Bagong Tipan 2023
Hulyo 31–Agosto 6. Mga Gawa 22–28: “Lingkod at Saksi”


“Hulyo 31–Agosto 6. Mga Gawa 22–28: ‘Lingkod at Saksi,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Hulyo 31–Agosto 6. Mga Gawa 22–28,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

si Pablo sa bilangguan

Hulyo 31–Agosto 6

Mga Gawa 22–28

“Lingkod at Saksi”

Ang mga impresyon mula sa Espiritu Santo ay madalas na tahimik at kung minsan ay saglit lang. Sa pagtatala ng mga impresyon na natatanggap mo ay nagagawa mong pag-isipan ang mga ito nang mas malalim. Habang binabasa mo ang Mga Gawa 22–28, isulat ang mga kaisipan at damdaming dumarating sa iyo, at mag-ukol ng panahon na pagnilayan ang mga ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

“Kapag tayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon,” ipinangako ni Pangulong Thomas S. Monson, “may karapatan tayo sa tulong ng Panginoon” (“Para Matuto, para Gawin, para Maging,” Liahona, Nob. 2008, 62). Gayunman, hindi tayo binigyang-karapatang mabuhay nang walang mga pagsubok at magkaroon ng walang-katapusang tagumpay. Para mapatunayan ito, tingnan na lang natin ang buhay ng Apostol na si Pablo. Ang utos sa kanya ng Tagapagligtas ay “dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Gentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel” (Mga Gawa 9:15). Sa mga kabanata 22–28 ng Mga Gawa, nakikita natin na tinutupad ni Pablo ang utos na ito at nahaharap siya sa matinding oposisyon—ikinadena siya, ibinilanggo, pisikal na inabuso, nasiraan ng barko, at kinagat pa ng ahas. Ngunit nakikita rin natin na “lumapit sa kanya [si Jesus] at sinabi, ‘Lakasan mo ang iyong loob[, Pablo]!’” (Mga Gawa 23:11). Ang mga karanasan ni Pablo ay nagbibigay-inspirasyong paalala na ang panawagan ng Panginoon na “ipahayag ang [Kanyang] ebanghelyo nang may tinig ng kagalakan” ay kasama ang pangakong ito: “Pasiglahin ang inyong mga puso at magalak, sapagkat ako ay nasa gitna ninyo” (Doktrina at mga Tipan 29:4–5; tingnan din sa Mateo 28:19–20).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mga Gawa 22:1–21; 26:1–29

Buong tapang na ibinabahagi ng mga disipulo ni Jesucristo ang kanilang patotoo.

Nang ipahayag ni Pablo ang malalakas na patotoo na nakatala sa Mga Gawa 22 at 26, bilanggo na siya ng mga sundalong Romano. Ang kinausap niyang mga tao ay may kakayahang hatulan siya ng kamatayan. Subalit pinili niya na buong tapang na magpatotoo tungkol kay Jesucristo at sa “makalangit na pangitain” (Mga Gawa 26:19) na kanyang natanggap. Ano ang nagbibigay-inspirasyon sa iyo tungkol sa kanyang mga salita? Isipin ang mga pagkakataon mong ibahagi ang iyong patotoo. Halimbawa, alam ba ng mga kaibigan mo ang nadarama mo tungkol kay Jesucristo? O kailan ang huling pagkakataon na sinabi mo sa iyong pamilya kung paano ka nagkaroon ng patotoo tungkol sa ebanghelyo?

Nang kutyain ang binatilyong si Joseph Smith sa pagkukuwento tungkol sa kanyang Unang Pangitain, nabigyang-inspirasyon siya sa paraan ng pagpapatotoo ni Pablo tungkol sa pangitain nito (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:24–25). Paano mo ibubuod ang natutuhan ni Joseph Smith kay Pablo? Ano ang natututuhan mo mula sa dalawang saksing ito ni Jesucristo?

Tingnan din sa Neil L. Andersen, “Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo,” Liahona, Nob. 2020, 88–91.

Mga Gawa 23:10–11; 27:13–25, 40–44

Sinusuportahan ng Panginoon ang mga nagsisikap na maglingkod sa Kanya.

Tulad ng malinaw na ipinapakita ng ministeryo ni Pablo, ang mga paghihirap natin sa buhay ay hindi tanda na ayaw ng Diyos sa atin o sa ginagawa natin. Sa katunayan, kung minsan ay sa panahon ng paghihirap natin lubhang nadarama ang Kanyang suporta. Maaaring nakakatuwang rebyuhin ang nabasa mo kamakailan tungkol sa ministeryo ni Pablo at ilista ang ilan sa mga bagay na tiniis niya (tingnan, halimbawa, sa Mga Gawa 14:19–20; 16:19–27; 21:31–34; 23:10–11; 27:13–25, 40–44). Paano siya sinuportahan ng Panginoon? Paano ka Niya sinuportahan?

Mga Gawa 24:24–27; 26:1–3, 24–2927

May kaligtasan at kapayapaan sa pagsunod sa mga salita ng mga lingkod ng Diyos.

Sa kanyang buong ministeryo, nagbahagi si Pablo ng malakas na patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Maraming tao ang naniwala sa kanyang patotoo, ngunit hindi lahat. Habang binabasa mo ang Mga Gawa 24:24–27 at Mga Gawa 26:1–3, 24–29, hanapin ang mga salita at pariralang nagpapakita kung ano ang naging reaksyon ng mga pinunong Romano sa Judea sa mga turo ni Pablo:

  • Felix

  • Festo

  • Haring Agripa

Habang naglalayag papunta sa Roma para litisin ni Cesar, nagpropesiya si Pablo na “makakapinsala at magiging malaking kapahamakan” ang darating sa barko at sa mga pasahero nito (Mga Gawa 27:10). Basahin ang kabanata 27 upang malaman ang naging reaksyon ng mga kasamang tripulante ni Pablo sa kanyang mga babala. May nakikita ka bang anumang mga aral para sa sarili mo sa kanilang karanasan?

Nagkaroon ka na ba ng reaksyon na katulad ng sinuman sa mga taong ito nang marinig mo ang mga turo ng mga pinuno ng Simbahan? Ano ang ilang posibleng kahinatnan ng pagkakaroon ng ganitong mga reaksyon? Ano ang natututuhan mo mula sa mga salaysay na ito tungkol sa pagsunod sa payo ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod?

Tingnan din sa 2 Nephi 33:1–2; D. Todd Christofferson, “Ang Tinig ng Babala,” Liahona, Mayo 2017, 108–11; “Sundin ang Buhay na Propeta,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 171–80.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Mga Gawa 24:16.Bago ang kanyang pagbabalik-loob, si Pablo ay may mahabang kasaysayan ng mga pagkakasala sa Diyos. Ngunit dahil handa siyang magsisi, nasabi niyang, “Dahil dito’y lagi akong nagsisikap na magkaroon ng isang malinis na budhi sa Diyos at sa mga tao” (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 135:4–5). Paano maaalis sa ating budhi ang mga pagkakasalang nagawa natin sa Diyos at sa iba?

Mga Gawa 26:16–18.Sa mga talatang ito, ano ang ipinagawa ng Panginoon kay Pablo? Ano ang mga pagkakataon natin para gawin ang gayon ding mga bagay?

Mga Gawa 28:1–9.Mayroon bang sinuman sa inyong pamilya na mahilig sa mga ahas? Maaari mong hilingin sa taong iyon o sa ibang miyembro ng pamilya na isalaysay ang mga kuwentong matatagpuan sa Mga Gawa 28:1–9. Maaaring masiyahan ang inyong mga anak na gumuhit ng isang larawan ng mga kuwentong ito o isadula ang mga ito. Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa mga salaysay na ito? Maaaring ang isa rito ay na tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa Kanyang mga lingkod. Halimbawa, maaari mong ikumpara ang mga pangakong ginawa sa Marcos 16:18 sa katuparan ng mga ito sa mga karanasan ni Pablo. Maaari ka ring makakita ng pangako sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan na ginawa ng isa sa mga lingkod ng Panginoon—marahil ay isang bagay na makabuluhan sa inyong pamilya—at idispley ito sa inyong tahanan. Paano natin maipapakita ang ating pananampalataya na ang pangakong ito ay matutupad?

makamandag na ahas

Pinrotektahan ng Diyos si Pablo nang kagatin siya ng isang makamandag na ahas.

Mga Gawa 28:22–24.Tulad ng Simbahan noong panahon ni Pablo (tinatawag na “sekta” sa talata 22), kadalasan ay “maraming nagsasalita ng laban” sa Simbahan ngayon. Nang magsalita ang mga tao laban sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan, paano tumugon si Pablo? Ano ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Pablo?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing himno: “Ang Manunubos Ko’y Buhay,” Mga Himno, blg. 77.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtuon sa mga alituntuning magpapala sa inyong pamilya. Habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan, itanong sa iyong sarili, “Ano ang natagpuan ko rito na magiging makabuluhan lalo na sa pamilya ko?” (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas17.)

si Pablo sa harapan ni Haring Agripa

Si Pablo sa harapan ni Haring Agripa. Valiant in the Testimony of Jesus Christ [Magiting na Nagpapatotoo kay Jesucristo], ni Daniel A. Lewis