“Setyembre 25–Oktubre 1. Galacia: ‘Lumakad Kayo Ayon sa Espiritu’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Setyembre 25–Oktubre 1. Galacia,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Setyembre 25–Oktubre 1
Galacia
“Lumakad Kayo Ayon sa Espiritu”
Habang binabasa mo ang Galacia, ano ang mga impresyon mo tungkol sa kailangang matutuhan ng mga bata sa iyong klase?
Mag-anyayang Magbahagi
Bigyan ang mga bata ng ilang minuto upang idrowing ang isang bagay na natutuhan nila mula sa talakayan nila kamakailan sa tahanan o sa simbahan na tungkol sa ebanghelyo. Ipabahagi sa mga bata kung ano ang kinakatawan ng bawat drowing.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ang Espiritu Santo ay tumutulong na makadama ako ng pagmamahal, kagalakan, at kapayapaan.
Maaaring madama o makilala ng mga batang musmos ang bunga ng Espiritu. Ihahanda sila nitong hangarin ang impluwensya ng Espiritu Santo habang nabubuhay sila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley o magpakita ng mga larawan ng ilang klase ng prutas, at ipalarawan sa mga bata kung ano ang lasa ng bawat prutas. Ipaliwanag na tulad ng mga prutas na may iba’t ibang lasa, madarama natin ang Espiritu Santo sa iba’t ibang paraan, tulad ng pagmamahal at kapayapaan. Ilarawan ang ilan sa mga paraan na nadama mo ang Espiritu Santo sa iyong buhay, at ipabahagi sa mga bata kung ano ang pakiramdam ng impluwensya ng Espiritu Santo sa kanila.
-
Basahin ninyo ng mga bata ang Galacia 5:22–23 at ipaliwanag ang mga salita na maaaring hindi pamilyar sa kanila. Anyayahan ang bawat bata na pumili ng isang bunga ng Espiritu na binanggit sa mga talatang ito, at tulungan silang mag-isip ng isang pagkakataon na naranasan nila ito. Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga simpleng larawan ng kanilang mga karanasan.
Nais ni Jesucristo na tulungan ko ang mga nangangailangan.
Ang tagubilin sa Galacia 6:2 ay katulad ng turo ni Alma sa Mosias 18:8 sa mga tao na malapit nang mabinyagan. Samantalahin ang pagkakataong ito para tulungang maghanda ang mga bata para sa mga tipan sa binyag.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng larawan ng isang batang binibinyagan (tulad ng nasa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 104). Itanong sa mga bata kung ano ang ginagawa ng bata. Ipaliwanag na kapag tayo ay bininyagan, gumagawa tayo ng mga tipan, o pangako. Basahin ang Galacia 6:2 o Mosias 18:8 para tulungan ang mga bata na matutuhan ang isa sa mga bagay na ipinapangako nating gawin: magpasan ng pasanin ng isa’t isa. Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng mga paraan na matutulungan nila ang ibang may mga pasanin.
-
Basahin sa mga bata ang pariralang ito mula sa Galacia 6:2: “Dalhin ninyo ang mga pasanin ng isa’t isa.” Para mailarawan ang kahulugan nito, ipabuhat sa isa sa mga bata ang isang mabigat na bagay. Pagkatapos ay tumawag ng isang boluntaryo para tulungan ang bata na buhatin ang bagay na iyon. Ipaliwanag sa mga bata na maraming bagay na maaaring mabigat sa pakiramdam, tulad ng sakit o lungkot o lumbay. Ano ang maaari nating gawin para matulungan ang isang tao na may ganitong uri ng pasanin?
Ang ating mga kilos, kapwa mabuti at masama, ay may mga bunga.
Sa pagtuturo na inaani natin kung ano ang ating itinanim, tulad ng ipinaliwanag sa Galacia 6:7–9, matuturuan mo ang mga bata na pag-isipan ang mga bunga ng kanilang mga ginagawa.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng isang binhi at isang gulay. Basahin ang Galacia 6:7–9 sa mga bata. Sabihin sa mga bata na magkunwaring nagtatanim sila ng binhi kapag narinig nila ang salitang ihasik. Sabihing magkunwari sila na namimitas ng gulay mula sa isang halaman kapag narinig nila ang salitang aanihin.
-
Magpakita sa mga bata ng ilang klase ng gulay, at tulungan silang makita ang mga buto ng bawat isa. Ilagay ang mga buto sa isang lalagyan, at isa-isang papiliin ang mga bata ng buto at hilingin sa kanilang sabihin kung anong gulay ang tutubo kung itatanim nila ito. Tulungan silang makita na ang gulay na aanihin natin ay nakasalalay sa mga binhing itinatanim natin, at tulad nito, sa mga pagpapasiya natin nakasalalay kung anong mga bunga at pagpapala ang matatanggap natin sa huli.
-
Gumawa ng isang linya sa sahig gamit ang teyp. Maglagay ng isang masayang mukha at isang malungkot na mukha sa magkabilang dulo ng linya. Hilingin sa isang bata na tumayo sa gitna ng linya, at tulungan ang iba pang mga bata na mag-isip ng mga desisyon na hahantong sa kaligayahan o kalungkutan. Sa bawat desisyon, hilingin sa bata sa gitna na lumakad papunta sa masayang mukha o sa malungkot na mukha. Ulitin nang ilang beses ang aktibidad, at isa-isang patayuin sa may teyp ang iba pang mga bata.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ginagawa tayong “iisa kay Cristo” ng pagpapabinyag.
Itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Galacia na kapag sila ay bininyagan sila ay magiging “iisa kay Cristo Jesus.” Paano mo matutulungan ang mga bata na magsikap para sa pagkakaisa na inilarawan sa Galacia 3:26–28?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na basahin ang Galacia 3:26–28 na nasasaisip ang tanong na ito: Ano ang mangyayari kapag nabinyagan ako? Maaari kang magtuon sa mga pariralang tulad ng “ibinihis si Cristo” o “iisa kay Cristo.” Ano kaya ang ibig sabihin ng mga pangakong ito? Paano natutulad ang “ibinibihis si Cristo” sa pagtataglay ng Kanyang pangalan sa ating sarili? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:75–79). Ano ang magagawa natin para maipakita sa iba na taglay natin ang Kanyang pangalan?
-
Sama-samang basahin ang Galacia 3:28, at tukuyin ang ilan sa mga paraan na kinilala ng mga tao ang kanilang sarili nang mabinyagan sila noong panahon ni Pablo. Tulungan ang mga bata na magbanggit ng ilang paraan na kinikilala nila ang kanilang sarili ngayon. Ano ang sinusubukang ituro sa atin ni Pablo kung paano natin dapat makita ang isa’t isa kapag nabinyagan tayo?
Kung “[lalakad ako] ayon sa Espiritu,” tatanggapin ko ang “bunga ng Espiritu.”
Kapag tayo ay bininyagan at tinanggap ang kaloob na Espiritu Santo, mas matatanggap natin ang bunga ng Espiritu sa ating buhay. Paano mo matutulungan ang mga bata na makilala ang bungang ito sa kanilang buhay?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Bigyan ng isang papel ang bawat bata (maaari mong gupitin ito sa hugis ng mga prutas), at ipahanap sa mga bata ang “bunga ng Espiritu” na nakalista sa Galacia 5:22–23. Hilingin sa kanilang isulat ang isa sa mga bunga sa harap ng kanilang papel at isang salita na kabaligtaran ang kahulugan sa likod ng papel. (Ipaunawa sa kanila ang mga salitang hindi pamilyar sa kanila.) Hilingin sa kanilang ibahagi ang kanilang mga bunga sa klase. Ano ang magagawa natin para palagi nating makasama ang Espiritu Santo?
-
Hilingin sa mga bata na basahin ang tungkol sa bunga ng Espiritu sa Galacia 5:22–23 at sumulat o magdrowing ng larawan tungkol sa isang pagkakataon na nadama nila ang isa sa mga bungang iyon. Hilingin sa kanila na ibahagi ang kanilang kuwento o larawan sa isa pang tao sa klase. Bakit mabuting paraan ang paggamit ng bunga para maunawaan natin kung paano tayo naiimpluwensyahan ng Espiritu?
Ang ating mga kilos, kapwa mabuti at masama, ay may mga bunga.
Ipaunawa sa mga bata na kung minsa’y dumarating kaagad ang mga bunga ng ating pag-uugali at kung minsan nama’y dumarating ito “sa takdang panahon” (talata 9).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang Galacia 6:7–9. Magbigay ng listahan ng mga kilos (o binhi na ating “inihahasik”) at mga resulta (o bunga na ating “aanihin”). Hilingin sa mga bata na itugma ang mga kilos sa ibubunga ng mga ito.
-
Hilingin sa mga bata na ilista ang ilan sa mga pagpapalang inaasam nilang matanggap mula sa Ama sa Langit. Tulungan silang mag-isip ng “mga binhi” na kailangan nilang itanim upang “anihin” ang mga pagpapalang ito.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Tulungan ang mga bata na maghanap ng mga paraan na maiaangkop ang mga katotohanang natutuhan nila ngayon sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, maaari mo silang anyayahang abangan ang mabubuting kalalabasan, o “bunga,” na dumarating dahil sa mabubuting desisyong ginagawa nila.