Bagong Tipan 2023
Nobyembre 27–Disyembre 3. 1–3 Juan; Judas: “Ang Diyos ay Pag-ibig”


“Nobyembre 27–Disyembre 3. 1–3 Juan; Judas. ‘Ang Diyos ay Pag-ibig,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2021)

“Nobyembre 27–Disyembre 3. 1–3 Juan; Judas,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

Larawan
nakangiti si Jesucristo habang kasamang nakaupo ang mga batang nakangiti

Perfect Love [Perpektong Pag-ibig], ni Del Parson

Nobyembre 27–Disyembre 3

1–3 Juan; Judas

“Ang Diyos ay Pag-ibig”

Ang mga Sulat ni Juan at ni Judas ay nagtuturo tungkol sa pagmamahal at liwanag ng Ama sa Langit. Sa pag-aaral mo sa linggong ito, pagnilayan kung bakit kailangan ng mga batang tinuturuan mo ang Kanyang liwanag at pagmamahal sa kanilang buhay. Alalahaning isaalang-alang ang lahat ng aktibidad na nasa outline na ito, hindi lang ang mga nakalista para sa edad ng mga tinuturuan mo.

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Hilingin sa mga bata na ibahagi kung paano nila nadama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesus o kung bakit sa palagay nila ay parang liwanag sa atin ang Ama sa Langit at si Jesus.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

1 Juan 1:5–7; 2:8–11

Ang pagsunod kay Jesus ay naghahatid ng liwanag sa buhay ko.

Sumulat si Juan tungkol sa liwanag para maituro ang tungkol sa impluwensya ng Ama sa Langit at ni Jesus sa ating buhay. Isipin kung paano mo matutulungan ang mga bata na matutuhan ang tungkol sa liwanag na ibinibigay Nila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na magbigay ng pangalan ng mga bagay na nagbibigay ng liwanag. Pag-usapan ninyo ang tungkol sa mga pakinabang ng liwanag, tulad ng pagtulong na lumago ang mga halaman, pagtutulot na makakita tayo, at pagbibigay ng init. Para maunawaan kung paano nagbibigay sa atin ng liwanag si Jesus, maaaring maghalinhinan ang mga bata sa pagtutok ng liwanag sa isang larawan ni Jesucristo habang sinasabi ang “Ang Diyos ay liwanag” (1 Juan 1:5). Magpatotoo na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay makapaghahatid ng liwanag sa ating buhay kapag sinisikap nating sundin ang Kanilang sinasabi.

  • Hilingin sa mga bata na magsalitan sa paghawak ng larawan ng isang bombilya o kandila. Habang hawak ng isang bata ang larawan, tulungan siyang mag-isip ng paraan na madadala natin ang liwanag ni Jesucristo sa ating buhay.

1 Juan 4:10–11, 20–21

Naipapakita ko ang aking pagmamahal sa Diyos kapag nagpapakita ako ng pagmamahal sa iba.

Tulungan ang mga bata na makita ang kaugnayan ng pagmamahal na nadarama nila para sa Ama sa Langit sa pagmamahal na ipinapakita nila sa Kanyang mga anak.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang 1 Juan 4:11 sa mga bata, at kumanta ng isang awitin tungkol sa pag-ibig ng Diyos, tulad ng “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16). Hilingin sa ilang bata na ibahagi kung paano nila nalaman na mahal sila ng Ama sa Langit. Pagkatapos ng bawat sagot, hilingin sa mga bata na yakapin ang kanilang sarili at sabihing, “Ang Diyos ay pag-ibig, at mahal ako ng Diyos.”

  • Basahin ang 1 Juan 4:21 sa mga bata. Hilingin sa kanilang ibahagi o isadula ang iba’t ibang paraan na makapagpapakita sila ng pagmamahal sa isang kaibigan, gaya ng pagyakap o paggawa ng kard. Ano ang ipinadarama ng mga bagay na ito sa ating mga kaibigan? Ano ang nadarama ng Ama sa Langit kapag gumagawa tayo ng mabubuting bagay sa iba?

1 Juan 2:3–5; 5:3

Ipinapakita ko ang aking pagmamahal sa Diyos kapag sinusunod ko ang Kanyang mga utos.

Itinuro ni Juan na ang “mga utos [ng Diyos] ay hindi pabigat” (1 Juan 5:3). Sa halip, ang pagsunod sa mga kautusan ay isang paraan para magpahayag ng pagmamahal sa Kanya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang 1 Juan 5:3, at hilingin sa mga bata na pakinggan kung ano ang sinasabi sa talatang ito kung paano natin maipapakita na mahal natin ang Diyos. Hilingin sa mga bata na magbanggit ng maraming kautusan hangga’t kaya nila. Ano ang nadarama natin kapag sinusunod natin ang mga kautusan ng Ama sa Langit?

  • Hilingin sa mga bata na magdrowing ng larawan na nagpapakita ng isang paraan na maipapakita nila sa Ama sa Langit na Siya ay mahal nila. Halimbawa, maaari nilang idrowing ang kanilang sarili na sumusunod sa isa sa mga kautusan.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagsunod, tulad ng “Piliin ang Tamang Landas” (Aklat ng mga Awit Pambata, 82). Ano ang nadarama natin kapag sumusunod tayo?

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

1 Juan 2:8–11; 4:7–8, 20–21

Ipinapakita ko ang aking pagmamahal sa Diyos kapag nagpapakita ako ng pagmamahal sa iba.

Paano mo maipapaunawa sa mga bata na kung mahal natin ang Diyos ay kailangan nating mahalin ang mga nasa paligid natin—pati na ang mga taong maaaring naiiba sa atin o mahirap mahalin?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na magkunwari na may bagong lipat sa paaralan o ward nila at wala pang kakilala roon. Ano kaya ang nadarama ng taong ito? Hilingin sa isang bata na basahin ang 1 Juan 4:7–8. Ano ang iminumungkahi sa talatang ito kung paano natin dapat tratuhin ang taong ito? Magbahagi ng kahalintulad na mga sitwasyon, o magpaisip sa mga bata ng mga sitwasyon kung saan ay maaari silang magkaroon ng mga pagkakataong magpakita ng pagmamahal.

  • Ipabasa sa mga bata ang 1 Juan 4:7–8, 20–21, at anyayahan ang bawat isa sa kanila na sumulat ng isang pangungusap na magbubuod sa iniisip nilang pinakamahalagang aral sa mga talatang ito. Matapos nilang ibahagi ang kanilang mga pangungusap, magbahagi ng isang kuwento mula sa iyong buhay o mula sa mga magasin na Kaibigan o Liahona na sa palagay mo ay naglalarawan ng itinuturo ng mga talatang ito (tingnan, halimbawa ang “Magsabi ng Hello kay Halim,” Liahona, Hunyo 2019, K18–K19). Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng kanilang sariling mga halimbawa. Paano tayo makapagpapakita ng pagmamahal sa mga taong nasa paligid natin?

1 Juan 2:3–6; 4:17–18; 5:2–5

Ipinapakita ko ang aking pagmamahal sa Diyos kapag sinusunod ko ang Kanyang mga utos.

Ang pagsunod sa mga kautusan ay maaaring maging mas madali kapag nauunawaan natin ang mga katotohanang itinuturo sa 1 Juan 5:3. Paano mo matutulungan ang mga bata na makita na ang mga kautusan ay hindi mga pabigat kundi mga pagkakataon para ipahayag ang kanilang pagmamahal sa Diyos?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na ilista sa pisara ang mga paraan na maipapakita nila sa Diyos na Siya ay mahal nila. Pagkatapos ay sama-samang basahin ang 1 Juan 2:5–6; 5:2–5 para sa karagdagang mga ideya. Paano ipinapakita ng pagsunod sa mga kautusan na mahal natin ang Ama sa Langit?

Larawan
isang pamilya na sama-samang nakaluhod sa panalangin

Tinutulungan tayo ng pagsunod sa mga utos ng Diyos na madaig ang sanlibutan.

  • Basahin ang 1 Juan 4:17, at ipaliwanag sa mga bata na ang ibig sabihin ng “magkaroon ng lubos na pagkakatiwala sa araw ng paghuhukom” ay magkaroon ng tiwala at kapayapaan kapag tumayo sila sa harapan ng Diyos para mahatulan. Ano ang itinuturo ng talatang ito na kailangan nating gawin para magkaroon ng ganitong tiwala? Ano ang ilang bagay na magagawa natin ngayon upang magkaroon ng tiwala sa harapan ng Diyos?

Judas 1:18–22

Kaya kong maging tapat kahit pinagtatawanan ako ng iba.

Dahil tayo ay mga disipulo ni Jesucristo, pinagtatawanan tayo kung minsan ng iba dahil sa ating mga paniniwala o sa paraan ng ating pamumuhay. Naglalaman ang mga talatang ito ng payo ni Judas kung paano manatiling tapat sa ganoong mga sitwasyon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga pagkakataon na pinagtawanan sila ng iba o ng isang taong kilala nila dahil ginawa nila ang tama. Hilingin sa mga bata na basahin ang Judas 1:18–22 at hanapin kung paano tayo mananatiling tapat kapag kinukutya o pinagtatawanan tayo ng iba. Isulat sa pisara ang natuklasan nila, at talakayin ang mga paraan na masusunod nila ang payong ito.

  • Ibuod ang panaginip ni Lehi (tingnan sa 1 Nephi 8:1–35), sa pamamagitan ng pagpapabasa sa ilang bata ng mga talata mula sa 1 Nephi 8:26–28, 33. Talakayin kung paano naging katulad ng mga nanlalait na binanggit ni Judas ang mga tao sa malaki at maluwang na gusali. Ano ang magagawa natin upang hindi tayo maimpluwensyahan ng mga tao na nagtatawa sa atin o hindi sang-ayon sa ating pinaniniwalaan? (tingnan sa 1 Nephi 8:30, 33).

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na planuhing gumawa ng isang bagay para maibahagi ang kanilang liwanag sa kanilang pamilya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ang mga bata ay aktibo. Kung minsan ay madarama mo na ang sigla ng mga bata ay nakagagambala sa pag-aaral. Ngunit magagamit mo ang likas na pagkaaktibo nila sa pag-anyaya sa kanila na isadula, idrowing, o kantahin ang isang alituntunin ng ebanghelyo. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25–26.)

Print