Digital Lamang
Mga Sakripisyong Ginawa Ko nang Sumapi Ako sa Simbahan
Marami akong isinakripisyo nang sumapi ako sa Simbahan, ngunit marami rin akong natanggap bilang kapalit.
Ang awtor ay naninirahan sa Scotland.
Para sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang salitang sakripisyo ay makahulugan. Kapag naiisip ko ang pagsasakripisyo, naiisip ko si Jesucristo sa Halamanan ng Getsemani o sa krus sa Golgota. Ngunit ang simpleng sakripisyo araw-araw ay nangangailangan ng taos-pusong pagsisikap para sa karamihan ng mga miyembro ng Simbahan, kabilang na ang aking sarili mula nang maging miyembro ako.
Ipinanganak at lumaki ako sa Scotland sa butihing mga magulang, at nang maging 18 taong gulang ako, noon ko lamang natanto na may mas mabuti pang paraan ng pamumuhay. Alam ko noon pa man na mayroong Diyos, ngunit kamakailan ko lamang nalaman na mayroon Siyang personal na kaugnayan sa akin.
Noong una akong sumapi sa Simbahan, walang naging problema dito ang aking pamilya. Ngunit maraming naging alinlangan ang aking mga kaibigan. Nagsaliksik sila tungkol sa Simbahan at pinaniwalaan nila ang mga maling impormasyon tungkol dito. Tinawag nila ang Simbahan na kulto, at sinabi nila sa akin na puno ito ng mga kasinungalingan at na nababaliw na ako dahil sumali ako dito. Ngunit naniniwala talaga ako na totoo ang Simbahan na ito. Sa tingin ko, wala nang makapagpapabago nito. At nang sabihin ko sa aking mga kaibigan na alam kong totoo ito, kinutya nila ako at ang Simbahan.
Noong gabing iyon, ipinagdasal ko na tulungan ako sa aking mga kaibigan. Ayaw kong masira ang aming pagkakaibigan, ngunit ayaw ko na ring makutya. Pagkatapos kong magdasal, naalala ko na nakatanggap ako ng isang malinaw na pahiwatig: “Kung ang mga taong ito ay mabubuti mong kaibigan, susuportahan ka nila. Hindi ka nila kukutyain.” Binigyang-pansin ko ang pahiwatig na iyon, at noong patuloy pa rin akong kinukutya ng aking mga kaibigan dahil sa pagsapi ko sa Simbahan, hindi na ako nakihalubilo sa mga taong iyon, mahirap itong gawin, ngunit simula noon ay nakahanap ako ng mabubuting kaibigan sa Simbahan—mga kaibigan na susuporta sa akin, anuman ang mangyari.
Nakatanggap din ako ng espirituwal na patnubay na kailangan kong isakripisyo ang aking trabaho. Bago ako sumapi sa Simbahan, nagtrabaho ako sa isang tindahan ng alak, at bagaman walang mga turo ng ebanghelyo na tumututol sa pagtatrabaho ko roon, hindi naging maganda ang pakiramdam ko tungkol dito. Nagsimula akong maghanap ng bagong trabaho at mabilis akong nakahanap ng trabaho sa isang kainan na hindi masyadong nagtitinda ng alak at pinamamahalaan ng isa sa pinakamababait na pamilyang nakilala ko!
Kaya, kung isasaalang-alang ang lahat, kahit maaaring kailanganin nating magsakripisyo kapag sumapi tayo sa Simbahan, maging oras, kaginhawaan, o kung anuman ito, ang mga sakripisyong iyon ay sulit. Maaaring maliliit na bagay lamang ang mga isinakripisyo ko kumpara sa iba, ngunit naging mahirap pa rin ito para sa akin, at pinalakas ako ng mga ito—tulad ng kung paanong ang lahat ng mga isinasakripisyo natin araw-araw at ang oras na ibinibigay natin sa Panginoon ay magpapalakas at magpapadalisay sa ating lahat.
Alam ko na ito ang nag-iisang tunay na Simbahan ni Jesucristo. Alam ko na mayroon tayong propeta ngayon, at masaya ako dahil dito. Nagpapasalamat ako para sa patotoo na mayroon ako at sa paghahayag na maaari nating matanggap sa pamamagitan ng pagiging karapat-dapat na mga miyembro ng Simbahan. Alam ko na kung susubukan nating mahalin ang bawat isa tulad ng ginawa ni Cristo, tunay tayong pagpapalain. Mahal ko ang ebanghelyong ito—binago nito kung sino ako.
Si Nicky ay isang tagapagluto sa isang maliit na isla sa Scotland na malapit sa kanlurang baybayin. Kinagigiliwan niya ang pagbibisikleta, pamamangka, at pangingisda. Siya ay nag-iisang anak at malapit sa kanyang mga magulang, kahit na siya lamang ang miyembro ng Simbahan sa kanyang pamilya. Nabinyagan siya sa edad na 18 at umaasang makapagmimisyon sa lalong madaling panahon!