“Hulyo 10–16. Mga Gawa 6–9: ‘Ano ang Nais Ninyong Ipagawa sa Akin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Hulyo 10–16. Mga Gawa 6–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023
Hulyo 10–16
Mga Gawa 6–9
“Ano ang Nais Ninyong Ipagawa sa Akin?”
Magsimula sa pagbabasa ng Mga Gawa 6–9. Matutulungan ka ng mga mungkahi sa outline na ito na tukuyin ang ilan sa mahahalagang alituntuning nasa mga kabanatang ito, bagama’t maaari kang makahanap ng iba pa sa sarili mong pag-aaral.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Kung mayroon mang tila hindi magbabalik-loob, malamang ay si Saulo iyon—isang Fariseo na may reputasyon sa pang-uusig sa mga Kristiyano. Kaya nang sabihin ng Panginoon sa isang disipulong nagngangalang Ananias na hanapin si Saulo at alukin siya ng basbas, natural lang na nag-alangan si Ananias. “Panginoon,” wika niya, “nabalitaan ko mula sa marami ang tungkol sa lalaking ito, kung gaano katindi ang kasamaang ginawa niya sa iyong mga banal” (Mga Gawa 9:13). Ngunit batid ng Panginoon ang puso ni Saulo at ang kanyang potensyal, at may nasasaisip Siyang misyon para kay Saulo: “siya’y isang kasangkapang pinili ko upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Gentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel” (Mga Gawa 9:15). Kaya’t sumunod si Ananias, at nang matagpuan niya ang dating mang-uusig na ito, tinawag niya itong “Kapatid na Saulo” (Mga Gawa 9:17). Kung nakaya ni Saulo na lubusang magbago at nakaya ni Ananias na malaya siyang tanggapin, dapat ba nating isipin na malamang na hindi magbago ang kahit sino—pati na tayo mismo?
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Ang puso ko ay kailangang maging “matuwid sa harapan ng Diyos.”
Ang lumalagong Simbahan ay nangangahulugan ng lumalaking pangangailangang maglingkod ang mga disipulo sa kaharian. Ayon sa Mga Gawa 6:1–5, anong mga katangian ang hinahanap ng Labindalawang Apostol sa mga taong makakasama nilang maglingkod? Habang binabasa mo ang Mga Gawa 6–8, pansinin kung paano namalas ang mga katangiang ito, at ang iba pa, sa mga taong tulad nina Esteban at Felipe. Ano ang kulang kay Simon, at ano ang matututuhan natin mula sa kanya tungkol sa kahandaang magbago?
Mayroon bang anumang bagay na nahihikayat kang baguhin para matiyak na ang puso mo ay “matuwid sa harapan ng Diyos”? (Mga Gawa 8:21–22). Paano ka mapagpapala sa paggawa ng pagbabagong ito habang naglilingkod ka sa Diyos?
Ang paglaban sa Espiritu Santo ay maaaring humantong sa hindi pagtanggap sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga lingkod.
Ang mga pinunong Judio ang responsable sa paghahanda sa mga tao para sa pagdating ng Mesiyas. Subalit bigo silang makilala ang Mesiyas at hindi nila Siya tinanggap. Paano ito nangyari? Bahagi ng sagot ay matatagpuan sa mga salita ni Esteban: “Kayo’y laging [lumalaban] sa Espiritu Santo” (Mga Gawa 7:51). Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng paglabang ito sa Espiritu Santo? Bakit humahantong ang paglaban sa Espiritu Santo sa hindi pagtanggap sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga lingkod?
Habang binabasa mo ang Mga Gawa 6–7, alamin ang iba pang mga mensaheng itinuro ni Esteban sa mga Judio. Laban sa anong mga saloobin ang kanyang mga babala? May napapansin ka bang anumang katulad na mga saloobin sa sarili mo? Ano ang itinuturo sa iyo ng mga salita ni Esteban tungkol sa mga kahihinatnan ng paglaban sa Espiritu Santo? Paano ka magiging mas sensitibo at tumutugon sa mga paramdam ng Espiritu Santo sa buhay mo?
Tutulungan ako ng Espiritu Santo na gabayan ang iba patungo kay Jesucristo.
Ano ang natututuhan mo tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo mula sa salaysay sa Mga Gawa 8:26–39? Paano tinulungan ng Espiritu Santo si Felipe? Paano parang katulad ng pagiging gabay ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba? (tingnan sa Mga Gawa 8:31).
Sinabi ni Elder Ulisses Soares na ang salaysay na ito “ay isang paalala tungkol sa banal na utos sa ating lahat na hangaring matutuhan at ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo sa isa’t isa. … Tayo kung minsan ay tulad ng mga taga-Ethiopia—kailangan natin ang tulong ng isang tapat at inspiradong guro; at kung minsan ay tulad din tayo ni Felipe—kailangan nating turuan at palakasin ang iba sa kanilang pagbabalik-loob” (“Paano Ako Makauunawa?,” Liahona, Mayo 2019, 6). Isiping basahin ang natitirang bahagi ng mensahe ni Elder Soares at pagnilayan kung paano ka matutulungan ng Espiritu Santo na maging mas mabuting mag-aaral at guro ng ebanghelyo.
Kapag nagpapasakop ako sa kalooban ng Panginoon, maaari akong maging kasangkapan sa Kanyang mga kamay.
Ang pagbabalik-loob ni Saulo ay tila ba biglaan; nagbago siya mula sa pagbibilanggo sa mga Kristiyano tungo sa pangangaral tungkol kay Cristo sa mga sinagoga. Habang binabasa mo ang kuwento tungkol sa kanya, pagnilayan kung bakit siya naging handang-handang magbago. (Para mabasa ang sariling paliwanag ni Saulo tungkol sa kanyang pagbabalik-loob, tingnan sa Mga Gawa 22:1–16 at 26:9–18. Pansinin na sa mga salaysay na ito, ang pangalan ni Saulo ay Pablo [tingnan sa Mga Gawa 13:9].)
Bagama’t totoo na pambihira ang karanasan ni Saulo—para sa karamihan, ang pagbabalik-loob ay isang mas mahabang proseso—mayroon ka bang anumang matututuhan mula kay Saulo tungkol sa pagbabalik-loob? Ano ang natututuhan mo sa paraan ng pagtugon ni Ananias at ng iba pang mga disipulo sa pagbabalik-loob ni Saulo? Ano ang gagawin mo para maipamuhay ang mga aral na ito? Maaari kang magsimula sa pagtatanong sa panalangin, tulad ng ginawa ni Saulo, “Ano ang nais ninyong ipagawa sa akin?”
Habang binabasa mo ang Mga Gawa 9:36–42, isipin kung paano naging kasangkapan si Tabita sa mga kamay ng Diyos. Ano sa kanyang halimbawa ang nagbibigay-inspirasyon sa iyo?
Tingnan din sa Dieter F. Uchtdorf, “Paghihintay sa Daan Patungong Damasco,” Liahona, Mayo 2011, 70–77.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Mga Gawa 6:8; 7:51–60.Ikumpara ang mga salaysay tungkol kay Esteban sa Mga Gawa 6:8 at Mga Gawa 7:51–60 sa mga salaysay tungkol sa Tagapagligtas sa Lucas 23:1–46. Paano sinunod ni Esteban ang halimbawa ng Tagapagligtas?
-
Mga Gawa 7:51–60.Paano pinagpala ng Espiritu Santo si Esteban noong siya ay pinag-uusig? Kailan tayo nakatanggap ng kalakasan mula sa Espiritu Santo sa mahihirap na panahon?
-
Mga Gawa 9:5.Ang matulis ay isang matalim na sibat na ginagamit noon para itaboy ang mga hayop. Kadalasan ang mga hayop ay sumisikad kapag natutusok, na nagiging dahilan para lalong bumaon ang sibat sa laman ng hayop. Paano naaangkop sa atin kung minsan ang analohiyang ito? Ano ang magagawa natin para mas makatanggap ng pagwawasto mula sa Tagapagligtas?
-
Mga Gawa 9:32–43.Isiping anyayahan ang mga miyembro ng inyong pamilya na gumuhit ng mga larawan tungkol sa mga kuwento sa Mga Gawa 9:32–43. Ano ang natututuhan natin tungkol sa tunay na pagkadisipulo mula sa mga kuwentong ito? Paano matutulungan ng isang taong “puspos ng mabubuting gawa,” tulad ni Tabita, ang iba na maniwala sa Panginoon? (tingnan sa Mga Gawa 9:36; “Kabanata 60: Muling Binuhay ni Pedro si Tabita” (sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 156–57).
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing himno: “Tutungo Ako Saanman,” Mga Himno, blg. 171.