Bagong Tipan 2023
Oktubre 16–22. 1 at 2 Tesalonica: “[Punan] ang Anumang Kulang sa Inyong Pananampalataya”


“Oktubre 16–22. 1 at 2 Tesalonica: ‘[Punan] ang Anumang Kulang sa Inyong Pananampalataya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Oktubre 16–22. 1 at 2 Tesalonica,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

mga sister missionary na nakikipag-usap sa binata

Oktubre 16–22

1 at 2 Tesalonica

“[Punan] ang Anumang Kulang sa Inyong Pananampalataya”

Kung hindi natin itatala ang mga impresyong natatanggap natin mula sa Espiritu, baka malimutan natin ang mga ito. Ano ang ipinatatala sa iyo ng Espiritu habang binabasa mo ang 1 at 2 Tesalonica?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa Tesalonica, pinaratangan sina Pablo at Silas na “nanggugulo [sa mundo]” (Mga Gawa 17:6). Ikinagalit ng ilang pinuno ng mga Judio ang kanilang pangangaral, at inudyukan ng mga pinunong ito ang mga tao na magkagulo (tingnan sa Mga Gawa 17:1–10). Dahil dito, pinayuhan sina Pablo at Silas na lisanin ang Tesalonica. Nag-alala si Pablo sa mga bagong binyag sa Tesalonica at sa pag-uusig na kinakaharap nila, ngunit hindi siya nakabalik para dalawin sila. “Nang hindi ko na matiis pa,” pagsulat niya, “ako’y nagsugo upang mabatid ko ang inyong pananampalataya.” Bilang tugon, ang katulong ni Pablo na si Timoteo, na matagal nang naglilingkod sa Tesalonica, ay “nagdala sa amin ng magandang balita tungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig [sa kapwa]” (1 Tesalonica 3:5–6). Sa katunayan, ang mga Banal sa Tesalonica ay kilala bilang mga halimbawa “sa lahat ng mananampalataya” (1 Tesalonica 1:7), at ang balita tungkol sa kanilang pananampalataya ay kumalat sa mga lungsod sa ibang bansa. Isipin ang galak at ginhawang nadama ni Pablo nang marinig na ang kanyang gawain sa kanila “ay hindi nawalan ng kabuluhan” (1 Tesalonica 2:1). Ngunit alam ni Pablo na ang katapatan noong araw ay hindi sapat para espirituwal na maligtas sa hinaharap, at alam niya ang impluwensya ng mga bulaang guro sa mga Banal (tingnan sa 2 Tesalonica 2:2–3). Ang mensahe niya sa kanila, at sa atin, ay na patuloy na “[punan] ang anumang kulang sa [ating] pananampalataya” at magmahal nang “higit pa rito” (tingnan sa 1 Tesalonica 3:10; 4:10).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

1 Tesalonica 1–2

Ang mga disipulo ni Cristo ay naglilingkod sa iba nang may katapatan at pagmamahal.

Sa 1 Tesalonica, inihahayag ng mga salita ni Pablo kapwa ang pag-aalala at ang kagalakan ng isang taong ibinigay nang buong-buo ang kanyang sarili sa paglilingkod sa mga anak ng Diyos. Lalo na sa unang dalawang kabanata ng 1 Tesalonica, makikita mo ang mga salita at pariralang naglalarawan sa mga ugali at kilos ng isang disipulo ng Panginoon. Halimbawa, ano ang natututuhan mo mula sa 1 Tesalonica 1:5–8; 2:1–13 tungkol sa paglilingkod sa Panginoon?

Pag-isipan ang sarili mong mga pagkakataong maglingkod sa Diyos at sa Kanyang mga anak. Ano ang natutuklasan mo sa mga kabanatang ito na naghihikayat sa iyo na pagbutihin ang iyong paglilingkod? Isiping tanungin ang iyong sarili batay sa matutuklasan mo, tulad ng “Isang halimbawa ba ako ng mga bagay na alam ko?” (tingnan sa 1 Tesalonica 1:7).

1 Tesalonica 3:7–13; 4:1–12

“Palaguin at pasaganain [ang inyong pagmamahal].”

Nagalak si Pablo sa katapatan ng mga Banal sa Tesalonica (tingnan sa 1 Tesalonica 3:7–9). Ngunit ninais din niyang “[maging] higit pa” ang katapatan nilang iyon (1 Tesalonica 4:1). Habang binabasa mo ang 1 Tesalonica 3:7–13; 4:1–12, pagnilayan ang mga paraan na magagawa mong espirituwal na “[managana nang] higit pa” (1 Tesalonica 4:10). Halimbawa, pansinin na ginamit ni Pablo ang mga salitang tulad ng “kabanalan” at “pagpapakabanal.” Ano ang natututuhan mo mula sa mga isinulat ni Pablo tungkol sa mga kahulugan ng mga salitang ito? Paano ka matutulungan ng Tagapagligtas na maging mas banal?

Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Banal,” “Pagpapabanal,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.

1 Tesalonica 4:16–18; 5:1–10; 2 Tesalonica 1:4–10

Kung ako’y tapat at maingat, magiging handa ako para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Sa 1 Tesalonica 5:1–10, gumamit si Pablo ng ilang metapora para ituro ang tungkol sa panahon na babalik si Jesus sa lupa. Habang pinag-aaralan mo ang mga metapora, isiping isulat ang mga impresyong dumarating sa iyo tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo:

  • “Magnanakaw sa gabi”:

  • “Pagdaramdam sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao”:

  • Iba pang mga metapora na makikita mo:

Anong karagdagang mga katotohanan ang natututuhan mo mula sa 1 Tesalonica 4:16–18; 5:1–10; 2 Tesalonica 1:4–10? Ano ang nadarama mong gawin para abangan at paghandaan ang pagparito ng Tagapagligtas?

Tingnan din sa D. Todd Christofferson, “Paghahanda para sa Pagbabalik ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2019, 81–84.

2 Tesalonica 2

Isang apostasiya, o pagtalikod sa katotohanan, ang ipinropesiyang mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito.

Sa gitna ng tumitinding mga pang-uusig, maraming Banal sa Tesalonica ang naniwala na malapit na siguro ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ngunit alam ni Pablo na magkakaroon ng isang apostasiya bago bumalik si Jesus sa lupa—isang paghihimagsik o “pagtalikod” sa katotohanan (tingnan sa 2 Tesalonica 2:1–4). Maaari mong mapalalim ang pagkaunawa mo sa Malawakang Apostasiya—at ang pagpapahalaga mo sa Pagpapanumbalik—sa pagninilay tungkol sa ilan sa mga sumusunod:

  • Mga talata sa banal na kasulatan na nagpropesiya tungkol sa Apostasiya: Isaias 24:5; Amos 8:11–12; Mateo 24:4–14; 2 Timoteo 4:3–4

  • Mga talata sa banal na kasulatan na nagpapakita na nagsisimula na ang Apostasiya noong panahon ni Pablo: Mga Gawa 20:28–30; Galacia 1:6–7; 1 Timoteo 1:5–7

  • Mga obserbasyon tungkol sa Malawakang Apostasiya ng mga repormistang Kristiyano:

    Martin Luther: “Wala akong hinangad maliban sa baguhin ang Simbahan ayon sa mga Banal na Kasulatan. … Sinasabi ko lang na nawala na ang Kristiyanismo sa mga taong dapat ay nangangalaga rito” (sa E. G. Schweibert, Luther and His Times: The Reformation from a New Perspective [1950], 590).

    Roger Williams: “Ang apostasiya … ay nagawa nang tiwali sa ngayon ang lahat kaya wala nang mababawi mula sa apostasiyang iyon hanggang sa magsugo si Cristo ng mga bagong apostol para muling magtatag ng mga simbahan” (sa Philip Schaff, The Creeds of Christendom [1877], 851).

Tingnan din sa 2 Nephi 28; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Apostasiya,” topics.ChurchofJesusChrist.org.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

1 Tesalonica 3:9–13.Ano ang hinahangaan ninyo tungkol sa damdamin ni Pablo para sa kanyang mga kaibigan? Paano natin maaaring “palaguin at pasaganain [ang pagmamahal natin] sa isa’t isa”? (talata 12).

1 Tesalonica 4:13–18.Anong mga parirala sa mga talatang ito tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ang nagbibigay sa inyo ng kapanatagan?

1 Tesalonica 5:14–25.Habang nirerebyu ninyo ang payo ni Pablo sa 1 Tesalonica 5:14–25, anyayahan ang bawat miyembro ng pamilya na maghanap ng isang parirala na maaaring pagtuunan ng pamilya. Humanap ng malikhaing mga paraan para maidispley ang mga pariralang ito sa inyong tahanan bilang paalala. Halimbawa, bawat tao ay maaaring makakita o gumuhit ng mga larawang naglalahad o nagpapatibay sa pariralang pinili niya.

2 Tesalonica 3:13.Nakadarama ba tayo ng “[panlulupaypay] sa paggawa ng mabuti”—nalulula, marahil, sa dami ng gawain ng isang disipulo? Ano ang nakakatulong sa atin kapag ganito ang ating nadarama? (Tingnan sa Galacia 6:9; Doktrina at mga Tipan 64:33.) Paano natin masusuportahan ang isa’t isa kapag nangyayari ito?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Sinisikap Kong Tularan si Jesus,” Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Maghangad ng paghahayag araw-araw. “Ang paghahayag ay dumarating nang ‘taludtod sa taludtod’ (2 Nephi 28:30), hindi nang biglaan. … Huwag isipin na ang [pag-aaral ng ebanghelyo] ay isang bagay na pag-uukulan mo ng oras kundi isang bagay na palagi mong ginagawa” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas12).

si Cristo sa mga ulap

Resurrected Christ [Nabuhay na Mag-uling Cristo], ni Robert T. Barrett