2019
150 Pahina pagsapit ng Huwebes?
Agosto 2019


150 Pahina Pagsapit ng Huwebes?

man standing between broken ends of a bottle reading the scriptures

Paglalarawan ni Anna Godeassi

Nasa pinakamalungkot na bahagi ako noon ng aking buhay. Nais ng aking asawa na makipagdiborsyo sa akin matapos niya akong iwanan dahil sa ibang lalaki. Ako ay 30 taong gulang noon at naninirahan kasama ng aking ina. Malapit na rin akong mawalan ng trabaho noon.

Binalaan ako ng nakatataas na patnugot ng diyaryo kung saan ako nagtatrabaho, “Kung papasok ka ulit nang lasing, tatanggalin ka kaagad sa trabaho.” Noong pauwi na ako, napaisip ako kung paano ko titigilan ang pag-inom.

Pagkatapos, may dalawang misyonero na bigla na lamang tumigil at nakipag-usap sa akin tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sinabi ko sa kanila na hindi ako interesado. Pero dahil isa akong mamamahayag, napilitan akong ibigay sa kanila ang aking kard.

Pagkaraan ng ilang araw, sinabi sa akin ng aking ina na may nagpuntang dalawang Amerikano na gusto akong makita.

“Mayroon sila ng isa sa iyong mga kard,” sabi niya.

Sila rin ang mga misyonero na nakita ko ilang araw na ang nakalilipas. Binigyan ako ng isa sa kanila ng isang polyeto at nagsalita siya tungkol kay Propetang Joseph Smith. Pagkatapos ay binigyan ako ng kanyang kompanyon ng isang Aklat ni Mormon. Itinanong niya kung magbabasa ako ng ilang kabanata mula rito. Nang pumayag ako, tinitigan niya ako at nagtanong siya kung magbabasa ako ng 150 pahina.

“Imposible!” sabi ko.

“Babalik kami sa Huwebes,” sabi niya. Ilang araw lang ang layo niyon sa araw na ito. Sa palagay ko ay hindi ko mababasa ang mga pahinang iyon sa loob ng ganoong kaikling panahon.

Pagkatapos ng trabaho nang sumunod na araw, gustung-gusto kong hanapin ang aking mga kaibigan at makipag-inuman sa kanila. Ngunit naalala ko ang babala ng nakatataas na patnugot at ang 150 pahina na ipinapabasa sa akin. Umuwi ako sa bahay at nagsimulang magbasa ng Aklat ni Mormon. Binasa ko rin ang polyeto tungkol kay Joseph Smith.

Ang aking puso ay naantig ng Espiritu habang binabasa ko ang tungkol kay Joseph Smith. Nadama ko rin ang katotohanan ng Aklat ni Mormon nang magbasa at mas matuto pa ako tungkol sa Tagapagligtas. Hindi nagtagal ay nabasa ko ang 150 pahina. Pagdating ng Huwebes, bumalik ang mga misyonero at nagtanong kung nabasa ko ito.

“Oo!” sabi ko. “Lahat ng 150 pahina!”

Ninais kong malaman ang iba pa. Nang turuan nila ako tungkol sa Word of Wisdom, sinabi ko sa kanila na handa na akong tumigil sa pag-inom ng alak.

Noong sumunod na Linggo, dumalo ako sa aking unang pulong ng pag-aayuno at pagpapatotoo. Ibinahagi ko ang aking bagong-tuklas na patotoo tungkol kay Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon. Hindi nagtagal, nabinyagan at nakumpirma akong miyembro ng Simbahan.

Sa loob ng 48 taon mula nang mabinyagan ako, sinubukan kong sundin ang mga utos at manatiling malapit sa Simbahan. Nag-asawa akong muli at naglingkod ng misyon kasama ang aking asawa. Sa paglipas ng mga taon, tumanggap ako ng maraming mga tungkulin. Ngayon ay naglilingkod ako sa templo. Tuwing nandoon ako, nagpapasalamat ako sa Panginoon para sa paghila sa akin mula sa kadiliman at pagdala sa akin sa liwanag.