Mga Pagpapala ng Pag-asa sa Sarili
Ang Pinakamagandang Pamumuhunan
Matapos matanggal sa trabaho, namroblema nang husto si Blanca Gregory tungkol sa paghahanap ng bagong trabaho. Ngunit sumali siya sa Find a Better Job [Maghanap ng Mas Magandang Trabaho] na self-reliance group.
Nagtrabaho si Blanca Gregory sa banko sa loob ng 27 taon, kabilang dito ang 12 taon bilang isang kawaning tagapamahala—kaya ikinagulat niya ang pagkakatanggal niya sa trabaho. Ang kanyang pagkagulat, gayunman, ay mabilis na napalitan ng pag-aalala at pamomroblema.
Buti na lang, ang asawa ni Blanca na si Eric ay may trabaho at ang pamilya ay may ipon na magagamit nila. Matapos makabawi mula sa pagkakasakit at pagkawala ng trabaho nang mahigit isang taon, nagsimulang maghanap muli ng bagong trabaho si Sister Gregory.
Siya ay gumawa ng mga pagbabago sa kanyang resume, pumasok sa mga klase tungkol sa kompyuter, dumalo sa mga job fair, at nagsimulang mag-aplay sa iba’t ibang trabaho. Bunga nito, nagkaroon siya ng ilang mga panayam sa trabaho. Dahil sa kanyang karanasan sa trabaho, inakala niyang magiging madali ang paghahanap ng bagong trabaho.
“Nag-alala ako nang walang tumugon kahit isa,” sabi ni Sister Gregory. “Sabi ko, ‘Anong nangyayari?’”
Lumipas ang mga buwan na wala ni isang alok na trabaho. Sa huli, ang kanyang asawa, na naglilingkod noon bilang bishop sa kanilang ward sa Newport Beach, California, USA, ay nagmungkahi na tingnan ni Blanca ang inisyatibo ng Simbahan sa pag-asa sa sarili at pagkatapos ay sumali sa Find a Better Job na grupo.
“Madarama Mo ang Espiritu”
Bilang bahagi ng Find a Better Job na grupo, nagsimula si Sister Gregory ng 12-linggong kurso na tumulong sa kanya na gumawa ng mga personal na ugnayan na makakatulong sa kanya na makahanap ng trabaho, makahanap ng mga pagkakataon, gumawa ng mga pagbabago sa kanyang resume, iharap ang kanyang sarili bilang isang propesyonal, at maghanda para sa mga panayam sa trabaho. Nagtakda rin siya ng mga pang-araw-araw na layunin na may kaugnayan sa pagtukoy ng mga resource, pakikipag-ugnayan, at pagdaraos ng mga miting nang harapan.
“Ang klase tungkol sa pag-asa sa sarili ay hindi katulad ng anumang iba pang klase. Ito ay isang inspirasyon. Madarama mo ang Espiritu roon,” sabi niya. “Itinuro sa amin sa klase na manampalataya, maging masigasig, magtrabaho nang mabuti, at magsumamo sa Panginoon—umaasa hindi lamang sa aming mga sariling kasanayan at kakayahan para makahanap ng trabaho pero sa tulong din ng Ama sa Langit.”
Salamat sa kanyang Find a Better Job na grupo, nakapag-ensayo nang husto si Sister Gregory sa pagbabahagi ng kanyang mga kwalipikasyon at sa pakikipag-ugnayan sa mga tao at sa mga negosyo gamit ang isang kasangkapan sa pakikipag-ugnayan na tinatawag na “Me in 30 Seconds [Ako sa Loob ng 30 Segundo].” Ang pahayag na Ako sa Loob ng 30 Segundo ay tumutulong sa mga naghahanap ng trabahador na maunawaan kung ano ang uri ng trabaho na hinahanap ng isang taong nag-aaplay, kung ano ang mga karanasan ng taong iyon, at kung paano siya makakatulong para maging matagumpay ang negosyo.
Pagkalipas ng humigit-kumulang walong linggo sa kanyang kurso, isang araw ay nakaramdam ng impresyon si Sister Gregory na lumuhod at patuloy na manalangin buong araw para humingi ng tulong.
“Nagpakumbaba ako,” sabi niya. “Kinailangan ko talaga na tulungan ako ng Ama sa Langit na makahanap ng trabaho. Hindi ko sinasabing gusto kong maging tagapamahala o gusto kong kumita ng maraming pera. Kailangan ko lang ng trabaho. Nanalangin ako nang taimtim sa Panginoon.”
Bilang bahagi ng kanyang “takdang-aralin” para sa araw na iyon, nag-aplay siya online sa limang posisyon. Nang sumunod na araw, isang potensyal na pagtatrabahuhan ang tumawag para makapanayam siya para sa posisyon ng pagiging kawani ng isang branch ng bangko. Natuwa siya dahil mabilis na nasagot ang kanyang mga panalangin.
“Hindi ako kinabahan sa panayam, dahil nag-ensayo ako sa klase sa loob ng mahabang panahon,” sabi ni Sister Gregory. Gayunman, taimtim siyang nanalangin bago ang panayam. “Ama sa Langit,” pagsusumamo niya, “nakikiusap po ako na bigyan ninyo po ako ng mga sasabihin para makasagot po ako nang tama at para makita ng mga makakapanayam ko ang halaga ng maibibigay ko.”
“Mababago Nito ang Iyong Buhay”
Noong Marso 2018, ilang araw matapos ang panayam ni Sister Gregory, pumarada sina Mickey at Margaret Foster sa paradahan ng simbahan sa Newport Beach Stake para bisitahin ang Find a Better Job na grupo ng gabing iyon. Ang mga Foster, na naglilingkod noon bilang mga full-time na nakatatandang misyonero ng Self-Reliance Services, ay dumating nang maaga at nagulat na makita si Blanca na nakaparada na roon.
“Sabik na sabik siya kaya nagmadali siyang pumunta sa aming kotse para sabihin sa amin na nakahanap na siya ng trabaho,” sabi ni Elder Foster. “Inilarawan niya kung gaano niya kamahal ang kanyang Ama sa Langit at kung gaano kahalaga para sa kanyang paghahanap ng trabaho ang inisyatibo sa pag-asa sa sarili at ang kanyang grupo sa pag-asa sa sarili.”
Nagpatotoo rin si Sister Gregory sa mga Foster na hindi pa siya naging ganito kalapit sa Tagapagligtas o nakadama ng ganito katinding personal na kaugnayan ng Tagapagligtas sa kanyang buhay. Puspos ng pasasalamat at emosyon, napaiyak silang tatlo. Pagkalipas ng isang taon, patuloy na nagpapasalamat si Sister Gregory para sa kanyang grupo sa pag-asa sa sarili, para sa tulong ng Diyos, at para sa kanyang trabaho bilang isang kawani ng bangko.
“Maganda ang sahod. Maganda ang iskedyul. Maganda ang mga benepisyo,” sabi niya. Ginagamit niya ang kanyang mga kasanayan, naglilinang siya ng mga bagong talento, at “lumalago siya sa kumpanya.”
“Ang pagsali sa 12-linggong Find a Better Job na grupo ang pinakamagandang pamumuhunan na magagawa mo,” sinasabi niya sa sinumang naghahanap ng trabaho o nag-iisip na magpalit ng trabaho. “Hindi ka lamang nito matutulungan na gumawa ng mga pagbabago sa iyong resume at magbahagi ng iyong mga kasanayan, kundi matutulungan ka din nitong manampalataya at palaguin ang iyong patotoo. Iyon ang gumagawa ng kaibhan. Ilang oras lamang bawat linggo ang klase, pero makakatulong talaga ito. Mababago nito ang iyong buhay.”