“Hulyo 3–9. Mga Gawa 1–5: ‘Kayo’y Magiging mga Saksi Ko,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Hulyo 3–9. Mga Gawa 1–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023
Hulyo 3–9
Mga Gawa 1–5
“Kayo’y Magiging mga Saksi Ko”
Habang pinag-aaralan mo ang Mga Gawa 1–5, mabibigyang-inspirasyon ka ng Espiritu Santo na mahanap ang mga katotohanang may kaugnayan sa buhay mo. Tandaan ang mga talata na nagpahanga sa iyo, at humanap ng mga pagkakataon para maibahagi ang natututuhan mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Naisip mo na ba kung ano ang maaaring naiisip at nadarama ni Pedro habang siya, kasama ang iba pang mga Apostol, ay “nakatitig … sa langit” nang umakyat si Jesus sa langit patungo sa Kanyang Ama? (Mga Gawa 1:10). Ang Simbahang itinatag ng Anak ng Diyos ay nasa pangangalaga ngayon ni Pedro. Ang tungkuling pamunuan ang pagsisikap na “gawin[g] alagad ang lahat ng mga bansa” ay nasa kanya na (Mateo 28:19). Ngunit kung nakadama siya ng kakulangan o takot, wala tayong nakikitang anumang katibayan niyon sa aklat na Mga Gawa. Ang nakikita natin ay mga halimbawa ng walang takot na patotoo at pagbabalik-loob, mahimalang mga pagpapagaling, espirituwal na mga pagpapakita, at malaking paglago ng Simbahan. Ito pa rin ang Simbahan ng Tagapagligtas na pinamumunuan pa rin Niya. Sa katunayan, ang aklat na Mga Gawa ng mga Apostol ay maaari ding tawaging Mga Gawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang mga Apostol. Ginabayan ng pagbuhos ng Espiritu, si Pedro ay hindi na ang mangmang na mangingisdang natagpuan ni Jesus sa dalampasigan ng Dagat ng Galilea. Ni hindi na siya ang taong balisa na ilang linggo pa lang ang nakalipas ay mapait ang pagtangis dahil naitatwa niya na kilala nga niya si Jesus ng Nazaret.
Sa aklat na Mga Gawa, mababasa mo ang makapangyarihang mga pahayag tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Makikita mo rin kung paano mababago ng ebanghelyo ang mga tao—pati na ikaw—na maging magigiting na disipulo na batid ng Diyos na kaya nilang maging.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Mga Gawa 1:1–8, 15–26; 2:1–42; 4:1–13, 31–33
Pinapatnubayan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Nakatala sa aklat na Mga Gawa ang mga pagsisikap ng mga Apostol na itatag ang Simbahan ni Jesucristo matapos ang Pag-akyat sa Langit ng Tagapagligtas. Bagama’t wala na si Jesucristo sa lupa, pinatnubayan Niya ang Simbahan sa paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isipin kung paano ginabayan ng Espiritu Santo ang mga bagong pinuno ng Simbahan ni Cristo habang pinag-aaralan mo ang sumusunod na mga talata: Mga Gawa 1:1–8, 15–26; 2:1–42; 4:1–13, 31–33.
Bilang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo ngayon, bawat isa sa atin ay may responsibilidad na makibahagi sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan—na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo, pangalagaan ang mga nangangailangan, anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo, at pagkaisahin ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 1.2). Ano ang natututuhan mo mula sa mga naunang Apostol na ito kung paano ka makakaasa sa Espiritu Santo na gabayan ang iyong mga pagsisikap?
Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Espiritu Santo.”
Ang mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ay tinutulungan akong lumapit kay Cristo.
Nadama mo na ba na “nasaktan ang [iyong] puso,” tulad ng mga Judio noong araw ng Pentecostes? (Mga Gawa 2:37). Baka mayroon kang ginawa na pinagsisisihan mo, o baka gusto mo lang baguhin ang buhay mo. Ano ang dapat mong gawin kapag ganito ang pakiramdam mo? Ang payo ni Pedro sa mga Judio ay matatagpuan sa Mga Gawa 2:38. Pansinin kung paano naapektuhan ng mga unang alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo (kabilang na ang pananampalataya, pagsisisi, binyag, at kaloob na Espiritu Santo—o ang tinutukoy kung minsan na doktrina ni Cristo) ang mga convert na ito, tulad ng nakatala sa Mga Gawa 2:37–47.
Maaaring nabinyagan ka na at natanggap mo na ang kaloob na Espiritu Santo, kaya paano mo patuloy na ipinamumuhay ang doktrina ni Cristo? Isipin ang mga salitang ito mula kay Elder Dale G. Renlund: “Maaari tayong maging sakdal kung paulit-ulit at palagi tayong … nananampalataya [kay Cristo], nagsisisi, nakikibahagi ng sakramento para panibaguhin ang ating mga tipan at pagpapala ng binyag, at tumatanggap ng Espiritu Santo upang makasama natin nang mas palagian. Kapag ginawa natin ito, higit tayong nagiging katulad ni Cristo at nakakatiis hanggang wakas, [kasama ang lahat ng kinakailangan nito]” (“Patuloy na Nagsisikap ang mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Mayo 2015, 56).
Ano ang “mga panahon ng kaginhawahan” at “mga panahon ng pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay”?
Ang “mga panahon ng kaginhawahan” ay tumutukoy sa Milenyo, kung kailan babalik si Jesucristo sa lupa. Ang “mga panahon ng pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay” ay tumutukoy sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo, na naghahanda sa mundo para sa Milenyo.
Ang mga disipulo ni Jesucristo ay binigyan ng kapangyarihang magsagawa ng mga himala sa Kanyang pangalan.
Ang lalaking pilay ay umasang tumanggap ng pera mula sa mga taong nagpunta sa templo. Ngunit mas malaki ang inialok sa kanya ng mga lingkod ng Panginoon. Habang binabasa mo ang Mga Gawa 3; 4:1–31 at 5:12–42, isipin kung paano naapektuhan ng sumunod na himala ang mga taong ito:
-
Ang lalaking pilay
-
Pedro at Juan
-
Ang mga saksi na nasa templo
-
Ang mga mataas na saserdote at pinuno
-
Iba pang mga Banal
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Mga Gawa 1:21–26.Ang pagbasa sa Mga Gawa 1:21–26 ay makakatulong sa inyong pamilya na talakayin ang mga pagpapalang nagmumula sa pagkakaroon ng mga Apostol sa lupa ngayon. Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng pamilya kung paano sila nagtamo ng patotoo na ang mga apostol at propeta ngayon ay tinawag ng Diyos. Bakit mahalagang magkaroon ng patotoong ito?
-
Mga Gawa 2:37.Ano ang ibig sabihin ng pariralang “nasaktan ang kanilang puso”? Kailan tayo nakadama ng isang bagay na katulad nito? Bakit mahalagang sabihin ang, “Ano ang gagawin natin?” kapag ganito ang pakiramdam natin?
-
Mga Gawa 3:1–10.Maaaring masiyahan ang inyong pamilya sa pagsasadula ng salaysay sa mga talatang ito. Paano napagpala ang lalaki sa templo sa ibang paraan kaysa inaasahan niya? Paano natin nakitang dumating ang mga pagpapala ng Ama sa Langit sa atin sa mga paraang hindi natin inaasahan?
-
Mga Gawa 3:12–26; 4:1–21; 5:12–42.Ano ang hinahangaan mo tungkol sa katapatan nina Pedro at Juan? Paano tayo magiging matapang sa ating patotoo kay Jesucristo? Isiping tulungang magpraktis ang mas maliliit na bata sa pagbabahagi ng kanilang patotoo.
-
Mga Gawa 4:31–5:4.Paano natin matutulungan ang ating pamilya, ward, o komunidad na maging higit na katulad ng inilarawan sa Mga Gawa 4:31–37? Ano ang ibig sabihin ng “may pagkakaisa sa puso at kaluluwa”? Sa anong mga paraan natin “itinago … ang ilang bahagi” ng ating kontribusyon kung minsan? Bakit parang “[pagsi]sinungaling sa Diyos” ang paggawa niyon? (Mga Gawa 5:2, 4). Paano tayo espirituwal na naaapektuhan ng kawalang-katapatan?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing himno: “Banal na Espiritu,” Mga Himno, blg. 85.