“Oktubre 23–29. 1 at 2 Timoteo; Tito; Filemon: ‘Ikaw ay Maging Halimbawa ng mga Mananampalataya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2021)
“Oktubre 23–29. 1 at 2 Timoteo; Tito; Filemon,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Oktubre 23–29
1 at 2 Timoteo; Tito; Filemon
“Ikaw ay Maging Halimbawa ng mga Mananampalataya”
Itinuro ni Pablo na “ang banal na kasulatan ay … sa pagsasanay sa katuwiran” (2 Timoteo 3:16). Habang pinag-aaralan mo ang mga sulat na ito, pagnilayan kung paano mahihikayat ng mga ito ang mga bata na mamuhay nang matwid.
Mag-anyayang Magbahagi
Hilingin sa mga bata na magkuwento tungkol sa isang tao na “halimbawa ng mga mananampalataya” sa kanila. Ano ang ginagawa nila upang maging mabubuting halimbawa sa iba?
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Pinamumunuan ng mga bishop ang ward bilang mga lingkod ng Diyos.
Tinuruan ni Pablo sina Timoteo at Tito tungkol sa kahalagahan ng mga bishop. Paano mo maituturo sa mga bata kung ano ang ginagawa ng isang bishop? (Ang branch president ay maikukumpara sa isang bishop.)
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdrowing ng simpleng larawan ng inyong bishop sa pisara. Hilingin sa mga bata na magbanggit ng ilang bagay na alam nila tungkol sa bishop. Ano ang mga katangian niya? Ano ang ginagawa niya? Paano niya pinagpapala ang ward? (Maaari mong mahanap ang ilang katangian ng isang bishop sa 1 Timoteo 3:1–2 at sa Kay Tito 1:7–9.) Habang ibinabahagi ng mga bata ang kanilang mga ideya, isulat ang mga ito sa mga piraso ng papel at ipalagay sa mga bata ang mga ito sa pisara sa tabi ng drowing.
-
Isulat ang mga tungkulin ng bishop sa mga piraso ng papel—tulad ng pagtulong sa mga bata at kabataan sa ward, pagtanggap ng ikapu at mga handog-ayuno, pagbibigay ng mga calling, pag-iinterbyu sa mga miyembro, at pagtulong sa mga nangangailangan. Ilagay ang mga papel na ito sa isang mangkok, at hilingin sa bawat bata na pumili ng isa. Pagkatapos ay tulungan ang bata na isadula ang mga tungkuling ito na kasama ka. Magpatotoo na ang inyong bishop ay tinawag ng Diyos.
-
Hilingin sa mga bata na idrowing ang bishop na naglilingkod sa mga miyembro ng ward. Imungkahi na ibigay nila ang drowing nila sa kanya para pasalamatan siya. Ano ang magagawa natin para matulungan siya?
Kaya kong maging “halimbawa ng mga mananampalataya.”
Ano ang magagawa mo para mahikayat ang mga bata na maging mga “halimbawa ng mga mananampalataya”?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang 1 Timoteo 4:12, at itanong sa mga bata kung ano ang magagawa nila upang maging mabubuting halimbawa sa iba.
-
Magbahagi ng isang karanasan na sinubukan mong maging magandang halimbawa sa isang tao o nang naging mabuting halimbawa sa iyo ang isang tao (marahil pati ang mga bata sa iyong klase). Hikayatin ang mga bata na maging mabubuting halimbawa sa kanilang mga kapamilya at kaibigan.
Ang mga banal na kasulatan ay tutulong sa akin na malaman ang katotohanan.
Kung matutulungan mo ang mga bata na matutuhang mahalin ang mga banal na kasulatan, mapagpapala mo ang kanilang buhay sa darating na mga taon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng isang set ng mga banal na kasulatan, at tulungan ang mga bata na maging pamilyar sa mga ito sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila ng mga pahina ng pamagat ng Biblia, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas. Hilingin sa isang bata na hawakan ang mga aklat na ito habang binabasa mo ang 2 Timoteo 3:15–17. Sabihin sa mga bata kung bakit gustung-gusto mo ang mga banal na kasulatan, at anyayahan ang mga bata na ipahayag ang kanilang nadarama.
-
Hilingin sa mga bata na magkuwento tungkol sa pinakamahalaga nilang pag-aari. Ano ang ginagawa nila rito? Paano nila ito tinatrato? Isa-isa silang pahawakin sa mga banal na kasulatan at maingat na ipabuklat ang mga pahina ng mga ito. Saan natin ginagamit ang mga banal na kasulatan? Bakit dapat nating pangalagaan nang husto ang mga ito? Magpatotoo na ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga katotohanan na nais ng Ama sa Langit na malaman natin.
-
Tulungan ang mga bata na lumikha ng mga galaw na aakma sa mga awitin tungkol sa mga banal na kasulatan, tulad ng “Babasahin, Uunawain, at Mananalangin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66).
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Kaya kong maging “halimbawa ng mga mananampalataya.”
Bata pa si Timoteo para maging lider ng Simbahan, ngunit gustong ipaalam sa kanya ni Pablo na maaari pa rin siyang maging isang halimbawa. Maaari mong hikayatin ang mga bata na magpakita ng mabubuting halimbawa sa mga nakapaligid sa kanila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang 1 Timoteo 4:12, at hilingin sa mga bata na hanapin ang anim na paraan na sinabi ni Pablo na maaari tayong maging “halimbawa ng mga mananampalataya.” Gawing magkakapares ang mga bata, at hilingin sa bawat magkapares na mag-isip ng isang sitwasyon na maaari silang maging halimbawa ng mga mananampalataya. Hilingin sa kanila na isadula ang kanilang sitwasyon sa buong klase.
-
Itanong sa mga bata kung gusto nilang magbahagi ng anumang karanasan kung kailan nagsikap silang maging mabuting halimbawa sa iba. Sabihin sa kanila kung paano sila naging halimbawa ng mga mananampalataya sa iyo at kung ano ang napansin mong ipinapakita nila na mabubuting halimbawa sa iba.
Ang mga bagay na walang hanggan ay mas mahalaga kaysa sa pera.
Binibigyan ng mundo ng mataas na prayoridad ang pera at ang mga bagay na mabibili ng pera. Paano mo matutulungan ang mga bata na manatiling nakasentro ang pansin at pagmamahal nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na ibahagi kung ano ang bibilhin nila kung nasa kanila ang lahat ng pera sa mundo. Basahin ninyo ng mga bata ang 1 Timoteo 6:7–12, at hilingin sa kanila na ibuod ang itinuro ni Pablo kay Timoteo tungkol sa pera. Pagkatapos ay hilingin sa mga bata na muling basahin ang mga talata 11–12, na hinahanap ang mga bagay na binanggit ni Pablo na mas mahalaga kaysa sa pera.
-
Maglatag ng mga larawan ng mga makamundong bagay (tulad ng pera, mga laruan, o libangan) at ng mga bagay na walang-hanggan (tulad ng mga pamilya o templo). Hilingin sa mga bata na igrupo ang mga larawan sa dalawang pangkat—mga bagay na mas naglalapit sa atin kay Cristo at mga bagay na maaaring makagambala sa pagtutuon natin kay Cristo kung mas mamahalin natin ang mga ito kaysa sa Kanya. Bakit “ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan”? Paano nagpapasaya sa atin ang pagtutuon ng pansin kay Jesucristo?
Ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang mga banal na kasulatan upang matulungan tayong malaman ang katotohanan mula sa kamalian.
Habang tinuturuan mo ang mga bata tungkol sa mga banal na kasulatan, humanap ng mga paraan para mahikayat silang magkaroon ng mga makapangyarihang karanasan sa salita ng Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na basahin ang 2 Timoteo 3:15–17. Magdispley ng mga larawan na nagpapakita ng isang kuwento mula sa bawat isa sa apat na pamantayang banal na kasulatan, at anyayahan ang ilang bata na pumili ng isang larawan at isalaysay ang kuwento. (Maaari kang makakita ng mga larawan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo at sa mga materyal ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.) Hilingin sa mga bata na magbahagi ng anumang bagay na alam nila tungkol sa aklat na iyon ng banal na kasulatan. Paano “makakapagturo sa [inyo] tungo sa kaligtasan” ang mga banal na kasulatan?
-
Magbahagi ng isang paboritong talata sa banal na kasulatan o isang karanasan nang tinulungan ka ng mga banal na kasulatan na palakasin ang iyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Hilingin sa mga bata na ibahagi ang isang talatang paborito nila.
-
Ipabasa sa isang bata ang Moroni 10:4–5. Ano ang ipinangako ni Moroni sa mga talatang ito? Itanong sa mga bata kung paano sila nagkaroon ng patotoo na ang mga banal na kasulatan ay totoo. Hilingin sa kanila na basahin o pakinggan nang regular ang mga banal na kasulatan at itanong sa Diyos kung totoo ang mga ito.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang natutuhan nila tungkol sa mga banal na kasulatan at maghanap ng isang talata sa banal na kasulatan na maibabahagi nila sa klase sa susunod na linggo (sa tulong ng kanilang mga magulang, kung kailangan).