Mga Alituntunin ng Ministering
Matutulungan Ko ba ang Isang Tao na Magbago?
Oo. Ngunit maaaring iba ang iyong tungkulin kaysa sa inakala mo.
Nilikha tayo na may kakayahang magbago. Paglago tungo sa ating banal na potensyal ang layunin ng ating karanasan sa mortalidad. Ang isa sa ating mga pangunahing mithiin sa ministering ay tulungan ang iba na lumapit kay Cristo at gawin ang mga pagbabagong kailangan para makabalik sa Kanyang piling. Ngunit dahil sa kanilang kalayaang pumili, limitado ang ating tungkulin na tulungan sila na maging higit na katulad ni Cristo.
Narito ang pitong makapangyarihang aral mula sa Tagapagligtas tungkol sa kung paano natin matutulungan ang iba sa kanilang mga pagsisikap na magbago at maging higit na katulad Niya.
-
Huwag Matakot na Mag-anyaya ng Pagbabago
Hindi natakot ang Tagapagligtas na anyayahan ang iba na talikuran ang mga dating gawi at tanggapin ang Kanyang mga turo. Inanyayahan Niya sina Pedro at Santiago na iwanan ang kanilang mga trabaho at “[maging] mga mamamalakaya ng mga tao” (Marcos 1:17). Inanyayahan Niya ang babaeng nahuling nangangalunya na “humayo … [at huwag] nang magkasala” (Juan 8:11). Inanyayahan Niya ang mayamang binata na talikuran ang kanyang pagkagiliw sa mga makamundong bagay at sumunod sa Kanya (tingnan sa Marcos 10:17–22). Maaari rin tayong maging kapwa matapang at mapagmahal sa pag-anyaya sa iba na gumawa ng mga pagbabago at sumunod sa Tagapagligtas.
-
Alalahanin na Sila ang Magpapasiyang Magbago
Ang uri ng pagbabagong hinihikayat ng Tagapagligtas ay hindi maaaring ipilit sa isang tao. Nagturo at nag-anyaya ang Tagapagligtas, ngunit hindi Siya namilit. Ang mayamang binata ay “yumaon [na] namamanglaw” (Mateo 19:22). Sa Capernaum, marami sa Kanyang mga disipulo ang “nagsitalikod,” at tinanong Niya ang Labindalawa kung magsisialis din sila (tingnan sa Juan 6:66–67). Nagpasiya ang ilan sa mga alagad ni Juan Bautista na sumunod sa Tagapagligtas, ang iba ay hindi (tingnan sa Juan 1:35–37; 10:40–42). Maaari nating anyayahan ang iba na maging higit na katulad Niya, ngunit hindi tayo maaaring magpasiya para sa kanila na magbago. At kung hindi pa sila nagpapasiyang magbago, hindi tayo dapat sumuko—ni mag-isip na nabigo tayo.
-
Ipagdasal na Kayanin ng Iba na Magbago
Sa Kanyang Panalangin ng Pamamagitan, hiniling ni Jesus sa Diyos na ang Kanyang mga disipulo ay malayo sa kasamaan, maging higit na katulad Niya at ng Ama, at mapuspos ng pag-ibig ng Diyos (tingnan sa Juan 17:11, 21–23, 26). At batid na kakailanganin ni Pedro ng lakas sa kanyang mga pagsisikap na lumago sa kanyang tungkulin, ipinagdasal siya ng Tagapagligtas (tingnan sa Lucas 22:32). Makakagawa ng kaibhan ang ating mga panalangin para sa iba (tingnan sa Santiago 5:16).
-
Turuan Silang Umasa sa Kanyang Kapangyarihan
Sa pamamagitan lamang ng Tagapagligtas tayo tunay na makakapagbago at lalago tungo sa banal na potensyal na taglay nating lahat. Siya “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan [Niya]” (Juan 14:6). Ang Kanyang kapangyarihan ang may kakayahang “[gawin] ang mahihinang bagay na maging malalakas” (Eter 12:27). Ang pananampalataya sa Kanyang nagbabayad-salang kapangyarihan ang nagbigay-kakayahan kay Nakababatang Alma na magbago (tingnan sa Alma 36:16–23). Maaari nating turuan ang iba na umasa sa Tagapagligtas para mapasakanila rin ang Kanyang nagpapadalisay na kapangyarihan.
-
Pakitunguhan Sila Ayon sa Maaaring Kahinatnan Nila
Ang pagmamahal at pagtanggap ay maaaring maging impluwensya na nakakahikayat ng pagbabago. Nakikiapid noon ang babae sa may balon sa isang lalaking hindi niya asawa. Ang mga disipulo ni Jesus ay “nangagtaka na siya’y nakikipagsalitaan sa isang babae” (Juan 4:27), ngunit mas mahalaga kay Jesus ang maaaring kahinatnan ng babae. Ang babae ay tinuruan Niya at binigyan ng pagkakataong magbago, na siya nitong ginawa. (Tingnan sa Juan 4:4–42.)
Kapag pinakitunguhan natin ang iba ayon sa kanilang nakaraan kaysa sa maaaring kahinatnan nila, maaari natin silang mapigilan. Sa halip, maaari nating patawarin at kalimutan ang mga nakaraang pagkakamali. Maaari nating paniwalaan na maaaring magbago ang iba. Maaari nating hindi pansinin ang mga kahinaan at pansinin ang mga positibong katangian na maaaring hindi nila nakikita sa kanilang mga sarili. “Responsibilidad nating makita ang tao hindi sa kung ano sila ngayon kundi kung ano ang maaaring kahinatnan nila.”1
-
Hayaan Silang Humayo sa Kanilang Sariling Bilis
Ang pagbabago ay nangangailangan ng panahon. Kailangan nating “magpatuloy sa pagtitiyaga hanggang sa [tayo] ay maging ganap” (Doktrina at mga Tipan 67:13). Pinagpasensyahan ni Jesus ang iba at patuloy na tinuruan maging ang mga yaong hindi sumasang-ayon sa Kanya, at pinatotohanan ang Kanyang tungkuling ibinigay sa Kanya ng Kanyang Ama at sinagot ang kanilang mga tanong (tingnan sa Mateo 12:1–13; Juan 7:28–29). Maaari nating pagpasensyahan ang iba at hikayatin silang pagpasensyahan ang kanilang mga sarili.
-
Huwag Sumuko Kung Bumalik Sila sa Dating Gawi
Nang mamatay si Cristo, maging si Pedro at ang ilan sa iba pang mga Apostol ay bumalik sa kanilang mga dating gawi (tingnan sa Juan 21:3). Pinaalalahanan ni Cristo si Pedro na kailangan niyang “pakainin [ang Kanyang] mga tupa” (tingnan sa Juan 21:15–17), at bumalik si Pedro sa ministeryo. Maaaring napakadaling bumalik sa dating gawi. Maaari tayong patuloy na sumuporta nang may magiliw na panghihikayat at mga inspiradong paanyaya na patuloy na sumunod sa Tagapagligtas at sikaping maging higit na katulad Niya.
Tulutan ang Iba na Lumago
Ibinahagi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kuwentong ito tungkol sa pagtutulot sa iba na lumago: “Minsan naikuwento sa akin ang tungkol sa isang binata na sa loob ng maraming taon ay naging tampulan ng mga biro sa kanyang eskwelahan. Mayroon siyang mga kapintasan, at madali para sa mga kaibigan niya na biruin siya. Kalaunan sa kanyang buhay ay lumayo siya sa kanila. Sa huli ay sumapi siya sa army at nagkaroon ng matagumpay na mga karanasan at nakapag-aral at nilimot ang kanyang nakaraan. Higit sa lahat, kagaya ng marami na nasa militar, natagpuan niya ang kagandahan at kariktan ng Simbahan at naging aktibo at masaya dito.
“At makalipas ang ilang taon, bumalik siya sa bayan ng kanyang kabataan. Marami sa kanyang mga kasabayan ang nangibang bayan na ngunit hindi lahat. Malinaw na kahit bumalik siyang matagumpay at medyo iba na ang pagkatao, ang dating kaisipan ng mga tao ay naroon pa rin, at naghihintay sa kanyang pagbabalik. Sa kanyang mga kababayan, siya pa rin ang dating ‘si ganito’t si ganyan.’ …
“Unti-unti ang pagsisikap ng taong ito tulad ni Pablo na iwan ang nakaraan at kamtin ang gantimpala ng Diyos na nakalatag sa kanyang harapan ay dahan-dahang nabawasan hanggang sa namatay siyang katulad pa rin ng dati niyang pamumuhay noong kanyang kabataan. … Nakapanghihinayang at nakalulungkot na muli siyang napaligiran ng … mga taong nag-akalang mas nakakatuwa ang kanyang nakaraan kaysa kanyang hinaharap. Nakuha nilang tanggalin ang kanyang pagkahawak kay Cristo na humahawak din sa kanya. At namatay siyang malungkot, na dahil din naman sa munti niyang pagkakamali. …
“Hayaang magsisi ang mga tao. Hayaang umunlad ang mga tao. Maniwalang kayang magbago at magpakabuti ang mga tao.”2