Bagong Tipan 2023
Hunyo 26–Hulyo 2. Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21: “Siya’y [Nagbangon]”


“Hunyo 26–Hulyo 2. Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21: ‘Siya’y [Nagbangon],’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Hunyo 26–Hulyo 2. Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

kausap ni Jesus si Pedro sa tabing-dagat

Feed My Sheep [Pakainin Mo ang Aking mga Tupa], ni Kamille Corry

Hunyo 26–Hulyo 2

Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21

“Siya’y [Nagbangon]”

Mapanalanging basahin ang Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; at Juan 20–21, na nagmumuni-muni tungkol sa kagalakan mo dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo. Sino ang maaaring mapagpala ng pakikinig sa iyong patotoo tungkol sa pangyayaring ito?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa maraming nakamasid, ang pagkamatay ni Jesus ng Nazaret ay maaaring tila isang kabalintunaang wakas sa isang napakagandang buhay. Hindi ba ito ang lalaking nagpabangon kay Lazaro mula sa mga patay? Hindi ba Niya napaglabanan ang paulit-ulit na pagbabanta sa Kanyang buhay ng mga Fariseo? Naipamalas Niya ang kapangyarihang mapagaling ang bulag, ketongin, at paralisado. Mismong hangin at karagatan ay sinunod Siya. Subalit narito Siya, nakabayubay sa krus, at nagsasabing, “Natupad na” (Juan 19:30). Maaaring may kaunting taos na sorpresa sa mapanlibak na mga salitang “Nagligtas siya ng iba; hindi niya mailigtas ang kanyang sarili” (Mateo 27:42). Ngunit alam natin na hindi nagtapos ang kuwento sa pagkamatay ni Jesus. Alam natin na pansamantala lamang ang katahimikan ng libingan at na nagsisimula pa lamang ang gawain ni Cristo na magligtas. Siya ay hindi matatagpuan ngayon “sa gitna ng mga patay” kundi sa piling ng mga buhay (Lucas 24:5). Ang Kanyang mga turo ay hindi mapapatahimik, sapagkat ipapangaral ng Kanyang matatapat na disipulo ang ebanghelyo sa “lahat ng mga bansa,” na nagtitiwala sa Kanyang pangako na Siya ay “kasama [nila] palagi, hanggang sa katapusan ng [mundo]” (Mateo 28:19–20).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20

Si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli.

Sa mga talatang ito, mababasa mo ang isa sa pinakamahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng sangkatauhan: ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Habang nagbabasa ka, ilagay ang iyong sarili sa lugar ng mga taong nakasaksi sa mga pangyayaring nakapalibot sa Pagkabuhay na Mag-uli. Ano ang natututuhan mo mula sa kanilang mga karanasan?

Ano ang pakiramdam mo habang nagbabasa ka tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas? Isipin kung paano ito nakaapekto sa iyo—sa pananaw mo sa buhay, sa iyong mga relasyon sa iba, sa pananampalataya mo kay Cristo, at sa pananampalataya mo sa iba pang mga katotohanan ng ebanghelyo.

Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagkabuhay na Mag-uli”; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pagkabuhay na Mag-uli,” topics.ChurchofJesusChrist.org.

Lucas 24:13–35

Maaari kong anyayahan ang Tagapagligtas na “manatili sa [akin].”

Habang binabasa mo ang karanasan ng dalawang naglalakbay na disipulo na nakatagpo ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, hanapin ang mga pagkakatulad ng iyong mga karanasan bilang alagad ni Cristo. Paano mo Siya makakasama sa paglakad ngayon at maaanyayahang “manatili” nang kaunti pang panahon? (Lucas 24:29). Paano mo natatanto ang Kanyang presensya sa buhay mo? Sa anong mga paraan napatotohanan sa iyo ng Espiritu Santo ang kabanalan ni Jesucristo?

Tingnan din sa “Manatili sa ’King Tabi,” “Manatili sa Piling Ko!,” Mga Himno, blg. 96–97.

Lucas 24:36–43; Juan 20

Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay ang permanenteng pagkakaisang muli ng espiritu sa katawan.

Ang mga salaysay tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay magpapaunawa sa iyo kung ano ang ibig sabihin ng mabuhay na mag-uli. Halimbawa, anong mga katotohanan ang nakikita mo sa Lucas 24:36–43 at Juan 20 tungkol sa mga katawang nabuhay na mag-uli? Maaari mo ring saliksikin ang iba pang mga talata sa banal na kasulatan tungkol sa pagkabuhay na mag-uli, tulad ng 1 Corinto 15:35–44; Filipos 3:20–21; 3 Nephi 11:13–15; Doktrina at mga Tipan 88:27–31; 110:2–3; 130:1, 22.

Juan 20:19–29

“Mapapalad ang hindi nakakita, gayunma’y sumasampalataya.”

Pakiramdam ng ilang tao ay katulad sila ni Tomas, na nagsabing, “Malibang makita ko … , hindi ako maniniwala” (Juan 20:25). Sa opinyon mo, bakit maaaring maging pagpapala ang maniwala nang hindi nakikita? (tingnan sa Juan 20:29). Pagnilayan kung paano ka napagpala sa paniniwala sa mga bagay na hindi mo nakikita. Ano ang nakakatulong sa iyo na manampalataya sa Tagapagligtas kahit hindi mo Siya nakikita? Paano mo patuloy na mapapalalakas ang iyong pananampalataya sa “mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo”? (tingnan sa Alma 32:16–21; Eter 12:6). Isiping itala sa isang journal ang mga karanasang nakatulong sa iyo na maniwala kay Jesucristo, o ibahagi ang mga ito sa isang kakilala mo.

Juan 21:1–17

Inaanyayahan ako ng Tagapagligtas na pakainin ang Kanyang mga tupa.

Maaaring nakatutuwang ikumpara ang pakikipag-ugnayan ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol sa Juan 21 sa unang pagkakataon na inutusan Niya silang ihagis ang kanilang mga lambat, na nakatala sa Lucas 5:1–11. Anong mga pagkakatulad at pagkakaiba ang nakikita mo? Anong mga kabatiran tungkol sa pagiging disipulo ang nakikita mo?

Isipin kung paano maaaring umangkop sa iyo ang mga salita ng Tagapagligtas kay Pedro sa Juan 21:15–17. May pumipigil ba sa iyo na paglingkuran ang mga tupa ng Panginoon? Ano ang isasagot mo kung tanungin ka ng Panginoon ng, “Minamahal mo ba ako?” Pagnilayan kung paano mo maipapakita ang iyong pagmamahal sa Panginoon.

Tingnan din sa 1 Pedro 5:2–4, 8; Jeffrey R. Holland, “Ang Unang Dakilang Utos,” Liahona, Nob. 2012, 83–85.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Lucas 24:5–6.Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson tungkol sa Lucas 24:5–6, “Walang ibang mga salita sa mga banal na kasulatang Kristiyano ang naging mas makabuluhan sa akin” (“Siya’y Nagbangon!,” Liahona, Mayo 2010, 89). Ano ang kahulugan ng mga salitang ito sa iyo at sa inyong pamilya?

Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21.Habang binabasa ng inyong pamilya ang mga kabanatang ito, pansinin ang mga taong nakaugnayan ni Jesus sa bawat kuwento. Halimbawa, ano ang hinahangaan mo tungkol sa mga taong bumisita sa libingan ng Tagapagligtas? Ano ang natututuhan mo mula sa mga salita o kilos ng mga Apostol o mula sa mga disipulo sa daan patungong Emaus?

Isiping sama-samang kantahin ang “Si Jesus Ba ay Nagbangon?” (Aklat ng mga Awit Pambata, 45). Pag-usapan ang isang taong kilala ng inyong pamilya na pumanaw na, at talakayin kung paano nagdudulot ng aliw ang mga katotohanan sa awiting ito.

si Jesus na naglalakad na may kasamang dalawang lalaki sa daan

Road to Emmaus [Daan Patungong Emaus], ni Wendy Keller

Mateo 28:16–20; Marcos 16:14–20; Lucas 24:44–53.Sa mga talatang ito, ano ang ipinagagawa ni Jesus sa Kanyang mga Apostol? Paano tayo makakatulong na maisakatuparan ang gawaing ito? Maaaring magbahagi ang mga miyembro ng pamilya ng mga karanasan kung kailan nadama nila na “gumagawang kasama nila ang Panginoon” upang isakatuparan ang Kanyang mga layunin (Marcos 16:20).

Juan 21:15–17.Isiping basahin ang mga talatang ito habang sabay-sabay kayong kumakain. Makapagdaragdag ito ng kaunting kahulugan sa mga salita ng Tagapagligtas na “pakainin mo ang aking mga tupa.” Batay sa itinuro ni Jesus tungkol sa mga tupa sa Bagong Tipan (tingnan, halimbawa, sa Mateo 9:35–36; 10:5–6; 25:31–46; Lucas 15:4–7; Juan 10:1–16), bakit mabuting paraan ang pagpapakain sa mga tupa para ilarawan ang paglilingkod sa mga anak ng Diyos? Ano ang itinuturo ng analohiyang ito tungkol sa damdamin ng Ama sa Langit at ni Jesus tungkol sa atin?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Si Jesus ba ay Nagbangon?,” Aklat ng mga Awit Pambata, 45.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Gumamit ng musika upang anyayahan ang Espiritu at matutuhan ang doktrina. Ang pakikinig sa o pagkanta ng mga himnong tulad ng “Siya’y Nabuhay!” (Mga Himno, blg. 119) ay maaaring mag-anyaya sa Espiritu at makatulong sa iyo na matuto tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas.

babaeng nakakita sa nagbangong si Cristo sa tabi ng libingan

The Resurrected Christ [Ang Nabuhay na Mag-uling si Cristo], ni Walter Rane