“Agosto 7–13. Roma 1–6: ‘Ang Kapangyarihan ng Diyos para sa Kaligtasan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Agosto 7–13. Roma 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023
Agosto 7–13
Roma 1–6
“Ang Kapangyarihan ng Diyos para sa Kaligtasan”
Ang pagtatala ng mga pahiwatig ay makatutulong sa iyo na maalala ang itinuturo ng Espiritu sa iyo. Isiping itala rin ang nadarama mo tungkol sa mga pahiwatig na ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Nang sumulat si Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Roma, na magkakaibang grupo ng mga Judio at Gentil, lumaki na ang Simbahan ni Jesucristo nang higit pa sa isang maliit na grupo ng mga mananampalataya mula sa Galilea. Mga 20 taon matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, may mga kongregasyon ng mga Kristiyano sa halos lahat ng dako na maaaring mapuntahan ng mga Apostol—kabilang na ang Roma, ang kabisera ng isang makapangyarihang imperyo. Gayunpaman, kumpara sa lawak ng imperyong Romano, maliit ang Simbahan at madalas maging pakay ng pag-uusig. Sa gayong mga kalagayan, maaaring ang ilan ay “ikinahihiya ang ebanghelyo [ni Cristo]”—ngunit, siyempre, hindi si Pablo. Alam at pinatotohanan niya na ang tunay na kapangyarihan, “ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan,” ay matatagpuan sa ebanghelyo ni Jesucristo (Roma 1:16).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Ano ang mga Sulat, at paano nakaayos ang mga ito?
Ang mga Sulat ay mga liham na isinulat ng mga pinuno ng Simbahan sa mga Banal sa iba’t ibang panig ng mundo. Si Apostol Pablo ang sumulat ng karamihan sa mga sulat sa Bagong Tipan—simula sa Roma hanggang sa Mga Hebreo. Ang kanyang mga sulat ay nakaayos ayon sa haba, maliban sa Mga Hebreo (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga”). Bagama’t Roma ang unang sulat sa Bagong Tipan, isinulat ito talaga nang malapit nang matapos ang mga paglalakbay ni Pablo bilang missionary.
“Ang taong matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”
Maaaring mas maipaunawa sa iyo ng mga sumusunod na kahulugan ang Sulat sa mga taga-Roma:
-
Ang kautusan:Nang sumulat si Pablo tungkol sa “kautusan,” ang tinutukoy niya ay ang batas ni Moises. Ang salitang “mga gawa” sa mga isinulat ni Pablo ay tumukoy sa mga ipinakitang kilos na nauugnay sa batas ni Moises. Isipin kung paano naiiba ang batas ni Moises at ang mga gawa sa ilalim nito sa “[batas] ng pananampalataya” na inilarawan sa Roma 3:23–31.
-
Pagtutuli, di-pagtutuli.Noong unang panahon, ang pagtutuli ay isang tanda o simbolo ng tipan na ginawa ng Diyos kay Abraham. Ginamit ni Pablo ang katagang “pagtutuli” para tukuyin ang mga Judio (ang pinagtipanang mga tao) at “di pagtutuli” para tukuyin ang mga Gentil. Pagnilayan kung ano ang itinuturo ng Roma 2:25–29 tungkol sa tunay na kahulugan ng maging pinagtipanang mga tao ng Diyos. Pansinin na ang pagtutuli ay hindi na isang tanda ng tipan ng Diyos sa Kanyang mga tao (tingnan sa Mga Gawa 15:23–29).
-
Pagbibigay-katwiran, pangatwiranan, pinangatwiranan.Ang mga katagang ito ay tumutukoy sa kapatawaran, o pagpapatawad, ng kasalanan. Kapag tayo ay pinangatwiranan, tayo ay pinatatawad, ipinapahayag na walang kasalanan, at pinalalaya mula sa walang-hanggang kaparusahan para sa ating mga kasalanan. Kapag nakita mo ang mga katagang ito, pansinin ang itinuro ni Pablo kung bakit posible ang pagbibigay-katwiran (tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbibigay-katwiran, Pangatwiranan,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org. Sa Roma, ang mga salitang tulad ng “katuwiran” at “gumagawa ng katuwiran” ay maaaring ituring na kasing-kahulugan ng mga salitang “makatwiran” at “pagbibigay-katwiran.”
-
Biyaya.Ang biyaya ay “dakilang tulong o lakas [na ibinibigay] sa pamamagitan ng [saganang] awa at [pagmamahal ni Jesucristo].” Sa pamamagitan ng biyaya, lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli at tatanggap ng kawalang-kamatayan. Bukod pa rito, “[ang biyaya ay] ang kapangyarihang … makapagpapahintulot sa kalalakihan at kababaihan na … magkaroon ng buhay na walang hanggan at kadakilaan matapos nilang isagawa ang [lahat ng makakaya nila].” Hindi tayo nagtatamo ng biyaya sa pamamagitan ng ating mga pagsisikap; sa halip, biyaya ang nagbibigay sa atin ng “lakas at tulong na gumawa ng mabubuting gawa na kung wala ay hindi [natin] patuloy na magagawa” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biyaya”; tingnan din sa 2 Nephi 25:23; Dieter F. Uchtdorf, “Ang Kaloob na Biyaya,” Liahona, Mayo 2015, 107–10; Brad Wilcox, “Ang Kanyang Biyaya ay Sapat,” Liahona, Set. 2013, 43–45). Habang binabasa mo ang Roma, itala ang natututuhan mo tungkol sa biyaya ng Tagapagligtas.
Ang aking mga kilos ay dapat magpamalas at magpaibayo ng aking pagbabalik-loob.
Mukhang naniniwala pa rin ang ilan sa mga Kristiyanong Judio sa Roma na ang mga seremonya at ritwal ng batas ni Moises ay naghatid ng kaligtasan. Maaaring mukhang isang problema ito na hindi na angkop ngayon dahil hindi na natin ipinamumuhay ang batas ni Moises. Ngunit habang binabasa mo ang mga sulat ni Pablo, lalo na ang Roma 2:17–29, isipin ang sarili mong mga pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo. Ang ipinapakita mo bang mga kilos, tulad ng pagtanggap ng sakramento o pagdalo sa templo, ay nagpapalalim ng iyong pagbabalik-loob at nagpapalakas ng iyong pananampalataya kay Cristo? (tingnan sa Alma 25:15–16). Mayroon ka bang dapat baguhin para humantong sa pagbabago ng puso ang ipinapakita mong mga kilos?
Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,” Liahona, Ene. 2001, 32–34.
Sa pamamagitan ni Jesucristo, maaari akong mapatawad sa aking mga kasalanan.
May mga taong maaaring panghinaan-ng-loob sa matapang na pahayag ni Pablo na “Walang matuwid, wala, wala kahit isa” (Roma 3:10). Ngunit mayroon ding mga mensahe ng pag-asa sa Roma. Hanapin ang mga ito sa mga kabanata 3 at 5, at isipin kung bakit ang pag-alaala na “lahat ay nagkasala, at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos” (Roma 3:23) ay isang mahalagang hakbang para matutong “[magalak] sa pag-asa” sa pamamagitan ni Jesucristo (Roma 5:2).
Inaanyayahan ako ni Jesucristo na “[makalakad] sa panibagong buhay.”
Itinuro ni Pablo na dapat baguhin ng ebanghelyo ni Jesucristo ang ating pamumuhay. Anong mga pahayag sa Roma 6 ang naglalarawan kung paano ka natulungan ng pagsunod sa Tagapagligtas na “[makalakad] sa panibagong buhay”? (talata 4).
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Roma 1:16–17.Paano natin maipapakita na “hindi [natin] ikinahihiya ang ebanghelyo [ni Cristo]”?
-
Roma 3:23–28.Habang binabasa ninyo ang mga talatang ito, maaari ninyong talakayin ang pagkakaiba ng “pagkakamit” ng biyaya ng Diyos, na hindi natin magagawa kailanman, at ng pagtanggap nito, na kailangan nating magawa. Kailan nating nadama ang biyaya ng Diyos? Paano natin ito mas lubos na matatanggap?
-
Roma 5:3–5.Anong mga kapighatian ang naranasan na natin? Paano nakatulong ang mga kapighatiang ito para magkaroon tayo ng pagtitiis, karanasan, at pag-asa?
-
Roma 6:3–6.Ano ang sinabi ni Pablo sa mga talatang ito tungkol sa simbolismo ng binyag? Marahil ay maaaring planuhin ng inyong pamilya na dumalo sa isang nalalapit na binyag. O maaaring magbahagi ang isa sa inyong pamilya ng mga larawan o alaala mula sa kanyang binyag. Paano tayo natutulungan ng paggawa at pagtupad ng ating mga tipan sa binyag na “[makalakad] sa panibagong buhay”?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Sa Aking Pagkabinyag,” Aklat ng mga Awit Pambata, 53.