“Hulyo 3–9. Mga Gawa 1–5: ‘Kayo’y Magiging mga Saksi Ko’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Hulyo 3–9. Mga Gawa 1–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Hulyo 3–9
Mga Gawa 1–5
“Kayo’y Magiging mga Saksi Ko”
Simulan ang iyong paghahanda sa pamamagitan ng pagbasa ng Mga Gawa 1–5. Mapanalanging hangarin na maunawaan ang mga pangangailangan ng mga batang tinuturuan mo. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at ang outline na ito ay makakatulong din sa iyo.
Mag-anyayang Magbahagi
Isulat ang Sino ako? sa pisara. Magbigay ng ilang pahayag tungkol kay Pedro at tanungin ang mga bata kung sino ang tinutukoy sa mga pahayag. Ano pa ang alam nila tungkol kay Pedro?
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Pinamumunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng mga propeta at apostol.
Ang pag-aaral kung paano pinamunuan ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan noong unang panahon sa pamamagitan ng mga apostol ay makakatulong sa mga bata na magkaroon ng patotoo tungkol sa mga propeta at apostol sa ating panahon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita ang buong-pahinang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Tanungin ang mga bata kung bakit kaya nakatingala ang mga tao sa langit. Ibuod ang kuwento mula sa Mga Gawa 1:1–11. (Tingnan din sa “Kabanata 55: Pinamunuan ng mga Apostol ang Simbahan,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 145–47.) Ipahawak sa isang bata ang larawan ng mga Apostol sa kasalukuyan. Sino ang tumutulong kay Jesucristo na pamunuan ang Simbahan kapag wala Siya sa lupa?
-
Maglaro ng pagtutugma gamit ang dalawang set ng mga larawan ng mga buhay na Unang Panguluhan at Labindalawang Apostol. Kapag may napagtugma, sabihin ang pangalan ng Apostol o Pangulo at magbahagi ng isang bagay tungkol sa kanya.
-
Sa likod ng larawan ng Pangulo ng Simbahan, iteyp ang maliliit na larawan ng mga bagay na itinuturo niya, tulad ng Tagapagligtas, binyag, o templo. Bigyan ng pagkakataon ang bawat bata na tingnan ang isa sa mga larawan at sabihin sa klase na “Tinuturuan tayo ng propeta tungkol sa [paksang nasa larawan].” Magpatotoo na itinuturo sa atin ng mga propeta at apostol ang nais ni Jesus na malaman at gawin natin.
Maaaring pagpalain ng Ama sa Langit ang iba sa pamamagitan ko.
Ano ang magagawa mo para matulungan ang mga bata na matukoy ang mga paraan na mapagpapala nila ang mga nakapaligid sa kanila? Tulungan silang matuto mula sa halimbawa ng pagpapagaling nina Pedro at Juan sa lalaking lumpo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na gumawa ng mga galaw na babagay sa kuwento sa Mga Gawa 3:1–10, gaya ng pagsahod ng kanilang mga kamay para humingi ng pera at paglukso sa tuwa. Paano pinagpala ng Ama sa Langit ang lalaking hindi makalakad?
-
Magdala ng isang bag na may mga larawang kumakatawan sa mga paraan na mapagpapala at mapaglilingkuran natin ang iba. Hilingin sa mga bata na isa-isang pumili ng mga larawan mula sa bag at magbahagi kung paano nila mapagpapala ang iba sa gayong paraan.
-
Hilingin sa mga bata na magbahagi ng isang pagkakataon na tinulungan nila ang isang tao.
Kaya kong maging matapat.
Ibinahagi ng mga naunang Kristiyano kung ano ang mayroon sila para makatulong na mapangalagaan ang isa’t isa. Ibinenta ng mga may-ari ang kanilang lupa at ibinigay nila ang pera sa mga Apostol na namahagi nito sa mga Banal ayon sa kanilang mga pangangailangan. Sina Ananias at Safira ay hindi naging tapat sa kanilang kontribusyon, sa pag-aakalang maaari nilang dayain ang mga lingkod ng Panginoon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na isadula ang kuwento nina Ananias at Safira. Ipaliwanag na kahit hindi tayo mamamatay kapag nagsinungaling tayo, ipinapakita ng kuwentong ito kung gaano kahalaga sa Ama sa Langit ang maging matapat.
-
Ipaunawa sa mga bata na bahagi ng pagiging matapat ang palaging pagsasabi ng totoo at hindi pagkuha ng mga bagay na pag-aari ng ibang tao.
-
Gumamit ng mga puppet na gawa sa paper bag para isadula ang mga simpleng sitwasyon kung saan ang isang tao ay matapat o di-matapat. Patayuin ang mga bata kung ang tao ay matapat o paupuin sila sa sahig kung ang tao ay di-matapat. Ipaunawa sa mga bata kung bakit mahalagang maging matapat.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Pinamumunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng mga propeta at apostol.
Paano mo maipapaunawa sa mga bata na ang Simbahan ng Tagapagligtas ngayon ay pinamumunuan ng mga propeta at apostol, tulad noong unang panahon?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat sa pisara ang Paano pinamumunuan ni Jesucristo ang Simbahan kapag wala Siya sa lupa? Hilingin sa mga bata na pakinggan ang mga sagot sa tanong habang binabasa mo ang mga salita ng Tagapagligtas sa mga Apostol sa Mga Gawa 1:8. Ipaunawa sa mga bata na pinili ni Jesus ang mga propeta at apostol na mamuno sa Simbahan ngayon, tulad ng ginawa Niya noong unang panahon.
-
Sama-samang basahin ang Mga Gawa 1:22–26. Bilang isang klase, tukuyin kung paano tumawag ng bagong Apostol ang mga Apostol.
-
Ilang araw bago magklase, hilingin sa isang bata at sa kanyang magulang na alamin ang tungkol sa isang bagong tawag na Apostol kamakailan (makakakita sila ng impormasyon tungkol sa mga Apostol sa “Korum ng Labindalawang Apostol,” SimbahanniJesucristo.org). Hilingin sa bata na ibahagi sa klase ang natutuhan niya at, kung maaari, ang sinabi ng Apostol tungkol sa kanyang tungkulin sa una nitong mensahe sa pangkalahatang kumperensya.
Pinatototohanan ng Espiritu Santo sa puso ko ang mga katotohanan ng ebanghelyo.
Kapag natututuhang kilalanin ng mga bata kung paano nangungusap sa kanila ang Espiritu Santo, mahihikayat silang makinig at kumilos ayon sa inspirasyong natatanggap nila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang Mga Gawa 2:36–37. Ano ang pakiramdam kapag may sinasabi ang Espiritu Santo sa ating puso?
-
Bilang isang klase, gumawa ng poster na may mga salitang Ano ang gagawin natin? sa itaas. Idispley ang poster bawat linggo, at magdagdag ng mga paraan na makakapamuhay ang mga bata ayon sa natututuhan nila sa lesson sa bawat linggo.
-
Hilingin sa mga bata na basahin ang Mga Gawa 2:41–47 at hanapin ang mabubuting bagay na ginawa ng mga tao matapos silang mabinyagan. Anong mabubuting bagay ang magagawa natin upang maipakita na nagpapasalamat tayo sa kaloob na Espiritu Santo na tinanggap natin noong bininyagan tayo?
Maaaring pagpalain ng Ama sa Langit ang iba sa pamamagitan ko.
Paano mo maituturo sa mga bata na mapagpapala nila ang iba, kahit wala silang “pilak at ginto”? (Mga Gawa 3:6). Paano mo sila matutulungan na makita ang mga oportunidad na maglingkod sa Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba? (tingnan sa Mosias 2:17).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipabasa sa isang bata ang Mga Gawa 3:1–10 habang isinasadula naman ng ibang mga bata ang kuwento. (Para sa tulong, tingnan ang “Kabanata 56: Pinagaling ni Pedro ang Isang Lalaki,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 148–49.) Sa anong paraan naging mas malaki ang pagpapalang natanggap ng lalaking ito kaysa sa perang hiningi niya?
-
Magpasa-pasa ng isang supot ng mga barya. Habang hawak ng mga bata ang supot, itanong sa kanila kung ano ang mabibili nila sa pera. Itanong sa mga bata kung ano ang kailangan nating ibigay sa iba na hindi nabibili ng pera. Hilingin sa kanilang ibahagi kung paano nila matutulungan ang iba na mas mapalapit sa Tagapagligtas—isang kaloob na hindi nangangailangan ng pera (Mga Gawa 3:6).
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na magplano ng isang paraan na mapaglilingkuran nila ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagtulong sa isang kapamilya sa linggong ito.