2019
Ano ang Batas ng Kalinisang-puri?
Agosto 2019


Ano ang Batas ng Kalinisang-puri?

Tatalakayin natin nang detalyado ang tungkol sa napakasagradong kautusang ito.

young man

Kapag narinig mo ang pariralang “ang batas ng kalinisang-puri,” alam mo ba kung ano ang kahulugan nito? Marahil ay marami kang nakukuhang hindi malinaw na mensahe tungkol dito. Maraming iba’t ibang opinyon tungkol dito ang lahat ng uri ng media, at kung minsan ang mga kaibigan at kapamilya. At aktibong itinuturo ng mundo ang mga bagay na salungat sa mga itinuturo ng Panginoon.

Kaya ano ba talaga ang tunay na kahulugan ng kalinisang-puri?

Ang batas ng kalinisang-puri ay tawag ng Panginoon sa Kanyang kautusan na mamuhay nang dalisay ang puri at banal.

Hindi mo pa rin ba nauunawaan? Mababasa natin ang mas partikular na tagubilin sa Para sa Lakas ng mga Kabataan.

Ang Kalinisang-puri ay Kadalisayan ng Puri

Sa madaling salita, ang ibig sabihin ng pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay “huwag magkaroon ng anumang pakikipagtalik bago ikasal, at maging ganap na matapat sa [iyong] asawa matapos ang kasal.”1

Ngunit ang pagiging banal at dalisay ng puri ay hindi lamang tungkol sa pisikal na intimasiya. “Igalang ang ibang tao at huwag silang ituring na mga bagay na magbibigay-kasiyahan sa pagnanasa at pansariling hangarin. Bago ikasal, huwag gawin ang maalab na paghahalikan, pumatong sa isang tao, o hawakan ang mga pribado at sagradong bahagi ng katawan ng isang tao, may damit man o wala. Huwag gumawa ng anupamang pupukaw sa damdaming seksuwal. Huwag pukawin ang mga damdaming iyon sa sarili ninyong katawan.”2

Pansinin na hindi nagbabago ang mga pamantayan ng Panginoon dahil lamang sa gusto ng dalawang tao ang isa’t isa at kapwa sang-ayon na gawin ito. Kapag iginagalang mo ang ibang tao, ang Panginoon, at iyong sarili, susundin mo ang mga kautusan—at ibig sabihin niyan ay walang pisikal na intimasiya o pagpukaw sa damdaming seksuwal sa labas ng kasal o nang hindi kasal, anuman ang sitwasyon.

Talagang mahigpit ang Panginoon tungkol dito. “Itinuro ng propetang si Alma na mas mabigat ang mga kasalanang seksuwal kaysa anumang iba pang kasalanan maliban sa pagpatay at pagtatatwa sa Espiritu Santo (tingnan sa Alma 39:3–5).”3

Kung hindi ka nakatitiyak kung ano ang ibig sabihin ng “maalab na paghahalikan,” o ng “pupukaw sa damdaming seksuwal,” kausapin ang iyong mga magulang, bishop, o iba pang mapagkakatiwalaang adult. Ang pakikipag-usap sa kanila ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang tama at maling pag-uugali at makatutulong sa iyo na mamuhay nang dalisay ang puri.

Kapag kailangan mong magpasiya, hingin ang patnubay ng Espiritu. Regular na manalangin sa Ama sa Langit. Kung madali kang makaramdam ng pahiwatig ng Espiritu, mas madaling pumili ng tama.

Kung nakagawa ka ng anumang kasalanang seksuwal, hingin ang tulong ng iyong bishop at ng iyong mga magulang, na tutulong sa iyo para magkaroon ka ng lakas at kapayapaan habang nagsisisi ka. Maaaring hindi ito madaling gawin, ngunit sulit ito!

Hindi Masama ang Humanga o Maakit sa Isang Tao

Maaaring iniisip mo kung maling isipin na kaakit-akit ang isang tao. Huwag kang masyadong mag-alala tungkol dito. Normal lang iyan. Oo, talaga!

Pero dapat mag-ingat ka sa mga iniisip mo. Ang Tagapagligtas ay nagbabala sa atin, “Bawa’t tumingin sa isang babae [o lalaki] na taglay ang masamang hangad [sa kaniya] ay nagkakasala, na ng pangangalunya sa kaniyang puso” (Mateo 5:28). Ibig sabihin kinakailangan mong kontrolin ang iyong iniisip at damdamin at huwag patangay sa pagnanasa ng puso.

Narito ang ilang payo na tutulong sa iyo: sikaping huwag maging makasarili. Huwag pagnasaan ang isang tao, huwag mag-isip ng masama tungkol sa kanila, o gumawa ng mga bagay na pupukaw sa damdaming seksuwal sa iyong sarili o sa iba.4

Kaya’t iyan din ang dahilan kung bakit napakahalaga na huwag makibahagi o manood ng pornograpiya o iba pang imoral na media. Ang mga bagay na iyon ay makasarili, nagpapalayo sa Espiritu, at palaging nag-uudyok sa iyo na gawin ang mga bagay na hindi mo dapat gawin.

Ngunit hindi ibig sabihin nito na ang pagkagusto o pagkaakit sa isang tao ay nagpapasama sa iyo. Sa katunayan, ang pagkagusto o pagkaakit sa isang tao ay bahagi ng plano ng Diyos at bahagi ng kasal at pag-aasawa. Ang mga mag-asawa na masaya ang pagsasama ay lubos na minamahal ang isa’t isa at nagnanais na paglingkuran at tulungan ang isa’t isa.

“Ang pagtatalik sa pagitan ng mag-asawa ay maganda at sagrado. Ito ay inordena ng Diyos para sa paglikha ng mga anak at para maipahayag ang pag-ibig ng mag-asawa sa isa’t isa.”5

Pisikal na Intimasiya—sa Tamang Lugar at Panahon

Ang pisikal na intimasiya ay isang bagay na kasiya-siya na inaasam sa iyong kasal sa hinaharap. Ito ay sagrado at maganda.

Kapag nagsisikap kang mamuhay nang dalisay at banal, mas mapapalapit ka sa impluwensya ng Espiritu Santo, mas bubuti ang pakiramdam mo tungkol sa iyong sarili, at magiging handa ka para sa magagandang pagpapala sa hinaharap.

Mga Tala

  1. Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011), 35.

  2. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 36.

  3. Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo (2006), 52.

  4. Para mas maunawaan pa ang tungkol dito, basahin ang “Pagmamahal bersus Pagnanasa,” Liahona, Okt. 2016, 31–35.

  5. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 35; idinagdag ang pagbibigay-diin. Para sa ilang nakapagbibigay-inspirasyong talakayan tungkol sa intimasiya ng mag-asawa, tingnan sa Wendy Watson Nelson, “Pag-ibig at Pag-aasawa” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 8, 2017), broadcasts.lds.org; Boyd K. Packer, “Ang Plano ng Kaligayahan,” Liahona, Mayo 2015, 26–28; Jeffrey R. Holland, “Personal Purity,” Ensign, Nob. 1998, 75–78.