2019
Tomicka Barnes—Alabama, USA
Agosto 2019


Mga Larawan ng Pananampalataya

Tomicka Barnes

Alabama, USA

Tomicka with her nephew

Pagkatapos magsimba, nasisiyahan si Tomicka sa pakikipaglaro sa kanyang bagong-silang na pamangkin na si Aiden, na dalawang buwan pa lamang sa larawang ito.

Tomicka writing

“Kapag nahihirapan ka at ayaw mong manalangin o magbasa ng mga banal na kasulatan o magsimba, gawin mo iyon hanggang sa magustuhan mo,” sabi ni Tomicka, na gumuguhit ng mga larawan para mawala ang pag-aalala. “Nakakagaan ng pakiramdam ang pagguhit.”

Tomicka playing the ukelele

Sa loob ng maraming taon, kumanta ng alto si Tomicka bilang bahagi ng isang trio, na nagtatanghal sa simbahan at sa mga kasalan at mga Pamaskong konsyerto ng iba’t ibang relihiyon. “Nag-aral akong tumugtog ng ukulele dahil matagal ko nang gustong matutong tumugtog ng isang instrumento,” wika niya. “Matagal ko nang gustong gawin ito. Hindi pa ako gaanong marunong, pero nasisiyahan ako.”

Hindi ang pagkaalam tungkol sa pagbabawal sa priesthood ang nagpahina sa pananampalataya ni Tomicka; ang dahilan ay ang haka-haka tungkol sa pagbabawal na iyon na ipinahayag ng ilang mga Banal sa mga Huling Araw. Kinailangang pumili ni Tomicka: lumayo sa Simbahan o manatiling tapat. Salamat sa Aklat ni Mormon, nanatili siyang tapat.

Leslie Nilsson, Litratista

Tomicka Barnes

Lumaki ako sa Simbahan. Dumalo ako sa Primary at dumaan sa programa ng Young Women. Gustung-gusto ko iyon. Mga Banal sa mga Huling Araw ang aking pinakamatatalik na kaibigan. Gayunman, nang umalis ako sa bahay para magkolehiyo, nabawasan ang pagiging aktibo ko sa Simbahan.

Hindi ko pinagdudahan kailanman na ang ebanghelyo ay totoo, pero pagkatapos kong magkolehiyo, may nabasa ako tungkol sa pagbabawal sa priesthood sa mga African-American. Talagang naligalig ako dahil dito—hindi dahil sa pagbabawal, kundi dahil sa sinabi ng mga tao na mga dahilan kung bakit iyon ipinagbawal.

May sinabi ang ilang mga tao na mga bagay na katulad ng, “Hindi ka ganoon katapang sa digmaan sa langit” o, “Hindi ka ganoon katalino o katapat.” Hindi nakaayon ang mga bagay na iyon sa nalaman kong totoo mula sa aking ina, mula sa iba pang mga itim na miyembro ng Simbahan na talagang mabubuting halimbawa ng pananampalataya, at maging mula sa matatapat na itim na tao na hindi miyembro ng Simbahan.

Nagkaroon ako ng isang sandali, isang pagsubok sa pananampalataya, kung kailan naisip ko na maaari kong basta na lang talikuran ang Simbahan at ang mga bagay na pinaniniwalaan ko. Ngunit sa sandaling iyon, naisip ko, “Totoo ba ang Aklat ni Mormon? Naniniwala ka ba na totoo iyon?”

Maaari kong isagot na, “Oo, walang kaduda-duda, naniniwala ako na totoo iyon.” Pagkatapos ay sinabi sa akin ng Espiritu, “E, kung totoo ang Aklat ni Mormon, totoo ang lahat ng iba pa.”

Nagkaroon ako ng impresyon na perpekto ang ebanghelyo, pero hindi ang mga tao. Samakatwid, kailangan kong paulit-ulit na ipaalala sa aking sarili na kung minsa’y gumagawa at nagsasabi ang mga tao ng mga bagay na hindi tugma sa itinuturo sa atin ng ebanghelyo.

Magsasabi ang ilang mga tao sa Simbahan ng mga bagay na mali. Perpekto ang ebanghelyo, pero hindi perpekto ang mga tao. Ang Simbahan ay para sa mga taong hindi perpekto. Sinisikap nating maging perpekto, pero napakalayo pa natin doon.

Tahasan akong tinanong ng isang kaibigan, “Paano ka nananatiling tapat sa Simbahan, kahit alam mo ang lahat ng ito?” Sabi ko, “Dahil iyon sa aking patotoo sa Aklat ni Mormon.” Naniniwala ako na totoo ang Aklat ni Mormon. Hindi, alam ko na totoo ang Aklat ni Mormon.

Iyon ang dahilan kung bakit nananatili akong tapat sa Simbahan.