“Setyembre 18–24. 2 Corinto 8–13: ‘Iniibig ng Diyos ang Nagbibigay na Masaya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Setyembre 18–24. 2 Corinto 8–13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Setyembre 18–24
2 Corinto 8–13
“Iniibig ng Diyos ang Nagbibigay na Masaya”
Ang pinakamagagandang ideya sa pagtuturo ng mga bata sa klase mo ay darating kapag mapanalangin mong pinag-aralan ang 2 Corinto 8–13 na nasasaisip sila. Ang iba pang mga ideya sa pagtuturo ay matatagpuan sa outline na ito.
Mag-anyayang Magbahagi
Ang isang magandang paraan para mahikayat na magbahagi ang mga bata ay ang ipaalala sa kanila ang isang bagay na ipinagawa mo sa kanila sa isang nakaraang lesson. Hilingin sa kanila na ibahagi ang kanilang mga karanasan.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Maaari akong magbigay nang masaya sa mga taong nangangailangan.
Palaging mabuti ang maglingkod sa iba, ngunit mas mabuti ang maglingkod nang masaya. Isipin kung ano ang makahihikayat sa bawat bata na “[magbigay] nang masaya.”
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na ulitin ang pariralang “Iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya” (2 Corinto 9:7). Ano ang kahulugan ng “nagbibigay na masaya”? Magpakita ng larawan ng isang masayang mukha at isang malungkot na mukha, at itanong sa mga bata kung alin dito ang mukhang nagbibigay nang masaya.
-
Sama-samang kantahin nang ilang beses ang isang awitin tungkol sa paglilingkod, tulad ng “Kung Tayo’y Tumutulong” (Aklat ng mga Awit Pambata, 108). Sa unang pagkakataon, pakantahin nang masaya ang mga bata; pagkatapos ay ipakanta ang awitin sa kanila nang may iba’t ibang damdamin o saloobin, tulad ng malungkot, pagod, galit, o takot. Ipaalala sa mga bata na nais ng Ama sa Langit na tumulong tayo sa iba nang masaya. Pagkatapos ay kantahing muli ang awitin nang masaya.
-
Tulungan ang mga bata na gumawa ng mga larawan ng nakangiting mga mukha at nakasimangot na mga mukha. Ipataas sa kanila ang kanilang larawan kapag narinig nila ang mga salitang pagngiti o nakangiti habang kinakanta nila ang “Mga Ngiti” (Aklat ng mga Awit Pambata, 128). Maaari din nila itong gawin sa mga larawan ng malulungkot na mukha at sa mga salitang nakasimangot at magsimangot. Tulungan ang mga bata na tukuyin kung aling mukha ang masaya at kung alin ang hindi. Ipaliwanag na ang isang paraan para maging masayahin at mapaglingkuran ang iba ay ngumiti at tulungan ang iba na ngumiti.
-
Magplano ng isang aktibidad ng klase para makapaglingkod sa isang tao, halimbawa, sa isang bata na hindi dumadalo sa Primary o sa isang miyembro ng ward o kapitbahay na nangangailangan. Maaari kayong bumisita sa bahay ng taong ito, gumawa ng maiikling sulat ng kabaitan o magdrowing ng mga larawan, o maghanda ng pagkaing maibabahagi.
-
Anyayahan ang bawat bata na magplano ng masayang paglilingkod sa isang kapamilya. Sa lesson sa susunod na linggo, hilingin sa kanila na ibahagi ang kanilang ginawa.
Laging sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin, ngunit hindi palagi sa mga paraang inaasahan natin.
Ang karanasan ni Pablo sa pagdarasal na maalis ang kanyang “tinik sa laman” ay nagtuturo sa atin na kung minsan ay pinalalakas tayo ng Diyos sa ating mga pagsubok sa halip na alisin ang mga ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita sa mga bata ang isang halamang may tinik (o isang larawan nito). Tulungan silang wariin kung ano ang pakiramdam ng magkaroon ng tinik sa kanilang balat sa loob ng mahabang panahon. Ibuod ang 2 Corinto 12:7–10 para sa mga bata, na ipinapaliwanag na ang “tinik sa laman” ni Pablo ay isang pagsubok, isang bagay na mahirap sa kanyang buhay. Kahit hiniling ni Pablo sa Diyos na alisin ang pagsubok, hindi ito inalis ng Diyos. Sa halip, itinuro ng Diyos kay Pablo na ang mga pagsubok ay makakatulong sa atin na matutong magpakumbaba at magtiwala sa Kanya. Pagkatapos ay mapapalakas tayo ng Diyos.
-
Magpatotoo na alam ng Ama sa Langit ang pinakamainam para sa atin, at ibibigay Niya ang kailangan natin, kahit naiiba ito sa iniisip nating kailangan natin. Maaari ka ring magbahagi ng isang karanasan na sinagot ang iyong mga dalangin sa paraan o panahon na iba sa inaasahan mo. Ang kuwentong tulad ng “Ang Sakit na Dyabetis” (Liahona, Set. 2019) ay maaari ding makatulong.
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit, tulad ng “Panalangin ng Isang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6–7). Itanong sa mga bata kung ano ang sasabihin nila sa isang taong nag-iisip kung pinakikinggan at sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin. Muling kantahin ang awitin, at ipaliwanag ang mga linya na naglalarawan sa nadarama ng Ama sa Langit para sa atin.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Maaari akong magbigay nang masaya sa mga taong nangangailangan.
Nais ni Pablo na hikayatin ang mga Banal na magbigay ng kanilang kasaganaan upang matulungan ang mahihirap. Paano mo gagamitin ang kanyang mga salita para hikayatin ang mga bata na maglingkod sa iba?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat ang mga salita sa 2 Corinto 9:7 sa pisara, na iniiwang blangko ang mahahalagang salita. Hilingin sa mga bata na hulaan kung ano ang mga salitang nawawala. Pagkatapos ay ipabasa sa kanila ang talata sa mga banal na kasulatan para mapunan ang mga patlang. Ano ang ibig sabihin ng magbigay nang “mabigat sa kalooban, o dala ng pangangailangan”? Ano ang kahulugan ng “nagbibigay na masaya”?
-
Hilingin sa mga bata na tulungan kang maghanap ng mga larawan ng Tagapagligtas na naglilingkod sa iba (may ilan nito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Tanungin sila kung ano ang nakikita nila sa mga larawan na tumutulong sa kanila na malaman na naglingkod si Jesus sa iba nang may pagmamahal. Magtakda ng mithiin bilang isang klase na sumagot ng oo kapag hiniling ng mga kapamilya o ng ibang tao na maglingkod tayo sa darating na linggo, tulad ng pagtulong sa mga gawaing-bahay o pangangalaga sa iba.
-
Tulungan ang mga bata na lagyan ng dekorasyon ang maliliit na bato. Ipaliwanag na ang mga ito ay “mga bato ng paglilingkod” na maaari nilang dalhin sa kanilang mga bulsa sa linggong ito upang magpaalala sa kanila na maglingkod nang masaya sa ibang tao.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa paglilingkod, tulad ng “Kung Tayo’y Tumutulong” (Aklat ng mga Awit Pambata, 108). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagong talata para sa awitin na naglalarawan ng iba’t ibang paraan ng paglilingkod sa iba.
Laging sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin, ngunit hindi Niya palaging ibinibigay ang lahat ng aking hinihingi.
Hiniling ni Pablo sa Diyos na alisin ang kanyang kahinaan, ngunit alam ng Diyos na gagawing mapagpakumbaba si Pablo ng kanyang kahinaan at maaari siyang gawing malakas ng Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na pagkumparahin ang 2 Corinto 12:9–10 at Eter 12:27. Anong mga salita o parirala ang inulit? Ano ang itinuturo ng mga talatang ito? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ikinumpara ni Pablo ang hamon niya sa isang tinik sa kanyang balat.) Ano ang itinuro ng Diyos kay Pablo tungkol sa mga pagsubok?
-
Hilingin sa mga bata na ilista ang ilang pagsubok na dinaranas ng mga tao sa buhay. Tulungan silang isipin kung paano maaaring matuto ang isang tao sa mga pagsubok na ito at mapagpala dahil dito.
-
Basahin ninyo ng mga bata ang “Ang Sakit na Dyabetis” (Liahona, Set. 2019). Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga karanasan nang ipinagdasal nila ang isang bagay at hindi nila ito natanggap. Hilingin sa kanila na ibahagi ang natutuhan nila mula sa kanilang mga karanasan. Maaaring may maibahagi ka ring sariling mga karanasan. Magpatotoo na palaging sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin sa paraan at sa panahon na lubos na magpapala sa atin.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na magbigay nang masaya sa kanilang tahanan sa linggong ito at pumasok sa klase sa susunod na linggo na handang iulat kung paano sila naglingkod sa isang taong nangangailangan.