Bagong Tipan 2023
Oktubre 2–8. Efeso: “Sa Ikasasakdal ng mga Banal”


“Oktubre 2–8. Efeso: ‘Sa Ikasasakdal ng mga Banal,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Oktubre 2–8. Efeso,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

Larawan
pamilyang tumitingin sa mga larawan

Oktubre 2–8

Efeso

“Sa Ikasasakdal ng mga Banal”

Habang pinag-aaralan mo ang Sulat sa mga Taga-Efeso, isipin ang mga alituntuning maaari mong bigyang-diin para pagpalain ang mga batang tinuturuan mo. Itala ang anumang mga ideyang naiisip mo habang nagbabasa ka.

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Hilingin sa mga bata na pumila sa isang linya. Simula sa harapan ng linya, bigyan ang bawat bata ng pagkakataong magbahagi ng isang bagay na natutuhan niya kamakailan tungkol sa ebanghelyo sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya, sa Primary, o kahit saan.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Efeso 2:19

Ang mga miyembro ng Simbahan ay dapat maging magkakaibigan at “mga kapwa mamamayan.”

Ang mga bata ba sa klase mo ay mas parang “mga dayuhan o banyaga” o “mga kapwa mamamayan” sa isa’t isa at sa iba pang mga miyembro ng ward? Ipaunawa sa kanila na bagama’t may mga pagkakaiba tayo, tinutulungan tayo ng Tagapagligtas na magkaisa at magmahalan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Maglagay ng larawan ng Tagapagligtas sa gitna ng silid. Anyayahan ang mga bata na tumayo sa iba’t ibang bahagi ng silid para kumatawan sa “mga banyaga” o “mga dayuhan.” Tulungan silang maunawaan na ang ibig sabihin ng mga salitang ito ay mga taong hindi pa natin kilala. Habang binabasa mo ang Efeso 2:19, anyayahan silang lumapit sa larawan ni Cristo hanggang sa magkatabi-tabi sila. Sabihin sa kanila na habang lumalapit tayo sa Tagapagligtas, maaari tayong magkaisa bilang “mga kapwa mamamayan,” o magkakaibigan.

  • Maghanap ng mga larawan ng mga bata mula sa iba’t ibang panig ng mundo, at itago ang mga ito sa paligid ng silid. Maglagay ng larawan ng Tagapagligtas sa harap ng silid. Anyayahan ang iyong klase na magpares-pares na parang mga missionary at maghalinhinan sa paghanap sa larawan ng isang “dayuhan” para itabi sa larawan ng Tagapagligtas. Ipaunawa sa kanila na kapag nabinyagan ang mga tao, nagiging bahagi sila ng ating pamilya sa Simbahan, o ng “sambahayan ng Diyos.” Paano natin matutulungan ang isang bagong salta na madama na siya ay tanggap?

Efeso 6:1–3

Nais ng Ama sa Langit na sundin ko ang aking mga magulang.

Habang binabasa mo ang Efeso 6:1–3, mag-isip ng mga paraan para maipaunawa mo sa mga bata kung bakit mahalagang sundin ang kanilang mga magulang.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Efeso 6:1 sa klase, o tulungan ang isa sa mga bata na basahin ito. Tulungan silang mag-isip ng mga pagkakataon na sinunod nila ang kanilang mga magulang. Hilingin sa kanila na ibahagi kung paano sila pinagpala sa pagsunod at kung ano ang nadama nila nang sumunod sila. Bakit mahalagang sundin ang ating mga magulang?

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagsunod, tulad ng “Susunod Ako” (Aklat ng mga Awit Pambata, 71). Hilingin sa mga bata na maghalinhinan sa pagtukoy sa isang bagay na ipinagagawa sa kanila ng kanilang mga magulang, at hilingin sa kanila na magkunwaring ginagawa nila ang bagay na iyon.

  • Ipakita ang larawan ni Jesucristo na binibinyagan (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 35), at ibahagi kung paano sinunod ng Tagapagligtas ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagpapabinyag (tingnan sa 2 Nephi 31:6–7). Magbahagi ng isang karanasan kung saan sinunod mo ang iyong mga magulang at napagpala ka. Bakit nais ng Ama sa Langit na sundin natin ang ating mga magulang?

Efeso 6:10–18

Mapoprotektahan ako ng baluti ng Diyos mula sa kasamaan.

Paano mo maipapaunawa sa mga bata na ang paggawa ng mabubuting bagay ay parang pagsusuot ng baluti?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng larawan ng isang taong nakasuot ng baluti, tulad ng nasa pahina ng aktibidad para sa linggong ito o sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Habang ibinubuod mo ang Efeso 6:10–18, ipakita sa mga bata kung paano pinoprotektahan ng iba’t ibang bahagi ng baluti ang iba’t ibang bahagi ng katawan. (Tingnan sa “Ang Buong Baluti ng Diyos,” Liahona, Hunyo 2016, 70–71.)

  • Magdala ng ilang bagay sa klase na maaaring kumatawan sa mga parte ng baluti na binanggit sa Efeso 6:14–17 (halimbawa, isang sumbrero o apron), o gumawa ng mga simpleng bahagi ng baluti na yari sa papel. Isa-isang pagsuutin ang mga bata ng “baluti.” Tulungan silang maunawaan kung paano tayo nagsusuot ng baluti ng Diyos (halimbawa, sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, paglilingkod sa iba, pagdarasal, pagsunod, at iba pa). Talakayin kung paano tayo pinoprotektahan ng paggawa ng mga bagay na ito mula sa kasamaan.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Efeso 2:13–19

Tayo ay “mga kapwa mamamayan” sa sambahayan ng Diyos.

Lumalakas ang mga bata kapag may mabubuti silang kaibigan sa ebanghelyo. Paano mo sila matutulungang magkaroon ng mas mabubuting pagkakaibigan sa isa’t isa?

Larawan
Aktibidad sa Primary

Tayo ay “mga kapwa mamamayan” ng mga Banal ng Diyos.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sama-samang basahin ang Efeso 2:19 at talakayin kung ano ang kahulugan ng maging dayuhan o banyaga. Magbahagi ng isang karanasan na nadama mo na para kang isang dayuhan o banyaga at ipinadama sa iyo ng isang tao na tanggap ka at kabahagi. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasang tulad nito. Ano ang magagawa natin para maging “mga kapwa mamamayan” sa halip na mga dayuhan? May mga bata ba sa klase mo na hindi madalas dumalo, marahil ay dahil pakiramdam nila ay mga dayuhan sila? Tulungan ang mga bata na makabuo ng plano para maipadama sa mga miyembrong iyon na sila ay tanggap at minamahal.

  • Para matulungan ang mga bata na mas mapalapit sa isa’t isa, sumulat ng ilang tanong sa pisara na makahihikayat sa kanila na magbahagi ng isang bagay tungkol sa kanilang sarili, tulad ng Kailan nasagot ang isang panalangin mo? o Ano ang paborito ninyong gawin ng pamilya mo? Gawing magkakapares ang mga bata, at hilingin sa kanila na tanungin ang isa’t isa. Ano ang nalaman natin tungkol sa isa’t isa?

Efeso 6:1–3

Nais ng Ama sa Langit na sundin at igalang ko ang aking mga magulang.

Mag-isip ng mga paraan na maipapaunawa mo sa mga bata kung bakit mahalagang sundin ang kanilang mga magulang.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na basahin ang Efeso 6:1–3 nang kanya-kanya at tukuyin ang mga pariralang namumukod-tangi sa kanila. Hilingin sa kanila na ibahagi ang mga pariralang ito at kung bakit sa palagay nila ay mahalaga ang mga pariralang ito.

  • Tulungan ang mga bata na maghanap at magbahagi tungkol sa mga halimbawa ng mga tao sa mga banal na kasulatan na sinunod at iginalang ang kanilang mga magulang, tulad ng Tagapagligtas (tingnan sa Lucas 2:42–52), ni Ruth (tingnan sa Ruth 1), o ni Nephi (tingnan sa 1 Nephi 3:1–8). Bakit mahalagang sundin at igalang ang ating mga magulang?

  • Bigyan ang bawat bata ng isang papel na may nakasulat na salitang igalang sa itaas. Talakayin ang kahulugan ng salitang ito. Hilingin sa mga bata na sumulat o magdrowing sa kanilang papel ng isang bagay na magagawa nila para ipakita na iginagalang nila ang kanilang mga magulang.

Efeso 6:10–18

Mapoprotektahan ako ng baluti ng Diyos mula sa kasamaan.

Habang binabasa mo ang Efeso 6:10–18, isipin ang ilan sa mga espirituwal na panganib na kinakaharap ng mga bata at kung paano mo sila mapapalakas laban sa mga ito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Habang binabasa ng isang bata ang Efeso 6:10–18, ipalista o ipadrowing sa isa pang bata sa pisara ang binanggit na mga bahagi ng baluti. Bakit mahalaga ang baluti sa isang digmaan? Paano natin maisusuot ang ating espirituwal na baluti araw-araw?

  • Atasan ang bawat bata na idrowing at pangalanan ang isang bahagi ng baluti na inilarawan sa Efeso 6:14–17. Paano kaya tayo mapoprotektahan ng mga bahaging ito ng baluti laban sa kasamaan? Ano ang ipinapangako ng Panginoon sa mga nagsusuot ng buong baluti ng Diyos? (tingnan sa Efeso 6:13). Ano ang ibig sabihin ng “makatagal sa araw ng masama”?

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na subaybayan sa linggong ito ang isang tao na maaaring nakadarama na siya ay isang dayuhan. Hamunin sila na gumawa ng isang bagay para tulungan ang taong iyon.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga batang musmos na matuto mula sa mga banal na kasulatan. Ang mga batang musmos ay maaaring matuto mula sa mga banal na kasulatan, ngunit maaaring kailangan nilang magtuon sa isang talata o kahit sa isang mahalagang parirala lamang. Maaari mong hilingin sa mga bata na tumayo kapag narinig nila ang isang partikular na salita o parirala. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas25–26.)

Print