Bagong Tipan 2023
Hulyo 17–23. Mga Gawa 10–15: “Ang Salita ng Diyos ay Patuloy na Lumago at Lumaganap”


“Hulyo 17–23. Mga Gawa 10–15: ‘Ang Salita ng Diyos ay Patuloy na Lumago at Lumaganap’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Hulyo 17–23. Mga Gawa 10–15,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

Nakikipag-usap si Pedro kay Cornelio

Hulyo 17–23

Mga Gawa 10–15

“Ang Salita ng Diyos ay Patuloy na Lumago at Lumaganap”

Pag-aralan nang may panalangin ang Mga Gawa 10–15, na iniisip ang mga bata sa iyong klase. Ano ang mga nakita mo sa mga kabanatang ito na inspirado kang ituro sa mga bata?

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para maibahagi ng mga bata ang kanilang natututuhan at nararanasan, maaari mong hilingin sa kanila na magbahagi ng mga bagay na ginagawa nila para ipakita na naniniwala sila kay Jesucristo.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Mga Gawa 10:34–35

Mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang mga anak.

Ang isang pangunahing katotohanang mauunawaan kahit ng maliliit na bata ay ang katotohanan na ang lahat ay anak ng Diyos at na mahal Niya ang lahat ng Kanyang mga anak.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawang Si Cristo at ang mga Bata sa Buong Mundo (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 116) habang binabasa mo ang Mga Gawa 10:34–35. Ipaliwanag na noong panahon ni Pedro, naniwala ang ilang tao na ang mga pagpapala ng ebanghelyo ay hindi para sa lahat. Ngunit nalaman ni Pedro na mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak at nais Niyang matutuhan nilang lahat ang ebanghelyo.

  • Anyayahan ang mga bata na idrowing ang kanilang sarili. Habang ibinabahagi nila ang kanilang mga larawan, ibahagi ang isang bagay na gustung-gusto mo sa bawat bata. Ibahagi ang iyong patotoo na mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa kanila at ang lahat ng Kanyang mga anak, anuman ang kanilang hitsura o saan man sila nagmula.

  • Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa pagmamahal sa iba—tulad ng “Palaging Sasamahan Ka” (Aklat ng mga Awit Pambata, 78–79). Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga paraan na maipapakita nila ang pagmamahal sa lahat, tulad ng ginawa ni Jesus.

  • Isa-isang ituro ang bawat bata at sabihing, “Mahal ng Ama sa Langit si [pangalan].” Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagturo sa isa’t isa at pagsasabi ng katagang ito.

Mga Gawa 11:26

Ako’y isang Kristiyano dahil naniniwala at sumusunod ako kay Jesucristo.

Paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan ang ibig sabihin ng maging isang Kristiyano?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Mga Gawa 11:26 sa mga bata, at anyayahan silang tumayo kapag narinig nilang sinasabi mo ang salitang Kristiyano. Itanong sa kanila kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng maging Kristiyano. Ipaliwanag na ang isang taong naniniwala at sumusunod kay Jesucristo ay tinatawag na Kristiyano, kaya tayo’y mga Kristiyano.

  • Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa pagsunod kay Jesucristo, tulad ng “Ang Simbahan ni Jesucristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 48). Paano natin maipapakita na tayo ay mga tagasunod ni Jesucristo at kabilang sa Kanyang Simbahan? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na magagawa nila para masunod si Jesus sa tahanan, sa paaralan, at sa iba pang mga lugar.

babae at batang babaeng nagdarasal

Mahal tayo ng Ama sa Langit at sasagutin Niya ang ating mga dalangin.

Mga Gawa 12:1–17

Dinirinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang mga dalangin.

Ang salaysay ng pagpapalaya ng anghel kay Pedro mula sa bilangguan ay mabisang nagtuturo na sinasagot ng Ama sa Langit ang mga dalangin.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na isadula ang salaysay ng pagpapalaya kay Pedro mula sa bilangguan sa Mga Gawa 12:1–17 habang ibinubuod mo ang kuwento. Paano sinagot ng Ama sa Langit ang mga dalangin ng mga taong nagdarasal para kay Pedro?

  • Kumanta ng isang awitin tungkol sa panalangin—tulad ng, “Nakayuko” (Aklat ng mga Awit Pambata, 18)—at magmungkahi ng mga galaw na makakatulong sa mga bata na matutuhan kung paano manalangin. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga halimbawa ng mga bagay na mapapasalamatan nila sa Ama sa Langit at mahihiling sa Kanya sa panalangin.

  • Magpakita ng mga larawan ng mga taong nagdarasal (tingnan, halimbawa, sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 111–12) habang nagbabahagi ka ng isang karanasan kung kailan sinagot ng Ama sa Langit ang iyong mga dalangin.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Mga Gawa 10:34–35; 15:6–11

“Walang kinikilingan ang Diyos.”

Kailangang maunawaan ng mga batang tinuturuan mo na mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang mga anak, anuman ang hitsura nila, saan man sila nagmula, o ano mang mga pagpapasiya ang ginagawa nila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Itanong sa mga bata kung masasabi nila kung anong klaseng tao ang isang tao sa pagtingin lang sa kanila o paghula kung saan sila nagmula. Ayon sa Mga Gawa 10:35, paano nalalaman ng Diyos kung ang isang tao ay “kalugud-lugod sa kaniya”?

  • Basahin ang Mga Gawa 10:34–35; 15:6–11 sa mga bata. Ipaliwanag na noong panahon ni Pedro, naniwala ang mga Judio na hindi tinanggap ng Diyos ang mga taong hindi Judio (ang mga taong ito ay tinatawag noon na mga Gentil). Ngunit itinuro ng Diyos kay Pedro na mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak, kapwa mga Judio at Gentil. Sama-samang kantahin ang “Ako ay Anak ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3). Hilingin sa mga bata na palitan ng pangalan nila ang salitang ako.

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang bagay na natatangi tungkol sa isang tao sa klase. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pahayag na “Walang kinikilingan ang Diyos” ay mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang mga anak, at dahil mahal Niya sila, gusto Niyang marinig ng lahat ng Kanyang mga anak ang ebanghelyo.

Mga Gawa 11:26

Ang Kristiyano ay isang taong naniniwala at sumusunod kay Jesucristo.

Paano mo maipapaunawa sa mga bata na makikita sa kanilang mga salita at kilos na sila ay mga Kristiyano?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na basahin ang Mga Gawa 11:26; 3 Nephi 27:3–8; at Doktrina at mga Tipan 115:4. Isulat ang Kristiyano sa pisara at salungguhitan ang bahaging tumutukoy kay “Cristo.” Hilingin sa mga bata na ibahagi kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng maging Kristiyano.

  • Hilingin sa mga bata na ibahagi ang mga pangalan ng iba’t ibang grupo na kinabibilangan nila, tulad ng kanilang pamilya o bansa. Anyayahan silang ibahagi kung bakit sila nagpapasalamat na maging Kristiyano at makabilang sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Paano natin maipapakita sa iba na tayo’y mga Kristiyano?

  • Magdispley ng ilang bagay o larawan na kumakatawan sa mga katotohanang natatangi sa Simbahan ni Jesucristo, tulad ng larawan ng panunumbalik ng priesthood (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 93–94). Papiliin ang isang bata ng isa sa mga bagay o larawan at ipalarawan sa kanya kung paano ito naging pagpapala sa ating Simbahan. Ipaliwanag na bagama’t ang mga Kristiyano sa buong mundo ay kasapi sa maraming iba’t ibang simbahan, tayo’y kabilang sa mismong Simbahang itinatag ni Jesucristo sa lupa.

  • Anyayahan ang mga bata na isulat o idrowing ang mga bagay na magagawa nila para maging tunay na mga Kristiyano.

Mga Gawa 12:1–17

Kapag nagdarasal ako nang may pananampalataya, sasagot ang Ama sa Langit.

Pagnilayan ang mga pagkakataon na nasagot ng Ama sa Langit ang iyong mga dalangin. Paano mo magagamit ang mga karanasang ito para ituro sa mga bata na diringgin at sasagutin ang kanilang mga dalangin sa Kanyang sariling paraan at panahon?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na isadula ang kuwento tungkol sa pagpapalaya ng anghel kay Pedro mula sa bilangguan habang binabasa ng isa pang bata ang kuwento sa Mga Gawa 12:1–17.

  • Itanong sa mga bata kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng “taimtim na nanalangin” (Mga Gawa 12:5). Paano nasagot ang mga dalangin ng mga tao? Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan kung saan sinagot ng Ama sa Langit ang isang personal na panalangin o ang panalangin ng pamilya. Maaari ka ring magbahagi ng isang karanasan kung saan sinagot Niya ang iyong panalangin. Maaari mong isama ang mga karanasan kung saan dumating ang sagot sa di-inaasahang paraan. Magpatotoo na mahal tayo ng Diyos, at sasagutin Niya ang ating mga dalangin sa paraan at takdang panahong pinakamainam para sa atin.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hilingin sa mga bata na gumawa ng isang bagay na nagpapaalala sa kanila ng natutuhan nila ngayon araw, tulad ng isang paalala na manalangin.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magpatotoo tungkol sa mga ipinangakong pagpapala. Kapag inaanyayahan mo ang mga bata sa Primary na ipamuhay ang isang partikular na alituntunin, ibahagi ang mga pangakong ginawa ng Diyos sa mga sumusunod sa alituntuning iyon. Halimbawa, maaari kang magpatotoo sa mga pagpapalang natanggap mo nang manalangin ka nang may pananampalataya.