“Agosto 28–Setyembre 3. 1 Corinto 8–13: ‘Kayo Nga ang Katawan ni Cristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Agosto 28–Setyembre 3. 1 Corinto 8–13:,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Agosto 28–Setyembre 3
1 Corinto 8–13
“Kayo nga ang Katawan ni Cristo”
Habang binabasa mo ang 1 Corinto 8–13, pakinggan ang mga pahiwatig ng Espiritu kung paano ituturo ang mga alituntunin sa mga kabanatang ito. Tandaan na alinman sa mga ideya sa aktibidad na ito ay maaaring iangkop para sa mas nakatatanda at mas maliliit na bata.
Mag-anyayang Magbahagi
Hilingin sa mga bata na magbahagi ng isang bagay na ginawa nila habang nasa sacrament meeting para isipin si Jesus.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Tutulungan ako ng Ama sa Langit na gumawa ng mabubuting pasiya.
Hindi palaging madaling piliin ang tama, at alam iyan ng Ama sa Langit. Kapag humihiling tayo, tutulungan Niya tayo dahil nais Niya tayong magtagumpay.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang 1 Corinto 10:13 sa mga bata, na hinihiling sa kanilang umiling kapag narinig nila ang mga salitang “natukso” o “tukso.” Ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin sa iyo ng talatang ito.
-
Magsalaysay ng ilang maiikling kuwento tungkol sa mga tao na malapit nang magkamali ng pasiya. Habang nakikinig ang mga bata, hilingin sa kanilang itaas ang kanilang kamay o ang papel na stop sign kapag nagkakamali ng pasiya ang tauhan sa kuwento. Ano kaya ang tamang ipasiya? Magpatotoo na tutulungan tayo ng Ama sa Langit na piliin ang tama.
-
Magpakita ng larawan ni Jesus, at kumanta kayo ng mga bata ng isang awitin tungkol sa Kanya, tulad ng “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41). Ibahagi kung paano nakakatulong sa iyo na gumawa ng mabubuting pasiya ang pag-alaala kay Jesus. Magpakita ng iba pang mga larawan ng mga tumutulong sa atin na gumawa ng mabubuting pasiya, tulad ng mga magulang o mga banal na kasulatan. Itanong sa mga bata kung ano ang nakakatulong sa kanila na gumawa ng mabubuting pasiya.
Biniyayaan ako ng Ama sa Langit ng mga espirituwal na kaloob.
Binigyan ng Ama sa Langit ng mga espirituwal na kaloob ang lahat ng Kanyang mga anak. Anong mga espirituwal na kaloob ang nakikita mo sa mga batang tinuturuan mo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na idrowing ang paboritong regalo na natanggap nila. Ipaliwanag na ang Ama sa Langit ay nagbibigay sa atin ng mga espirituwal na kaloob upang patatagin ang ating pananampalataya at tulungan tayong pagpalain ang iba. Ibahagi sa mga bata ang ilan sa mga espirituwal na kaloob na inilarawan sa 1 Corinto 12:7–11.
-
Sumulat ng isang maikling liham para sa bawat bata, na naglalarawan ng isang espirituwal na kaloob na nakita mo sa kanya (o maaari mong anyayahan ang mga magulang na isulat ang mga ito). Ilagay ang maiikling liham sa mga sobre. Pabuksan sa mga bata ang kanilang mga sobre, at tulungan silang basahin ang kanilang mga espirituwal na kaloob.
Kaya kong mahalin ang iba.
Itinuturo ng mga banal na kasulatan na ang pag-ibig sa kapwa-tao ay ang “dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47). Paano mo matutulungan ang mga bata na magkaroon at magpahayag ng pagmamahal na katulad ng kay Cristo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang 1 Corinto 13:13 at Moroni 7:47, at tulungan ang mga bata na ulitin ang pariralang “Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay ang dalisay na pag-ibig ni Cristo.” Magpakita ng mga larawan ng pagiging mapagmahal at mabait ni Jesus, at itanong sa mga bata kung paano Siya nagpakita ng pagmamahal sa iba (tingnan ang Aklat ng Sining ng Ebanghelyo para sa mga ideya).
-
Kumanta kayo ng mga bata ng isang awitin tungkol sa pagmamahal sa iba, tulad ng “Mahalin Bawat Tao, Sabi ni Cristo” o “Mahalin ang Bawat Isa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 39, 74). Magpakita ng mga larawan ng iba’t ibang tao (tulad ng isang magulang, kapatid, guro, o kaibigan), at hilingin sa mga bata na ibahagi kung paano nila maaaring paglingkuran ang taong iyon. Hilingin sa mga bata na mag-isip ng isang taong maaari nilang paglingkuran at pagkatapos ay sumulat ng maikling liham o magdrowing ng isang larawan na ibibigay sa taong iyon.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Tutulungan ako ng Ama sa Langit na paglabanan ang tukso.
Ang mga pangako sa talatang ito ay makapagbibigay ng kumpiyansa sa mga bata na kaya nilang mapaglabanan ang tukso sa tulong ng Ama sa Langit.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na basahin ang 1 Corinto 10:13 nang pares-pares at ipabuod ang talata sa sarili nilang mga salita. Hilingin sa mga bata na magbahagi ng karanasan kung saan tinulungan sila ng Ama sa Langit na iwasan o labanan ang tukso. Ano ang magagawa natin para umasa sa Ama sa Langit kapag tayo ay natutukso?
-
Isulat sa mga piraso ng papel ang mga tuksong maaaring kinakaharap ng mga bata ngayon. Hilingin sa bawat isa sa mga bata na pumili ng isang papel at ibahagi kung ano ang ibinigay ng Ama sa Langit para tulungan tayong iwasan o labanan ang mga tuksong ito. Para sa ilang ideya, sama-samang basahin ang Alma 13:28–29.
Sa oras ng sakramento, maaari kong isipin kung paano ko sinusunod ang Tagapagligtas.
Tulungan ang mga batang tinuturuan mo na makita na ang sakramento ay pagkakataon para “siyasatin” ang kanilang sarili at panibaguhin ang kanilang tipan sa binyag na maglingkod sa Panginoon at sundin ang Kanyang mga kautusan (1 Corinto 11:28).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipabasa sa isang bata ang 1 Corinto 11:28. Ano ang kahulugan ng “siyasatin” ang ating sarili bago tumanggap ng sakramento? Magpaisip sa mga bata ng ibang mga taong nagsisiyasat o nanunuri sa mga bagay-bagay, tulad ng mga doktor, detektib, o siyentipiko (halimbawa, sinusuri ng mga doktor ang ating katawan kung may mga sugat o sakit na kailangang pagalingin). Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, ano ang magagawa natin para masuri kung paano natin ipinamumuhay ang ating mga tipan sa binyag?
-
Magpalista sa mga bata ng mga bagay na maaari nilang isipin kapag nakikibahagi sila ng sakramento. Hilingin sa kanilang gamitin ang kanilang listahan bilang paalala na suriin ang kanilang sarili sa oras ng sakramento.
1 Corinto 12:4, 7–12, 31; 13:1–8
Ako ay may mga espirituwal na kaloob.
Itinuro ni Pablo na “sa bawat isa ay ibinibigay” ang mga kaloob ng espiritu (1 Corinto 12:7). Ang alituntuning ito ay makakatulong sa mga bata na magkaroon ng pagpapahalaga sa sarili, lalo na kapag ginagamit nila ang kanilang mga kaloob upang pagpalain ang iba.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipasulat sa mga bata sa pisara ang mga espirituwal na kaloob na mahahanap nila sa 1 Corinto 12:7–11; 13:2. Anyayahan silang maghanap ng iba pang mga kaloob na binanggit sa Moroni 10:8–18 at Doktrina at mga Tipan 46:13–26. Ibahagi sa kanila ang iba pang mga espirituwal na kaloob na binanggit ni Elder Marvin J. Ashton: “Ang kaloob na humiling; ang kaloob na makinig; … ang kaloob na umiwas na makipagtalo; … ang kaloob na hangarin yaong matwid; ang kaloob na huwag humatol; ang kaloob na umasa sa patnubay ng Diyos; … ang kaloob na pagmalasakitan ang iba; … ang kaloob na mag-alay ng panalangin; ang kaloob na magbahagi ng makapangyarihang patotoo” (“There are Many Gifts,” Ensign, Nob. 1987, 20). Anyayahan ang mga bata na magsalita tungkol sa mga espirituwal na kaloob na nakikita nila sa isa’t isa.
-
Bago magklase, itanong sa mga magulang ng mga bata sa klase mo ang tungkol sa mga kaloob na nakikita nila sa kanilang mga anak, o pag-isipan mo mismo ang mga kaloob ng mga bata. Sabihin sa mga bata ang tungkol sa mga kaloob na ito. Hilingin sa mga bata na sumulat ng isang paraan na magagamit nila ang kanilang kaloob para pagpalain ang isang tao sa linggong ito.
-
Magbahagi ng iba’t ibang sitwasyon kung saan maaaring gamitin ng mga tao ang isang espirituwal na kaloob na binanggit sa 1 Corinto 12:7–10. Hilingin sa mga bata na tukuyin ang mga espirituwal na kaloob na maaaring gamitin sa bawat sitwasyon.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Imungkahi na talakayin ng mga bata sa kanilang pamilya ang isang bagay na pinag-usapan ninyo sa klase. Halimbawa, maaari mong anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga espirituwal na kaloob sa kanilang pamilya at itanong sa kanilang mga kapamilya kung ano ang kanilang mga kaloob.