Digital Lamang: Mga Young Adult
Paghahanap ng Kagalakan sa Iyong Sarili
Paano natin matututuhang mahalin ang ating sarili at ang lahat ng maliliit na katangian na bumubuo sa ating pagkatao?
Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.
Bilang mga young adult, sa palagay ko, karamihan sa atin ay nahihirapang mahalin ang ating sarili at makahanap ng kagalakan mula sa ating kalooban. Mahirap makahanap ng kagalakan sa kalooban kapag tayo ay hindi nag-iisip ng positibo tungkol sa ating mga katawan, pagkatao, o kakayahan. Kapag natukoy na natin kung ano mismo ang hindi natin gusto (na, sa kasamaang-palad ay masyadong madali), sinusubukan nating baguhin ang mga ito. Ngunit marahil, ang pagbabago ay hindi kaagad dumarating o nangyayari sa paraang inaasahan natin. O sinisimulan nating ihambing ang ating sarili sa ibang tao sa social media na nagiging dahilan para hindi tayo masiyahan sa kung ano ang mayroon tayo. Nakakalungkot na karamihan sa atin ay masyadong nag-aalala tungkol sa ating kalungkutan at sa mga bagay na hindi natin gusto tungkol sa ating sarili na itinuturing nating “kapintasan” sa halip na subukang maghanap ng kagalakan sa ating sarili.
Ang ganitong klase ng pamumuhay ay hindi kapaki-pakinabang o masaya. Ngunit dahil napapaligiran tayo ng media at mga tao na nakakaimpluwensya sa ating mga ideya tungkol sa kung ano “dapat” ang hitsura, kilos, at nararamdaman natin, hindi na kataka-taka na nahihirapan tayong makahanap ng kagalakan sa ating mga natatanging katangian! Madalas kong iniisip: Paano natin matututuhang mahalin ang ating sarili at ang lahat ng maliliit na katangian na bumubuo sa ating pagkatao, kung palagi tayong pinipilit ng lipunan na sumunod sa paiba-ibang pamantayan (ng pagiging perpekto)?
Magsimula tayo sa paghahanap ng kagalakan sa ating sarili, sa ating mga katangian, at sa ating mga paniniwala at mga pamantayan.
Ngunit paano nga ba natin magagawa iyon?
Sa palagay ko, iba-iba ito para sa ating lahat. Ngunit naniniwala ako na may ilang hakbang na kayang gawin ng lahat.
-
Una, gawin kung ano ang nakakabuti sa iyong kapakanan! Halimbawa, ayaw kong mag-ehersisyo noon—talagang ayaw na ayaw ko. Pero kamakailan lamang, nagsimula akong masiyahan sa pag-eehersisyo. Nagkakaroon ako ng oras para sa aking sarili habang nag-eehersisyo (maging sa pamamagitan man ng pag-akyat ng bundok o pagpunta sa gym). Nakakabuti ito sa akin, hindi dahil sinusubukan kong magbawas ng timbang o mag-iba ng hitsura, kundi dahil mas nasisiyahan ako sa aking sarili. Mayroon akong dagdag na lakas at kumpiyansa, at iyon ang nagbibigay sa akin ng kagalakan.
Hindi lamang pag-eehersisyo ang paraan upang mas mapabuti ang iyong kapakanan—maaaring ang pagkain ng masusustansya, pagninilay, pagtulog nang mas maaga, o maging ang mga simpleng gawain tulad ng paghinga nang malalim at pag-uunat ay makatutulong sa iyo.
-
Pangalawa, kilalanin kung sino ka! Ang isang ito ay nangangailangan ng mahabang panahon, ngunit kapag natanto mo kung sino ka, ang kaalamang ito ay magkakaroon ng malaking epekto sa iyo! Alam ko na ako ay anak ng Diyos. Siya—na isang perpektong nilalang—ang lumikha sa akin! Paano ko ito nalaman? Ako ay nagdasal, nagbasa ng mga banal na kasulatan, at pinaligiran ko ang sarili ko ng mga taong naniniwala sa mga bagay na pinaniniwalaan ko! Naitanong ko pa nga, “Ano ang tingin sa akin ng Diyos?” habang nagbabasa ako ng mga banal na kasulatan, at natanto ko na kung nagmalasakit Siya sa Kanyang mga tao noon, nagmamalasakit din Siya sa atin ngayon.
Hindi nakagawa ng anumang pagkakamali ang Ama sa Langit sa paglikha sa atin. Sa maraming sitwasyon, ang mga bagay na itinuturing natin bilang mga kapintasan sa ating sarili ay mga pagkakataon na magtiwala kay Cristo, at maging ganap sa Kanya. Ngayon, marami pa akong mga kahinaan! Ngunit itinuturing ako ng Diyos bilang Kanyang anak, at mahal Niya ako sa paraan kung paano Niya ako nilikha. Ang kaalamang Siya na lumikha sa langit at lupa ay nagpasiyang kailangan ng mundo ang isang katulad ko ay makakatulong sa sinuman na makahanap ng kagalakan sa kanyang sarili.
-
Pangatlo, pagtuunan ng pansin ang iyong mga kalakasan! Lahat tayo ay may iba’t ibang kakayahan, ngunit minsan ay mahirap matukoy kung saan tayo magaling. Isipin ang iyong mga libangan—nakakubli dito ang iba’t ibang mga talento at kalakasan na maaaring hindi mo napapansin. Maaari mo ring tanungin ang iyong mga mahal sa buhay kung ano ang iyong mga kalakasan. Kadalasan ay mas mabilis nilang matukoy ang iyong mga talento kaysa sa iyo. Suriin ang iyong patriarchal blessing para malaman ang ilan sa mga tiyak na pagpapala at kakayahan na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos.
At kung gusto mo pang malaman ang iba, ipagdasal mo ito! Handa ang Ama sa Langit na tulungan kang malaman ang iyong mga banal na pagpapala. Dagdag pa rito, maaari mo ring hilingin sa Kanya na ipakita sa iyo kung ano ang maaari mong pagbutihin. Ang pagkilala sa ating mga kahinaan at ang paghahangad ng lakas ng Panginoon ay nakakatulong sa ating umunlad—kaya huwag panghinaan ng loob dahil sa iyong mga kahinaan. Hindi lamang itinulot ng Diyos na magkaroon ka ng mga kahinaan kundi biniyayaan ka rin Niya ng mga kalakasan. Kapag hinarap mo ang mga ito nang may kababaang-loob, at hinangad mo ang tulong ng Panginoon, ikaw ay uunlad at makakahanap ng kagalakan sa iyong sarili!
Nais ng Diyos na makaramdam tayo ng kagalakan sa buhay na ito. Naniniwala ako na kapag ginawa natin ang tatlong bagay na ito, makakahanap tayo ng kagalakan sa ating sarili. Alam ko na nakaramdam ako ng kagalakan at patuloy ko itong nararamdaman habang sinusubukan kong gawin ang mga bagay na ito araw-araw.