2019
Ang Inyong Katawan: Isang Kagila-gilalas na Kaloob na Dapat Pahalagahan
Agosto 2019


Ang Inyong Katawan: Isang Kagila-gilalas na Kaloob na Dapat Pahalagahan

Ang inyong katawan ay isang kagila-gilalas na likha ng Diyos.

teen with intricate body workings

Mga paglalarawan ni Scotty Reifsnyder

Habang nabubuhay ako nang mas matagal sa mundo, mas marami akong kaalamang natututuhan. Ang kaalamang iyan ay tumutulong sa akin na maunawaan na ang kaloob na pisikal na katawan natin ay isang himala na hindi natin kayang maarok. Isang natatanging katawan ang ibinigay sa bawat isa sa atin ng ating mapagmahal na Ama sa Langit. Nilikha Niya ito bilang tabernakulo para sa ating espiritu, upang tulungan ang bawat isa sa atin sa pagsisikap nating isakatuparan ang buong layunin ng ating paglikha. Ang mga katawan natin ay nagtutulot sa bawat isa sa atin na maranasan ang dakilang plano ng kaligtasan na nilayon Niya para sa lahat ng Kanyang minamahal na mga anak. Nais Niya na tayo ay maging higit na katulad Niya at makabalik sa Kanyang piling balang-araw. Ang napakagandang biyayang iyan ay hindi mangyayari kung wala tayong pisikal na katawan sa kalagayang ito ng pagsubok o sa mortal na buhay na ito.

Ang Diyos, ang Ama ng ating mga espiritu,1 ay mayroong niluwalhating, perpektong katawan na may laman at mga buto.2 Nabuhay tayo sa piling Niya sa langit bago pa tayo isinilang.3 At nang nilikha Niya ang ating katawan, nilikha tayo sa wangis ng Diyos, na bawat isa ay may sariling mortal na katawan.4

Tayo ay bahagi ng Kanyang banal na layunin. “Ang aking gawain at aking kaluwalhatian,” sabi Niya, ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”5

Tayo ay Binubuo ng Dalawang Bahagi

Ang bawat tao ay binubuo ng katawan at espiritu,6 ang mga ito ay parehong nagmula sa Diyos. Ang wastong pagkaunawa tungkol sa katawan at espiritu ay iimpluwensya sa ating isip at kilos para sa ating ikabubuti.

Bago ang mortal na buhay natin dito sa lupa, ang bawat espiritung anak na lalaki at babae ay nanirahan sa piling ng Diyos. Ang espiritu ay walang hanggan; ito ay nabuhay nang walang kasalanan sa premortal na daigidig7 at patuloy na mabubuhay pagkatapos mamatay ng katawan.8 Ang espiritu ang nagpapagalaw at nagbibigay ng katauhan sa katawan.9 “Lahat ng espiritu ay bagay, subalit ito ay mas pino o dalisay.”10

Ang pagpapaunlad ng espiritu ay may walang hanggang ibubunga. Ang mga katangiang pagbabatayan sa paghatol sa atin balang-araw ay yaong nauukol sa espiritu.11 Kabilang dito ang kabanalan, integridad, pagkamahabagin, pagmamahal, at marami pang iba.12 Ang inyong espiritu, na nananahan sa inyong katawan, ay kayang taglayin at ipamalas ang mga katangiang ito sa mga paraang kinakailangan sa inyong walang-hanggang pag-unlad.13

young man wearing glasses and color-inverted image of himself

Ang katawan at ang espiritu, kapag pinagsama, ay magiging isang buhay na kaluluwa na may sagradong kahalagahan. “Ang espiritu at ang katawan ang kaluluwa ng tao”14 Ang dalawang ito ay napakahalaga. Ang inyong pisikal na katawan ay isang kagila-gilalas na likha ng Diyos. Ito ay Kanyang templo at templo rin ninyo at dapat pagpitaganan. Nakasaad sa mga banal na kasulatan:

“O hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo sa Dios? at hindi kayo sa inyong sarili?

“Sapagka’t kayo’y binili sa halaga: luwalhatiin nga ninyo ng inyong katawan ang Dios.”15

Ang inyong katawan, anuman ang mga likas na kaloob nito, ay isang kagila-gilalas na likha ng Diyos. Ito ay isang tabernakulo ng laman—isang templo para sa inyong espiritu. Ang pag-aaral ng tungkol sa inyong katawan ay nagpapatunay na ito ay nilikha ng Diyos.

Ang Inyong Katawan ay Isang Kagila-gilalas na Kaloob

Ang himala ng ating mga pisikal na katawan ay madalas na hindi napapansin o napahahalagahan. Sino ang hindi nakakaramdam ng mababang pagpapahalaga sa sarili dahil sa kanyang pisikal na hitsura? Maraming tao ang naghahangad na ang hitsura ng kanilang katawan ay mas ayon sa gusto nila. Gusto ng ilang tao na may unat na buhok na magkaroon ng kulot na buhok. Ang iba naman na may kulot na buhok ay gustong magkaroon ng unat na buhok.

Pag-isipan ang kagandahang nakikita ninyo kapag humaharap kayo sa salamin. Huwag pansinin ang mga pekas, buhaghag na buhok, o mga peklat, at tingnan kung sino ka talaga—isang anak ng Diyos, nilikha ayon sa Kanyang larawan.

young woman seeing imperfections in the mirror

Kapag inawit ninyo ang “Ako ay Anak ng Diyos,”16 isipin ang katawang ipinagkaloob Niya sa inyo. Ang maraming kagila-gilalas na katangian ng inyong katawan ay nagpapatunay sa inyong “kabanalang mula sa Dios.”17

Bawat bahagi ng inyong katawan ay kamangha-manghang kaloob ng Diyos. Bawat mata ay kayang magtuon sa tinitingnan nito. Kinokontrol ng mga ugat at kalamnan ang dalawang mata para makalikha ng isang three-dimensional na imahe. Nakakonekta ang mga mata sa utak, na nagrerekord sa mga bagay na nakikita ng mata.

Ang inyong puso ay isang pambihirang pambomba.18 May apat na maseselang balbula ito na kumokontrol sa daloy ng dugo. Bukas-sara ang mga balbulang ito nang mahigit 100,000 beses kada araw—36 na milyong beses sa isang taon. Gayunman, maliban kung dapuan ng sakit, nakakayanan nito ang gayong paggalaw nang halos walang katapusan.

Isipin ninyo ang mga panlaban ng katawan. Para maprotektahan ito, nakadarama ito ng sakit. Para malabanan ang impeksyon, lumilikha ito ng mga pangontra [antibody]. Ang balat ay nagbibigay ng proteksyon. Nagbibigay ito ng babala laban sa pinsalang maaaring idulot ng matinding init o lamig.

Pinaninibago ng katawan ang mga hindi na magagamit na selula nito. Kusang ginagamot ng katawan ang mga hiwa, sugat, at baling buto nito. Ang kakayahan nitong lumikha ng buhay ay isa pang sagradong kaloob ng Diyos.

Patuloy na kinokontrol ng katawan ang mga lebel ng napakaraming sangkap, tulad ng asin, tubig, asukal, protina, oxygen, at carbon dioxide. Ang pagkontrol sa mga ito ay nagagawa nang hindi natin nababatid ang tungkol sa mga kagila-gilalas na katotohanang ito.

Mangyaring tandaan: Hindi kinakailangan ng perpektong katawan upang makamtan ang banal na tadhana. Katunayan, ilan sa mga kalugud-lugod na espiritu ay nananahan sa mga katawang mahina o may kapansanan. Ang espirituwal na lakas ay kadalasang napapaunlad ng mga taong may mga kapansanan—dahil naging hamon ito mismo sa kanila. Ang mga indibiduwal na ito ay may karapatan sa lahat ng pagpapala na inihanda ng Diyos para sa Kanyang matatapat at masunuring mga anak.19

Bawat mortal na buhay ay nagwawakas sa kamatayan. Darating ang panahon na bawat “espiritu at … katawan ay magsasamang muli sa … ganap na anyo; kapwa ang biyas at kasu-kasuan ay ibabalik sa wastong pangangatawan.”20 Kung gayon, dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, tayo ay magiging ganap sa Kanya.21 Sinumang nag-aaral ng komposisyon ng katawan ng tao ay tiyak na “nakikita ang Diyos na gumagalaw sa kanyang kamahalan at kapangyarihan.”22

Ang Ating Espiritu ang Dapat na Kumokontrol sa Ating Katawan

Bagama’t kagila-gilalas ang inyong katawan, ang pangunahing layunin nito ay higit pang napakahalaga—ang magsilbing tabernakulo ng inyong walang hanggang espiritu.

Ang inyong espiritu ay nagkaroon ng katawan at naging isang buhay na tao upang maranasan ang mortalidad at mga kalakip na pagsubok. Bahagi ng bawat pagsubok na iyan ay ang pagtiyak kung ang mga ninanasa ng inyong katawan ay masusupil ng espiritu na nananahan sa loob nito.

Kapag nauunawaan natin ang ating likas na katangian at mga layunin sa mundo at na ang ating mga katawan ay pisikal na templo ng Diyos, matatanto natin na kalapastanganan na hayaang pumasok sa katawan ang anumang makapagpapasama dito. Talagang kalapastanganan ang dalhin sa ating utak ang mga alaalang marurumi o hindi karapat-dapat dahil tinulutan nating makita, mahawakan, o marinig ang mga bagay na iyon. Pahahalagahan natin ang ating kalinisang-puri at iiwasan ang “mga pitang hangal at nakasasama, na siyang naglulubog sa [atin] sa kapahamakan at kamatayan.”23 “[Tatakas tayo] sa mga bagay na ito, at [susunod] sa katuwiran, sa kabanalan, sa pananampalataya, sa pagibig, sa pagtitiis, [at] kaamuan”24—mga katangiang nagpapabuti sa buong kaluluwa.

head filled with objects

Ang mga sangkap gaya ng alak, tabako, at nakapipinsalang gamot ay ipinagbabawal ng Panginoon. Binalaan din tayo tungkol sa mga kasamaan ng pornograpiya at maruruming pag-iisip. Ang pagnanasa sa mga imoral o masasamang bagay na ito ay nakalululong. Kalaunan, kokontrolin o aalipinin ng pisikal o mental na adiksyon kapwa ang katawan at ang espiritu. Ang pagsisisi para makalaya sa mga adiksyong ito ay dapat isagawa sa buhay na ito habang nasa atin ang mortal na katawan na tutulong sa atin para magkaroon ng pagpipigil sa sarili.

Ang ating Manlilikha ay naglagay ng likas na hangarin sa ating katawan para maipagpatuloy ang lahi ng tao at maisakatuparan ang Kanyang dakilang plano ng kaligayahan. Kaya nga, likas sa atin ang magnais na kumain, uminom ng tubig, at magmahal.

Alam ni Satanas ang kapangyarihan ng mga pagnanais nating ito. Kaya, tinutukso niya tayo na kumain ng mga hindi dapat kainin, inumin ang hindi dapat inumin, at lapastanganin ang pinakasagradong pagpapahayag ng pagmamahal sa pamamagitan ng paggamit nito sa labas ng kasal o nang hindi pa kasal.

Kapag tunay na nauunawaan natin ang ating banal na katangian, gugustuhin nating supilin o kontrolin ang mga hangaring iyon. At itutuon natin ang ating mga mata sa mga tanawin, ang ating mga tainga sa mga tunog, at ang ating mga isip sa mga kaisipan na makabubuti sa ating pisikal na katawan bilang templo ng Diyos. Sa araw-araw nating panalangin, pasasalamatan natin Siya bilang ating Manlilikha at pasasalamatan Siya para sa karilagan ng ating sariling pisikal na katawan. Pangangalagaan at pahahalagahan natin ito bilang kaloob sa atin ng Diyos.

Tularan ang Tagapagligtas

Upang makamtan ang inyong pinakadakilang tadhana, tularan ang Tagapagligtas. Ipinahayag Niya, “Maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? … Maging katulad ko.”25 Ang pinakamataas na inaasam natin ay umunlad sa espiritu at matamo ang “pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo.”26

Tandaan, walang panahon sa buhay na lumilipas nang walang tukso, pagsubok, o paghihirap, sa espirituwal o pisikal man. Ngunit kapag ipinagdasal ninyo na magkaroon kayo ng pagpipigil sa sarili, ang mga ninanasa ng laman ay masusupil ng espiritu. At kapag nakamtan iyan, magkakaroon kayo ng lakas na sumunod sa kalooban ng inyong Ama sa Langit. Alalahanin, sinabi ni Jesus “Huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.”27

Kapag dumarating sa inyo ang mabibigat na pagsubok, alalahanin ang napakagandang pangako ng Tagapagligtas: “Ang magtagumpay, ay aking pagkakaloobang umupong kasama ko sa aking luklukan, gaya ko naman na nagtagumpay, at umupong kasama ng aking Ama sa kaniyang luklukan.”28

youth walking along a path

Nawa’y palagi tayong magpasalamat para sa pambihirang pagpapala ng pagkakaroon ng kagila-gilalas na katawan, ang pinakamahalagang likha ng ating mapagmahal na Ama sa Langit. Kagila-gilalas man ang ating katawan, hindi lamang layunin nito ang maranasan ang mortalidad. Sa halip, ito ay mahalagang bahagi ng dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos para sa ating walang hanggang pag-unlad. Kung igagalang natin ito tulad sa nilayon ng Diyos, mananatili tayo sa “makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan.”29

Si Jesucristo ang ating dakilang Halimbawa. Pinatototohanan ko, bilang Kanyang natatanging saksi, na Siya ay Anak ng Diyos. Siya “ang buhay at ang ilaw ng sanlibutan.”30

Tayo ay mga anak na lalaki at mga anak na babae ng Makapangyarihang Diyos. Siya ang ating Ama. Tayo ay Kanyang mga anak. Ang ating banal na mana ay ang pinakamaringal na bahagi ng pagiging tao. Ang ating mana ay sagrado. Ang ating potensyal ay walang limitasyon. Dalangin ko na igalang natin sa tuwina ang Kanyang mga kaloob at ang pamana na iyon sa lahat ng ginagawa at sinasabi natin.