Mga Young Adult
Pag-unawa sa Iyong Tunay na Pagkatao
Ano ang nakikita mo kapag tinitingnan mo ang iyong sarili sa salamin?
Pinapansin mo ba ang mga bagay na ayaw mo sa iyong hitsura? Pinarurusahan mo ba ang iyong sarili dahil sa iyong mga pagkakamali o mga kahinaan? Nakikita mo ba ang mukha ng isang taong namimintas sa iyo na nakatitig sa iyo?
O nakikita mo ang iyong sarili bilang anak ng Diyos? Nakikita mo ba ang isang taong nag-iisip ng maganda at nagpapasalamat anuman ang sitwasyon? Nakikita mo ba ang mukha ng isang taong nahahabag sa iyo?
Kapag naunawaan natin kung sino talaga tayo, madaraig natin ang pagiging mapamintas sa sarili, pagiging perpeksyonista, at ang mga ugaling nakapipinsala. Maititigil natin ang masyadong pagtutuon sa hitsurang nakikita natin sa salamin at sa halip ay pagsisikapang mabanaag sa ating sarili ang Liwanag ni Cristo. Sa isyung ito, mababasa mo ang tungkol sa katawan ng tao at lalo pang mauunawaan ang iyong sariling kahalagahan. Nagbahagi ako ng ilang kaalaman tungkol sa katawan ng tao mula sa mga katotohanang matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa templo (tingnan sa pahina 44). Sa artikulong digital lamang, nagpasalamat si Sandra Vanessa para sa kanyang katawan na dumaan sa mahirap ngunit nagpapabago ng buhay na karanasan ng pagkakaroon ng anak.
Sa pahina 48, ibinahagi ni Marcus kung paano niya nadaig ang pag-iisip ng hindi maganda tungkol sa sarili at kung paano natin matatantong tayong lahat ay “maganda”—na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, madaraig natin ang lahat ng bagay.
Bilang mga disipulo ni Cristo, hindi tayo maaaring magtuon sa pabagu-bagong pilosopiya ng mundo hinggil sa kalusugan at hitsura, ni maging malabis sa pagpapalusog ng katawan. Tandaan, ang kahalagahan mo ay hindi dahil sa laki o hugis ng iyong katawan. Ang iyong kahalagahan ay walang-hanggan, at nagmula ito sa Diyos.
Tapat na sumasainyo,
Aspen Stander