2019
Bakit Ako Nagpapasalamat sa Anyo ng Aking Katawan Matapos Manganak
Agosto 2019


Digital Lamang: Mga Young Adult

Bakit Ako Nagpapasalamat sa Anyo ng Aking Katawan Matapos Manganak

Dahil sa mga kamot at peklat, ang aking katawan ay hindi na magiging katulad ng dati bago ako manganak. Ngunit nagpapasalamat ako para doon.

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Naranasan mo na bang tingnan ang iyong sarili at isipin: “Grabe! Maganda sana ako kung …”? O naranasan mo na bang ihambing ang iyong sarili sa lahat ng iba pang mga babae sa social media? Naranasan ko na iyon. Ganoon ako noong tinedyer pa ako at bago ako ikasal at pagkatapos ay nagbuntis. Kahit na sinasabi sa akin ng asawa ko na maganda ako, palagi kong naiisip na, “Kung sana lamang ganito o ganoon …,” mas magiging maganda ako at mas gagaan ang aking pakiramdam. Ngunit sa katotohanan, mas gagaan ba ang ating pakiramdam kung ang ating hitsura ay katulad ng ninanais natin? Sa aking kalagayan, alam ko na ang pagbabawas ng timbang ay isang bagay na nanaisin kong baguhin, at pagkatapos ay may mahahanap na naman akong ibang bagay na kailangang “ayusin” sa aking katawan at patuloy kong nanaisin na baguhin ang mga bagay-bagay.

Noong ako ay nagdadalang-tao, nagustuhan ko ang pagkakaroon ng malaking bilog na tiyan! Noon ko natanto na maganda ako sa sarili kong paraan—lahat tayo! Nagpapalaki ako ng isang maliit na tao, at mayroon pa bang mas gaganda kaysa doon? Hayaan mong sabihin ko sa iyo, mayroon! At iyon ay ang pagkarga ng iyong sanggol sa iyong mga bisig.

Ang aking anak na si Sofia ay ipinanganak kamakailan lamang. Noon pa man ay pinlano at hinangad ko nang magkaroon ng natural na panganganak, na walang gamutan at may mabilis na paggaling. Subalit, nagkaroon ng mga komplikasyon sa aking panganganak, at sa huli ay kinailangan kong sumailalim sa caesarean section. Sa totoo lang, natakot ako sa operasyon kapwa para sa akin at sa aking anak. Natakot din ako sa pagkakaroon ng peklat.

Pagkatapos ng operasyon, matagal bago gumaling ang aking katawan. Sa loob ng mga linggo at buwan na ito, hindi ako gaanong makagawa ng mga pisikal na aktibidad, ngunit ang ninais ko lamang ay mag-ehersiyo at bumalik ang aking katawan sa dati nitong anyo bago ako magbuntis. Pagkatapos, isang araw, natanto ko—ang aking katawan ay hindi na katulad ng dati bago ako nagbuntis, at ganoon rin ang aking kaluluwa. At ang aking katawan at kaluluwa ay hindi na magiging katulad ng dati bago dumating si Sofia sa aking buhay. At nagpapasalamat ako para doon.

Natutuhan kong mahalin ang mga kamot at peklat na nakuha ko dahil sa aking pagbubuntis, dahil tuwing tinitingnan ko ang mga ito, naaalala ko ang kahanga-hangang proseso na naranasan ko. Ang maliliit na markang iyon ay matamis na paalala ng isang napakagandang anak ng Ama sa Langit na ipinagkatiwala sa akin. Ang mga markang ito sa aking katawan ay nagdudulot sa akin ng labis na pasasalamat, hindi lamang para sa aking anak, kundi para rin sa aking katawan na may kakayahang gumawa ng mga kahanga-hangang bagay tulad ng paglikha, pagdadala at paghahatid ng isang tao. Ipinapaalala rin sa akin ng aking peklat na sa pinakamahihirap na sandali ng ating buhay o kapag hindi nangyayari ang mga bagay sa paraang ninanais o inaasahan natin, kasama pa rin natin ang Tagapagligtas. Kapag tayo ay natatakot o nasasaktan, nariyan Siya, at alam Niya kung ano ang makakatulong sa atin.

Para sa mga nanay na nagbabasa nito, pag-isipan ninyo: nakaranas kayo ng mahirap ngunit nakapagpapabago ng buhay na proseso para dalhin sa lupa ang mga anak ng Ama sa Langit—ang inyong mga anak! Kahanga-hanga at nakapagpapakumbaba na karanasan ang magkaroon ng mahalagang bahagi sa plano ng kaligayahan!

Kung nahihirapan kang tanggapin at mahalin ang iyong sarili, maaari kang manalangin para humingi ng tulong. Nais ng Panginoon na maging maligaya tayo, at ang pagmamahal sa ating sarili ay mahalaga sa pagkakamit ng kaligayahang iyon. Palagi tayong tutulungan ng Diyos sa mga bagay na pinahahalagahan natin, makabuluhan man ito o hindi—alam Niya kung ano ang mahalaga sa atin. Kung ipagdarasal mong malaman kung paano mamahalin at tatanggapin ang iyong sarili, ipapakita Niya sa iyo kung paano.