“Hulyo 10–16. Mga Gawa 6–9: ‘Ano ang Nais Ninyong Ipagawa sa Akin?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Hulyo 10–16. Mga Gawa 6–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Conversion on the Way to Damascus [Pagbabalik-loob Habang Papunta sa Damasco], ni Michelangelo Merisi da Caravaggio
Hulyo 10–16
Mga Gawa 6–9
“Ano ang Nais Ninyong Ipagawa sa Akin?”
Magsimula sa pagbasa ng Mga Gawa 6–9. Ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makakatulong sa iyo na maunawaan ang mga kabanatang ito. Maaaring iakma ang mga aktibidad para sa mas maliliit na bata sa outline na ito para sa nakatatandang mga bata, at vice versa.
Mag-anyayang Magbahagi
Isulat sa pisara ang mga pangalan ng ilan sa mga tao mula sa Mga Gawa 6–9, tulad nina Saulo, Esteban, at Tabita. Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang nalalaman nila tungkol sa mga kuwentong ito.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Masusunod ko si Jesucristo sa pamamagitan ng paninindigan sa tama.
Ano ang maaaring matutuhan ng mga bata mula kay Esteban tungkol sa pagiging mga alagad ni Jesucristo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na lumikha ng mga galaw para sa isang awitin tungkol sa pagpili ng tama, tulad ng “Ang Tama’y Ipaglaban” (Aklat ng mga Awit Pambata, 81). Gamitin ang Mga Gawa 7:51–60 para maituro sa mga bata kung paano nagturo si Esteban tungkol kay Jesucristo, kahit na nagalit nang husto ang mga pinunong Judio dahil dito (tingnan din sa “Kabanata 57: Pinatay ng Masasamang Tao si Esteban,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 150–51). Paano nanindigan si Esteban sa tama?
-
Bigyan ang mga bata ng ilang sitwasyon kung saan ang mga bata ay kailangang pumili sa pagitan ng tama o mali. Itanong sa mga bata kung ano ang gagawin nila para manindigan sa tama.
Hinihikayat ako ng Espiritu Santo na ibahagi ang ebanghelyo sa iba.
Sinunod ni Felipe ang mga pahiwatig ng Espiritu at tinulungan ang lalaking taga-Etiopia na nahihirapang unawain ang mga banal na kasulatan. Anong mga aral ang maituturo ng kuwentong ito sa mga batang tinuturuan mo?
Philip Teaching the Ethiopian [Tinuturuan ni Felipe ang Taga-Etiopia], ni Robert T. Barrett
Mga Posibleng Aktibidad
-
Kumuha ng dalawang upuan upang lumikha ng karwahe. Hilingin sa dalawang bata na umupo sa karwahe, ang isa ay kakatawan kay Felipe at ang isa naman ay sa lalaking taga-Etiopia. Pagkatapos ay isalaysay kung paano itinuro ni Felipe ang ebanghelyo sa lalaking mula sa Etiopia.
-
Magbahagi ng isang karanasan kung saan nadama mong sinabi sa iyo ng Espiritu Santo na ibahagi ang ebanghelyo sa isang tao. Magpatotoo na matutulungan tayo ng Espiritu Santo na sabihin sa iba ang tungkol kay Jesus.
Inaanyayahan ako ng Ama sa Langit na magsisi at magbago.
Nang sabihin ni Jesus kay Saulo na tumigil sa pang-uusig sa Simbahan ng Panginoon, agad na nagsisi si Saulo at nagbago. Paano matutulungan ng salaysay na ito ang mga batang tinuturuan mo na hangaring magbago kaagad kapag nagkakamali sila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibuod ang kuwento tungkol sa pagbabalik-loob ni Saulo, na matatagpuan sa Mga Gawa 9:1–20 (tingnan din sa “Kabanata 59: Nalaman ni Saulo ang Tungkol kay Jesus,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 154–55).
-
Pag-usapan ninyo ng mga bata ang tungkol sa mga bagay na nagbabago, tulad ng isang butete, na nagiging palaka, o isang caterpillar, na nagiging paruparo. Magpakita ng mga larawan, kung maaari. Paano nagbago si Saulo nang dalawin siya ni Jesucristo?
-
Magdrowing sa pisara ng isang sangang-daan. Hilingin sa mga bata na magbanggit ng mga lugar na gusto nilang bisitahin, at isulat ang mga ito sa itaas ng isang daan. Ano ang mangyayari kung pumunta tayo sa maling landas? Ihambing ang pagsisisi sa pagbalik sa tamang daan.
-
Hilingin sa mga bata na ulitin ang sinabi ni Saulo sa Panginoon: “Ano ang nais ninyong ipagawa sa akin?” (Mga Gawa 9:6). Ano ang nais ng Panginoon na gawin natin?
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ako ay magiging isang saksi ni Jesucristo.
Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na matuto mula sa halimbawa ng pagtayo ni Esteban bilang saksi ni Jesucristo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ninyo ng mga bata ang Mga Gawa 6:5–15 at 7:51–60. Ano ang naging daan para maging isang makapangyaring saksi ni Jesucristo si Esteban? Hilingin sa isa o mas marami pang mga bata na magkunwaring sila si Esteban at magbahagi kung bakit sila naniniwala kay Jesucristo.
-
Ipabasa sa mga bata ang Mga Gawa 6:3–10, na hinahanap ang mga katangian ni Esteban na tumulong sa kanya na lumago.
-
Hilingin sa mga bata na tulungan kang mag-isip ng mga sitwasyon kung saan sila makatatayo bilang mga saksi ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo. Tulungan silang isadula ang ilan sa mga sitwasyong ito. Hilingin sa mga bata na basahin ang Mosias 18:9. Ipaliwanag na ang pagiging saksi ni Jesucristo ay kasama sa mga pangakong ginagawa natin sa binyag.
Ang priesthood ay isang walang katumbas na kaloob mula sa Diyos.
Ikinakalat ni Satanas ang mensahe na nagdudulot sa atin ng kaligayahan ang mga materyal na bagay. Paano mo magagamit ang kuwento ni Simon para matulungan ang mga bata na pahalagahan ang mga espirituwal na bagay tulad ng priesthood at mga pagpapala nito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibuod ang kuwento ni Simon, na matatagpuan sa Mga Gawa 8:9–24 (tingnan din ang “Kabanata 58: Si Simon at ang Priesthood,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 152–53). Bakit hindi natin matatanggap ang priesthood sa pamamagitan ng pagbili nito? Paano talaga natatanggap ng isang tao ang awtoridad ng priesthood? (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5).
-
Magpakita ng mga larawan ng sakramento, isang templo (kumakatawan sa mga pagpapala ng templo), binyag, at iba pang mga pagpapalang natatanggap natin sa pamamagitan ng priesthood. Ipaliwanag na ang mga kaloob na ito ng Diyos ay hindi mabibili ng salapi. Bakit mas mahalaga ang mga ito kaysa anumang bagay na mabibili natin? Paano natin matatanggap ang mga pagpapalang ito?
Inaanyayahan ako ng Ama sa Langit na magsisi at magbago.
Nang sabihin ni Jesus kay Saulo na tumigil sa pang-uusig sa Simbahan ng Panginoon, agad na nagsisi si Saulo at nagbago. Paano matutulungan ng salaysay na ito ang mga batang tinuturuan mo na hangaring magbago kaagad kapag nagkakamali sila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na itupi ang isang papel sa gitna. Ipasulat sa kanila ang Bago sa isang hati at Pagkatapos sa isa pang hati. Basahin ninyo ng mga bata ang Mga Gawa 8:1–3; 9:1–2; at 9:17–22, at hilingin sa kanila na isulat ang mga salita o pariralang naglalarawan kay Saulo bago at pagkatapos niyang makita ang Panginoon.
-
Anyayahan ang isang miyembro ng ward na ibahagi ang kuwento ng kanyang pagbabalik-loob at kung paano nagbago ang kanyang buhay nang maging miyembro siya ng Simbahan, gaya ng pagbabago ng buhay ni Saulo.
-
Magdrowing ng isang “daan patungong Damasco” sa pisara. Hilingin sa mga bata na basahin ang Mga Gawa 9:6, 11, 18, 20–22, na hinahanap ang ginawa ni Saulo para magsisi at bumaling kay Cristo, at isulat ang mga ginawa niya sa daan. Ano ang matututuhan natin mula kay Saulo kung paano tayo magiging mas katulad ni Cristo?
-
Anyayahan ang mga bata na idrowing ang paborito nilang bahagi sa kuwento ng pagbabalik-loob ni Saulo at ipakita ang kanilang drowing sa klase.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na ikuwento sa kanilang pamilya ang tungkol sa kanilang paboritong aktibidad sa klase ngayon at kung ano ang natutuhan nila rito.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo
Tulungan ang mga bata na matuto mula sa mga banal na kasulatan. Maaaring hindi pa gaanong magaling magbasa ang mas maliliit na bata, ngunit maaari mo pa rin silang isali sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Halimbawa, maaari mong basahin ang isang sipi at anyayahan ang mga bata na tumayo o itaas ang kanilang kamay kapag narinig nila ang isang partikular na salita o parirala na nais mong pagtuunan ng pansin.