Mga Kuta at Pagkakaibigan
Ang awtor ay naninirahan sa Virginia, USA.
Sina Callie at Marco ay magkaiba ng simbahan. Maaari ba silang maging magkaibigan?
“Ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya” (I Kay Timoteo 4:12).
“Maghanap pa tayo ng mga patpat!” Sabi ni Callie kay Marco.
Tumingala sa langit si Marco. “Kailangan ko nang umuwi. Halos palubog na ang araw.”
“Pero hindi pa natin tapos ang kuta natin!” sabi ni Callie.
“Pasenya na!” Ang sigaw ni Marco habang nagmamadaling umalis. “Kailangang makauwi ako bago mag-Sabbath!”
Bumuntung-hininga si Callie. May magagandang bagay sa pagkakaibigan nila ni Marco, pero kung minsan ay mahirap din. Pero, isang bagay lang naman ang mahirap na iyon. Wala silang sapat na oras para makapaglaro nang magkasama. Magkapareho sila ng grado sa eskwela pero hindi magkaklase. Hindi pareho ang oras ng recess nila. Bukod pa riyan, kasama nila ang kani-kanyang pamilya sa araw ng Sabbath. Sa simbahan ni Marco, nagsisimula ang Sabbath sa paglubog ng araw sa Biyernes ng gabi. Kay Callie, ang Sabbath ay araw ng Linggo.
At ano ang maganda sa pagkakaibigan nila? Napakarami. Isa riyan ay hindi dapat mag-alala si Callie na magmumura si Marco, o magtatangkang pagawain siya ng masasamang bagay, o yayayain siyang manood ng mga di-angkop na palabas. Ibang simbahan ang pinupuntahan ni Marco at kanyang pamilya, pero pareho ang paniniwala nila ni Callie sa maraming bagay. Tulad ng pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, kahit ginagawa nila ito sa magkaibang araw.
Ibinaba ni Callie ang mga patpat at pumasok sa loob.
“Umuwi na ba si Marco?” Ang tanong ni Inay.
“Opo,” sabi ni Callie, habang nakaupo sa silya. “Hindi po kami gaanong nakalaro.”
“Siguro sa Biyernes na lang kayo maglaro. Walang pasok sa eskwela,” sabi ni Inay.
“Sige po,” masiglang sabi ni Callie. Ihahanda na niya ang lahat para kapag dumating na si Marco, masisimulan na nila kaagad ang paggawa ng kanilang kuta.
Sa eskwela nang linggong iyon, may ibinalita ang titser ni Callie. Ang buong grade three ay magkakasamang manonood ng sine.
“Yehey!” Sabi ni Callie. Inilagay niya ang kanyang lunch box sa kanyang backpack at pumuwesto sa lugar na napapagitnaan ng mga silid-aralan.
Nakahanap ng mapupwestuhan sa sahig ang lahat, at isinara na ng mga titser ang mga ilaw. Natuwa si Callie nang magsimula na ang palabas. Tungkol ito sa mga batang lalaki na magkakasamang nagtatayo ng kuta, na tulad ng pagtatayo nila ni Marco ng kuta! Kung matatapos man namin ito, naisip niya. Umiling-iling siya at nagpokus muli sa pinapanood.
Pero habang tumatagal, napansin ni Callie na medyo masasamang salita ang nababanggit sa palabas. Nagsimula na siyang maasiwa. Hindi niya alam ang gagawin.
Maya-maya pa, may tumapik sa balikat niya. Si Marco! Sumiksik ito sa mga estudyante para makarating sa kanya at makausap siya.
“Callie, hindi natin dapat panoorin ito,” bulong niya. “Palagay ko dapat nating sabihin sa mga titser na baka pwedeng magbasa na lang tayo.”
Nakahinga nang maluwag si Callie. Masayang malaman na may isang taong nadama rin ang naramdaman niya. “Sige. Ayoko rin ng palabas na ito.”
Tumayo sila ni Marco at patingkayad na dumaan sa gilid ng kanilang mga kaklase hanggang sa makarating sila sa mga titser. Pinuntahan ni Marco ang kanyang titser, at pinuntahan naman ni Callie ang sa kanya. Itinanong niya kung puwedeng magbasa na lang siya ng aklat sa halip manood, at sumagot naman ng oo ang kanyang titser.
Nang papunta na si Callie sa silid-aralan para magbasa, nakita niya si Marco na nagbabasa rin. Kumaway ito at ngumiti. Nginitian din siya ni Callie. Mas masarap magkaroon ng tunay na kaibigan kaysa makapagtayo ng kuta.