Bagong Tipan 2023
Oktubre 30–Nobyembre 5. Mga Hebreo 1–6: “Si Jesucristo, ang ‘Pinagmulan ng Walang Hanggang Kaligtasan’”


“Oktubre 30–Nobyembre 5. Mga Hebreo 1–6: ‘Si Jesucristo, ang ‘Pinagmulan ng Walang Hanggang Kaligtasan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2021)

“Oktubre 30–Nobyembre 5. Mga Hebreo 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

si Cristo na nakatayo kasama ang isang batang babae

Balm of Gilead [Balsamo sa Galaad], ni Annie Henrie

Oktubre 30–Nobyembre 5

Mga Hebreo 1–6

Si Jesucristo, ang “Pinagmulan ng Walang Hanggang Kaligtasan”

Anong mga katotohanan ang nakikita mo sa Mga Hebreo 1–6 na inspirado kang ituro sa mga bata? Pagtuunan ng pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu na dumarating habang ikaw ay naghahanda, at tiyaking itala ang mga ito.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Tinanggap ba ng mga bata ang paanyaya sa katapusan ng lesson noong nakaraang linggo na maghanap ng isang talata sa banal na kasulatan na maibabahagi nila? Kung gayon, bigyan sila ng oras na ibahagi ito. Kung hindi, tulungan silang mag-isip ng isang bagay na natutuhan nila kamakailan mula sa mga banal na kasulatan na maibabahagi nila.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Mga Hebreo 1:1–10; 2:8–10, 17–18

Naniniwala ako kay Jesucristo.

Ang mga talatang ito ay makakatulong sa mga bata na matuto pa tungkol kay Jesucristo at mapalakas ang kanilang kaugnayan sa Kanya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Maghanap ng ilang katotohanan tungkol kay Jesucristo sa Mga Hebreo 1:1–10; 2:8–10, 17–18, at isulat ang mga ito sa mga piraso ng papel. Itago ang mga papel sa paligid ng silid, at hilingin sa mga bata na hanapin ang mga ito. Tulungan ang mga bata na basahin ang mga katotohanang nakasulat sa mga papel, at pag-usapan kung ano ang ibig sabihin ng mga katotohanang ito. Kung kailangan, ipaliwanag na si Jesus ay tinatawag na Anak ng Diyos dahil ang Ama sa Langit ang ama kapwa ng Kanyang espiritu at ng Kanyang katawan.

  • Itaas ang isang larawan ng Tagapagligtas, at ibahagi kung bakit ka nagpapasalamat para sa Kanya. Isa-isang pahawakin ng larawan ang bawat bata at ipabahagi sa kanila kung bakit sila nagpapasalamat para kay Jesucristo.

Mga Hebreo 3:8

Nais ng Ama sa Langit na “huwag [nating] papagmatigasin ang [ating] mga puso.”

Ang Mga Hebreo 3 ay naglalarawan sa pagmamatigas ng puso at pagtanggi ng mga Israelita sa mga pagpapala ng Panginoon. Maaari itong maging babala sa ating lahat na huwag patigasin ang ating puso.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdala sa klase ng isang bagay na nakasisipsip ng tubig (tulad ng espongha o bimpo) at isang bagay na matigas (tulad ng bato). Anyayahan ang mga bata na hipuin ang mga bagay at ilarawan kung ano ang pakiramdam sa balat ng mga bagay na ito. Maglagay ng ilang patak ng tubig sa bawat bagay, at ipaliwanag na mas maraming tubig ang nasisipsip ng espongha kaysa sa bato. Ipaliwanag na kailangang maging malambot ang ating puso at hindi matigas para matanggap natin ang mga katotohanan ng ating Ama sa Langit at ang Kanyang pagmamahal.

  • Gumupit ng hugis-puso mula sa isang malambot na materyal, tulad ng tela, at mula sa isang mas matigas na materyal, tulad ng karton. Talakayin sa mga bata ang pagkakaiba ng pagkakaroon ng malambot na puso at pagkakaroon ng matigas na puso. Magbahagi ng ilang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan ng mga taong malambot o matigas ang puso, tulad nina Nephi, Laman, at Lemuel (1 Nephi 2:16–19); Pablo (Mga Gawa 9:1–22); o Joseph Smith (Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–20). Habang ibinabahagi mo ang bawat halimbawa, hilingin sa mga bata na ituro ang malambot na puso o matigas na puso.

Inoorden ni Moises si Aaron

Si Aaron ay “tinawag ng Diyos” (Mga Hebreo 5:4). Moses Calls Aaron to the Ministry [Tinawag ni Moises si Aaron sa Ministeryo], ni Harry Anderson

Mga Hebreo 5:4

Ang mga mayhawak ng priesthood ay tinatawag ng Diyos.

Ang Mga Hebreo 5:4 ay isang mahalagang talata dahil nililinaw nito na ang mga mayhawak ng priesthood ay kailangang tawagin ng Diyos. Totoo rin ito sa sinumang tinatawag na maglingkod sa Simbahan ng Panginoon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Mga Hebreo 5:4 sa mga bata. Hilingin sa isang mayhawak ng priesthood na ipaliwanag kung ano ang priesthood. Maaari din niyang ibahagi kung paano niya pinaglilingkuran ang iba habang ginagampanan niya ang kanyang mga tungkulin. Hilingin din sa isang sister sa ward na ibahagi ang kanyang karanasan nang i-set apart siya sa isang tungkulin sa Simbahan. Hikayatin siyang ibahagi kung paano siya pinagkalooban ng Panginoon ng kapangyarihang gampanan ang kanyang calling.

  • Tulungan ang mga bata na isaulo ang mga parirala mula sa ikalimang saligan ng pananampalataya. Magpatotoo na ang mga taong tinawag upang gawin ang gawain ng Diyos ay tinawag ng Diyos sa pamamagitan ng paghahayag.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Mga Hebreo 1:1–10; 2:8–10, 17–18

Naniniwala ako kay Jesucristo.

Ang Sulat sa mga Hebreo ay isinulat para palakasin ang pananampalataya ng mga Banal na Hebreo kay Jesucristo. Ganito rin ang maaaring magawa nito sa mga batang tinuturuan mo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Atasan ang bawat bata ng ilang talata sa Mga Hebreo 1:1–10; 2:8–10, 17–18, at hilingin sa mga bata na hanapin sa mga talatang iyon ang mga katotohanang tungkol kay Jesucristo. Ipabahagi o ipasulat sa kanila sa pisara ang mga nakikita nila. Ano pa ang alam natin tungkol kay Jesucristo? Maaaring makakita ang mga bata ng ilang ideya sa mga awiting tulad ng “Buhay ang Aking Manunubos” (Mga Himno, blg. 78) o “Isinugo, Kanyang Anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21).

  • Anyayahan ang mga bata na idrowing ang sarili nila na kasama ang kanilang mga magulang. Hilingin sa kanila na ibahagi kung ano ang magkapareho sa kanila ng kanilang mga magulang. Ipaliwanag na nang sabihin sa Mga Hebreo 1:3 na si Jesucristo ang “tunay na larawan ng kanyang [pagka-Diyos],” ang ibig sabihin nito ay magkapareho ng mga katangian si Jesus at ang Ama sa Langit. Pag-usapan ninyo ng mga bata kung paano tayo mas inilalapit ng pagsunod kay Jesucristo sa Ama sa Langit.

Mga Hebreo 3:7–19

Para matanggap ang patnubay at mga pagpapala ng Ama sa Langit, kailangang huwag nating “papagmatigasin ang [ating] mga puso.”

Sa Mga Hebreo 3, ginamit ang kuwento ng mga Israelita sa ilang upang ituro ang kahalagahan ng hindi pagpapatigas ng ating puso. Paano mo magagamit ang kuwentong ito para maituro sa mga bata ang alituntuning ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na mag-isip ng matitigas at malalambot na bagay. (Kung maaari, magdala ng ilang halimbawa na maipapakita sa kanila.) Sama-samang basahin ang Mga Hebreo 3:8. Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng matigas na puso? Bakit nais ng Diyos na magkaroon tayo ng malambot na puso?

  • Sa sarili mong mga salita, ibahagi ang kuwento ng mga Israelita na pinatigas ang kanilang puso sa Panginoon habang nasa ilang (tingnan sa Mga Bilang 14:1–12; Mga Hebreo 3:7–19). Ipasadula sa mga bata ang kuwento. Ano ang mangyayari kung patitigasin natin ang ating puso laban sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo?

  • Hilingin sa mga bata na basahin ang Mateo 13:15; Mga Hebreo 3:15; Mosias 11:29; at Moises 6:27. Hilingin sa kanila na idrowing sa pisara ang mga bahagi ng katawan na binanggit sa mga talatang ito. Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng espirituwal na mahihinang tainga, bulag na mga mata, at matitigas na puso? Paano tayo makasisiguro na handang kilalanin ang tinig ng Espiritu ng ating mga tainga, mata, at puso?

Mga Hebreo 5:1–4

Ang mga mayhawak ng priesthood ay tinatawag ng Diyos.

Ang Mga Hebreo 5 ay nagbibigay ng pagkakataong talakayin kung ano ang priesthood—ang kapangyarihan at awtoridad na kumilos sa pangalan ng Diyos—at kung paano ito tinatanggap.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawang Binibigyan ni Moises ng Priesthood si Aaron (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 15) habang binabasa ng isang bata ang Mga Hebreo 5:4. Ipaliwanag na ang Aaronic Priesthood ay isinunod sa pangalan ni Aaron. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga tungkuling ginagampanan ng mga mayhawak ng Aaronic Priesthood (tulad ng pagbibinyag, pagbabasbas at pagpapasa ng sakramento, at pag-anyaya sa iba na lumapit kay Cristo; tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:46–48, 59).

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng iba’t ibang paraan na tumatanggap ng awtoridad ang mga tao. Halimbawa, paano tumatanggap ng awtoridad ang isang guro, doktor, o lider sa pulitika? Paano ipinagkakaloob ng Diyos ang Kanyang awtoridad? Hilingin sa mga bata na pag-isipan ang tanong na ito habang binabasa nila ang Mga Hebreo 5:4 at ang ikalimang saligan ng pananampalataya. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga tao sa ward na may awtoridad mula sa Diyos—kabilang na ang mga mayhawak ng priesthood, gayundin ang kalalakihan at kababaihan na na-set apart para maglingkod sa partikular na mga tungkulin.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya sa family home evening ang isang talata sa banal na kasulatan, awitin, o aktibidad na natutuhan nila sa klase ngayong araw.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Kaya ng mga bata na makilala ang impluwensya ng Espiritu. Ituro sa mga bata na ang nadarama nilang kapayapaan, pagmamahal, at kagalakan kapag nagsasalita o kumakanta sila tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ay nagmumula sa Espiritu Santo.