2019
Pagpapakita ng Pananampalataya
Agosto 2019


Pagpapakita ng Pananampalataya

“Ako sa pamamagitan ng aking mga gawa ay ipaki[kita] sa iyo ang aking pananampalataya (Santiago 2:18).

Practicing Faith

Mabilis na idinribol ni Klarie ang bola papunta sa kabilang dulo ng court. Ito na ang pinakahihintay ko, naisip niya. Ang pinakamataas at pinakamabilis na babae sa team ay nakabantay kay Klarie sa buong laro. Pero ngayon iba na ang binabantayan nito. Pagkakataon na ito ni Klarie!

Mabilis siyang kumawala sa isa pang manlalaro at ipinuwesto ang kanyang mga paa. Pagkatapos ay tumalon siya at nag-shoot. Pumailanlang sa ere ang bola habang pigil ang hiningang nakatingin si Klarie. Ma-shoot ka sana.

Tuluy-tuloy sa buslo ang bola.

Nag-high five kay Klarie ang mga ka-team Niya. Maya-maya pa tiningnan ni Coach Garcia ang timer at sumilbato. “Tapos na tayong magpraktis! Magaling kayong lahat! Magkita tayong lahat bukas. Siguraduhin ninyong nakapagpahinga kayo dahil maraming takbo ang gagawin natin.”

Napabuntung-hininga si Klarie at lumakad na para sinupin ang mga gamit niya. Nakita niya si Coach Garcia na kumakaway sa kanya.

“Klarie,” sabi niya. “Ang galing ng ginawa mo ngayon. Alam ko nagpraktis ka nang maigi, at ipinagmamalaki kita.”

“Salamat po,” sabi ni Klarie na todo ang ngiti.

Nakangiti pa rin siya habang papunta sa kotse ng kanyang ina. At nang bumibiyahe sila pauwi, inisip niya muli ang huling shoot niya. Lalung-lalo na ang pagpasok ng bola sa buslo. Halos hindi na niya napansin ang mensahe sa kumperensya na pinapakinggan ng kanyang ina.

Pero biglang may nakakuha ng kanyang atensyon. Sabi ng tagapagsalita, “Dapat nating pag-ukulan ng oras na masigasig na maipakita ang ating pananampalataya.”* Ang mga salitang “masigasig na maipakita” ay parang katulad ng naririnig niya sa praktis ng basketbol. Paano ka nagpapakita ng pananampalataya? naisip niya. Tumatakbo ka ba nang may pananampalataya? O idinidribol mo ang pananampalataya na parang bola?

Tumingin si Klarie sa ina. “Paano po kayo nakapagpapakita ng pananampalataya?” naisip niya.

Ngumiti si Inay. “Paano ka humuhusay sa basketbol?”

“Nagpapraktis po ako,” sabi ni Klarie. “Sinasabi po sa akin ng coach ko kung paano humusay. At kapag nagpapraktis kami, talagang sinisikap kong gawin ang tama.”

“Madali ba?”

“Hindi po!” Sabi ni Klarie, habang iniisip kung gaano kapagod ang mga binti niya pagkatapos tumakbo-takbo. “Kailangan kong magpraktis nang maraming beses.

Tumango si Inay. “Nais ng Ama sa Langit na magkaroon tayo ng pananampalataya sa kanya, pero dapat nating pagsikapan ito. Binigyan niya tayo ng mga paraan na maipakita ito at maging mas mabuti.”

“Gaya po ng ano?”

“Hinihiling Niya sa atin na kausapin Siya sa panalangin. Parang coach natin Siya. Binibigyan Niya tayo ng mga banal na kasulatan. Parang ang mga ito ang playbook Niya. At binibigyan Niya ng inspirasyon ang mga propeta na hikayatin tayong matuto bilang pamilya. Ang pamilya natin ay parang—”

“Tulad ng team namin!” Ang isiningit ni Klarie.

“Mismo! Magkakasamang nagsisikap at nagpapraktis ang team ng pamilya natin,” sabi ni Inay. “Kaya ano ang nangyayari kapag nagpapraktis tayo?”

“Humuhusay po tayo,” sabi niya. Inisip niya kung gaano kasarap sa pakiramdam nang maibuslo niya ang huling shoot niya matapos magpraktis nang maigi nang ilang linggo.

Tama iyan. Kapag nagpapraktis tayo, nagpapakita tayo ng pananampalataya. Nakakatulong iyan para mas lumakas ang mga patotoo natin. At mas pinapasaya tayo niyan.”

Hindi naisip noon ni Klarie na pwede palang ganoon ang pananampalataya. Narinig niya na ang pananampalataya ay parang binhi. Pero hindi niya alam noon na para din pala itong pagbabasketbol! Inisip niya kung paano pinaplano ng coach niya ang mga praktis para sa kanilang team. Siguro maaari ko ring planuhin ang mga praktis ko, naisip niya, pero para sa pananampalataya! Pagkauwi niya ng bahay, naghanap siya ng malaking notebook at nagsimulang magsulat:

  • Panalangin—umaga at gabi

  • Pag-aaral ng mga banal na kasulatan—araw-araw

  • Simbahan—tuwing Linggo

Siguro ang pagpapakita ng pananampalataya ay hindi eksaktong katulad ng pagpapapraktis ng basketbol. Pero pagpapapraktis pa rin iyon. Panatag at masaya ang kalooban niya nang tingnan niya ang kanyang plano. Tiwala siya sa Ama sa Langit at alam niyang tutulungan siya Nito!

  • Richard G. Scott, “Unahin Ninyong Manampalataya,” Liahona, Nob. 2014, 92–95.