Bagong Tipan 2023
Setyembre 25–Oktubre 1. Galacia: “Lumakad Kayo Ayon sa Espiritu”


“Setyembre 25–Oktubre 1. Galacia: ‘Lumakad Kayo Ayon sa Espiritu,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Setyembre 25–Oktubre 1. Galacia,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

si Cristo na nagpapakita kay Pablo sa bilangguan

Dinalaw ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas si Pablo sa bilangguan (tingnan sa Mga Gawa 23:11). Mapapalaya tayo ni Jesucristo mula sa “pamatok ng pagkaalipin” (Galacia 5:1).

Setyembre 25–Oktubre 1

Galacia

“Lumakad Kayo Ayon sa Espiritu”

Habang binabasa mo ang Galacia, itala ang mga impresyong natatanggap mo. Matutulungan ka nitong maalala at pagnilayan ang mga ito sa hinaharap.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay may handog na kalayaan mula sa espirituwal na pagkaalipin. Ngunit kung minsa’y tinatalikuran ito ng mga taong nakaranas ng kalayaan sa ebanghelyo at “nais [na] muling maging mga alipin” (Galacia 4:9). Ito ang ginagawa noon ng ilang Banal sa Galacia—tinatalikuran nila ang kalayaang naihandog sa kanila ni Cristo (tingnan sa Galacia 1:6). Ang Sulat ni Pablo sa mga taga-Galacia, kung gayon, ay isang agarang panawagan na bumalik sa “kalayaan [kung saan] pinalaya tayo ni Cristo” (Galacia 5:1). Ang panawagang ito ay kailangan din nating marinig at sundin dahil kahit nagbabago ang mga sitwasyon, patuloy pa rin ang tunggalian sa pagitan ng kalayaan at pagkaalipin. Tulad ng itinuro ni Pablo, hindi sapat na “[matawag] sa kalayaan” (Galacia 5:13); kailangan din nating “magpakatatag” dito (Galacia 5:1) sa pamamagitan ng pag-asa kay Cristo.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Galacia 1–5

Ang batas ni Cristo ay nagpapalaya sa akin.

Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Galacia nang malaman niya na inililigaw sila ng mga maling turo (tingnan sa Galacia 1:6–9). Ang isa sa mga turong ito ay na para maligtas, ang mga Gentil na tumanggap na sa ebanghelyo ay kailangang tulian at sumunod sa iba pang mga tradisyon ng batas ni Moises (tingnan sa Galacia 2). Tinawag ni Pablo ang mga tradisyong ito na “pamatok ng pagkaalipin” (Galacia 5:1). Habang binabasa mo ang payo ni Pablo sa mga taga-Galacia, hanapin ang mga alituntunin na magpapaunawa sa iyo kung ano ang tunay na kalayaan. Maaari mo ring pagnilayan kung anong mga maling tradisyon o iba pang mga pamatok ng pagkaalipin ang umiiral sa buhay mo. Mayroon bang pumipigil sa iyo na makaranas ng kalayaang inihahandog ng ebanghelyo? Paano “[ka] pinalaya” ni Cristo at ng Kanyang ebanghelyo? (Galacia 5:1).

Tingnan din sa 2 Nephi 2:27; 9:10–12.

Galacia 3

Ako ay tagapagmana ng mga pagpapalang ipinangako kay Abraham.

Nag-alala ang ilan sa mga Banal sa Galacia na dahil hindi sila literal na mga inapo (“binhi”) ni Abraham, baka hindi nila matanggap ang mga pagpapalang ipinangako kay Abraham, kabilang na ang kadakilaan. Ayon sa Galacia 3:7–9, 13–14, 27–29, ano ang nagpapamarapat sa isang tao na maging “binhi ni Abraham”?

Para malaman ang mga pagpapalang ipinangako kay Abraham at ang mga pagpapalang maaari nating manahin bilang kanyang mga binhi, tingnan sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Tipang Abraham,” topics.ChurchofJesusChrist.org. Bakit mahalaga sa iyo ang mga pagpapalang ipinangako kay Abraham?

Galacia 3:6–25

Taglay ni Abraham ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith: “Hindi tayo maaaring maniwala na ang mga tao noong unang panahon ay walang alam sa sistema ng langit tulad ng inaakala ng marami, dahil lahat ng naligtas, ay naligtas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng dakilang planong ito ng pagtubos, tulad noong bago pa dumating si Cristo. … Nag-alay ng sakripisyo si Abraham, at sa kabila nito, naipangaral sa kanya ang Ebanghelyo” (“The Elders of the Church in Kirtland to Their Brethren Abroad,” The Evening and the Morning Star, Mar. 1834, 143, JosephSmithPapers.org). Sa palagay mo, bakit mahalagang malaman ng mga Banal noong panahon ni Pablo na taglay ni Abraham at ng iba pang mga sinaunang propeta ang ebanghelyo ni Jesucristo? Bakit mahalaga na malaman mo ito? (Tingnan sa Helaman 8:13–20; Moises 5:58–59; 6:50–66.)

Tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 53–66.

Galacia 5:13–26; 6:7–10

Kung ako ay “[lumalakad] ayon sa Espiritu,” tatanggapin ko ang “bunga ng Espiritu.”

Ang pag-aaral sa mga talatang ito ay makatutulong sa iyo na masuri kung gaano ka lubos na lumalakad ayon sa Espiritu. Nararanasan mo ba ang bunga ng Espiritu na binanggit sa mga talata 22–23? Anong iba pang bunga, o mga resulta, ng espirituwal na pamumuhay ang napansin mo? Pagnilayan kung ano ang kailangan mong gawin para malinang nang mas lubusan ang bungang ito. Paano mapagbubuti ng paglilinang sa bungang ito ang mahahalagang relasyon sa buhay mo?

mga mansanas sa puno

Kailangan kong hangarin ang “bunga ng Espiritu” sa buhay ko.

Kung sinisikap mong lumakad ayon sa Espiritu ngunit tila hindi ito naghahatid ng ipinangakong bunga, basahin ang Galacia 6:7–10. Ano sa pakiramdam mo ang mensahe ng Panginoon para sa iyo sa mga talatang ito?

Tingnan din sa Alma 32:28, 41–43; Doktrina at mga Tipan 64:32–34.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Galacia 3:11.Ano ang ibig sabihin ng “[mabuhay] sa pamamagitan ng pananampalataya”? Paano tayo nabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya bilang pamilya?

Galacia 4:1–7.Maaari mong pasimulan ang Galacia 4 sa pagtalakay sa mga pagkakaiba ng mga alipin ng isang hari at ng kanyang mga anak. Ano ang mga pagkakataon o potensyal ng anak ng isang hari na wala ang isang alipin? Pag-isipan ito habang sabay-sabay ninyong binabasa ang mga talata 1–7. Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa ating relasyon sa Ama sa Langit?

Galacia 5:16–26Isiping talakayin ang pagkakaiba ng “mga gawa ng laman” at ng “bunga ng Espiritu.” Para maragdagan ng kaunting saya ang inyong talakayan, maaaring sulatan ng inyong pamilya ng mga salitang ginamit ni Pablo ang iba’t ibang prutas para ilarawan ang bunga ng Espiritu. Pagkatapos ay maaaring pumili ng isa ang bawat miyembro ng pamilya, ipaliwanag ito, at magkuwento tungkol sa isang tao na halimbawa ng prutas na iyon. Maaari itong humantong sa isang talakayan tungkol sa mga paraan na maaaring anyayahan ng inyong pamilya ang Espiritu sa inyong tahanan at malinang ang prutas na ito. Pagkatapos ng talakayan, maaari kayong sama-samang kumain ng fruit salad.

Galacia 6:1–2.Maaaring may mga pagkakataon na may isa sa inyong pamilya na “natagpuan sa anumang pagsuway.” Anong payo ang nakikita mo sa Galacia 6:1–2 kung ano ang gagawin sa gayong sitwasyon?

Galacia 6:7–10.Kung sama-sama nang nakapagtanim ng anuman ang inyong pamilya, maaari ninyong gamitin ang karanasang iyon para ilarawan ang alituntunin na “anumang ihasik ng tao, ay siya rin niyang aanihin” (talata 7). O maaari mong tanungin ang mga miyembro ng pamilya tungkol sa paborito nilang mga prutas o gulay at pag-usapan ninyo kung ano ang kailangang gawin para lumago ang isang halamang nagbubunga ng pagkaing iyon. (Tingnan ang larawan sa dulo ng outline na ito.) Pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan ang mga pagpapalang inaasam na matanggap ng inyong pamilya at kung paano “maaani” ang mga pagpapalang iyon.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Turuang Lumakad sa Liwanag,” Aklat ng mga Awit Pambata, 70.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang inyong pamilya na ihalintulad sa sarili nila ang mga banal na kasulatan. Sabi ni Nephi, “Inihahalintulad ko sa amin ang lahat ng banal na kasulatan, upang ito ay maging para sa aming kapakinabangan at kaalaman” (1 Nephi 19:23). Para matulungan ang inyong pamilya na gawin ito, maaari mo silang anyayahang pagnilayan ang mga pagkakataon na naranasan nila ang bunga ng Espiritu na inilarawan sa Galacia 5:22–23. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 21.)

mga peras sa puno

Itinuro ni Pablo na kapag lumakad tayo ayon sa Espiritu, daranasin natin ang “bunga ng Espiritu” sa ating buhay.