Bagong Tipan 2023
Oktubre 9–15. Filipos; Colosas: “Lahat ng mga Bagay ay Aking Magagawa sa Pamamagitan [ni Cristo na] Nagpapalakas sa Akin”


“Oktubre 9–15. Filipos; Colosas: ‘Lahat ng mga Bagay ay Aking Magagawa sa Pamamagitan [ni Cristo na] Nagpapalakas sa Akin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Oktubre 9–15. Filipos; Colosas,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

nagdidikta ng isang liham si Pablo mula sa bilangguan

Oktubre 9–15

Filipos; Colosas

“Lahat ng mga Bagay ay Aking Magagawa sa Pamamagitan [ni Cristo na] Nagpapalakas sa Akin”

Kailan ka huling nagbasa ng mga espirituwal na impresyong naitala mo habang nag-aaral ka ng Bagong Tipan? Maaaring makatulong na rebyuhin ang mga pahiwatig na natatanggap mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Isinulat ni Pablo ang kanyang mga sulat sa mga taga-Filipos at mga taga-Colosas habang siya ay nasa bilangguan. Ngunit wala sa mga liham na ito ang tonong maaari mong asahan sa isang taong nakabilanggo. Mas binanggit ni Pablo ang tungkol sa kagalakan, katuwaan, at pasasalamat kaysa tungkol sa mga paghihirap at pagsubok: “Ipinahahayag si Cristo,” sabi niya, “at sa ganito’y nagagalak ako” (Filipos 1:18). At “bagaman ako’y wala sa katawan, gayunma’y nasa inyo ako sa espiritu, at nagagalak na makita … ang katatagan ng inyong pananampalataya kay Cristo” (Colosas 2:5). Tiyak na “ang kapayapaan ng Diyos” na naranasan ni Pablo sa kanyang mahihirap na sitwasyon ay “hindi maabot ng pag-iisip” (Filipos 4:7), gayunma’y totoo iyon. Sa sarili nating mga pagsubok, madarama rin natin ang kapayapaang ito at “[maga]galak [tayong] lagi sa Panginoon” (Filipos 4:4). Tulad ng ginawa ni Pablo, makakaasa tayo nang lubusan kay Jesucristo, kung kanino “ay mayroon tayong katubusan” (Colosas 1:14). Masasabi natin, tulad ni Pablo, na “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo na] nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13; tingnan din sa Colosas 1:11).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Filipos 2:5–11; Colosas 1:12–23

Ang aking pananampalataya ay nakasalig kay Jesucristo.

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson na nang ituon niya ang kanyang pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa mga talata tungkol kay Jesucristo, nagkaroon iyon ng malaking epekto sa kanya kaya pakiramdam niya ay “nagbago [siya]!” (“Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 39). Isiping tularan ang kanyang halimbawa habang binabasa mo ang Filipos at Colosas (tingnan lalo na sa Filipos 2:5–11; Colosas 1:12–23). Ano ang natututuhan mo tungkol sa Tagapagligtas? Paano ka matutulungan ng mga katotohanang ito na maging isang lalaki o babaeng “nagbago”?

Filipos 2:12–13

Atin bang “[isinasagawa] ang [ating] sariling kaligtasan”?

Ginagamit ng ilang tao ang pariralang “isagawa ninyo ang inyong sariling kaligtasan” (Filipos 2:12) para suportahan ang ideya na naliligtas lamang tayo sa pamamagitan ng sarili nating mga pagsisikap. Ginagamit ng iba ang turo ni Pablo na “sa biyaya kayo’y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya” (Efeso 2:8) para sabihin na walang kinakailangang gawin para maligtas. Gayunman, malinaw na itinuturo ng mga banal na kasulatan, pati na ng mga sulat ni Pablo, na kailangan kapwa ang biyaya ni Jesucristo at ang personal na pagsisikap para maligtas. At maging sa pinakamatitinding pagsisikap nating maligtas, “Diyos ang gumagawa sa inyo” (Filipos 2:13; tingnan din sa Filipos 1:6; 2 Nephi 25:23; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biyaya”).

Filipos 3:4–14

Sulit ang bawat sakripisyo sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Malaki ang isinuko ni Pablo nang magbalik-loob siya sa ebanghelyo ni Jesucristo, kabilang na ang maimpluwensyang katungkulang hawak niya sa lipunan ng mga Judio bilang isang Fariseo. Sa Filipos 3:4–14, alamin kung ano ang natamo ni Pablo dahil sa kahandaan niyang magsakripisyo para sa ebanghelyo. Ano ang pakiramdam niya tungkol sa kanyang mga sakripisyo?

Pagkatapos ay isipin ang sarili mong pagkadisipulo. Ano ang isinakripisyo mo na para sa ebanghelyo ni Jesucristo? Ano ang natanggap mo? May iba pa bang mga sakripisyo na sa pakiramdam mo ay kailangan mong gawin para maging mas matapat na disipulo ng Tagapagligtas?

Tingnan din sa 3 Nephi 9:19–20; Doktrina at mga Tipan 58:2–5; Taylor G. Godoy, “Isang Pang Araw,” Liahona, Mayo 2018, 34–36.

Filipos 4:1–13

Makasusumpong ako ng kagalakan kay Cristo, anuman ang aking sitwasyon.

Ang buhay ni Pablo ay isang malinaw na paglalarawan ng katotohanang ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag nakatuon ang ating buhay … kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya” (“Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 82).

Habang binabasa mo ang Filipos—lalo na ang kabanata 4—maghanap ng mga pahayag na makakatulong sa iyo na makasumpong ng kagalakan sa anumang sitwasyon sa buhay mo. Kailan ka nakaranas ng “kapayapaan ng Diyos” sa isang panahon ng paghihirap? (talata 7). Kailan ka nakasumpong ng lakas “sa pamamagitan [ni Cristo]” na gumawa ng mahihirap na gawain? (talata 13). Sa palagay mo, bakit mahalagang “masiyahan” sa lahat ng sitwasyon? (talata 11). Paano ka matutulungan ng pagkakaroon ng mga katangiang nasa talata 8 na makasumpong ng kagalakan sa iyong sitwasyon?

Tingnan sa Alma 33:23; Dieter F. Uchtdorf, “Nagpapasalamat Anuman ang Kalagayan,” Liahona, Mayo 2014, 70–77.

Colosas 3:1–17

Ang mga disipulo ni Jesucristo ay nagiging “bago” kapag ipinamumuhay nila ang Kanyang ebanghelyo.

Paano mo masasabi na tinutulungan ka ng ebanghelyo ni Jesucristo na maging isang “bagong lalaki [o babae]”? Ang isang paraan para mapagnilayan ito ay siyasatin ang Colosas 3:1–17 at gumawa ng isang listahan ng mga ugali, katangian, at kilos ng “dating pagkatao” at ng isa pang listahan ng mga ugali, katangian, at kilos ng “bagong pagkatao.”

Itala ang mga iniisip mo kung paano ka binabago ng Tagapagligtas, upang marebyu mo ang mga ito sa hinaharap at pagnilayan kung paano ka umuunlad.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Filipos.Maaaring mapansin ng inyong pamilya na madalas ulitin ang mga salitang tuwa o galak sa Filipos. Tuwing mababasa ninyo ang isa sa mga salitang ito, maaari kayong tumigil at talakayin ninyo ang itinuro ni Pablo kung paano makasusumpong ng kagalakan.

Filipos 2:14–16.Paano tayo maaaring “[lumiwanag] tulad ng mga ilaw sa sanlibutan”?

Filipos 4:8.Maaaring tukuyin ng mga miyembro ng pamilya ang mga bagay na “iisipin” na akma sa mga paglalarawan sa talatang ito (tingnan din sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13). Paano mapagpapala ang inyong pamilya sa pagsunod sa payo ni Pablo?

Colosas 1:23; 2:7.Marahil ay maaaring basahin ng inyong pamilya ang mga talatang ito habang nakaupo sa paligid ng isang puno o nakatingin sa larawan ng isang puno (tulad ng nakalakip sa outline na ito). Ano ang ibig sabihin ng “matatag” at “matibay” kay Cristo? Paano natin mapapatibay ang mga espirituwal na ugat ng isa’t isa?

Colosas 2:2–3.Maaaring masiyahan ang inyong pamilya na punuin ang isang “kaban ng kayamanan” ng mga bagay na kumakatawan sa “mga kayamanan” at “mga kayamanan ng karunungan at kaalaman” na matatagpuan ninyo sa ebanghelyo.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing himno: “Panginoo’y Hari!,” Mga Himno, blg. 33.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ipamuhay ang iyong patotoo. “Itinuturo mo kung sino ka,” pagtuturo ni Elder Neal A. Maxwell. “Mas maaalala ang mga katangian mo … kaysa sa isang partikular na katotohanan sa isang partikular na lesson” (sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas13).

puno na maraming ugat

Itinuro ni Pablo na ang ating pananampalataya ay dapat na “nakaugat” kay Jesucristo (Colosas 2:7).