Bagong Tipan 2023
Oktubre 23–29. 1 at 2 Timoteo; Tito; Filemon: “Ikaw ay Maging Halimbawa ng mga Mananampalataya”


“Oktubre 23–29. 1 at 2 Timoteo; Tito; Filemon: ‘Ikaw ay Maging Halimbawa ng mga Mananampalataya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Oktubre 23–29. 1 at 2 Timoteo; Tito; Filemon,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

tatlong babaeng naglalakad sa labas ng templo

Oktubre 23–29

1 at 2 Timoteo; Tito; Filemon

“Ikaw ay Maging Halimbawa ng mga Mananampalataya”

Kung minsa’y makakatulong na pag-aralan mo ang mga banal na kasulatan na may isa o mahigit pang tanong sa isipan. Anyayahan ang Espiritu na gabayan ka sa mga sagot habang nag-aaral ka, at itala ang anumang inspirasyong natatanggap mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa mga sulat ni Pablo kina Timoteo, Tito, at Filemon, nasusulyapan natin ang puso ng isang lingkod ng Panginoon. Hindi tulad ng ibang mga sulat ni Pablo sa buong mga kongregasyon, ang mga ito ay isinulat sa mga indibiduwal—sa malalapit na kaibigan at kasamahan ni Pablo sa gawain ng Diyos—at ang pagbabasa ng mga ito ay parang pakikinig sa isang usapan. Makikita natin na hinihikayat ni Pablo sina Timoteo at Tito, dalawang pinuno ng mga kongregasyon, sa paglilingkod nila sa Simbahan. Makikita natin siyang nakikiusap sa kaibigan niyang si Filemon na makipagkasundo sa isang kapwa Banal at tratuhin ito na parang kapatid sa ebanghelyo. Ang mga salita ni Pablo ay hindi para sa atin mismo, at maaaring hindi niya inasahan kailanman na babasahin ito ng napakaraming tao balang-araw. Subalit makikita natin sa mga sulat na ito ang payo at panghihikayat sa atin, anuman ang ating personal na ministeryo sa paglilingkod kay Cristo.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Sino sina Timoteo at Tito?

Sina Timoteo at Tito ay naglingkod na kasama ni Pablo sa ilan sa kanyang mga paglalakbay bilang missionary. Sa panahon ng kanilang paglilingkod, natamo nila ang paggalang at tiwala ni Pablo. Kalaunan ay tinawag si Timoteo bilang pinuno ng Simbahan sa Efeso, at tinawag si Tito bilang pinuno sa Creta. Sa mga sulat na ito, binigyan ni Pablo ng tagubilin at lakas-ng-loob sina Timoteo at Tito tungkol sa kanilang mga responsibilidad, na kinabilangan ng pangangaral ng ebanghelyo at pagtawag sa kalalakihan na maglingkod bilang mga bishop.

Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga,” “Timoteo,” “Tito.”

mga sister missionary na nakikipag-usap sa isang lalaki

“Huwag mong hayaang hamakin ng sinuman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging halimbawa ng mga mananampalataya” (1 Timoteo 4:12).

1 Timoteo 4:10–16

“Ikaw ay maging halimbawa ng mga mananampalataya.”

Si Timoteo ay medyo bata pa, ngunit alam ni Pablo na maaari itong maging isang mahusay na pinuno ng Simbahan sa kabila ng kabataan nito. Anong payo ang ibinigay ni Pablo kay Timoteo sa 1 Timoteo 4:10–16? Paano ka matutulungan ng payong ito na maakay ang iba tungo sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo?

Tingnan din sa Alma 17:11.

2 Timoteo

“Hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan kundi ng espiritu ng kapangyarihan, ng pag-ibig at ng [matinong pag-iisip].”

Ang 2 Timoteo ay pinaniniwalaang siyang huling sulat ni Pablo, at mukhang alam niya na maikli ang kanyang buhay sa lupa (tingnan sa 2 Timoteo 4:6–8). Ano kaya ang nadama ni Timoteo, batid na hindi magtatagal ay maaaring mawala sa kanya ang kanyang pinagkakatiwalaang guro at pinuno? Ano ang sinabi ni Pablo para palakasin ang kanyang loob? Maaari ka ring magbasa na nasasaisip ang sarili mong mga hamon at pangamba. Ano ang mga mensahe ng pag-asa at panghihikayat ng Panginoon para sa iyo sa 2 Timoteo?

Tingnan din sa Kelly R. Johnson, “Kapangyarihang Makapagtiis,” Liahona, Nob. 2020, 112–14.

2 Timoteo 3

Ang pamumuhay ayon sa ebanghelyo ay nagbibigay ng kaligtasan mula sa mga espirituwal na panganib sa mga huling araw.

Nabubuhay tayo sa “mga huling araw” na binanggit ni Pablo, at dumating na ang “mga panahong [mapanganib]” (2 Timoteo 3:1). Habang binabasa mo ang 2 Timoteo 3, isulat ang binanggit na mga panganib sa mga huling araw (tingnan din sa 1 Timoteo 4:1–3):

Makakaisip ka ba ng mga halimbawa ng mga panganib sa mundo sa paligid mo—o sa sarili mong buhay? Gaya ng mga taong inilarawan sa talata 6, paano “pumapasok sa [bahay mo]” ang mga panganib na ito, “at binibihag [ka]”? Anong payo ang nakikita mo sa 2 Timoteo 3, at sa iba pang mga sulat na ito, na maaaring magpanatili sa iyo at sa inyong pamilya na ligtas mula sa espirituwal na mga panganib na ito? (tingnan, halimbawa, sa 1 Timoteo 1:3–11; 2 Timoteo 2:15–16; Tito 2:1–8).

Sino si Filemon?

Si Filemon ay isang Kristiyanong napabalik-loob ni Pablo sa ebanghelyo. May isang alipin si Filemon na nagngangalang Onesimo, na maaaring nakatakas patungong Roma. Doon nakilala ni Onesimo si Pablo at nagbalik-loob siya sa ebanghelyo. Pinabalik ni Pablo si Onesimo kay Filemon na dala ang isang liham na humihikayat kay Filemon na tanggapin si Onesimo “hindi na bilang alipin, kundi higit sa alipin, isang kapatid na minamahal” (Filemon 1:16).

Filemon

Tinatrato ng mga disipulo ni Jesucristo ang isa’t isa na parang mga kapatid.

Habang binabasa mo ang sulat ni Pablo kay Filemon, pagnilayan kung paano mo maaaring iangkop ang kanyang payo sa mga pakikipag-ugnayan mo sa iba. Nasa ibaba ang ilang tanong na maaari mong isaalang-alang:

  • Mga talata 1–7: Ano ang ipinahihiwatig sa iyo ng mga salitang tulad ng “kamanggagawa” at “kapwa kawal” tungkol sa mga relasyon sa pagitan ng mga Banal? Kailan mo nadama na “naginhawahan [ka] sa pamamagitan” ng isang kapatid na lalaki o babae kay Cristo?

  • Mga talata 8–16: Ano ang ibig sabihin ng “utusan” at “makiusap”? Bakit pinili ni Pablo na makiusap kay Filemon sa halip na utusan siya? Ano ang inasam ni Pablo na maisakatuparan sa pagsusugo kay Onesimo pabalik kay Filemon?

  • Talata 16:: Ano ang ibig sabihin ng maging “isang kapatid na minamahal … sa Panginoon”? Mayroon ka bang kakilala na kailangan mong tanggapin sa ganitong paraan?

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

1 Timoteo 2:9–10.Ano ang ibig sabihin ng “[palamutian ang ating sarili] … ng mabubuting gawa”? Ano ang ilang mabubuting bagay na magagawa ng ating pamilya sa linggong ito? Maaari ninyong sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa paggawa ng mabuti, tulad ng “Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?” (Mga Himno, blg. 135).

1 Timoteo 4:12.Para matulungan ang mga miyembro ng inyong pamilya na hangaring maging “halimbawa ng mga mananampalataya,” isiping anyayahan sila na gumuhit ng mga larawan ng mga taong naging mabubuting halimbawa sa kanila. Paano tayo nahikayat ng mga taong ito na sundin si Jesucristo? Ang mensahe ni Pangulong Thomas S. Monson na “Maging Huwaran at Liwanag” (Liahona, Nob. 2015, 86–88) ay makapagbibigay ng ilang ideya kung paano maging halimbawa sa iba.

1 Timoteo 6:7–12.Sa palagay mo, bakit “salapi [ang] ugat ng lahat ng uri ng kasamaan”? Ano ang mga panganib ng pagtutuon ng ating buhay sa pera o mga pag-aari? Paano tayo makukuntento sa mga pagpapalang mayroon tayo?

2 Timoteo 3:14–17.Ayon sa mga talatang ito, anong mga pagpapala ang dumarating sa mga nakakaalam at nag-aaral ng mga banal na kasulatan? Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng pamilya ang mga talatang natagpuan nila na lalong “mapapakinabangan.”

Filemon 1:17–21.Ano ang handang gawin ni Pablo para kay Onesimo? Paano ito natutulad sa ginawa ng Tagapagligtas nang bukal sa loob para sa atin? (tingnan din sa 1 Timoteo 2:5–6; Doktrina at mga Tipan 45:3–5). Paano natin matutularan ang mga halimbawa ni Pablo at ng Tagapagligtas?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Magliwanag,” Aklat ng mga Awit Pambata, 96.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magturo ng malinaw at simpleng doktrina. Ang ebanghelyo ay maganda sa kapayakan nito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 133:57). Sa halip na sikaping libangin ang inyong pamilya sa mga lesson na nangangailangan ng maraming paghahanda, sikaping ituro ang dalisay at simpleng doktrina (tingnan sa 1 Timoteo 1:3–7).

dalawang batang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

“Mula sa pagkabata ay iyong nalaman ang mga banal na kasulatan na makapagtuturo sa iyo tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus” (2 Timoteo 3:15).