2019
Maliliit na Pagpili, Malalaking Bunga
Agosto 2019


Mga Aral mula sa Bagong Tipan

Maliliit na Pagpili, Malalaking Bunga

Paano tayo tutugon kapag nagtanong ang mundo, “Gusto mo rin bang sumama?”

Simula noong bata pa ako, gustung-gusto ko na ang Bagong Tipan. Gustung-gusto kong magbasa tungkol sa pagtuturo ng Tagapagligtas ng mga walang-hanggang alituntunin sa Kanyang mga disipulo na nagpabago sa kanilang mga buhay magpakailanman.

Kamangha-mangha rin para sa akin kung paano nabago ng mga alituntuning iyon ang aking sariling buhay sa napakaraming paraan. Paulit-ulit kong nakita na kapag sinusunod natin ang mga turo ng Guro, ang ating sariling mga desisyon, maging ang yaong maliliit, ay madalas na humahantong sa malalaking bunga.

Ang Aking “Maliit” na Pagpili

Ilang taon na ang nakararaan, bilang isang bagong tagapamahala, naglakbay ako patungong Timog Amerika para dumalo sa isang mahalagang seminar sa trabaho na idinaos ng matataas na opisyal ng ahensya ng pamahalaan na pinagtrabahuhan ko.

Sa pinakaunang gabi sa pagtatapos ng kumperensya, ibinalita ng pinakamataas na opisyal ng ahensya ang isang espesyal na aktibidad para sa gabing iyon. Nasisigurong matutuwa ang lahat sa kanyang ideya para sa espesyal na aktibidad, buong pagmamalaki niyang ipinahayag: “Para maipakita sa inyo kung gaano namin kayo pinasasalamatan, ngayong gabi ay inaanyayahan namin kayong lahat sa isang espesyal na lakad, kung saan pupunta tayo sa mga tindahan ng alak sa lungsod, na kilala para sa isang espesyal na inuming may alak. Titikman natin ang lahat ng iba’t ibang uri ng inuming iyon at pagbobotohan natin kung aling tindahan ng alak na gumagawa niyon ang may pinakamasarap na bersyon. Magkakaroon ng isang paligsahan at may mananalo. At huwag kayong mag-alala, ako ang taya, aking espesyal na handog ito sa inyo.”

Nang magpalakpakan ang lahat sa kanyang plano, itinanong niya: “Meron bang hindi sasama? Sabihin n’yo na ngayon bago mahuli ang lahat!”

Nang muling magpalakpakan ang lahat, naisip ko na nakakahiyang magsabi ng anuman sa harap ng lahat ng mga taong iyon, para kontrahin ang inaasahan ng pinakamataas na opisyal na isa itong pambihirang alok.

Gayunpaman, sa loob ng ilang sandali ay nagpasiya ako. Ako lamang ang nag-iisang nagtaas ng kamay. Pagkatapos, sa nakakatakot na paraan, tinanong niya ako kung ano ang sasabihin ko. Noon lang ako nakaranas ng matinding katahimikan sa buong buhay ko!

Sabi ko: “Sir, salamat po para sa inyong napakagandang alok, pero hindi po ako sasama sa inyong lahat ngayong gabi.”

Pagkaraan ng mahabang katahimikan, na mas tahimik pa kaysa sa inakala kong posible, nagtanong siya, “Bakit?” Sa sandaling iyon, maaari sanang nagbigay ako ng ilang magagandang dahilan—na may sakit ako o may kailangan akong tawagan sa kabilang panig ng mundo o iba pang dahilan na maglalayo sa akin sa malinaw na kahihiyan para sa aking sarili. Ngunit sinabi ko ang simpleng katotohanan, na bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, hindi ako umiinom ng alak.

“Magsasaya Kami nang Wala Ka”

Matapos magnilay-nilay sandali, sinabi niya sa huli, “Kung gayo’y magsasaya kami nang wala ka.” At sa iba, sinabi niya, “Sumunod kayo sa akin. Magpakasaya tayo! Iwanan natin siyang mag-isa.”

Naaalala ko pa ang tunog ng kanilang mga tawanan nang lisanin nila ang silid na pinagdausan ng kumperensya at maiwan akong mag-isa. Napagtanto ko na maraming beses, ang pagpili sa Panginoon, tulad ng itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018), ay tungkol lahat sa pagpili “[ng] tama na mas mahirap gawin sa halip na [ng] mali na mas madaling gawin,”1 kahit maiwan pa tayong mag-isa.

Nang pumasok ako sa aking silid, naaalala ko na may narinig akong malinaw na tinig sa aking isipan: “Gusto mo rin bang sumama?” Napatigil ako nang sandali, pero biglang pumasok sa aking isipan ang mga sinabi ni Simon Pedro sa Tagapagligtas. Sa tanong ding iyon, sumagot siya, “Panginoon, kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan” (Juan 6:68).

May nadaramang panibagong kapayapaan, pakiramdam ko’y tila napapaligiran ako ng mga anghel na sumusuporta sa akin. Kahit mag-isa ako, hindi ko nadama na nag-iisa ako. Nang piliin ko ang Panginoon at panindigan ko ang aking mga prinsipyo, nakita ko na kapag pinili natin ang Panginoon, maaari tayong maiwang mag-isa sa mundo, pero hindi tayo pababayaan ng Tagapagligtas kailanman.

Maliit ngunit Malaki

Maaaring tila maliliit ang mga desisyong ginagawa natin sa araw-araw, ngunit palaging may mga tunay na implikasyon at malalaking bunga ang mga ito, mabuti man o masama.

Sa katunayan, ilang taon pagkaraan ng makasaysayang araw na iyon, bumisita ang opisyal na iyon sa aming opisina sa Rome. Ganoon pa rin siya, puno ng kapangyarihan at awtoridad. Mukha pa rin siyang nakakatakot sa aming lahat.

Sa pagkakataong ito, pagkatapos ng lahat ng mga miting, nilapitan niya ako sa kakaibang paraan. Nakakagulat ang kanyang kabaitan. Sinabi niya sa akin na natatandaan pa niya ang araw na nanindigan ako sa aking mga paniniwala. Pagkatapos, laking gulat ko nang tanungin niya kung papayag akong maging tagapamahala ng ahensya para sa buong Europa, na isang napakalaking oportunidad para sa aking propesyon. Habang sinusubukan niya akong kumbinsihin na maganda ang bagong trabaho pagdating sa suweldo, paglalakbay, at mga benepisyo, ang talagang nakagawa ng kaibhan ay nang sabihin niyang: “Hindi lang magagandang katangian ang tinitingnan namin. Kailangan namin ng mga taong may integridad, na naninindigan sa kanilang mga prinsipyo. Kailangan namin ng mga taong katulad mo.”

Nagulat akong marinig ang mga salitang iyon, na makita na ang aking maliit na desisyon na manindigan sa aking mga paniniwala ilang taon na ang nakalilipas ay nagkaroon ng malaking epekto sa kanya kalaunan. Ang aking maliit na desisyon ay nagbunga sa huli ng isang malaking pagpapala para sa akin, kapwa sa temporal at sa espirituwal. Ang nakakatawa, bilang bahagi ng aking bagong trabaho, ako rin ang naging tagapangasiwa ng karamihan sa mga tagapamahala na pinagtawanan ako ilang taon na ang nakararaan.

Ang Tamang Pagpili

Sabi ni Pangulong Monson, “Sa pagninilay natin sa mga desisyong ginagawa natin sa buhay araw-araw—piliin man natin ito o kaya’y iyon—kung pipiliin natin si Cristo, tama ang gagawin nating desisyon.”2

Itinuro rin ni Apostol Pablo na ang pagpili sa Panginoon ang palaging pinakamainam na posibleng piliin, gaano man kahirap ang pagpiling iyon: “At nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios” (Mga Taga Roma 8:28).

Araw-araw, ang mga pagpiling ginagawa natin ang talagang tutukoy sa kahihinatnan natin. Kung pipiliin natin ang Panginoon, sabi nga ni Pangulong Monson, “tama ang gagawin nating desisyon,” dahil, sabi nga ni Pablo, “lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios.”

Maraming beses tayong nag-aatubiling gawin ang mga tamang pagpili dahil sinisikap nating pasayahin ang Panginoon nang hindi sinasaktan ang damdamin ni Satanas. Ngunit hindi natin mapapasaya ang Diyos nang hindi nalulungkot si Satanas. Talagang hindi tayo makapaglilingkod sa dalawang panginoon. Ang ating pangunahing desisyon ay palaging kung isasabuhay ba natin ang dalawang unang kautusan sa tamang prayoridad: Maglingkod muna sa Diyos at pagkatapos ay sa ating kapwa, o unahin ang ikalawang utos bago ang una sa pamamagitan ng pagpapasaya sa iba bago pasayahin ang Diyos (tingnan sa Mateo 22:37-39).

Tumayo Bilang mga Saksi

Ang pinakapangkalahatang tipan na ginagawa natin sa binyag ay “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan [tayo] ay maaaring naroroon” (Mosias 18:9; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang tipan na iyon ay isang desisyong ginagawa natin nang minsan at magpakailanman, na manindigan para sa ating mga paniniwala bilang mga saksi ng Diyos sa bawat sandali ng ating buhay. Ang ipinangakong pagpapala ay na mapapasaatin ang Espiritu nang higit na masagana (tingnan sa Mosias 18:10).

Ang mundo, ang ating mga kabarkada, at ang mga taong iba ang mga pinahahalagahan kaysa sa atin ay lagi tayong pipilitin, na dumarating kapag nagsusumikap tayong isabuhay ang batas selestiyal sa isang mundong telestiyal. Tunay ngang ang pamumuhay nang matwid sa isang masamang mundo ay hindi madaling gawin. Kung minsa’y para iyong isang napakalaking hamon. Kung minsa’y para iyong isang pang-araw-araw na laban. Ngunit pinangakuan tayo na tatanggapin natin ang Espiritu nang higit na masagana kapag tumayo tayo bilang mga totoong saksi ng Diyos. Kapag nanalangin tayo sa Ama sa Langit, bibiyayaan Niya tayo ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na magbibigay ng napakahalagang tulong na kailangan natin. Pupunuin ng dakilang biyaya ang di-maiiwasang espirituwal na puwang na dinaranas nating lahat bilang mga di-perpektong nilalang na nagsisikap na abutin ang mas mataas at mas banal na lupa.

Mga Walang-Hanggang Bunga

Sa katotohanan, ang mga pagpiling tila maliliit sa oras na iyon ay maaaring may mga walang-hanggang bunga. Ngunit dahil nakipagtipan tayo, pinangakuan tayo. Kapag pinipili natin ang Panginoon—kapag tumatayo tayo bilang mga saksi sa lahat ng panahon, sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar—ang lahat ng mga bagay ay magkakalakip na gagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Diyos. Kapag pinipili natin ang Panginoon, kahit maaaring nag-iisa tayo kung minsan, paliligiran tayo ng mga anghel, na tutulong sa atin, at hindi na natin madarama na nag-iisa tayo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:88).

Taimtim kong pinatototohanan na sa mga sagradong sandaling iyon ng maliliit na desisyon na may malalaking bunga, sa pamamagitan lamang ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo tayo makasusumpong ng kapayapaan at kapahingahan. Maraming beses tayong tatanungin kung tayo ay sasama sa mundo o maninindigan sa ating mga prinsipyo. Paano tayo tutugon kapag tinanong tayo ng: “Gusto mo rin bang sumama?” Sasama ba tayo sa mundo o mamamalagi ba tayo sa piling ng Panginoon? Mananatili ba tayong tahimik at pinakikilos, o maninindigan ba tayo sa ating mga paniniwala at sa halip ay kikilos?

Nawa’y palagi nating piliin ang Panginoon at agad tayong tumugon ng: “Kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.” Sa gayo’y magtatamasa tayo ng mga pagpapala ng ating mga matwid na desisyon, sa temporal at sa espirituwal, sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Mga Pagpili,” Liahona, Mayo 2016, 86.

  2. Thomas S. Monson, “Mga Pagpili,” 86.