Bagong Tipan 2023
Nobyembre 13–19. Santiago: “Maging Tagatupad Kayo ng Salita, at Hindi Tagapakinig Lamang”


“Nobyembre 13–19. Santiago: ‘Maging Tagatupad Kayo ng Salita, at Hindi Tagapakinig Lamang,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2021)

“Nobyembre 13–19. Santiago,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

kabataang naglilinis ng pader

Nobyembre 13–19

Santiago

“Maging Tagatupad Kayo ng Salita, at Hindi Tagapakinig Lamang”

Ang Sulat ni Santiago ay naglalaman ng maraming katotohanan na maaaring magpala sa mga batang tinuturuan mo. Sundin ang Espiritu para malaman kung aling mga katotohanan ang ibabahagi mo sa kanila. Maaaring makatulong ang mga ideya sa outline na ito.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang alituntunin ng ebanghelyo na naaalala nilang natutuhan nila kasama ng kanilang pamilya nitong nakalipas na linggo o mula sa klase nila sa Primary noong nakaraang Linggo. Matapos magbahagi ang bawat bata, anyayahan ang isa pang bata sa klase na ibuod ang mga ibinahagi.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Santiago 1:5–6

Maaari kong hilingin sa Ama sa Langit na tulungan akong malaman kung ano ang totoo.

Ipaunawa sa mga batang tinuturuan mo na makakahingi sila ng karunungan sa Ama sa Langit. Ang paggawa nito ay magpapala sa kanila nang malaki kapag mayroon silang mahihirap na tanong.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na matutuhan ang pariralang “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos” (Santiago 1:5). Paano tayo humihiling o nagtatanong sa Diyos? Paano Niya tayo sinasagot?

  • Ipakita ang larawan ng Unang Pangitain (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 90ChurchofJesusChrist.org). Ipaliwanag kung paano nahikayat ng pagbabasa ng Santiago 1:5 si Joseph Smith na hilingin sa Ama sa Langit na tulungan siya sa isang tanong (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–20). Ibahagi ang iyong patotoo na sinasagot ng Diyos ang mga panalangin, at patotohanan na maaaring manalangin sa Kanya ang mga bata kapag mayroon silang mga tanong. Ipadrowing sa mga bata ang sarili nilang larawan ni Joseph Smith na binabasa ang Santiago 1:5 at nagdarasal sa Ama sa Langit.

Santiago 3:1–13

Makapagsasalita ako nang may kabaitan.

Tulad ng pinatotohanan ni Santiago, ang matutuhan na mabubuting bagay lamang ang sabihin sa iba ay makakatulong sa atin na maging katulad ni Jesucristo (tingnan sa Santiago 3:2).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng mga larawan ng isang bagay na matamis at isang bagay na maasim. Ipaunawa sa mga bata na inuutusan tayo ng Ama sa Langit na gamitin ang ating dila para magsabi ng mga bagay na matamis (o mabuti) at hindi ng mga bagay na maasim (o masama) (tingnan sa Santiago 3:10). Tulungan silang mag-isip ng mga halimbawa ng magagandang bagay na masasabi natin sa iba.

  • Bigyan ang bawat bata ng simpleng drowing ng isang taong nagsasalita. Anyayahan ang mga bata na itaas iyon kapag may sinabi kang magandang bagay na magagawa natin sa ating mga salita (tulad ng pagsasabi ng totoo, pagpuri sa iba, at pag-alok ng tulong sa isang tao) at ibaba iyon kapag may sinabi kang isang bagay na hindi natin dapat gawin sa ating dila (tulad ng pagsisinungaling, pagbabansag sa ibang mga tao, at pagtangging sundin ang magulang).

  • Pagtibayin ang mensahe ng Santiago 3:1–13 sa pamamagitan ng sama-samang pagkanta ng isang awitin tungkol sa pagiging mabait, tulad ng “Sa Akin Nagmumula ang Kabaitan” (Aklat ng mga Awit Pambata 83).

Santiago 5:7–11

Ang pagtanggap ng mga pagpapala ng Diyos ay nangangailangan ng tiyaga.

Ang tiyaga ay hindi palaging likas na dumarating, lalo na sa mga bata. Isipin kung paano mo magagamit ang payo ni Santiago para matulungan ang mga batang tinuturuan mo na matutong magtiyaga.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga pagkakataon na kinailangan nilang maghintay para sa isang bagay na talagang gusto nila. Magbahagi ng isang karanasan kung kailan kinailangan mong maghintay. Ipaliwanag na ang paghihintay para sa isang bagay na gusto natin nang walang reklamo ay tinatawag na pagiging matiyaga.

  • Ibuod ang Santiago 5:7 sa sarili mong mga salita, at magpakita ng larawan ng isang buto o binhi. Bakit natin kailangan ng tiyaga kapag nagpapalago tayo ng mga halaman? Ano ang mangyayari kung sinubukan nating bunutin ang punla para lumago ito nang mas mabilis? Maaari din ninyong pag-usapan ng mga bata ang ibig sabihin ng maging matiyaga sa iba at sa ating sarili. Magpatotoo na matutulungan tayo ng Diyos na matutong maging matiyaga.

  • Ibahagi ang kuwento ni Job, na binabanggit sa Santiago 5:11 bilang halimbawa ng tiyaga (tingnan sa “Job,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan ChurchofJesusChrist.org). Paano pinagpala si Job dahil sa kanyang pagtitiyaga?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Santiago 1:5–6

Tutulungan ako ng Ama sa Langit na malaman ang katotohanan kung hihingin ko ang tulong Niya.

Ang mga batang tinuturuan mo ay mas bata lamang ng ilang taon kay Joseph Smith nang basahin niya ang Santiago 1:5 at nahikayat na lumapit sa Ama sa Langit sa panalangin. Isipin kung paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na mapatatag ang kanilang pananampalataya sa Diyos na tutulong sa kanila kapag nagkukulang sila sa karunungan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na ikuwento sa iyo ang Unang Pangitain ni Joseph Smith sa sarili nilang mga salita (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–20 ChurchofJesusChrist.org). Paano nakatulong ang pagbabasa ng Santiago 1:5 kay Joseph? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga halimbawa ng mga tao sa mga banal na kasulatan na tumanggap ng sagot sa kanilang mga dalangin, tulad ni Nephi (tingnan sa 1 Nephi 11:1–6) at ng kapatid ni Jared (tingnan sa Eter 2:18–3:9). Ano ang ilang bagay na maaari nating hilingin sa Ama sa Langit sa panalangin?

  • Basahin ninyo ng mga bata ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–14. Anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga bagay na ginawa ni Joseph Smith para makatanggap ng mga sagot sa kanyang mga tanong. Paano natin matutularan ang halimbawa ni Joseph Smith kapag mayroon tayong mga tanong?

Santiago 1:22–27; 2:14–26

“Ang pananampalataya na walang mga gawa ay [patay].”

Paano mo tutulungan ang mga bata na makita ang koneksyon ng kanilang pinaniniwalaan sa kanilang ginagawa?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita sa mga bata ang isang flashlight na walang baterya, isang lapis na walang tasa, o ibang bagay na walang silbi o “patay.” Hilingin sa mga bata na basahin ang Santiago 2:14–17. Paano inilalarawan ng mga bagay na ito ang katotohanan sa mga talatang ito?

  • Anyayahan ang ilan sa mga bata na tahimik na basahin ang Santiago 1:22–27 at ang iba pa na basahin ang 2:14–18. Pagkatapos ay anyayahan silang ibahagi kung ano ang puwede nilang gawin para ipakita na sila ay mga tagatupad ng salita. Halimbawa, paano nila tinutupad ang kanilang tipan sa binyag? May kilala ba silang isang taong maysakit o nalulungkot na maaari nilang bisitahin? Paano nila mas mapaglilingkuran ang kanilang pamilya? Maaari mo ring ipaalala sa kanila ang mga salitang maaaring narinig na nila sa sacrament meeting ngayong araw. Paano tayo magiging mga tagatupad ng mga salitang ito?

si Abraham na nagdarasal sa labas ng kanyang tolda

“Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos” (Santiago 2:23). Abraham on the Plains of Mamre [Si Abraham sa Kapatagan ng Mamre], ni Grant Romney Clawson

Santiago 3:1–13

Maaari kong piliing magsalita nang may kabaitan.

Ang mga salitang sinasabi natin sa isa’t isa ay maaaring parang hindi mahalaga, pero tulad ng pinatotohanan ni Santiago, maaaring magkaroon ng malaking impluwensya ang mga ito, sa kabutihan o kasamaan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • May isang tao ba sa ward, marahil ay isa sa mga batang tinuturuan mo, na nakapag-alaga na ng mga kabayo o may alam tungkol sa mga bangka? Maaari mo siyang anyayahang magbigay ng mga kabatiran tungkol sa mga turo ni Santiago sa Santiago 3:3–4 tungkol sa paggamit ng mabubuting salita. O magbigay ng ilan sa sarili mong mga kabatiran. Ano ang natututuhan natin tungkol sa pagkontrol sa ating dila mula sa mga halimbawang ito?

  • Anyayahan ang mga bata na basahin ang Santiago 3:1–13 at idrowing ang isang bagay na makikita nila na nagtuturo tungkol sa pagkontrol sa ating dila. Bigyan sila ng panahon para ibahagi ang kanilang mga larawan at ang natutuhan nila. Sama-samang kumanta ng isang awitin tungkol sa paggamit ng mabubuting salita, tulad ng “Tayo Nang Mag-usap nang Marahan” (Mga Himno, blg. 143).

  • Matapos rebyuhin nang sama-sama ang Santiago 3:1–13, rebyuhin ang mga pamantayan sa pananalita sa Para sa Lakas ng mga Kabataan ([buklet, 2022], 12). Tulungan ang mga bata na magtakda ng mithiin na pagbutihin pa ang paraan ng pakikipag-usap nila sa iba, at hikayatin silang hilingin sa Ama sa Langit na tulungan sila sa mithiing ito.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na gumawa ng isang bagay sa linggong ito para maipamuhay ang natutuhan nila sa klase, tulad ng pagdarasal sa Ama sa Langit na may tanong o pagsisikap na maging mas matiyaga. Hilingin sa kanila na ibahagi ang kanilang karanasan sa susunod na klase.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga bata na maging aktibo. “Kapag nagtuturo ka sa mga bata, hayaan mo silang bumuo, magdrowing, magkulay, magsulat, at lumikha. Ang mga bagay na ito ay higit pa sa masasayang aktibidad—mahalaga ang mga ito sa pagkatuto” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas25).