Bagong Tipan 2023
Agosto 21–27. 1 Corinto 1–7: “Kayo’y Magkaisa”


“Agosto 21–27. 1 Corinto 1–7: ‘Kayo’y Magkaisa,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Agosto 21–27. 1 Corinto 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

sinaunang Corinto

Corinth, Southern Greece, the Forum and Civic Center [Corinto, Timog Gresya, ang Forum and Civic Center], painting ni Balage Balogh/www.ArchaeologyIllustrated.com

Agosto 21–27

1 Corinto 1–7

“Kayo’y Magkaisa”

Itala ang iyong mga impresyon habang binabasa mo ang 1 Corinto 1–7. Maaaring kasama sa mga impresyong ito ang mga pahiwatig na pag-aralan pa ang isang ideya, na ibahagi sa iba ang isang bagay na natututuhan mo, o gumawa ka ng mga pagbabago sa buhay mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa mga buwan na ginugol ni Pablo sa Corinto, “marami sa mga taga-Corinto dahil sa pakikinig [sa kanya] ay nanampalataya at nabautismuhan” (Mga Gawa 18:8). Kaya malamang na nasaktan si Pablo na marinig, makalipas ang ilang taon, na nagkaroon ng “pagkakabaha-bahagi” at “pagtatalu-talo” ang mga Banal sa Corinto at na nang mawala siya ay nagsimula silang makinig sa “karunungan ng sanlibutan” (1 Corinto 1:10–11,20). Bilang tugon, isinulat ni Pablo ang tinatawag natin ngayong 1 Corinto. Puno ito ng malalim na doktrina, subalit kasabay nito, tila nadismaya si Pablo na hindi naging handa ang mga Banal na tanggapin ang lahat ng doktrinang nais niyang ibigay sa kanila. “Ako, mga kapatid, ay hindi makapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal,” panaghoy niya, “sapagkat kayo ay makalaman pa” (1 Corinto 3:1–3). Habang naghahanda tayong basahin ang mga salita ni Pablo, maaaring makatulong na suriin ang sarili nating kahandaang tumanggap ng katotohanan—pati na ang kahandaan nating pakinggan ang Espiritu at sikaping makipagkaisa sa ating mga pamilya, sa ating kapwa mga Banal, at sa Diyos.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

1 Corinto 1:10–17; 3:1–11

Ang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo ay nagsisikap na magkaisa.

Hindi natin alam ang lahat ng detalye tungkol sa kawalan ng pagkakaisa ng mga Banal sa Corinto, ngunit alam natin ang kawalan ng pagkakaisa sa ating sariling mga relasyon o ugnayan. Mag-isip ng isang relasyon sa buhay mo na maaaring makinabang sa higit na pagkakaisa; pagkatapos ay hanapin ang itinuro ni Pablo sa 1 Corinto 1:10–17; 3:1–11 tungkol sa kawalan ng pagkakaisa ng mga Banal sa Corinto. Anong mga kabatiran ang natamo mo kung paano magkaroon ng higit na pakikipagkaisa sa iba?

Tingnan din sa Mosias 18:21; 4 Nephi 1:15–17; Doktrina at mga Tipan 38:23–27; 105:1–5; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pagkakaisa,” topics.ChurchofJesusChrist.org.

1 Corinto 1:17–312

Para maisakatuparan ang gawain ng Diyos, kailangan ko ang karunungan ng Diyos.

Kahit makakabuti—hinihikayat pa nga—na maghangad ng karunungan saan man natin ito matagpuan (tingnan sa 2 Nephi 9:29; Doktrina at mga Tipan 88:118), nagbigay ng ilang mahihigpit na babala si Pablo tungkol sa maling karunungan ng tao, na tinawag niyang “karunungan ng sanlibutan.” Habang binabasa mo ang 1 Corinto 1:17–25, pagnilayan kung ano ang maaaring ibig sabihin ng pariralang ito. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ni Pablo sa “karunungan ng Diyos”? Bakit natin kailangan ang karunungan ng Diyos upang maisakatuparan ang gawain ng Diyos?

Sa pagsisikap mong gampanan ang iyong mga responsibilidad sa pagsasakatuparan ng gawain ng Diyos, nadama mo na ba ang “takot, at … lubhang panginginig” na nadama ni Pablo nang turuan niya ang mga Banal sa Corinto? (1 Corinto 2:3). Ano ang nakikita mo sa 1 Corinto 2:1–5 na nagbibigay sa iyo ng lakas ng loob? Isipin kung paano mo maipapakita na higit ang tiwala mo sa “kapangyarihan ng Diyos” kaysa sa “karunungan ng mga tao.”

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 1:17–28.

1 Corinto 2:9–16

Kailangan ko ang Espiritu Santo upang maunawaan ang mga bagay ng Diyos.

Kung gusto mong malaman ang iba pa tungkol sa isang bagay tulad ng automotive mechanics o medieval architecture, paano mo gagawin ito? Ayon sa 1 Corinto 2:9–16, paano naiiba ang pag-aaral ng “mga bagay ng Diyos” sa pag-aaral ng “[mga bagay] ng isang tao”? Bakit kailangang sumasaatin ang Espiritu Santo upang maunawaan ang mga bagay ng Diyos? Matapos basahin ang mga talatang ito, ano sa pakiramdam mo ang dapat mong gawin upang mas lubos na maunawaan ang espirituwal na mga bagay? Paano makakatulong ang mga salita ni Pablo sa isang taong nahihirapan sa kanyang patotoo?

1 Corinto 6:13–20

Ang aking katawan ay sagrado.

Nadama ng karamihan sa mga tao sa Corinto na katanggap-tanggap ang seksuwal na imoralidad at na ang kanilang katawan ay ginawa una sa lahat para sa kasiyahan. Sa madaling salita, hindi malaki ang kaibhan ng Corinto sa mundo ngayon. Ano ang itinuro ni Pablo sa 1 Corinto 6:13–20 na makakatulong sa iyo na ipaliwanag sa iba kung bakit mo gustong maging malinis ang buhay mo?

Tulad ni Pablo, hinikayat ni Sister Wendy W. Nelson ang mga Banal na maging malinis; tingnan sa kanyang mensaheng “Pag-ibig at Pag-aasawa” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 8, 2017, broadcasts.ChurchofJesusChrist.org). Ayon kay Sister Nelson, anong mga pagpapala ang nagmumula sa pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng Panginoon hinggil sa pag-ibig at intimasiya?

10:19

1 Corinto 7:29–33

Itinuro ba ni Pablo na mas mainam ang hindi mag-asawa kaysa mag-asawa?

Ang ilang talata sa 1 Corinto 7 ay tila nagmumungkahi na bagama’t katanggap-tanggap ang kasal, mas kanais-nais ang manatiling walang asawa at ganap na umiwas sa seksuwal na mga relasyon. Gayunman, ipinauunawa sa atin ng Pagsasalin ni Joseph Smith, 1 Mga Taga Corinto 7:29–33 (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) na ang tinutukoy ni Pablo ay ang mga tinawag na maging full-time missionary, nang napansin niya na mas mahusay nilang napaglingkuran ang Diyos nang nanatili silang walang asawa sa kanilang misyon. Itinuro na ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, pati na kay Pablo, na ang pag-aasawa ay bahagi ng Kanyang walang-hanggang plano at kailangan para sa kadakilaan (tingnan sa 1 Corinto 11:11; Doktrina at mga Tipan 131:1–4).

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

1 Corinto 1:10–17; 3:1–11.Habang binabasa ng mga miyembro ng inyong pamilya ang mga talatang ito, anyayahan silang maghanap ng isang kabatiran na makakatulong na lalo silang magkaisa.

1 Corinto 3:1–2.Maaari siguro ninyong basahin ang mga talatang ito habang umiinom ng gatas at kumakain ng karne. Maaari ninyong ikumpara ang paraan ng paglaki ng mga sanggol hanggang sa maging mga adult sila sa paraan ng paglago natin sa espirituwal.

1 Corinto 3:4–9.Ikinumpara ni Pablo ang kanyang mga pagsisikap bilang missionary sa pagtatanim ng mga binhi. Ano ang itinuturo sa atin ng kanyang pagkukumpara tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo?

1 Corinto 6:19–20.Ang pagkukumpara ng ating katawan sa mga templo, tulad ng ginawa ni Pablo, ay maaaring maging isang mabisang paraan para ituro ang kasagraduhan ng ating katawan. Marahil ay maaari kang magpakita ng mga larawan ng mga templo, tulad ng mga kasama sa outline na ito. Bakit sagrado ang mga templo? Paano naging katulad ng mga templo ang ating katawan? Ano ang magagawa natin para tratuhin ang ating katawan na gaya ng mga templo? (Tingnan din sa espesyal na edisyon ng Liahona noong Agosto 2020 tungkol sa seksuwalidad.)

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Ang Diyos sa Akin ay Nagbigay ng Templo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 73.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Maging matiyaga sa iyong sarili. Itinuro ni Pablo na nauuna ang gatas bago ang karne kapag pinag-aaralan natin ang ebanghelyo (tingnan sa 1 Corinto 3:1–2). Kung nakikita mo na mahirap unawain ang ilang doktrina ngayon, magtiyaga. Magtiwala na darating ang mga sagot kapag mayroon kang pananampalataya at masigasig na nag-aaral.

apat na templo

Ikinumpara ni Pablo ang ating mga katawan sa kasagraduhan ng templo. Paikot sa kanan mula sa kaliwang itaas: Tijuana Mexico Temple, Taipei Taiwan Temple, Tegucigalpa Honduras Temple, Houston Texas Temple.