2019
Nilikha Ayon sa Kanyang Wangis
Agosto 2019


Mga Young Adult

Nilikha Ayon sa Kanyang Wangis

Ang ating mga katawan ay hindi nilikha para ipaglantaran o purihin o husgahan ayon sa mga pamantayang may kinikilingan sa pagiging kaakit-akit. Ang mga ito ay nilikha upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan.

woman looking at herself in a compact hand mirror

Mga larawan mula sa Getty Images

Sa digital na panahong ito, tayo ay inuulan ng mga mensahe na ang ating mga katawan ay hindi maganda maliban kung ang mga ito ay naaayon sa partikular na laki at hugis. Ilan sa mga social media post ay tila nagpapahiwatig na ang dapat lang nating kainin ay green smoothies na gawa sa mga organic ingredient at tumakbo ng 10 milya (16 km) bawat araw upang magkaroon ng “perpektong” katawan at nang sa gayon ay hangaan ng mga kaibigan, pamilya, at pati na rin ng mga hindi kakilala.

Marami sa atin ang nahihiya tungkol sa kung ano ang nakikita nating hindi perpekto sa ating mga katawan. Naisip natin na dahil hindi tayo maaaring maging perpekto—dahil hindi tayo kamukha ng isang Instagram model—ay hindi na tayo karapat-dapat na mahalin at tanggapin.

Pero hindi ito totoo. Ang mga katawan natin ay kaloob mula sa Diyos. Ang mga ito ay hindi nilikha para ipaglantaran o purihin o husgahan ayon sa mga pamantayang may kinikilingan sa pagiging kaakit-akit. Ang mga ito ay nilikha upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan.

Mga Banal na Katotohanan

Sa premortal na buhay, inilahad ng Ama sa Langit ang Kanyang plano ng kaligtasan sa mga espiritu sa langit. Bilang bahagi ng Kanyang plano, magkakaroon tayo ng katawan para maranasan ang mortalidad sa mundo. Taglay ang ating mga pisikal na katawan, gagamitin natin ang ating kalayaan para matutuhan ang ebanghelyo at matanggap ang mga ordenansa na magtutulot sa atin na makabalik sa Kanyang piling bilang mga nilalang na nabuhay na mag-uli.

Kaya, para maisakatuparan ang plano “Nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae” (Genesis 1:27). Dahil ang ating Ama sa Langit ay may katawang may laman at buto (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:22), ang pagkakaroon mo ng sariling katawan ay magbibigay sa iyo ng potensyal na maging katulad Niya. Ang ating mga pisikal na katawan ay hindi mga inkombenyenteng sisidlan lamang ng ating mga espiritu—ang mga ito ay kinakailangan sa ating kaligtasan at kadakilaan.

Hindi tayo narito sa mundo para panatilihin ang isang partikular na timbang ng katawan o sundin ang idealismo o paniniwala ng isang lipunan tungkol sa kagandahan. Tayo ay tinawag upang maglingkod sa Diyos at maging higit na katulad ni Jesucristo. Tayo ay tinawag upang ipahayag ang ebanghelyo, magpalaki ng mabubuting pamilya sa Panginoon, at tahakin ang landas ng tipan upang makabalik sa ating Ama sa Langit.

Mga Kasinungalingan ni Satanas

Kung ang pagkakaroon ng katawan ay isang malaking pagpapala, bakit napakaraming tao ang nababahala sa kanilang katawan o matindi ang hangaring mabago ang kanilang hitsura? Bakit hindi nagugustuhan ng napakaraming tao ang kanilang sariling katawan sa halip na mahalin at pangalagaan ito?

Ang ating katawan ay isang pribilehiyo at kaloob. Marahil ang isang dahilan kung bakit tinutukso tayo ni Satanas na huwag mahalin o pahalagahan ang ating mga katawan ay dahil wala siya nito. Hindi niya tinanggap ang plano ng kaligtasan at pinalayas siya sa langit, at hindi kailanman mararanasan ang malaking kagalakan o matinding kapighatian ng mortalidad. Matutukso niya tayo na mag-isip na hindi maganda ang ating katawan, na kinakailangan nating dumaan sa mapanganib o malabis at nakapipinsalang pagpapaganda ng katawan para makaangkop sa mga pamantayan ng “kagandahan” ng mundo. Kapag naniwala tayo na kailangan nating maging lubos na kaakit-akit para may magmahal sa atin, ang pananaw natin ay nagiging hindi balanse, at uudyukan tayo ng kaaway na isipin natin na tayo ay may kakulangan, walang halaga, at kapootan ang sarili.

Uudyukan tayo ni Satanas na kalimutan natin na tayo ay nilikha ayon sa larawan ng ating mga Magulang sa Langit at na ang kahalagahan natin ay hindi nakabatay sa kung ano ang ating hitsura. Alam ng kaaway na ang pagtutuon sa ating katawan ay sasagabal sa mga bagay na mas mahalaga: ang ating mga pinahahalagahan, kaugnayan sa ating kapwa, at sa ating Diyos. Gusto ng kaaway na pagtuunan natin nang husto ang ating hitsura o timbang nang sa gayon ay makaligtaan natin ang gawaing ipinagagawa sa atin para maisulong ang plano ng kaligayahan.

Pinagkalooban ng Kapangyarihan

Ang ating mga katawan ay kaloob mula sa Diyos, at mahalaga ang mga ito sa pagsisikap nating sumulong sa landas ng tipan. Ang maunawaan na ang pagkakaroon ng katawan ay isang pribilehiyo na ipinagkait sa mga yaong sumunod sa plano ni Lucifer sa halip na sumunod sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay lubos na nagpapalakas sa atin. Kinakailangan natin ang ating mga katawan upang matanggap ang mga ordenansa ng templo, kung saan matututuhan din natin ang magagandang katotohanan tungkol sa layunin at potensyal ng ating katawan. Ang ating pisikal na pakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood ay kinakailangan para maihanda tayo sa buhay na walang hanggan. Kaya nga kailangang magsagawa tayo ng mga ordenansa sa templo para sa mga patay, na ang mga espiritu ay kasalukuyang nakahiwalay sa kanilang mga katawan—hindi nila ito magagawa para sa kanilang sarili.

Kapag naunawaan mo kung ano ang tunay na pribilehiyo ng pagkakaroon ng katawan, mababawasan ang pag-iisip mo ng hindi maganda tungkol sa iyong katawan at mapapalitan ang mga iyon ng pasasalamat.

woman making a heart with her thumb and index fingers

Isang Masayang Muling Pagkikita

Balang-araw, bawat isa sa atin ay mamamatay. Ang ating mga katawan ay pansamantalang mahihiwalay sa ating mga espiritu hanggang sa tayo ay mabuhay na mag-uli. Kapag tayo ay nabuhay na mag-uli, bawat biyas, kasu-kasuan, at buhok ng ating pisikal na katawan ay “magbabalik sa kanilang wasto at ganap na anyo” (Alma 40:23). Naisip ko na ito ay isang masayang muling pagkikita kapag nagagawa na nating makahawak, makalasa, makaamoy, makarinig, at makakita nang may panibagong lakas at sigla. Nakikinita ko ang paglapit ko sa mga kapamilya ko na nakaunat ang mga bisig para yakapin sila. Hindi ko nakikinita na nag-aalala ako tungkol sa mga stretch mark o mga ekstrang taba sa aking tiyan. Maglalaho ang mga bagay na iyon. Nakikinita ko na makikita natin ang ating sarili at ang isa’t isa ayon sa pagkakita sa atin ng Tagapagligtas, at taglay ang ating katawan ay muli nating makakasama ang Diyos (tingnan sa 2 Nephi 9:4).

Ang mga katawan natin ay ibinigay sa atin upang maisakatuparan natin ang layunin ng ating paglikha at matanggap ang putong ng kaluwalhatian sa kinaroroonan ng Diyos Ama (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:19). Ito ay naging posible dahil sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, na siyang tumubos sa atin mula sa kamatayan at kasalanan. Kung gagamitin natin ang ating mga katawan sa paggawa ng gawaing ipinagagawa sa atin sa halip na magtuon sa hitsura ng ating katawan, mas maaabot natin ang ating lubos na potensyal sa buhay na ito at sa kabilang buhay.