Pagtuturo sa mga Tinedyer at Mas Maliliit na Bata
Ang Ating mga Sagradong Katawan
Kung hindi natin tuturuan ang ating mga anak tungkol sa walang hanggang kahalagahan ng mga katawan, masigasig na manghihimasok ang mundo at tuturuan ng mali ang ating mga anak para sa atin.
Sa I Mga Taga Corinto 6:19, itinuro ni Apostol Pablo na ang ating mga katawan ay banal: “O hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo?” Hindi ito ang itinuturo ng mundo. Sa halip, napaliligiran ang ating mga anak ng mga nakalilitong mensahe na nagdudulot ng mga katanungan at lumilikha ng mga pagdududa.
Ano ang perpektong sukat ng katawan?
Ano ang mga damit na dapat isuot?
Saan ko dapat gamitin ang aking katawan?
Narito ang ilang mga paraan para matulungan ang mga bata na pahalagahan ang kanilang mga katawan bilang mga kamangha-manghang instrumento para sa kabutihan.
Ang mga Katawan ay mga Kaloob
Ang mga katawan ay mayroong iba’t ibang hugis, kulay, laki, at antas ng kakayahan. Marahil ang pinakamahalagang mensahe na masasabi natin sa ating mga anak ay ang mensahe na ang bawat katawan ay isang napakahalagang pagpapala. Ang pagkakaroon ng pisikal na katawan ay isang mahalagang bahagi ng plano ng kaligayahan—dahil ang ating kaluluwa ay binubuo ng ating espiritu at ng ating katawan! (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:15). Tulad ng itinuro ni Pablo, ang ating mga katawan ay mga templo para sa Espiritu Santo.
Tulad ng matatanda, ang mga bata ay maaaring madismaya sa hitsura at galaw ng kanilang katawan. Ayos lang iyon. Tulungan ang inyong anak na maunawaan na maging ang mga hindi perpektong katawan ay nagbibigay-daan sa atin na matuto at lumago. Maaari tayong maging magandang halimbawa ng pagtutuon sa mabubuting bagay na nagagawa ng ating mga katawan sa halip na mag-alala nang labis tungkol sa hitsura ng ating katawan at ikumpara ang ating katawan sa iba. Balang-araw, ang bawat isa sa atin ay mabubuhay na mag-uli, at ang ating mga katawan ay “magbabalik sa kanilang wasto at ganap na anyo” (Alma 40:23).
Pangangalaga sa Ating mga Katawan
Ang mga nakapagpapalusog na gawi na nalilinang ng mga bata ay habambuhay na magpapala sa kanila. Bilang mga magulang, mayroon tayong malaking impluwensiya sa kanilang mga kinakain, sa kanilang mga pisikal na aktibidad, sa kanilang mga gawi sa paglilinis ng katawan, at sa iba pang mga paraan ng pag-aalaga sa kanilang mga katawan. Bukod pa sa paghikayat sa kanila na maging malusog, maaari tayong lumikha ng isang kapaligiran sa pamilya na nagpapakita ng mabubuting desisyon na ito. Kabilang dito ang pagkakaroon ng bukas at hindi nanghihiya na mga talakayan tungkol sa pakikipagtalik at sa mga pagbabago na dapat asahan sa kanilang katawan habang lumalaki sila. (Para sa tulong sa pagdaraos ng mga usapang angkop sa mga edad, tingnan sa A Parent’s Guide sa ChurchofJesusChrist.org.)
Pagpigil sa Pang-aabuso
Nakakalungkot na isa sa apat na tao sa buong mundo ay naabuso bilang mga bata.1 May magagawa tayo para maprotektahan at mapalakas ang ating mga anak. Maaari natin silang turuan na magsabi ng “huwag” sa mga bagay na hindi sila kumportableng gawin, at kung may nanakit sa kanila, kailangan nilang humingi ng tulong—at ipagpatuloy ito hanggang sila ay maging ligtas. Maaari tayong magturo sa kanila ng mga tumpak na salita para sa mga bahagi ng katawan, magkaroon ng mga bukas na talakayan tungkol sa mga tanong na mayroon sila, at maghikayat sa kanila na bigyang-pansin ang Espiritu. (Tingnan ang “Pagprotekta sa mga Bata” sa paparating na Oktubre 2019 na Liahona.)
Maraming nakakapinsalang mensahe sa media tungkol sa ating mga katawan. Ano ang binabasa, pinapanood, at pinapakinggan ng ating mga anak? Kapag tinuturuan natin ang mga bata na tukuyin at iwasan ang nakakapinsalang media, mas matutukoy nila ang pagkakaiba sa pagitan ng mga katotohanan at ng mga kasinungalingan.(Tingnan sa “Growing a Healthy Technology Garden” mula sa Abril 2017 Ensign.)
Pagiging Mabait
Tayo ba ay nagsasabi ng hindi mabubuting pahayag tungkol sa katawan ng isang tao—kabilang na ang ating sarili? Kung gayon, tayo ay nagbibigay ng nakakapinsalang halimbawa sa ating mga kabataan. Sa halip, maaari nating gawing kaugalian ang pagpapahayag ng pagpapasalamat para sa mga bagay na kayang gawin ng ating mga katawan. Maaari tayong magpakita ng halimbawa ng pagbibigay ng mabubuting komento, kabilang na ang pagpuri sa mga tao sa kanilang mga kilos at mga katangian sa halip na sa kanilang mga hitsura lamang.
Sa huli, maaaring itinatrato ng ibang tao ang kanilang mga katawan sa mga paraan na itinuturo sa atin na dapat iwasan. Kapag sinasabi natin sa ating mga anak na umiwas sa pagpapatato, pagpapabutas ng mga bahagi ng katawan, at pananamit na hindi disente, tiyakin natin na itinuturo rin natin sa kanila na maging mabait. Kahit na maaaring hindi tayo sang-ayon sa mga pagpiling ginagawa ng mga tao, dapat natin silang pakitunguhan nang may pagmamahal at paggalang.