“Hulyo 17–23. Mga Gawa 10–15: ‘Ang Salita ng Diyos ay Patuloy na Lumago at Lumaganap,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Hulyo 17–23. Mga Gawa 10–15,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023
Hulyo 17–23
Mga Gawa 10–15
“Ang Salita ng Diyos ay Patuloy na Lumago at Lumaganap”
Basahing mabuti ang Mga Gawa 10–15, na binibigyan ng panahon ang Espiritu na gabayan ka sa mga kaisipan at damdamin. Ano ang matututuhan mo sa mga kabanatang ito?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Noong Kanyang mortal na ministeryo, madalas hamunin ni Jesucristo ang matatagal nang tradisyon at paniniwala ng mga tao. Hindi ito tumigil matapos Siyang umakyat sa langit, nang patuloy Niyang gabayan ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag. Halimbawa, noong nabubuhay pa si Jesus ipinangaral lamang ng Kanyang mga disipulo ang ebanghelyo sa kapwa nila mga Judio. Ngunit agad-agad pagkamatay ng Tagapagligtas at naging pinuno si Pedro ng Simbahan sa lupa, inihayag ni Jesucristo kay Pedro na oras na para ipangaral ang ebanghelyo sa mga hindi Judio. Ang ideyang ibahagi ang ebanghelyo sa mga Gentil ay tila hindi nakakagulat ngayon, kaya ano ang aral sa salaysay na ito para sa atin? Marahil ang isang aral ay na kapwa sa sinauna at makabagong Simbahan, ginagabayan ng mapagmahal na Tagapagligtas ang Kanyang hinirang na mga pinuno (tingnan sa Amos 3:7; Doktrina at mga Tipan 1:38). Ang patuloy na paghahayag ay isang mahalagang tanda ng tunay at buhay na Simbahan ni Jesucristo. Tulad ni Pedro, kailangang maging handa tayong tumanggap ng patuloy na paghahayag at mamuhay “ayon sa bawat salita ng Diyos” (Lucas 4:4), kabilang na ang “lahat ng [Kanyang naihayag], ang lahat na Kanyang [inihahayag] ngayon” at ang “maraming dakila at mahahalagang bagay” na ihahayag pa Niya “hinggil sa kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
“Walang kinikilingan ang Diyos.”
Sa loob ng maraming henerasyon, naniwala ang mga Judio na ang pagiging “binhi ni Abraham” o literal na inapo ni Abraham, ay nangangahulugan na ang isang tao ay tinanggap at hinirang ng Diyos (tingnan sa Lucas 3:8). Itinuring nila ang lahat ng iba pa na “maruming” Gentil na hindi tanggap ng Diyos. Sa Mga Gawa 10, ano ang itinuro ng Panginoon kay Pedro kung sino ang “kalugud-lugod sa kanya”? (Mga Gawa 10:35). Anong katibayan ang nakita mo sa kabanatang ito na ang buhay ni Cornelio ay naging katanggap-tanggap sa Panginoon? Pagnilayan kung ano ang kahulugan ng pahayag na “Walang kinikilingan ang Diyos” (talata 34; tingnan din sa 1 Nephi 17:35). Bakit mahalaga sa iyo na malaman ang katotohanang ito?
Tulad ng mga Judio na mababa ang tingin sa mga taong hindi binhi ni Abraham, nahuhuli mo ba ang sarili mo na nanghuhusga ng hindi mabuti o may mga maling akala tungkol sa isang taong naiiba sa iyo? Paano mo maaalis ang tendensiyang ito? Maaaring nakakatuwang subukan ang isang simpleng aktibidad sa susunod na ilang araw: Sa tuwing may makakaugnayan ka, subukang isipin sa sarili mo na, “Ang taong ito ay anak ng Diyos.” Sa paggawa mo nito, anong mga pagbabago ang napapansin mo sa paraan ng iyong pag-iisip tungkol sa at pakikipag-ugnayan sa iba?
Tingnan din sa 1 Samuel 16:7; 2 Nephi 26:13, 33; Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 92–95.
Tinuturuan ako ng Ama sa Langit nang taludtod sa taludtod sa pamamagitan ng paghahayag.
Nang makita ni Pedro ang pangitaing nakalarawan sa Mga Gawa 10, nahirapan siya noong una na maunawaan ito at “[naguluhan] … sa kanyang sarili, kung ano ang kahulugan [nito]” (talata 17). Subalit binigyan ng Panginoon si Pedro ng mas malawak na pang-unawa nang hangarin ito ni Pedro. Habang binabasa mo ang Mga Gawa 10, 11, at 15, pansinin kung paano lumalim ang pang-unawa ni Pedro sa kanyang pangitain sa paglipas ng panahon. Paano ka naghangad at nakatanggap ng mas malawak na pang-unawa mula sa Diyos nang magkaroon ka ng mga katanungan?
Ang Mga Gawa 10, 11, at 15 ay gumugunita sa mga pagkakataon na inutusan ng Panginoon ang Kanyang mga lingkod sa pamamagitan ng paghahayag. Maaaring makatulong na itala ang natututuhan mo tungkol sa paghahayag habang binabasa mo ang mga kabanatang ito. Sa anong mga paraan nangungusap sa iyo ang Espiritu?
Tingnan din sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Paghahayag,” topics.ChurchofJesusChrist.org; Quentin L. Cook, “Ang Pagpapala ng Patuloy na Paghahayag sa mga Propeta at Personal na Paghahayag Upang Gabayan ang Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2020, 96–100.
Kristiyano ako dahil naniniwala at sumusunod ako kay Jesucristo.
Ano ang kabuluhan ng matawag na Kristiyano ang isang tao? (tingnan sa Mga Gawa 11:26). Ano ang kahulugan sa iyo ng makilala kang isang Kristiyano? Isipin ang kahalagahan ng mga pangalan. Halimbawa, ano ang kabuluhan sa iyo ng apelyido mo? Bakit mahalaga sa iyo ang pangalan ng Simbahan? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 115:4). Ano ang kahulugan sa iyo ng taglayin sa iyong sarili ang pangalan ni Jesucristo sa pamamagitan ng tipan? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77).
Tingnan din sa Mosias 5:7–15; Alma 46:13–15; 3 Nephi 27:3–8; Russell M. Nelson, “Ang Tamang Pangalan ng Simbahan,” Liahona, Nob. 2018, 87–90.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Mga Gawa 10:17, 20.Nagkaroon na ba tayo ng mga espirituwal na karanasan at kalaunan ay pinagdudahan natin ang ating nadama o natutuhan? Anong payo ang maibibigay natin sa isa’t isa na maaaring makatulong sa atin na madaig ang ating mga pagdududa? (Tingnan sa Neil L. Andersen, “Mga Alaala na Espirituwal na Nagpapatibay,” Liahona, Mayo 2020, 18–22.)
-
Mga Gawa 10:34–35.Paano mo maituturo sa inyong pamilya na “walang kinikilingan ang Diyos”? (Mga Gawa 10:34). Marahil ay maaari kang magdispley ng mga larawan ng mga tao na iba’t iba ang pinagmulan at kultura habang binabasa ng inyong pamilya ang mga talatang ito. Paano dapat maimpluwensyahan ng mga katotohanan sa mga talatang ito ang ating mga kilos? (tingnan, halimbawa, sa “Palaging Sasamahan Ka” [Aklat ng mga Awit Pambata, 78–79]).
-
Mga Gawa 12:1–17.Maaaring isadula ng inyong pamilya ang salaysay tungkol sa pagkabilanggo ni Pedro at sa pagtitipon at pagdarasal ng mga miyembro ng Simbahan para sa kanya. Kailan tayo napagpala ng pagdarasal? Mayroon bang isang tao na nahihikayat tayong ipagdasal, tulad ng isang pinuno ng Simbahan o mahal sa buhay? Ano ang ibig sabihin ng manalangin nang “taimtim”? (Mga Gawa 12:5; tingnan din sa Alma 34:27).
-
Mga Gawa 14.Habang sama-sama ninyong binabasa ang kabanatang ito, maaaring itala ng ilang miyembro ng pamilya ang mga pagpapalang dumating sa mga disipulo at sa Simbahan. Maaaring mapansin ng iba pang mga miyembro ng pamilya ang oposisyon o mga pagsubok na dinanas ng mga disipulo. Bakit tinutulutan ng Diyos na mangyari ang mahihirap na bagay sa mabubuting tao?
-
Mga Gawa 15:1–21.Inilalarawan sa mga talatang ito ang isang pagtatalo sa Simbahan kung kailangan bang sundin ng mga convert ang batas ni Moises, pati na ang pagtutuli. Ano ang ginawa ng mga Apostol tungkol sa pagtatalong ito? Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawang ito kung paano pinamamahalaan ng mga pinuno ng Simbahan ang gawain ng Simbahan?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Palaging Sasamahan Ka,” Aklat ng mga Awit Pambata, 78–79.