Bagong Tipan 2023
Agosto 14–20. Roma 7–16: “Daigin Mo ng Mabuti ang Masama”


“Agosto 14–20. Roma 7–16: ‘Daigin Mo ng Mabuti ang Masama,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Agosto 14–20. Roma 7–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

mga guho ng sinaunang Roma

Agosto 14–20

Roma 7–16

“Daigin Mo ng Mabuti ang Masama”

Ilan lamang sa mga alituntunin ng ebanghelyo sa Roma 7–16 ang maaaring isama sa outline na ito, kaya huwag limitahan ang iyong sarili sa binabanggit dito. Pansinin ang inspirasyong natatanggap mo habang nag-aaral ka.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Nang buksan niya ang kanyang sulat sa mga Romano, binati ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan sa pagtawag sa kanila ng “mga iniibig ng Diyos” na “mga tinawag na banal.” Sinabi niya na ang kanilang “pananampalataya ay [pinag-uusapan] sa buong daigdig” (Roma 1:7–8). Kahit ginugol ni Pablo ang malaking bahagi ng kanyang sulat sa pagwawasto sa mga maling ideya at mga problema sa pag-uugali, tila ginusto rin niyang tiyakin sa mga bagong binyag na Kristiyanong ito na talagang sila ay mga Banal na mahal ng Diyos. Ang Kanyang magiliw na payo ay nagpapala sa ating lahat na nahihirapang madama ang pagmamahal ng Diyos at maaaring nakadarama na hindi natin kayang maging Banal. Taglay ang mapagpakumbabang pagdamay, inamin ni Pablo na ang pakiramdam niya kung minsan ay para siyang isang “kahabag-habag na [abang] tao” (Roma 7:24), ngunit nabigyan siya ng ebanghelyo ni Jesucristo ng lakas na madaig ang kasalanan (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mga Taga-Roma 7:22–27 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]). Sa pamamagitan ng kapangyarihang iyan, ang nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas, maaari nating “daigin … ang masama”—kapwa ang masama sa mundo at sa ating sarili—“ng mabuti” (Roma 12:21).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Roma 7–8

Ang mga sumusunod sa Espiritu ay maaaring maging “mga kasamang tagapagmana ni Cristo.”

Kahit matapos pumasok sa “panibagong buhay” sa pamamagitan ng ordenansa ng binyag (Roma 6:4), marahil ay nakadama ka ng pagtatalo ng kalooban na inilarawan ni Pablo sa Roma 7—ang “[pa]kikipagbaka” sa pagitan ng likas na tao at ng iyong mabubuting hangarin (Roma 7:23). Ngunit binanggit din ni Pablo ang tungkol sa pag-asa sa Roma 8:23–25. Anong mga dahilan ng pag-asang ito ang nakikita mo sa kabanata 8? Maaari mo ring hanapin ang mga pagpapalang nagmumula sa “[pa]nanatili sa [iyo ng] Espiritu ng Diyos” (Roma 8:9). Paano mo maaaring hangarin ang pagsama ng Espiritu Santo nang mas lubusan sa buhay mo?

Roma 8:16–39

Ang kaloob na walang-hanggang kaluwalhatian ay mas matimbang kaysa sa mga pagsubok ko sa mundo.

Ilang taon lang matapos gawin ni Pablo ang sulat na ito, nakaranas ng malagim na mga pang-uusig ang mga Banal sa Roma. Ano ang nakikita mo sa Roma 8:16–39 na maaaring nakatulong sa mga Banal na ito nang usigin sila? Paano maaaring umangkop ang mga salitang ito sa iyo at sa mga pagsubok na kinakaharap mo ngayon?

Hanapin ang mga koneksyon ng mga talatang ito sa payong ito ni Sister Linda S. Reeves: “Hindi ko alam kung bakit marami tayong pagsubok, ngunit para sa akin ang gantimpala ay napakalaki, walang-hanggan at walang katapusan, sobrang masaya at higit pa sa ating pang-unawa, kaya sa araw na iyon ng gantimpala, maaari nating sabihin sa ating maawain at mapagmahal na Ama na, ‘Iyon na po ba ang lahat ng kailangan naming gawin?’ Naniniwala ako na kung araw-araw nating aalalahanin at kikilalanin ang lalim ng pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas para sa atin, magiging handa tayong gawin ang lahat para makabalik sa Kanilang piling, napaliligiran ng walang-hanggan Nilang pagmamahal. Malaking bagay ba … kung magdusa man tayo rito, kung sa bandang huli ay ang mga pagsubok na iyon ang mismong kailangan natin para maging karapat-dapat tayo sa buhay na walang-hanggan at kadakilaan sa kaharian ng Diyos sa piling ng Ama at ng Tagapagligtas?” (“Karapat-dapat sa mga Pagpapalang Ipinangako sa Atin,” Liahona, Nob. 2015, 11). Pagpasiyahan kung ano ang gagawin mo para “araw-araw na alalahanin at kilalanin” ang pagmamahal ng Diyos sa iyo.

Roma 8:29–30; 9–11

Ano ang ibig sabihin ni Pablo sa “itinalaga,” “tinawag,” at “nakilala niya nang una pa”?

Ginamit ni Pablo ang mga katagang “itinalaga,” “tinawag,” at “nakilala niya nang una pa” para ituro na bago ang buhay na ito, pinili ng Diyos ang ilan sa Kanyang mga anak na maging bahagi ng Israel, ang Kanyang pinagtipanang mga tao. Ang ibig sabihin nito ay tatanggap sila ng mga espesyal na pagpapala at responsibilidad upang mapagpala nila ang lahat ng tao sa mundo (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hinirang, Pagkakahirang,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Gayunman, binigyang-diin ni Pablo sa Roma 9–11 na lahat ng anak ng Diyos ay maaaring maging Kanyang pinagtipanang mga tao, at lahat tayo ay tatanggap ng buhay na walang hanggan sa gayon ding paraan—sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at pagsunod sa Kanyang mga utos.

Tingnan din sa Efeso 1:3–4; 1 Pedro 1:2; Alma 13:1–5; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pag-oorden Noon Pa Man,” topics.ChurchofJesusChrist.org.

Roma 12–16

Inaanyayahan ako ni Pablo na maging isang tunay na Banal at alagad ni Jesucristo.

Ang huling limang kabanata ng Roma ay naglalaman ng maraming partikular na mga tagubilin tungkol sa pamumuhay bilang mga Banal. Ang isang paraan para mapag-aralan ang mga tagubiling ito ay hanapin ang mga paksang inuulit. Paano mo ibubuod ang payo ni Pablo?

Maaaring hindi mo maipamuhay ang lahat ng payong ito nang sabay-sabay, ngunit matutulungan ka ng Espiritu na mahanap ang isa o dalawang alituntunin na maaari mong simulang gawin ngayon. Ibahagi ang iyong mga naisin sa iyong Ama sa Langit sa panalangin, at hingin ang Kanyang tulong.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Roma 8:31–39.Ano ang nakikita natin sa Roma 8:31–39 na nagtuturo kung ano ang nadarama ng Ama sa Langit at ni Jesus tungkol sa atin? Kailan natin nadama ang pagmamahal ng Diyos?

Para mailarawan ang mga talata 38–39, maaaring makakita ang mga miyembro ng pamilya ng mga halimbawa ng mga bagay na hindi mapaghihiwalay, tulad natin at ng pagmamahal ng Diyos.

mag-amang sumasayaw

Itinuro ni Elder Wilford W. Andersen, “Ang musika ng ebanghelyo ay [isang] masayang espirituwal na damdamin.”

Roma 9:31–32.Maaaring mailarawan ng mensahe ni Elder Wilford W. Andersen na “Ang Musika ng Ebanghelyo” (Liahona, Mayo 2015, 54–56) ang itinuturo ni Pablo tungkol sa kautusan, mga gawa, at pananampalataya. Matapos talakayin ang kanyang mensahe, maaaring subukan ng inyong pamilya na sumayaw nang mayroon at walang musika. Paano tayo matutulungan ng pananampalataya na maranasan ang kagalakan ng ebanghelyo?

Roma 10:17.Lagyan ng etiketa ang ilang baso ng tubig na sinulatan ng mga pinagmumulan ng salita ng Diyos (tulad ng mga banal na kasulatan, personal na paghahayag, at pangkalahatang kumperensya). Talakayin kung paano pinalalakas ng salita ng Diyos ang ating pananampalataya habang ibinubuhos ninyo ang laman ng bawat baso sa isang lalagyang may etiketang “Pananampalataya.”

Roma 12.Ano ang ibig sabihin ng gawing “isang handog na buhay, banal, na kasiya-siya sa Diyos” ang ating sarili? (talata 1).

Roma 14:13–21.Maaaring makinabang ang inyong pamilya sa pag-aaral ng payo ni Pablo tungkol sa paghatol at pakikipagtalo tungkol sa mga personal na kagustuhan. Marahil ay maaari ninyong talakayin ang angkop na mga paraan ng pagtugon kapag ang ibang tao, pati na ang mga miyembro ng pamilya, ay gumagawa ng mga pagpiling naiiba sa inyong pagpili. Paano natin maaaring “sundin … ang mga bagay na magbubunga ng kapayapaan”? (talata 19).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 42–43.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Hayaang ipakita ng mga bata ang kanilang pagkamalikhain. “Kapag inanyayahan mo ang mga bata na lumikha ng bagay na nauugnay sa isang alituntunin ng ebanghelyo, tinutulungan mo silang mas maunawaan ang alituntunin. … Hayaan mo silang bumuo, gumuhit, magkulay, magsulat, at lumikha” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas25).

si Cristo na nakaunat ang mga kamay

Abide with Me [Manatili sa Akin], ni Del Parson