Bagong Tipan 2023
Nobyembre 20–26. 1 at 2 Pedro: “[Magalak] na may Galak na Hindi Maipaliwanag at Puspos ng Kaluwalhatian”


“Nobyembre 20–26. 1 at 2 Pedro: ‘[Magalak] na may Galak na Hindi Maipaliwanag at Puspos ng Kaluwalhatian,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2021)

“Nobyembre 20–26. 1 at 2 Pedro,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

Larawan
si Jesucristo na nangangaral ng ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu

Christ Preaching in the Spirit World [Nangangaral si Cristo sa Daigdig ng mga Espiritu], ni Robert T. Barrett

Nobyembre 20–26

1 at 2 Pedro

“[Magalak] na may Galak na Hindi Maipaliwanag at Puspos ng Kaluwalhatian”

Simulan ang pag-aaral mo ng 1 at 2 Pedro sa panalangin. Tandaan na ang pinakamainam na paghahanda mo na magturo ay magmumula sa mga karanasan mo sa personal na pag-aaral at pag-aaral ng inyong pamilya.

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Idispley ang larawan ni Pedro na nasa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at hilingin sa mga bata na sabihin sa iyo ang isang bagay na alam nila tungkol kay Pedro. Ipaalala sa kanila na si Pedro ang lider ng Simbahan matapos mabuhay na mag-uli si Jesus, at ipaliwanag na ang 1 Pedro at 2 Pedro ay mga sulat niya sa mga miyembro ng Simbahan sa kanyang panahon.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

1 Pedro 1:6–7; 3:14

Maaari akong maging masaya kahit sa gitna ng mga paghihirap.

Isipin kung paano mo maituturo ang mga talatang ito sa paraang makakatulong sa mga bata na bumaling sa Tagapagligtas kapag naharap sila sa mga paghihirap.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga halimbawa ng mahihirap na bagay na pinagdaanan ni Jesus, tulad ng makutya o mapagtawanan. Ipaliwanag na magkakaroon tayo ng mga panahon ng paghihirap sa ating buhay. Sama-samang basahin ang 1 Pedro 1:6–7; 3:14, at magbahagi ng karanasan na naharap ka sa isang “pagsubok sa iyong pananampalataya” at tinulungan ka ng Tagapagligtas na makahanap ng kagalakan. O maaari mong ibahagi ang panalangin ni Propetang Joseph Smith sa Piitan ng Liberty at ang kapanatagang ibinigay sa kanya ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:1–8; 123:17).

Larawan
si Joseph Smith sa Liberty Jail

Joseph Smith in Liberty Jail [Si Joseph Smith sa Piitan ng Liberty], ni Greg K. Olsen

1 Pedro 2:9–12

Nais ng Ama sa Langit na maging halimbawa ako sa iba.

Itinuro ni Pedro na tayo ang “bayan ng Diyos” at na ang ating mabubuting gawa ay maaaring “[lumuwalhati sa] Diyos.”

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ilarawan ang mga bagay na namumukod-tangi sa kanilang kapaligiran, o magpakita ng mga larawan ng gayong mga bagay. Halimbawa, isang templo na namumukod-tangi sa mga gusali sa paligid nito o isang bundok na nangingibabaw sa isang lambak. Ipaliwanag na kapag sinusunod natin ang mga kautusan, namumukod-tangi tayo at nakikita ng ibang tao ang ating mga halimbawa. Ikuwento ang ilang “mabubuting gawa” na nakita mong ginagawa ng mga bata. Ipaliwanag na ang mabubuting gawang katulad nito ay “[lumuluwalhati sa] Diyos”—nagpapadama ito sa iba ng higit na pagmamahal sa Diyos at ng hangaring maglingkod sa Kanya.

  • Kumpletuhin ninyo ng mga bata ang pahina ng aktibidad. Paano niluluwalhati ng mga taong nakita nila sa larawan ang Diyos?

1 Pedro 3:18–20; 4:6

Natututo ang mga espiritu sa daigdig ng mga espiritu tungkol sa ebanghelyo.

Nang mamatay si Jesus, nagtungo Siya sa daigdig ng mga espiritu at nagsugo ng mabubuting espiritu upang turuan ang iba pang mga espiritu na hindi pa nakatanggap ng ebanghelyo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ikuwento sa mga bata ang tungkol sa isang taong kilala mo na namatay na. Ipaliwanag na kapag namatay ang mga tao, nililisan ng kanilang espiritu ang kanilang katawan at nagpupunta sila sa daigdig ng mga espiritu. Basahin ang 1 Pedro 3:19 at ipaliwanag na nang mamatay si Jesus, binisita Niya ang daigdig ng mga espiritu. Doon, inutusan Niya ang mabubuting espiritu na magturo ng ebanghelyo sa iba pang mga espiritu na hindi pa nakatanggap ng ebanghelyo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:30).

  • Ipakita ang larawan ng isang templo. Ipaliwanag sa mga bata na kapag nasa hustong gulang na sila, maaari silang magpunta sa templo at mabinyagan para sa kanilang mga ninuno na hindi nabinyagan noong narito sila sa lupa. Tulungan ang mga bata na punan ang isang simpleng family tree.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

1 Pedro 3:12–17; 4:13–14, 16

Makahahanap ako ng kaligayahan at kapayapaan kahit sa gitna ng mga paghihirap.

Ang mga batang tinuturuan mo ay maaaring nakaranas na ng panunukso o pangungutya dahil sa kanilang pinaniniwalaan. Matutulungan sila ng mga talatang ito sa mga panahong iyon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibuod ang ilang kuwento tungkol sa pag-uusig kay Jesus, o hilingin sa mga bata na basahin ang mga ito—tingnan, halimbawa, sa Mateo 12:9–14 o Lucas 22:47–54. Itanong sa mga bata kung tinukso o kinutya na sila dahil sinusunod nila ang mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ano ang nadama nila dahil dito? Pagkatapos ay sama-samang basahin ang 1 Pedro 3:12–14; 4:13–14, 16, at hilingin sa mga bata na hanapin kung ano ang sinabi ni Pedro tungkol sa pagdurusa “dahil sa katuwiran.” Bakit maaari pa rin tayong maging masaya kapag kinukutya tayo ng ibang mga tao dahil sa paggawa ng tama?

  • Magbahagi ng isang karanasan kung saan nagkaroon ka ng kagalakan o kapayapaan sa gitna ng pagsubok, o ibahagi kung paano nagkaroon ng kapayapaan si Propetang Joseph Smith noong siya ay nasa Piitan ng Liberty (tingnan sa Dotrina at mga Tipan 121:1–8; 123:17). Paano tayo magkakaroon ng kagalakan at kapayapaan sa gitna ng ating mga pagsubok?

1 Pedro 3:15

Maaari akong maging palaging handa na ibahagi ang ebanghelyo.

Ang mga batang tinuturuan mo ay magkakaroon ng maraming pagkakataon sa buong buhay nila na sagutin ang mga tanong ng ibang tao tungkol sa kanilang pananampalataya. Isipin kung ano ang magagawa mo para matulungan silang “lagi[ng] maging handa [sa pagsagot].”

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ikuwento ang isang pagkakataon na may nagtanong sa iyo tungkol sa Simbahan, at ilarawan kung nadama mo na handa kang sumagot. Hilingin sa mga bata na ibahagi ang anumang mga pagkakataon na tinanong sila ng mga tao tungkol sa Simbahan. Sama-samang basahin ang 1 Pedro 3:15. Paano natin masusunod ang payo ni Pedro sa talatang ito?

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng ilang bagay na maaaring itanong ng mga tao tungkol kay Jesucristo o sa Kanyang Simbahan. Isa-isang pagpaliwanagin ang mga bata kung paano nila sasagutin ang mga tanong na ito upang sila ay maging “[laging] handa.” Ang Mga Saligan ng Pananampalataya ay nagbibigay ng mga simpleng katotohanan na magagamit ng mga bata para sagutin ang mga tanong tungkol sa Simbahan.

1 Pedro 3:18–20; 4:6

Natututo ang mga espiritu sa daigdig ng mga espiritu tungkol sa ebanghelyo.

Kapag namatay ang mabubuting tao, pumupunta sila sa daigdig ng mga espiritu para ituro ang ebanghelyo sa mga taong hindi nakatanggap nito habang narito sila sa lupa.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdrowing sa pisara ang isang bilog na may hati sa gitna. Isulat ang Paraiso ng mga Espiritu sa isang hati ng bilog at Bilangguan ng mga Espiritu sa kabilang hati. Hilingin sa isa sa mga bata na basahin ang 1 Pedro 3:18–20; 4:6. Ipaliwanag na nang mamatay si Jesus, nagpunta Siya sa paraiso ng mga espiritu. Inutusan Niya ang mabubuting espiritu roon na ituro ang ebanghelyo sa mga espiritung nasa bilangguan ng mga espiritu.

  • Anyayahan ang isang magulang o nakatatandang kapatid ng isa sa mga bata na magsalita tungkol sa pagpunta sa templo at pagtanggap ng mga ordenansa para sa isa sa kanilang mga ninuno.

  • Hilingin sa mga bata na punan ang isang simpleng family tree.

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na ibahagi ang kanilang family tree sa mga miyembro ng kanilang pamilya at hingan sila ng tulong para madagdagan ang mga pangalan dito.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Hangaring maunawaan ang mga batang tinuturuan mo. Nakikilala mo ang mga batang tinuturuan mo, kaya baguhin ang mga ideya sa outline na ito kung kailangan upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Maaari mong gamitin ang alinman sa mga aktibidad na iminungkahi sa outline na ito, hindi lang ang mga isinulat para sa edad ng mga tinuturuan mo. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 7.)

Print