Ang Lasagna sa Kaarawan
Sa loob ng mahabang panahon, nadama ko ang pagnanais na gumawa ng tinapay o magluto ng sobrang pagkain at ibigay ito sa isang tao sa aming ward upang ibahagi ang aking pagmamahal at ang pagmamahal ng Panginoon sa kanila, pero hindi ko pa ito nagawa ni minsan.
Mahilig akong magluto, pero kami na lang ng asawa ko ang nasa bahay ngayon. Kaya kaunting pagkain lang ang iniluluto ko dahil kapag marami akong iniluluto, kadalasan ay inaabot ng ilang araw bago ito maubos.
Isang gabi, nagpasiya akong gumawa ng lasagna. Sa halip na gumawa ng lasagna sa isang malaking pan, gumawa ako sa dalawang mas maliliit na pan. Sa ganoong paraan, makakain namin ang isa para sa hapunan, at maibibigay ko ang isa pang pan sa isang tao na nangangailangan nito.
Tinawagan ko ang pangulo ng Relief Society para malaman kung mayroong nangangailangan na madalhan ng pagkain. Binanggit niya ang isang nanay na mag-isang itinataguyod ang kanyang dalawang anak. Noong hapong iyon, nag-text ako sa nanay na iyon at sinabi ko sa kanya na pinasobrahan ko ang niluto kong lasagna at gusto ko itong dalhin sa kanya at sa kanyang pamilya.
Nag-text siya sa akin at sinabi niya na “Kakatwa naman! Siyempre, sobrang ayos iyan!” Nasa trabaho pa rin siya, pero nasa bahay ang kanyang mga anak, kaya maaari ko itong dalhin sa kanila anumang oras.
Pagkaraan ng ilang sandali, siya ay nag-text ulit sa akin at nagtanong, “Alam mo ba na ngayon ang aking kaarawan?” Tiniyak ko sa kanya na wala akong ideya. Tumugon siya, “Kung gayon, maligayang kaarawan sa akin!”
Nang dalhin ko sa kanila ang pagkain, kakauwi lang niya mula sa trabaho. Masayang-masaya siya, at gayundin ang kanyang mga anak.
Pagdating ng Linggo, hinanap niya ako sa simbahan, at nang may luha sa kanyang mga mata, sinabi niya sa akin na taun-taon tuwing kaarawan niya, ipinagluluto siya ng hapunan ng kanyang lola—at palagi itong lasagna. Pumanaw ang kanyang lola noong nakaraang taon, at iyon ang kanyang unang kaarawan na wala roon ang kanyang lola para gumawa ng lasagna para sa kanya.
Nang dalhin ko ang lasagna noong kaarawan niya, pinalakas nito ang kanyang patotoo na siya ay inaalala at minamahal ng Panginoon. At pinalakas nito ang aking patotoo na kung maglalaan tayo ng oras para maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon, ipapakita Niya sa atin kung saan tayo maaaring makapaglingkod.