Bagong Tipan 2023
Oktubre 2–8. Efeso: “Upang [Maging Sakdal] ang mga Banal”


“Oktubre 2–8. Efeso: ‘Upang [Maging Sakdal] ang mga Banal,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Oktubre 2–8. Efeso,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

pamilyang nakatingin sa mga larawan

Oktubre 2–8

Efeso

“Upang [Maging Sakdal] ang mga Banal”

May nakikita ka bang anumang mga koneksyon sa pagitan ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya at sa Sulat ni Pablo sa mga taga-Efeso?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Nang magsimulang kumalat ang ebanghelyo sa Efeso, naging sanhi ito ng “malaking gulo” (Mga Gawa 19:23) sa mga taga-Efeso. Itinuring ng mga lokal na panday na gumawa ng mga dambana sa isang paganong diyosa na isang banta ang Kristiyanismo sa kanilang kabuhayan, at di-naglaon ay “napuno sila ng galit, … [at] napuno ng kaguluhan ang lunsod” (tingnan sa Mga Gawa 19:27–29). Isipin na kunwari’y isa kang bagong convert sa ebanghelyo na nasa gayong tagpo. Maraming taga-Efeso ang tumanggap at namuhay ayon sa ebanghelyo sa gitna ng “panggugulo” na ito (Mga Gawa 19:40), at tiniyak sa kanila ni Pablo na “[si Cristo] ang ating kapayapaan” (Efeso 2:13–14). Ang mga salitang ito, pati na ang kanyang paanyaya na “lahat ng pait, galit, poot, pag-aaway, at paninirang-puri ay inyong alisin” (Efeso 4:31) ay tila napapanahon at nakapapanatag ngayon tulad noon. Para sa mga taga-Efeso, tulad ng bawat isa sa atin, dumarating ang lakas na harapin ang paghihirap “sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kanyang lakas” (tingnan sa Efeso 6:10–13).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Efeso 1:4–11, 17–19

Pinili, o inorden ako ng Diyos noon pa man, na gampanan ang ilang responsibilidad sa lupa.

Binanggit ni Pablo na may mga Banal na “itinalaga” ng Diyos noon pa man at “[pinili] bago itinatag ang sanlibutan” na maging Kanyang mga tao. Gayunman, tulad ng napansin ni Pangulong Henry B. Eyring, hindi ito nangangahulugan “na naipasiya na ng Diyos kung sinu-sino sa Kanyang mga anak ang Kanyang ililigtas at ibinigay ang ebanghelyo sa kanila, samantalang yaong mga hindi nakarinig sa ebanghelyo kailanman ay talagang hindi ‘pinili.’ … Ang plano ng Diyos ay mas mapagmahal at makatarungan kaysa riyan. Nasasabik ang ating Ama sa Langit na tipunin at pagpalain ang Kanyang buong pamilya” (“Pagtitipon sa Pamilya ng Diyos,” Liahona, Mayo 2017, 20–21). Lahat ng anak ng Diyos ay maaaring tanggapin ang ebanghelyo at ang mga ordenansa nito dahil sa gawaing isinasagawa para sa mga patay sa mga banal na templo.

Bagama’t walang sinumang nakatadhanang maligtas o hindi maligtas, itinuturo sa makabagong paghahayag na ang ilan sa mga anak ng Diyos ay pinili, o “inorden noon pa man,” sa premortal na daigdig na gumanap sa ilang responsibilidad sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos sa lupa. Habang binabasa mo ang Efeso 1 at ang Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pag-oorden Noon Pa Man” (topics.ChurchofJesusChrist.org), pagnilayan kung paano naaangkop sa iyo ang katotohanang ito.

Efeso 1:10

“[Titipunin ng Diyos] ang lahat ng mga bagay kay Cristo.”

Sa palagay ninyo, bakit tinatawag ang ating panahon na “[dispensasyon] ng kaganapan ng [mga] panahon”? Ano ang ibig sabihin ng “tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo”? Habang pinagninilayan mo ang mga pariralang ito, basahin ang sumusunod na mga talata: Efeso 4:13; 2 Nephi 30:7–8; Doktrina at mga Tipan 110:11–16; 112:30–32; 128:18–21. Maaari kang mahikayat na sumulat ng sarili mong mga paliwanag tungkol sa mga pariralang ito.

Tingnan din sa David A. Bednar, “Tipunin ang Lahat ng mga Bagay kay Cristo,” Liahona, Nob. 2018, 21–24.

Efeso 2:19–22; 3:1–7; 4:11–16

Ang Simbahan ay nakasalig sa mga apostol at propeta, at si Jesucristo ang pangulong bato sa panulok.

Ayon sa Efeso 2:19–22; 3:1–7; 4:11–16, bakit tayo may mga propeta at apostol? Pag-isipan ang mga mensahe ng mga propeta at apostol na narinig mo sa pangkalahatang kumperensya. Paano natutupad ng kanilang mga turo ang mga layuning inilarawan ni Pablo? Halimbawa, paano nakatulong sa iyo ang mga turong ito na hindi “[madala] ng bawat hangin ng aral”?

Paano parang isang batong panulok ng Simbahan si Jesucristo? Paano Siya parang isang batong panulok sa buhay mo?

Tingnan din sa Mga Gawa 4:10–12.

batong panulok ng isang gusali

Si Jesucristo ang batong panulok ng Simbahan.

Efeso 5:216:4

Ang pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas ay maaaring magpatatag sa mga relasyon sa aking pamilya.

Habang binabasa mo ang Efeso 5:216:4, pag-isipan kung paano maaaring mapatatag ng payo sa mga talatang ito ang mga relasyon sa inyong pamilya.

Mahalagang tandaan na ang mga salita ni Pablo sa Efeso 5:22–24 ay isinulat sa konteksto ng mga kaugalian ng lipunan sa kanyang panahon. Itinuturo ng mga propeta at apostol ngayon na ang mga lalaki ay hindi nakahihigit sa mga babae at na ang mga mag-asawa ay “may pantay na pananagutan” (tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” SimbahanniJesucristo.org). Gayunpaman, makakakita ka pa rin ng nauugnay na payo sa Efeso 5:25–33. Halimbawa, paano ipinapakita ni Cristo ang Kanyang pagmamahal sa mga Banal? Ano ang ipinahihiwatig nito kung paano dapat tratuhin ng mga mag-asawa ang isa’t isa bilang magkasama na may pantay na pananagutan? Anong mga mensahe ang nakikita mo para sa iyong sarili sa mga talatang ito?

Efeso 6:10–18

Ang buong kasuotang pandigma ng Diyos ay makakatulong na protektahan ako mula sa kasamaan.

Habang binabasa mo ang Efeso 6:10–18, isipin kung bakit pinangalanan ni Pablo ang bawat bahagi ng kasuotang pandigma tulad ng ginawa niya. Mula saan ka pinoprotektahan ng “buong kasuotang pandigma ng Diyos”? Ano ang magagawa mo para mas lubos na maisuot ang bawat bahagi ng kasuotang pandigma araw-araw?

Tingnan din sa 2 Nephi 1:23; Doktrina at mga Tipan 27:15–18.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Efeso 1:10.Para maituro ang talatang ito, ginamit na halimbawa ni Elder David A. Bednar ang lubid (tingnan sa “Tipunin ang Lahat ng mga Bagay kay Cristo”). Isiping magpakita ng lubid sa mga miyembro ng pamilya at hayaang hawakan at suriin nila ito habang ibinabahagi mo ang mga bahagi ng mensahe ni Elder Bednar. Paano tinitipon ng Diyos ang lahat ng bagay kay Cristo? Paano tayo pinagpapala dahil sa pagtitipong ito?

Efeso 2:4–10; 3:14–21.Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng mga karanasan kung saan nadama nila ang pagmamahal at awa ng Diyos at ni Jesucristo na inilarawan sa mga talatang ito.

Efeso 2:12–19.Maaaring masiyahan ang inyong pamilya na magtayo ng mga pader gamit ang mga unan o iba pang mga bagay na mayroon kayo sa bahay at pagkatapos ay gibain ang mga ito. Bagama’t tinukoy ni Pablo ang “pader” sa pagitan ng mga Hentil at mga Judio, anong uri ng mga pader ang naghihiwalay sa mga tao ngayon? Paano “sinira” ni Jesucristo ang mga pader na ito? Paano Niya “[tayo] papagkasunduin … sa Diyos”? (talata 16).

Efeso 6:10–18.Maaaring gumawa ang inyong pamilya ng sarili nilang “kasuotang pandigma ng Diyos” gamit ang mga bagay sa bahay. Ang video na “The Armour of God” (ChurchofJesusChrist.org) ay makakatulong sa mga miyembro ng pamilya na mailarawan sa isipan ang kagayakang ito, at makahahanap sila ng mga simpleng paliwanag sa “The Whole Armor of God” (Friend, Hunyo 2016, 24–25). Paano tayo espirituwal na pinoprotektahan ng bawat bahagi ng kasuotang pandigma? Ano ang magagawa natin para matulungan ang isa’t isa na “isuot … ang buong kasuotang pandigma ng Diyos” (Efeso 6:11) araw-araw?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing himno: “Pag-asa ng Israel,” Mga Himno, blg. 161.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Hayaang gabayan ng Espiritu ang iyong pag-aaral. Maging sensitibo sa Espiritu habang ginagabayan ka Niya sa mga bagay na kailangan mong malaman bawat araw, kahit akayin ka nitong pag-aralan ang isang paksang hindi kasama sa orihinal na plano mo.

lalaking nakasuot ng kasuotang pandigma noong panahon ng Bagong Tipan

Ang pagsusuot ng kasuotang pandigma ng Diyos ay may espirituwal na proteksiyon sa atin.