigham na magpadala ng isang paunang grupo sa Rocky Mountains. Naniwala siya na kailangang matapos ng isang grupo ng mga Banal ang paglalakbay sa panahong iyon, dahil hangga’t ang Simbahan ay nagpapagala-gala nang walang tirahan, sisikapin ng mga kaaway nito na ikalat ito o harangan ang daan nito.11

Gayunman, alam ni Brigham na mauubos ang mga panustos ng mga Banal kapag nagbigay sila ng kagamitan sa gayong grupo. Kakaunting miyembro lamang ang may pera o pagkain na maibibigay, at wala masyadong mapagkakakitaan sa Iowa. Para manatiling buhay sa parang, maraming Banal ang nagbenta ng mahahalagang pag-aari sa daan o namasukan sa iba’t ibang trabaho upang kumita ng pera para sa pagkain at mga kagamitan. Habang naglalakbay ang kampo pakanluran at dumadalang ang mga pamayanan, nagiging mas mahirap makahanap ng mapagkakakitaan.12

Inaalala rin ni Brigham ang iba pang mga bagay. Ang mga Banal na hindi kabilang sa paunang grupo ay nangailangan din ng lugar na mapagpapalipasan ng taglamig. Handang payagan ng mga Omaha at ng iba pang mga Katutubo na naninirahan sa lupain sa kanlurang bahagi ng Ilog Missouri ang mga Banal na magkampo roon sa taglamig, ngunit nag-atubili ang mga kinatawan ng pamahalaan na hayaan silang manirahan sa protektadong lupain ng mga Indian sa loob ng mahabang panahon.13

Alam din ni Brigham na ang mga Banal na maysakit at naghihikahos sa buhay ay umaasa sa Simbahan na dalhin sila sa kanluran. Sa loob ng maikling panahon, inasam niyang tulungan sila sa pamamagitan ng pagbebenta ng mahahalagang ari-arian sa Nauvoo, kabilang na ang templo. Ngunit hindi naging matagumpay ang pagsisikap na ito.14

Noong ika-29 ng Hunyo, nalaman ni Brigham na may tatlong opisyal mula sa Hukbo ng Estados Unidos na papunta sa Mosquito Creek. Nagdeklara ng digmaan ang Estados Unidos sa Mexico, at binigyan ni Pangulong James Polk ng awtoridad ang mga opisyal na bumuo ng isang batalyon na binubuo ng 500 Banal para sa isang kampanya ng militar sa baybayin ng California.15