Bagong Tipan 2023
Agosto 21–27. 1 Corinto 1–7: “Kayo’y Magkaisa”


“Agosto 21–27. 1 Corinto 1–7: ‘Kayo’y Magkaisa,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Agosto 21–27. 1 Corinto 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

Larawan
sinaunang Corinto

Corinth, Southern Greece, ang Forum at Civic Center, painting ni Balage Balogh/www.ArchaeologyIllustrated.com

Agosto 21–27

1 Corinto 1–7

“Kayo’y Magkaisa”

Maipapaalam sa iyo ng Espiritu Santo kung anong mga alituntunin ng ebanghelyo sa 1 Corinto 1–7 ang makakatulong sa mga batang tinuturuan mo. Habang binabasa mo nang may panalangin ang mga kabanatang ito, itala ang mga ideya at damdaming dumarating sa iyo mula sa Espiritu.

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Itanong sa mga bata kung may ibinahagi silang isang bagay sa kanilang pamilya na natutuhan nila sa Primary noong nakaraang linggo. (Maaaring kailangan mong rebyuhin nang kaunti ang lesson noong nakaraang linggo.) Kung mayroon, ano ang ibinahagi nila?

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

1 Corinto 2:11–14

Tinuturuan ako ng Espiritu Santo ng mga katotohanan ng ebanghelyo.

Ang isa sa mga tungkulin ng Espiritu Santo ay ituro sa atin ang katotohanan. Anong mga karanasan ang maibabahagi mo sa mga bata para maipaunawa ito sa kanila?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng mga bagay o larawan na kumakatawan sa mga paraan na natututo tayo tungkol sa mundo (tulad ng paaralan, aklat, o cellphone). Ano ang matututuhan natin sa paggamit ng mga bagay na ito? Ipaliwanag na sa 1 Corinto 2:11, 14, itinuro ni Pablo na matututo tayo tungkol sa Diyos sa pamamagitan lamang ng Espiritu ng Diyos, na siyang Espiritu Santo. Ano ang magagawa natin upang matutuhan ang “mga bagay ng Diyos”?

  • Pumalakpak habang sinasambit ninyo ang bawat pantig sa pangungusap na “Tinuturuan tayo ng Espiritu Santo ng katotohanan.” Hilingin sa mga bata na pumalakpak at ulitin ang kataga. Magbahagi sa mga bata ng isang karanasan kung kailan ipinaalam sa iyo ng Espiritu Santo na ang isang bagay ay totoo.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa Espiritu Santo, tulad ng “Ang Espiritu Santo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 56). Tulungan ang mga bata na maghanap ng mga salita at parirala sa awitin na nagtuturo kung paano nangungusap sa atin ang Espiritu Santo at ano ang itinuturo Niya sa atin.

1 Corinto 3:10–11

Si Jesucristo ang aking pundasyon.

Ang mga bata ay naglalatag ng pundasyon ng kanilang patotoo, at matutulungan mo silang magtayo ng matibay na pundasyon kay Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang 1 Corinto 3:11 sa mga bata, at ipaliwanag na si Jesucristo ang ating pundasyon. Ipakita sa mga bata ang ilang larawan ng mga bagay na maaari tayong magkaroon ng patotoo, kabilang na ang isang larawan ni Jesucristo. Tulungan silang ayusin ang mga larawan para ang larawan ni Jesus ang nasa pinakailalim, tulad ng isang pundasyon, at ang iba pang mga larawan ang “nakatayo” sa ibabaw ng pundasyon ng patotoo sa Kanya.

  • Gumawa ng mga galaw para sa awiting “Ang Matalino at ang Hangal” (Aklat ng mga Awit Pambata, 132), at kantahin ninyo ng mga bata ang awitin. Bigyan ang bawat bata ng isang bato na may nakasulat na “Si Jesucristo ang aking pundasyon.” Ipauwi sa kanila ang mga bato para maipaalala sa kanila ang kanilang natutuhan.

  • Magpakita ng mga larawan na nagpapakita ng ilan sa mga paborito mong kuwento sa buhay ng Tagapagligtas, at hilingin sa mga bata na sabihin sa iyo kung ano ang nangyayari sa mga larawan. Hayaang isalaysay nila ang ilan sa mga paborito nilang kuwento tungkol kay Jesus. Magpatotoo na si Jesucristo ang pundasyon ng iyong pananampalataya.

1 Corinto 6:19

Ang aking katawan ay katulad ng isang templo.

Paano mo matutulungan ang mga bata na pahalagahan ang kanilang katawan bilang kaloob ng Diyos at magkaroon ng mas malaking hangaring pangalagaan ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita sa mga bata ang mga larawan ng templo (tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya), at basahin ang mga salitang ito mula sa 1 Corinto 6:19: “Ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo.” Ipaunawa sa mga bata na nais ng Ama sa Langit na panatilihin nating malinis at banal ang ating katawan, katulad ng isang templo.

  • Magdispley ng larawan ng isang bata, at paligiran ito ng mga larawan ng mga bagay na nakakabuti sa ating katawan at mga bagay na nakakasama. Anyayahan ang mga bata na maghalinhinan sa pagtukoy sa mabubuting bagay at pag-aalis sa masasamang bagay.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga katawan, tulad ng “Ulo, Balikat, Tuhod, at Paa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 129), at itanong sa mga bata kung bakit sila nagpapasalamat para sa kanilang katawan.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

1 Corinto 1:23–25

Ang ibig sabihin ng pagiging matalino ay pagtitiwala sa karunungan ng Diyos.

Malalaman ng mga batang tinuturuan mo—kung hindi pa nila alam—na ang ilang tao ay nagtuturo ng mga bagay na salungat sa karunungan ng Diyos. Ang pag-aaral ng 1 Corinto 1:23–25 ay magpapaunawa sa mga bata na maaari tayong magtiwala sa karunungan ng Diyos dahil nakahihigit ito kaysa sa atin.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipabasa sa mga bata ang 1 Corinto 1:23–25 at hanapin ang mga salitang karunungan at kahangalan. Ipaliwanag na maraming tao ang nag-akala na ang mga turo ni Pablo ay kahangalan, ngunit ipinaliwanag ni Pablo na ang paniniwala sa ebanghelyo ni Cristo ang tunay na karunungan. Bakit katalinuhan ang maniwala sa itinuturo ng Diyos?

  • Tulungan ang mga bata na isadula kung paano sila maaaring tumugon sa mga taong nag-aakala na ang mga utos ng Diyos ay “kahangalan”—tulad ng utos na manampalataya sa Tagapagligtas, sundin ang Word of Wisdom, o sundin ang batas ng ikapu. Halimbawa, maaari nilang patotohanan ang mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa mga turong ito.

  • Magbahagi ng isang karanasan kung kailan inakala ng iba na ang iyong mga paniniwala ay kahangalan, o magbahagi ng isang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magbahagi ng mga karanasang katulad nito. Paano tayo matutulungan ng 1 Corinto 1:25 na manatiling tapat kapag sinasabi ng iba na kahangalan ang ating mga paniniwala?

1 Corinto 2:11–14

Tinuturuan ako ng Espiritu Santo ng mga katotohanan ng ebanghelyo.

Paano mo maipapaintindi sa mga bata na kailangan nila ang Espiritu Santo para maunawaan ang “mga bagay ng Diyos”?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na ilista ang mga paraan na natututo tayo tungkol sa mundo—halimbawa, mga aklat, paaralan, at internet. Pagkatapos ay sama-samang basahin ang 1 Corinto 2:11–14. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa paraan na natututuhan natin ang “mga bagay ng Diyos”?

  • Magkuwento tungkol sa isang pagkakataon na may natutuhan ka sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. Tulungan ang mga bata na tukuyin ang mga pagkakataon na nadama nila ang Espiritu. Anong “mga bagay ng Diyos” (1 Corinto 2:11) ang naipaunawa sa atin ng Espiritu?

  • Anyayahan ang bawat bata na basahin ang isa sa mga talatang ito: 1 Corinto 2:11–14; 1 Nephi 10:17; Moroni 10:3–5; at Doktrina at mga Tipan 8:2–3. Hilingin sa mga bata na ibahagi ang natutuhan nila mula sa mga talatang ito kung paano tayo tinuturuan ng Espiritu Santo. Bakit tayo nagpapasalamat para sa kaloob na Espiritu Santo?

1 Corinto 6:19–20

Dapat kong igalang at panatilihing banal ang aking katawan.

Ang pag-unawa na ang ating katawan ay kaloob mula sa Ama sa Langit ay makakatulong sa mga bata na panatilihing sagrado ang kanilang katawan, kahit natutukso silang gawin ang kabaligtaran nito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdala ng isang lalagyan na may mga larawan ng isang bata at isang templo sa loob nito. Anyayahan ang mga bata na basahin ang 1 Corinto 6:19–20 at hulaan kung ano ang nasa loob ng lalagyan. Hayaang buksan nila iyon at talakayin kung paano naging katulad ng mga templo ang ating katawan.

  • Pag-usapan ninyo ng mga bata kung paano natin dapat tratuhin ang isang templo. Kung ang ating katawan ay katulad ng mga templo, paano natin dapat tratuhin ang ating katawan? Makakatulong ang pagkanta o pagbabasa ng mga titik ng isang awitin tungkol sa mga templo, tulad ng “Ang Diyos sa Akin ay Nagbigay ng Templo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 73), para masagot ang tanong na ito. Kapag nagkakamali tayo, paano natin muling malilinis ang ating “mga templo”?

  • Sama-samang basahin ang “Ang Inyong Katawan ay Sagrado” (sa Para sa Lakas ng mga Kabataan [gabay, 2022], 22–29). Anyayahan ang mga bata na ilista sa pisara ang payo na makikita nila kung paano pangalagaan ang ating katawan.

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang isang awiting kinanta nila sa klase at kung ano ang natutuhan nila mula roon.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Ang isa sa mga pinakamahalagang bagay na magagawa mo bilang guro ay magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Magpapalakas ito sa patotoo ng mga bata at magpapadama ng pagmamahal ng Tagapagligtas sa kanila.

Print