“Oktubre 16–22. 1 at 2 Tesalonica: ‘[Punan] ang Anumang Kulang sa Inyong Pananampalataya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2021)
“Oktubre 16–22. 1 at 2 Tesalonica,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Oktubre 16–22
1 at 2 Tesalonica
“[Punan] ang Anumang Kulang sa Inyong Pananampalataya”
Habang binabasa mo nang may panalangin ang 1 at 2 Tesalonica na iniisip ang mga bata, makikita mo ang mga alituntuning kailangan nilang maunawaan.
Mag-anyayang Magbahagi
Sa lesson noong nakaraang linggo, inanyayahan mo ba ang mga bata na ipamuhay ang natutuhan nila sa anumang paraan? Ipagamit sa mga bata ang unang ilang minuto ng klase sa linggong ito upang ibahagi ang kanilang mga karanasan.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Kapag sinusunod ko ang mga utos ng Diyos, magiging handa ako para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Hindi natin alam kung kailan babalik ang Tagapagligtas sa mundo. Ngunit maaari tayong maghintay sa Kanya at maghanda para sa Kanyang pagparito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang isang ina na ibahagi nang kaunti kung ano ang pakiramdam ng hintayin ang kanyang sanggol na isisilang. Basahin ang 1 Tesalonica 5:2–3, at sabihin sa mga bata na muling paparito si Jesucristo sa mundo, ngunit walang nakakaalam sa eksaktong petsa nito—tulad ng isang ina na hindi alam kung kailan isisilang ang kanyang anak.
-
Hilingin sa mga bata na magkuwento ng isang pagkakataon na naghanda sila para sa isang paglalakbay o kaganapan. Ano ang ginawa nila para makapaghanda? Magdala ng maleta o bag at sabihing magkunwari ang mga bata na nag-eempake sila upang maghanda sa isang paglalakbay. Sa bawat bagay na nagkukunwari silang iempake, tulungan ang mga bata na mag-isip ng paraan na makapaghahanda tayo para sa muling pagparito ni Jesucristo.
-
Basahin ang 1 Tesalonica 5:6 sa mga bata, at ipaliwanag na kung hindi tayo naghahanda para sa muling pagparito ni Jesus, para tayong nakatulog at hindi tayo magiging handa para sa Kanya. Hilingin sa mga bata na magkunwaring natutulog. Ipaliwanag na kung naghahanda talaga tayo, para tayong gising at naghihintay sa Kanya. Anyayahan silang gumising.
-
Sama-samang kantahin ang isang awit tungkol sa Ikalawang Pagparito, tulad ng “Sa Kanyang Pagbabalik” (Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47).
Itinuro ni Pablo na magaganap ang apostasiya bago muling pumarito si Jesucristo.
Ang Simbahang itinatag ni Jesucristo ay nag-apostasiya kalaunan, na ibig sabihin ay binawi sa mundo ang awtoridad ng priesthood at ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Ipinropesiya ni Pablo na ang apostasiyang ito, o “pagtalikod sa katotohanan,” ay mangyayari bago sumapit ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Matapos ninyong basahin ng mga bata ang 2 Tesalonica 2:3, magtayo kayo ng mga bata ng isang tore gamit ang plastic cups o blocks. Sabihin sa mga bata na ang plastic cups o blocks ay kumakatawan sa mahahalagang bahagi ng tunay na Simbahan, tulad ng mga katotohanan ng ebanghelyo, priesthood, mga pagbubuklod sa templo, at mga propeta. Pagkamatay ni Pablo at ng iba pang mga Apostol, naglaho ang mga bagay na ito, at nawala sa lupa ang tunay na Simbahan sa loob ng maraming taon. Hilingin sa isang bata na itumba ang tore, at ipaliwanag na ito ay tinatawag na Apostasiya o “pagtalikod.” Nang ibalik ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan, tinawag itong Pagpapanumbalik.
-
Magdispley ng Aklat ni Mormon at ng mga larawan ng propeta at ng isang templo. Hilingin sa mga bata na sabihin ang “Apostasiya” kapag itinago mo ang mga bagay na ito sa isang bag at ang “Pagpapanumbalik” kapag inilabas mo ang mga ito.
-
Kumanta ng mga awitin na nagtuturo ng mga katotohanang binawi noong panahon ng Apostasiya at ipinanumbalik sa ating panahon, tulad ng “Ang Simbahan ni Jesucristo,” “Ang Pagkasaserdote ay Naipanumbalik,” at “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 48, 60, 99).
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Kapag sinusunod ko ang mga utos ng Diyos, magiging handa ako para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Matutulungan tayo ng payo ni Pablo na maging handa at hintayin ang dakilang araw na iyon ng muling pagparito ng Tagapagligtas sa lupa.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa isang bata na basahin ang 1 Tesalonica 5:1–6 habang tahimik na sumasabay ang iba pang mga bata. Matapos basahin ang bawat talata, ipabuod sa isang bata kung ano sa palagay niya ang sinasabi sa talata. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “ang araw ng Panginoon” ay ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Bakit ikinukumpara ang Ikalawang Pagparito sa isang magnanakaw sa gabi o sa isang babaeng manganganak?
-
Sabihin sa mga bata na magkunwaring bibisita ang Tagapagligtas sa klase ninyo anumang oras ngayon. Paano tayo makapaghahanda para sa Kanyang pagbisita? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na magagawa natin upang maihanda ang ating sarili para sa araw ng pagbabalik ni Jesucristo. Halimbawa, maaari tayong magsisi, magpatawad, pag-igihin ang mga pakikipag-ugnayan natin sa ating pamilya, sundin ang propeta, hangarin ang impluwensya ng Espiritu Santo, at tuparin ang ating mga tipan. Hikayatin ang mga bata na pumili ng isang bagay na gagawin nila upang maihanda ang kanilang sarili na tanggapin ang Tagapagligtas sa Kanyang Pagparito.
Itinuro ni Pablo na magkakaroon ng apostasiya bago ang muling pagparito ni Jesucristo.
Kung nauunawaan ng mga bata na ang Simbahan ni Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo ay binawi sa lupa noong panahon ng Malawakang Apostasiya, magiging mas malinaw sa kanila ang pangangailangan sa Pagpapanumbalik.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa isa sa mga bata na basahin ang 2 Tesalonica 2:1–3. Ayon sa mga talatang ito, ano ang kailangang mangyari bago sumapit ang “araw ng Panginoon,” na ang ibig sabihin ay ang Ikalawang Pagparito? Ano ang ibig sabihin ng katagang “pagtalikod”? Siguruhing nauunawaan ng mga bata na ang ibig sabihin nito ay Malawakang Apostasiya, na naganap nang mamatay ang mga Apostol ng Tagapagligtas. Maaari kang magbahagi ng impormasyon mula sa “Apostasiya” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
-
Tulungan ang mga bata na ilista sa pisara ang ilan sa mga katotohanan at pagpapalang tinatamasa natin dahil sa ebanghelyo. Isa-isang burahin ang mga nakalistang ito, at itanong sa mga bata kung paano maiiba ang kanilang buhay kung wala ang mga ito. Ipaliwanag na ang mga katotohanang ito ay nawala noong panahon ng Malawakang Apostasiya. Bakit mahalagang ipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo sa lupa sa mga huling araw? Hilingin sa mga bata na “ipanumbalik” o muling isulat ang mga katotohanan at pagpapala sa pisara.
Nais ng Ama sa Langit na kumilos o magtrabaho ako.
Paano mo matutulungan ang mga bata na makita na ang pagtatrabaho ay isang pagpapala, hindi isang bagay na dapat iwasan?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na maghalinhinan sa pagbabasa sa mga talatang mula sa 2 Tesalonica 3:7–13 at hanapin ang mga problemang kinakaharap noon ng mga Banal. Bakit nais ng Ama sa Langit na magtrabaho tayo? Ano ang mangyayari kung hindi tayo natutong magsikap kailanman? Hilingin sa mga bata na maghalinhinan sa pag-arte ng mga simpleng gawain habang hinuhulaan naman ng iba pang mga bata ang ginagawa nila.
-
Anyayahan ang mga bata na magkuwento ng isang pagkakataon na nagsikap silang gawin ang isang gawain, proyekto, o mithiin. Ano ang pakiramdam nila sa kanilang sarili nang matapos sila? Ano ang ibig sabihin ng “huwag kayong manlupaypay sa paggawa ng mabuti”? (2 Tesalonica 3:13). Ano ang nakakatulong sa atin na magpatuloy kapag nahihirapan tayong magtrabaho?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na sabihin sa isang kapamilya o kaibigan ang isang dahilan kung bakit sila nagpapasalamat na mayroon tayong ebanghelyo sa lupa ngayon (makakatulong ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito na mabigyan sila ng mga ideya).