“Hulyo 24–30. Mga Gawa 16–21: ‘Kami’y Tinawag ng Diyos upang Ipangaral ang Mabuting Balita,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Hulyo 24–30. Mga Gawa 16–21,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023
Hulyo 24–30
Mga Gawa 16–21
“Kami’y Tinawag ng Diyos upang Ipangaral ang Mabuting Balita”
Habang binabasa mo ang tungkol sa mga pagsisikap ni Pablo na ipangaral ang ebanghelyo, maaaring magpahiwatig sa iyo ang Espiritu ng mga kaisipan o damdamin. Isulat ang mga pahiwatig na ito, at magplanong kumilos ayon sa mga ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Kabilang sa mga huling salita ng Panginoon sa Kanyang mga Apostol ang kautusang “Kaya’t sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan silang sundin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo” (Mateo 28:19–20). Bagama’t hindi nakapunta ang mga Apostol sa lahat ng bansa, ipinapakita sa Mga Gawa 16–21 na nakagawa ng pambihirang pag-unlad si Pablo at ang kanyang mga kasama sa pagtatatag ng Simbahan. Sila’y nagturo, nagbinyag, at naggawad ng kaloob na Espiritu Santo. Gumawa sila ng mga himala, ibinangon pa nila ang isang lalaki mula sa mga patay, at ipinropesiya ang Malawakang Apostasiya (Mga Gawa 20:7–12, 28–31). At ang gawaing sinimulan nila ay ipinagpapatuloy ngayon ng buhay na mga Apostol, pati na ng matatapat na disipulong katulad ninyo, na tumutulong na maisakatuparan ang atas ng Tagapagligtas sa mga paraang hindi inakala ni Pablo kailanman. Marahil ay may kilala kayong mga taong hindi kilala ang kanilang Ama sa Langit o hindi alam ang Kanyang ebanghelyo. Marahil ay nadama na ninyo na “labis [kayong napukaw]” na ibahagi sa kanila ang alam ninyo tungkol sa Kanya (Mga Gawa 17:16). Kung susundin ninyo ang halimbawa ng kababaang-loob at katapangan ni Pablo sa pagbabahagi ng ebanghelyo, maaari kayong makakita ng isang tao na “[nabuksan] ng Panginoon ang … puso” (Mga Gawa 16:14).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Gagabayan ako ng Espiritu sa aking mga pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo.
Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith, “Hindi maipangangaral ninuman ang Ebanghelyo kung wala ang Espiritu Santo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 389). Habang binabasa mo ang Mga Gawa 16–21, isipin kung bakit totoo ang pahayag ng Propeta. Pansinin ang mga pagkakataon na tinulungan ng Espiritu si Pablo at ang kanyang mga kasama. Anong mga pagpapala ang dumating dahil sa pagsunod nila ang Espiritu? Kailan mo nadama ang Espiritu na nagpapahiwatig sa iyo sa mga pagsisikap mong ibahagi ang ebanghelyo?
Maipapahayag ko ang ebanghelyo sa lahat ng sitwasyon.
Ang maitapon sa bilangguan dahil sa pangangaral ng ebanghelyo ay maaaring tila isang magandang dahilan para tumigil sa pangangaral. Ngunit para kina Pablo at Silas, naging pagkakataon ito para mapabalik-loob ang isang bantay sa bilangguan (tingnan sa Mga Gawa 16:16–34). Sa buong Mga Gawa 16–21, hanapin ang iba pang mga halimbawa ng kahandaan ni Pablo na ibahagi ang kanyang patotoo sa lahat. Sa palagay mo, bakit napakatapang niya at wala siyang takot? Ano ang natututuhan mo sa halimbawa ni Pablo?
Maraming iba pang mensahe tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa Mga Gawa 16–21. Habang pinag-aaralan mo ang mga kabanatang ito, hanapin ang ilan na umaangkop lalo na sa iyo.
Tingnan din sa Dieter F. Uchtdorf, “Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Nasa Puso Mo,” Liahona, Mayo 2019, 15–18.
“Tayo’y supling ng Diyos.”
Sa Atenas [Athens], nakakita si Pablo ng mga taong magkakaiba ang mga opinyon at pananaw sa relihiyon. Lagi nilang hinahangad na “[makarinig] ng mga bagong bagay,” at ang iaalok ni Pablo ay siguradong bago sa kanila (tingnan sa Mga Gawa 17:19–21). Sumamba sila sa maraming diyos, pati na sa isang tinawag nilang “di-kilalang Diyos” (Mga Gawa 17:23), ngunit naniwala sila na ang mga diyos ay mga kapangyarihan o puwersa, hindi nabubuhay at personal na mga nilalang, at tiyak na hindi ang ating Ama. Pagnilayan ang sinabi ni Pablo para tulungan silang makilala ang Diyos. Ano ang ibig sabihin sa iyo ng maging “supling ng Diyos”? (Mga Gawa 17:29). Sa opinyon mo, paano naiiba ang pagiging anak ng Diyos sa pagiging isa lamang sa Kanyang mga nilikha? Paano nakakaimpluwensya ang pag-unawa sa katotohanang ito sa pagtingin mo sa iyong sarili at sa iba?
Kung nakatayo ka sa tabi ni Pablo habang nagpapatotoo siya, ano kaya ang sasabihin mo sa mga sinaunang Griyego tungkol sa ating Ama sa Langit? May kakilala ka ba na maaaring makinabang sa pakikinig sa iyong patotoo?
Tingnan din sa Roma 8:16; 1 Juan 5:2.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Mga Gawa 16–21.Para mapalalim ang pagkaunawa ng inyong pamilya sa Mga Gawa 16–21, maaari ninyong pag-aralan ang mapa sa katapusan ng outline na ito, na hinahanap ang mga lungsod kung saan ipinangaral ni Pablo ang ebanghelyo sa mga kabanatang ito. Ano ang resources natin ngayon na makakatulong na maihatid ang ebanghelyo sa lahat ng bansa?
-
Mga Gawa 17:10–12; 18:24–28.Paano tayo magiging higit na katulad ng mga Banal sa mga talatang ito? Ano ang maaaring ibig sabihin ng “[tanggapin] ang salita [na]ng buong pananabik”? (Mga Gawa 17:11). Ano ang magagawa natin upang maging “dalubhasa sa mga kasulatan”? (Mga Gawa 18:24).
-
Mga Gawa 19:1–7.Ang mga talatang ito ay makakatulong sa inyong pamilya na magkaroon ng talakayan tungkol sa kahalagahan ng mabinyagan at makumpirma. Para mas maunawaan ang mga katotohanan sa Mga Gawa 19:1–7, maaari ninyong talakayin ang ilang bagay na walang kabuluhan kapag walang kasamang ibang bagay, tulad ng cell phone na walang baterya. O maaari mong ibahagi ang turong ito mula kay Propetang Joseph Smith: “Walang kabuluhan ang pagbibinyag sa tubig kung hindi pagtitibaying miyembro ng Simbahan ang isang tao—ibig sabihin ay pagtanggap ng Espiritu Santo” (Mga Turo: Joseph Smith, 111). Bakit “walang kabuluhan” ang binyag kung hindi matatanggap ang kaloob na Espiritu Santo? (tingnan sa 3 Nephi 27:19–20; Moises 6:59–61).
-
Mga Gawa 19:18–20.Habang binabasa mo ang Mga Gawa 19:18–20, pansinin ang kahalagahan ng mga pag-aaring handang isuko ng mga tao upang matanggap ang ebanghelyo (tingnan sa talata 19). Mayroon bang mga makamundong pag-aari o aktibidad na kailangan nating talikuran upang matanggap ang mga pagpapala ng langit?
-
Mga Gawa 20:32–35.Kailan naranasan ng inyong pamilya ang turo ni Cristo na “higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap”? (Mga Gawa 20:35). Mayroon bang isang taong maaaring makinabang sa paglilingkod, panahon, o mga regalong maibibigay ng inyong pamilya? Bilang pamilya, talakayin ang ilang ideya at planuhing maglingkod sa isang tao. Ano ang nadarama natin kapag naglilingkod tayo sa iba? Bakit mas mapalad ang magbigay kaysa tumanggap?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Ako ay Anak ng Diyos,” Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3.